Submitted by ICConline on
Introduksyon
"Ang tanong na kailangang mapagpasya nating sagutin ay:paano natin maibagsak ang kapitalismo, paano tayo kikilos sa layuning ito sa paraan na, sa buong proseso,manatiling kontrolado ng proletaryado?" (Interbensyon ng KAPD sa Ikatlong Kongreso ng Komunistang Internasyunal, 1921)
Ang usapin ng organisasyon ng kilusang manggagawa sa kanyang buong kasaysayan ay nagtulak ng mga teksto, diskusyon at pagkakaiba. Magunita natin, halimbawa, ang mga debate sa loob ng International Working Men's Association, ang mga debate sa pagitan ni Lenin, Luxembourg at Trotsky at ang mga teksto sa usaping ito ng kaliwang kilusang komunistang Italyan at Aleman. Natural na tangkaing linawin ng mga rebolusyonaryo ang kanilang paraan sa organisasyon, ang kanilang mga tungkulin sa loob ng uring manggagawa at ang katangian ng kanilang interbensyon. Naharap ang uring manggagawa sa pundamental na usapin: Paano mapaunlad ang kanyang pag-unawa sa kapitalistang sistema? Paano maghanda para sa huling pakikihamok sa kapitalismo?
Kaya sa umpisa ng kilusang manggagawa nakita ng proletaryado ang pangangailangan, paralel sa pagbuo ng mga unyon, ang pagbuo ng sandata ng rebolusyonaryong kamulatan. Batay dito, hindi sapat ang pangmasang mga organisasyon lamang. Ang kalayaan ng uring manggagawa ay nakasalalay din sa organisasyon ng mga rebolusyonaryo; ang pampulitikang partido.
Para mapalalim ang pag-unawa sa ultimong layunin ng kilusang manggagawa, para maibagsak ang kapitalismo, hindi simpleng mag-organisa lamang ang proletaryado para ipagtanggol ang kanyang kagyat na mga interes. Kailangang sa praktika ay maresolba ang sumusunod na mga usapin:
- Paano mapaunlad ang pampulitikang opensiba mula sa pang-araw-araw na pakikibaka ng uri?
- Paano mapaunlad ang pang-unawa sa loob ng uring manggagawa sa pangangailangang lagpasan ang pang-ekonomiyang mga kahilingan, at ibagsak ang lipunan?
- Paano malabanan ng uring manggagawa ang dominasyon ng burges na ideolohiya?
Ngayon, nang ang mga permanenteng reporma ay hindi na posible, sa "panahon ng panlipunang mga rebolusyon" mas mahalaga kaysa dati na masagot ang mga katanungang ito. Kahit bago pa pumutok ang Unang Digmaang Pandaigdig, na patunay sa hindi mapigilang pagkabulok ng kapitalismo, pinaunlad na ang solusyon sa problemang ito sa loob ng kilusang manggagawa. Ang mga konseho ng manggagawa ay ang porma ng organisasyong binuo ng uring manggagawa para sa pag-agaw ng kapangyarihan; binigyan ng tungkulin ang rebolusyonaryong minorya na pabilisin ang rebolusyonaryong proseso. Kahit matapos ang kabiguan sa rebolusyonaryong alon sa 1920s, nakaligtas ang mga pinakamatatag na rebolusyonaryong elemento sa atake ng kontra-rebolusyon. Nagawang ingatan ng mga praksyong ito ang pampulitikang mga aral sa nagdaang mga pakikibaka. Matapos ang 50 taong kontra-rebolusyon, bagong mga organisasyon, rebolusyonaryong grupo at sirkulo ng diskusyon ang lumitaw bilang tugon sa makauring pakikibaka sa 1960s. Ilan sa kanila, kasama na ang Internasyunal na Komunistang Tunguhin, na organisado mula sa simula sa internasyunal na antas sa ilalim ng isang malinaw na depinidong programa. Pero hindi lang ang IKT ang ekspresyon ng ganitong mga pagsisikap ng proletaryado na tanglawan ang daan tungo sa rebolusyon. Ang mga grupo na lumitaw mula sa dating kilusan ng Kaliwang Komunista, mga sirkulo sa diskusyon, mga organisasyon na nagtatanggol sa mga posisyon na humigit-kumulang katulad ng sa IKT, lahat ng ito ay ekspresyon ng muling pagsilang ng rebolusyonaryong kamulatan sa loob ng uring manggagawa. Karamihan sa mga grupong ito sa kasalukuyan ay nasa proseso ng mga diskusyon na naglalayong linawin ang kanilang mga pagkakaiba at pagkakaisa. Ang Internasyunal na mga Kumperensya kung saan lumahok ang mga organisasyong ito ay ekspresyon ng pag-unawa sa loob ng proletaryong kilusan sa pangangailangan ng gawain tungo sa pagbuo ng isang internasyunal na partido.[1]
Marami sa mga diskusyong ito ay nakasentro sa papel ng partido at sa mga tungkulin ng mga rebolusyonaryo. Ganun pa man, ang mga debateng ito ay natali sa paglilinaw sa pangkalahatang balangkas kung saan naunawaan natin ang ating pagkakaiba sa interpretasyon. Kaya mahalaga para sa IKT na ilatag ang pampulitikang balangkas ng kanyang sariling pag-unawa sa papel ng mga rebolusyonaryo. Ang darating na mga pampleto na nagpahayag ng mas kongkreto at praktikal na mga isyu ay susuporta sa pagsusuring ito. Pero bilang unang hakbang kinakailangang:
- maintindihan ano ang komunismo at ang komunistang rebolusyon;
- maintindihan ano ang kaibahan ng kamulaatan ng uring manggagawa mula sa nagdaang mga ideya;
- maintindihan ang papel ng mga rebolusyonaryo bilang tungkulin sa katangian ng makauring kamulatan.
Para mailatag ang pangkalahatang balangkas ng ating posisyon tinitingnan natin ang problema sa ganitong paraan: bago harapin ang usapin ng rebolusyonaryong interbensyon, subukan nating ipakita bakit ang mga paraan, mga porma ng pagkilos, at ang mga porma ng organisasyon ng uring manggagawa ay tutugma sa obhetibong mga rekisito sa rebolusyonaryong proseso, at sa pag-unlad ng kamulatan ng uring manggagawa, kung saan napakahalaga ang interbensyon ng mga rebolusyonaryo, sa halip na ekstra-ordinaryong kalidad ng marunong sa lahat na partido!
Sa pag-unawa lamang sa kaibahan ng komunistang rebolusyon mula sa nakaraang mga rebolusyon, at bakit ang kamulatan ng uring manggagawa ay hindi ideolohiya, maintindihan ang pangangailangan ng rebolusyonaryong organisasyon at ng papel ng mga rebolusyonaryo.
Sa kasalukuyan ang pag-unawa sa mga tungkulin ng partido ay nanatili sa napaka-teoretikal na antas. Ang buong usapin ay natabonan pa rin ng mga maling pag-unawa sa nakaraan, na pinalakas ng 50 taon na halos pangingibabaw ng burges na ideolohiya. Dapat muli tayong umugnay sa komunistang tradisyon, iwasan ang mga bitag sa nakaraan. Dagdag pa, ang muling pagbangon ng uring manggagawa ay kasisimula pa lamang.
Subalit ang muling paglitaw ng pakikibaka ng uring manggagawa ay umobliga sa atin na harapin ang usapin sa praktika ng ating interbensyon. Naharap tayo bawat araw sa bago, kongkretong mga problema, na dapat maresolba sa lalong madaling panahon. Ang ating mga posisyon ay pinayayaman at pinapipino ng realidad ng karanasan ng uring manggagawa. Dapat halawin natin ang pampulitikang mga aral ng realidad na ito. Habang ang ating interbensyon ay lalupang nakatuon sa makauring pakikibaka mismo, ang ating pagsusuri ay kailangang maging mas kongkreto, para mabilis na matugunan ang mga pangangailangan ng makauring pakikibaka.
[1] Sinulat ito noong Agosto 1979. Ang sumunod na pagbagsak ng Internasyunal na mga Kumperensya ay inilatag sa International Review, no. 22