Resulta ng halalang Mayo 2010: Kumpirmasyon ng Marxistang Pagsusuri

Printer-friendly version

Ang pangunguna ni Benigno "Noynoy" Aquino III sa bilangan at ang pagkilala sa kanya ng mayoriya ng Kanan, Kaliwa, media at imperyalistang mga bansa laluna ng Amerika bilang "bagong" pangulo kahit wala pang opisyal na proklamasyon sa kanya ay patunay ng katumpakan ng marxistang pagsusuri sa halalang Mayo 2010.

Batay sa pagsusuri sa makauring tunggalian at balanse ng pwersa nakamit ng mga marxistang rebolusyonaryo sa Pilipinas ang sumusunod na analisis noon pang nakaraang taon:

1. Para sa naghaharing uri ang paksyong Arroyo at si Gloria mismo ay isa ng liability sa sistema. Kailangan na siyang palitan ng isang "popular" na pangulo mula sa burges na oposisyon.

2.  Kailangang matuloy ang eleksyon na magkaroon ng persepsyon sa publiko at internasyunal na komunidad na "mapayapa", "malinis" at "kapani-paniwala".

3. Sa kabila ng pangkalahatang interes ng naghaharing uri para sa "mapayapa", "malinis" at "kapani-paniwalang" halalan, hindi nito mapigilan at maitago ang marahas na tunggalian ng ibat-ibang paksyon ng mapang-aping uri para sa kapangyarihan.

Noong Hunyo 2009 sinabi ng mga rebolusyonaryong minorya ang sumusunod:

"Kung may nag-iisip man ng term extension ni Gloria (president o prime minister), ito ay ang kanyang mga sagad-saring alagad na lamang. Pero hindi ang buong naghaharing uri dahil para sa kanila, isa ng liability si Gloria sa kanilang paghahari. Katunayan, may mapagpipilian na ang naghaharing uri sa loob ng burges na oposisyon para uupo sa Malakanyang (Roxas, Villar, Lacson, Legarda, Escudero, etc). Kung sino man siya, ito ay walang halaga sa masang mahihirap dahil alam ng huli na ibayong kahirapan lamang ang mararanasan nito anumang paksyon ng burgesya ang uupo sa kapangyarihan."[1]

Ang burges na oposisyon at Kaliwa ng panahong ito ay humihiyaw na tila hindi matuloy ang eleksyon dahil ang plano ng paksyong Arroyo ay baguhin ang Konstitusyon bago ang kampanya ng eleksyon.

Ang kapasyahan ng mapagsamantalang uri na matuloy ang eleksyon at mahalal ang isang kandidato mula sa burges na oposisyon ay pinatunayan ng naging aktwal na resulta ng eleksyon. Ganito na ang pahayag ng mga komunista noong Hulyo 2009:

"Kung ang consensus ng karamihan ng naghaharing uri sa Pilipinas ang suriin, isa ng liability si Gloria bilang pangunahing tagapagtanggol ng kapitalistang estado. Sa kanyang termino bumilis at dumami ang nawawalan ng tiwala sa mga demokratikong mistipikasyon laluna sa usapin na walang kaibahan ang lahat ng politiko - administrasyon at oposisyon - at wala ng kabuluhan ang eleksyon.

Ito ang kinatatakutan ng lahat ng paksyon ng naghaharing uri: lubusang mawala ang tiwala ng masa sa demokratikong anyo ng diktadura ng burgesya, ang huli at pinaka-epektibong maskara ng estado para itaboy ang manggagawa at maralita sa rebolusyonaryong pakikibaka para sa sosyalismo."[2]

Noon pang Setyembre 2009 ay nakita na ng Internasyonalismo (seksyon ng Internasyunal na Komunistang Tunguhin sa Pilipinas) na isang "popular" na kandidato ang posibleng manalo sa katauhan ni Noynoy Aquino[3]:

"Ang tunguhing "populismo" ay parang swine flu na kumakalat sa lahat ng mga bansang nakaranas ng matinding kombulsyon, kahirapan at kabulukan ng estado."

"Natatakot ang burgesya na ang mga kilusang protesta at galit ng manggagawa at maralita laban sa walang solusyong krisis ng kapitalismo ay magbunga ng tuluyang pagkawala ng tiwala ng huli sa mga mistipikasyon ng demokrasya, eleksyon at nasyunalismo. At higit sa lahat ng lubusang pagkalantad sa harapan ng malawak na populasyon na walang kaibahan ang administrasyon at oposisyon."

"Ang burges na oposisyon at Kaliwa ang shabu na binibigay ng burgesya sa masa para patuloy itong maging "bangag" sa mga mistipikasyon na ang problema ay nasa pangangasiwa lamang sa estado; na ang problema ay ang paghahanap lamang ng "tama" at "matinong" tao na "aasahan" ng mamamayan para siyang mag-ahon sa kanila sa kahirapan."

Sa pananaw ng Internasyonalismo noong nakaraang taon pa ay nagtulong-tulong ang Kanan, Kaliwa, media at Simbahan para "piliin" ng taumbayan si Noynoy Aquino:

"Ang pagkamatay ni Cory Aquino, ang "icon of democracy" sa Pilipinas, na sinasaluduhan ng lahat ng paksyon ng burgesya, kabilang na ang "ultra-radikal" na CPP-NPA-NDF ay parang "hulog ng langit" sa buong naghaharing uri para epektibong mapatupad ang taktikang "populismo".

Nagtulungan ang media, burges na partido ng Kanan at Kaliwa at Simbahan na muling buhayin ang "diwa ng Edsa 86" na matagal na sanang ibinaon dahil sa mga krimen ng rehimeng Aquino noon sa masang manggagawa at maralita.

At tulad ng kanyang ina, na isang "reluctant candidate" noong 1986, si Senador Noynoy Aquino naman ngayon ay ganun din at napilitan lang diumano na tatakbo dahil sa "popular na kahilingan" ng taumbayan.

Eureka! Nakita na ba ng burgesyang Pilipino ang Barack Obama sa Pilipinas sa katauhan ni Noynoy?"

Noong Mayo 1, 2010 ay naglabas ang Internasyonalismo ng isang pahayag[4] na nanawagan sa manggagawang Pilipino at maralita na maghanda at labanan ang bagong pangulo ng kapitalistang gobyerno habang ang Kaliwa ay abala sa paggamit ng internasyunal na araw ng paggawa para sa kanilang elektoral na agenda at kontra-rebolusyonaryong linya.

Talyo, 5/23/2010



[1] ‘Usaping Cha-Cha: Usapin ng Burgesya Hindi ng Manggagawa' (https://fil.internationalism.org/node/98) Submitted by Internasyonalismo on Sat, 06/06/2009 - 05:03

[2] ‘Ika-9 na SONA ni Gloria para ba sa masa?' (https://fil.internationalism.org/node/104) Submitted by Internasyonalismo on Tue, 07/28/2009 - 05:09.

[3] ‘"Popular" na kandidato para ipagtanggol ang kapitalismo' (https://fil.internationalism.org/node/106) Submitted by Internasyonalismo on Wed, 09/16/2009 - 02:43.

[4] https://fil.internationalism.org/node/175

 

Site information: