Submitted by ICConline on
Isa sa pundamental na katangian ng proletaryong rebolusyon at komunismo ay kolektibo at mulat na pagkilos sila ng uring manggagawa. Kaya dapat nating sagutin ang tanong: ‘Ano ang makauring kamulatan?' Daanan ba natin ang katulad na ideolohikal na proseso ng nagdaang mga rebolusyon? Ano ang pagkahalintunlad ng proletaryong kamulatan sa katangian ng intelektwal na proseso ng nagdaang mga lipunan?
Para mapag-iba ang makauring kamulatan mula sa lahat ng umiiral na ideolohiya ay higit sa lahat pag-ibahin ito mula sa ideolohiya sa pangkalahatan. Pero kailangan ding ikonsidera natin ang kamangha-manghang pag-unlad ng produktibong pwersa, at ganun din sa panlipunang kaisipan, kung saan nakaangkla ang komunistang rebolusyon. naunawaan natin na habang ang komunismo ay naging posible dahil sa pag-unlad ng produktibong pwersa at paglala ng internal na mga kontradiksyon ng kapitalismo, pinagmulan din ng makauring kamulatan ang buong proseso ng mga ideyang umunlad sa nakaraang mga lipunan. Ganun pa man, kumakatawan ito sa pagpapaunlad ng mga ideyang ito, sa ilalim ng presyur ng pang-ekonomiya at panlipunang krisis ng kapitalistang lipunan.
Ang pag-unlad ng proletaryong kamulatan ay nakabatay sa buong panahon ng intelektwal na pag-unlad sa nakaraan.
Katunayan, walang katotohanan ang pagkonsidera sa kasaysayan ng tao bilang hindi magkakaugnay at ‘natural' na pagpalit-palit ng mga datos, o bilang mekanikal na kadena ng mga pangyayari. Ang ganitong pananaw sa kasaysayan ng tao batay sa bulag at hindi maiwasang pwersa ng ‘kapalaran' ay kailangang itakwil. Ang kaibahan ng tao sa hayop ay ang huli ay nakilala lamang sa kanyang sariling aktibidad, ang tao ay ginawa nilang paksa ng determinasyon at kamulatan ang aktibidad ng buhay.
"Sa paglikha ng isang mundo ng mga bagay sa pamamagitan ng kanyang praktikal na aktibidad, sa kanyang gawa sa di-organikong kalikasan, pinatunayan ng tao na siya ay may kamulatan ... Gumagawa din ang hayop. Gumagawa sila ng pugad, tahanan, tulad ng mga pukyutan, beavers, langgan, atbp. Pero gumagawa lamang ang hayop kung ano ang kanyang kagyat na pangangailangan o ng kanyang mga supling. Maka-isang panig itong gumagawa, habang ang tao ay unibersal na gumagawa. Gumagawa lamang ito sa ilalim ng kontrol ng kagyat na pisikal na pangangailangan, habang ang tao ay gumagawa kahit malaya na siya sa pisikal na pangangailangan at tunay na gumagawa lamang sa malayang paraan ... Ang tao kung gayon ay lumilikha din ng mga bagay ayon sa mga batas ng kagandahan." (Marx, Economic and Philosophical Manuscripts of 1844)
Subalit, ang pagsasabing boluntaryo at masinop na binabago ng tao ang daigdig ay isa ding kasinungalingan. Dagdag pa, hindi gumagawa ng kasaysayan ang tao sa abstrakto o ispirituwal na paraan.
"Ginagawa ng mga tao ang kanilang sariling kasaysayan, pero hindi ayon sa kanilang kagustuhan; hindi sa mga sirkumstansyang pinili nila kundi sa ilalim ng nakatakda at namanang mga sikumstansya na direkta nilang kinakaharap." (Marx. Eighteenth Brumaire...)
Ang mga pagkilos ay nakabatay sa mga sikumstansya. "Ang kamulatan ay nakabatay sa buhay". Ang sunod-sunod na mga yugtong naabot ng pag-unlad ng produktibong mga pwersa ay nasalamin sa pag-unlad ng panlipunang kaisipan. Ang relatibong antas ng kamulatang naabot ng mga tao, o mas eksakto ng panlipunang mga uri, sa proseso ng produksyon ng mga kagamitan sa pangangailangan at sa paghulma sa natural at panlipunang kapaligiran, ay istriktong nakasalalay sa materyal na mga sirkumstansya.
Ang buong kasaysayan ng sangkatauhan ay nagpakita ng lumalaking matabang paglago ng produktibong pwersa ayon sa lumalagong kapasidad ng mga tao na maging mulat sa kanilang sarili, sa kanilang pakikipag-ugnayan sa iba at sa mundong nakapaligid sa kanila. Ang pag-unlad ng makauring kamulatan at ng materyal na rebolusyon kung saan ito ay nakabatay, ay nagpapatuloy, nagpapayaman at nalalagpasan ang pamanang ito.