Ang paglitaw ng ideolohikal na mga super-istruktura

Printer-friendly version

Ang tangkaing isalarawan ang buong kasaysayan ng sangkatauhan ay malinaw na imposible! Limitahan natin dito ang sinusumang pagsusuri sa pinaka-importanteng mga yugto sa ideolohikal na pag-unlad ng kasaysayan.

Sa unang yugto ng pag-unlad ng tao, i.e. ang primitibong komunidad na walang alam ni ang produksyon para sa pagbebenta o palitan, hindi pa pinag-iba ng mga tao ang kanilang sariling ebolusyon at sa natural na mga pwersa na nakapaligid sa kanila. Umiikot sa isang komunidad na nagbibigay ng satispaksyon sa kanilang pangangailangan sa direktang paraan, kung saan walang dibisyon ng paggawa, kung saan ang mga kagamitan, tulad ng pagkain at pabahay, ay komon, tinitingnan ng mga tao ang kanilang sarili bilang integral na bahagi ng sangkatauhan at natural na kapaligiran. Itong direktang pagsandal na umugnay sa bawat tao sa komunidad at natural na kapaligiran ay nagdala sa sangkatauhan na tingnan at ipahayag ang sarili sa termino ng mahiwagang pagkakaisa. Ang mga senyales ng ganitong mahiwagang pagkakaisa ay makikita kahit saan pero ang pagkakaisa mismo ay higit pa sa mga senyales nito.

Kaya ang lenggwahe, na lumitaw ng maaga sa kasaysayan, ay naging mahiwagang kawing sa pagitan ng mga tao, sa kanilang komunidad at mga pwersa ng kalikasan. Ang ganitong instrumento ng komunikasyon ay hindi lang nagsisilbi sa unilitaryan na mga layunin: nagdadala ito ng tunay na kapangyarihan sa ibabaw ng kalikasan kung saan ito ang kongkreto at kagyat na ekspresyon, sa pamamagitan ng pagpapalakas ng mga ipinagbabawal. Ilang mga lugar ng pangangaso ay hindi mapangalanan dahil mapalaya ang hindi makontrol na mga pwersa. Ginagawa ang mahiwagang mga orasyon para makontrol ang kalikasan.

Kaya nagkaroon ng mahigpit na relasyon ang mga tao sa pagitan nila at ang nakapaligid na natural na mundo.

Pero kung totoo na ang ganitong mapayapang relasyon sa pagitan ng materyal na kondisyon ng pag-iral at sa komunidad ay nagpahayag ng pundamental na pagkakaisa sa pagitan ng buhay panlipunan at natural na ritmo, sa pagitan ng tao at kaisipan, sa pagitan ng kongkretong aktibidad at lenggwahe, huwag nating kalimutan na pinag-uusapan pa natin ang isang lipunan kung saan ang produktibong pwersa ay hindi pa umuunlad, kung saan ang kasalatan ay nagpataw ng kanyang marahas na dominasyon sa buong lipunan. Ang komunidad ay kontrolado ng natural na mga pwersa, mga sakuna (tagtuyo, bagyo, gutom...), ang napakamakapangyarihang kalikasan na naghari at nagmando. Ang pagkatakot ng tao sa mahiwagang natural na mundo kung saan nakasandal siya ay mabilis na nagdala sa kanya sa primitibong anting-anting. Ang mga manipestasyon ng kalikasan (ulan, init, hangin, bituin, atbp), na hindi talaga banal na kalikasan, ay inunawa bilang independyenteng pwersa: aktibo at nakakatakot na mga pwersa na dapat respetuhin, katakutan at amuin.

Nang iniwan ng mga tao ang lagalag na pag-iral at nagsimulang magbungkal ng lupa, nagsimula ang transisyon mula sa simpleng mahika tungo sa relihiyosong mga ritwal.

"Ang mangangaso, kung nais niyang swertehin sa pangangaso, ay dumulog sa pangungulam at mahika. Ang magsasaka,na naunawaan ang batas ng panahon, iniobserbahan ang normal na pagkasunod-sunod mula sa pagsibol hanggang sa pagkahinog at pagkatapos pagkamatay, ay bumaling sa ibang porma ng kaisipan para ipaliwanag ang natural na mga pwersa. Kaya mayroon tayong pagsilang ng alamat at paglabas ng mga ispiritu. (...) Para sa mga magsasaka ang mahalagang pwersa ay nasa natural na mga elemento, na kapwa naglalaman ng pagsilang at kamatayan. Marami ang ganung mga elemento na walang lohikal na kawing na mag-uugnay sa kanila: tinitingnan sila bilang iba-ibang mga aspeto sa iisang pwersa. Ito ay ang buwan, araw, babae, tubig, ahas, atbp (...) sa lahat ng ito ang mahalagang pwersa ay lumitaw na tila hiwalay, bilang hiwalay sa sarili at tunay." (Herbert Kuhn).

Ang ganitong primitibong anting-anting ng natural na pwersa ay nagpahayag ng unang pagtatangka ng mga tao na ipaliwanag ang mundo at natural na penomena. Pero sa punto na tinitingnan nila ang sarili na ganap na kontrolado ng kalikasan, iniisip ng mga tao na umiwas mula o sa kontrol ng kalikasan sa pamamagitan ng relihiyon. Malamang ang realidad ay mailagay sa isang banal na konsepto? Ang agrikultura (ang unang porma ng impluwensya ng mga tao sa kanilang natural na paligid) ay nagbunga ng konsolidasyon ng panlipunang kaisipan ng mga ilusyon sa pag-iral ng nasa itaas, sa esensya relihiyosong kapangyarihan. Gaya ng paliwanag ni Marx:

"Ang relihiyon ay kamulatan at pagpapahalaga ng tao sa kanyang sarili na hindi pa niya nakukuha o nawala na naman sa kanya." (Marx, Introduction to the Critique of Hegel's Doctrine of Right).

Kalaunan ang pag-unlad ng panlipunang dibisyon ng paggawa, ang produksyon ng pangangailangan na labis sa kagyat na pangangailangan ng komunidad, ang paglitaw ng labis na produkto ... lahat ng ito ay nagbunga ng pagkawasak ng makalumang panlipunang mga relasyon, sa pagkalusaw ng primitibong mga komunidad sa pamamagitan ng aktibidad ng palitan. Nagsimulang makipagpalitan ang mga komunidad sa bawat isa sa labis na produkto mula sa kanilang produksyon.

Sa yugtong ito ng pag-unlad ng mga produktibong pwersa ay nagbunga ng sistematikong paggamit ng lakas paggawa at sa kanyang pagsasamantala sa pamamagitan ng pang-aalipin. Kaya ang agrikultura, ang pagsasaka sa lupa at pag-alaga sa mga hayop ay lumikha ng napakalaking bukal ng kayamanan. Ang pag-unlad na ito ay nagbunga ng panlipunang mga relasyon sa ganap na panibagong batayan. Hindi na komon ang mga produkto at kagamitan ng paggawa; nagiging pribadong pag-aari na sila. Sa dibisyon ng paggawa nagiging kailangan na sa tao na bumili ng pagkain at mga kagamitan ng paggawa, ay natural na magkaporma sa pag-aari. Ganun din ang mga tao na nagmamay-ari ng panibagong bukal ng pagkain - baka; at kalaunan sa panibagong kagamitan ng produksyon - mga alipin. Sa kanyang bahagi, ang babae, na ganap ng nawalan ng kanyang lumang matriyarkal na mga karapatan, ay nanatili na lang nagmamay-ari sa mga kagamitan sa bahay. At parallel sa pag-unlad ng ganitong bantog na panlipunang dibisyon ng paggawa lumitaw ang unang bantog na dibisyon ng lipunan sa mga uri: panginoon at alipin, nagsasamantala at pinagsamantalahan.

Ang paglago ng pribadong pag-aari sa porma ng paghahayupan, alipin, maluhong produkto, kagamitan sa produksyon, at iba pa, ang pagkahiwalay ng mga gumagawa sa kanilang mga produkto, ang simula ng pagsasamantala ng tao sa kanyang kapwa, na malinaw na nagbunga ng lalupang pagkahiwalay ng mga tao mula sa kalikasan at sa kanilang sarili. Ang komunidad ay hindi na direktang ekspresyon ng natural na kapaligiran; hindi na ito serye ng egalitaryan at mapayapang mga relasyon kundi kabaliktaran, nakabatay na ngayon sa partikular na relasyon ng pribadong pag-aari. Dahan-dahang nawala sa indibidwal ang kanyang obhetibo at nakaraang kaugnayan sa komunidad at kanyang direktang pang-ekonomiyang kaugnayan sa kanyang mga kagamitan para mabuhay. Nagiging karibal siya ng kanyang kapwa tao.

Sa yugtong ito ng kanyang istorikal na pag-unlad, ang panlipunang organisasyon ng komunidad ng tao ay hindi na magabayan ng kagustuhan ng komunidad sa kabuuan. Napunit sa internal na mga kontradiksyon at hindi maayos na panlipunang mga antagonismo naobliga ang lipunan ng kalakal na gumawa ng serye ng mga batas at alituntunin na nasa ibabaw ng lipunan at ang layunin ay panatilihin ang panlipunang kaayusan.

"At ang kapangyarihang ito, lumitaw mula sa lipunan pero inilagay ang sarili sa ibabaw nito at patuloy na hiniwalay ang sarili, ay ang estado." (Engels, The Origins of the Family, Private Property and the State)

Ganun din, kaugnay sa paglitaw ng ganitong pampulitika at huridikal na istruktura, ang dominanteng moda ng panlipunang kaisipan ay nagiging representante at nagbibigay katuwiran sa mga interes ng dominante at nagsasamantalang uri. Ang kaisipang ito ay hindi na direktang repleksyon ng praktikal na aktibidad, hindi na tulad ng dati na mahigpit ang ugnayan sa kolektibong kagustuhan; kabaliktaran, kinatatangian ito ng lumalaking puwang sa pagitan ng kanyang sarili at realidad. Ang mga ideya sa primitibong komunidad na ekspresyon ng lenggwahe ng tunay na buhay ay nagiging mga ideya ng naghaharing uri sa kalakal na lipunan.

Kaya lumitaw din gaya ng pampulitikang super-istruktura ang ideolohikal na super-istruktura.

Ang ganitong panibangong pagkahati ng lipunan sa mga uri ay binigyang katuwiran at deniklarang eternal ng dominanteng uri. Itinago ang realidad ng pagsasamantala; ang partikular na mga interes ng prebilihiyadong minorya ay pinakita bilang interes ng lipunan sa kabuuan at bilang kondisyon sa pag-unlad. Ang dibisyon sa pagitan ng manwal at intelektwal na paggawa ay nagbunga ng espesyalisadong istrata na ang papel ay ipagtanggol at paunlarin ang mga ideyang ito.

Sa sumunod na mga taon ang ganitong pangatwiran sa pagsasamantala ng isang uri sa ibang uri ay patuloy na pinatitibay at pinalalakas. Pero ang pangangatwiran ay hindi laging pareho. Sa pag-unlad ng produktibong mga pwersa nakamit ng sangkatauhan ang mas malaking kapasidad na maunawaan ang realidad. Bawat hakbang ay kasabay ng martsa ng progreso, bawat tagumpay ng sangkatauhan sa dominasyon ng kalikasan ay kapit-bisig sa pagpapayaman ng mga ideya at sa panlipunang pang-unawa.

"Umunlad ang lipunan, at sa panahon ng nagdaang mga siglo, ay naging mas mabilis. Ang mga porma ng paggawa ay binago. Ang relasyon ng mga tao sa bawat isa, ang kanilang aktitud sa paggawa, sa kalikasan, sa mas mataas na mga pwersang nagdomina sa kanila, lahat ng ito ay umunlad din. At ito ang pinagmulan ng ating pananaw sa buhay at sa mundo." (Pannekoek, The Workers Councils)

Hindi tulad sa ibang lipunan ng hayop, kahit na ang pinaka-organisado, hindi kontento ang sangkatauhan sa simpleng hindi mulat na reproduksyon ng buhay -- aktibidad.

Ang panlipunang pangangailangan ng tao ay lumaki ayon sa materyal na kapasidad ng kanilang satispaksyon. Hindi tulad sa mga hayop ang mga tao ay hindi tumutugon sa kanilang pangangailangan batay lamang sa kagyat na satispaksyon o sa batayan ng walang hanggang reproduksyon sa iisang proseso. Kailangan nila ng mamagitan. Ang mga tao ay kailangang gumawa ng mga gamit para sa kanilang pangangailangan pero ginagamit din ang mga instrumento ng paggawa sa mulat na paraan. Dagdag pa, para magampanan ito, kailangang paunlarin ng mga tao ang kanilang relasyon sa bawat isa at humigit-kumulang mulat na nilagpasan ang mga porma ng organisasyon na hadlang sa pag-unlad.

Ang materyal na paglagpas sa lumang mga istruktura, sa lumang mga relasyon sa produksyon, ay kailangang sabayan ng paglagpas sa lumang mga porma ng panlipunang kaisipan at sa dominanteng mga ideya sa nakaraan. Hindi lang ito dahil ang pag-unlad ng produktibong pwersa ay nagdadala ng pag-unlad ng panlipunang kaisipan kundi dahil din ang rebolusyonaryong uri ay epektibong maisakatuparan ang kanyang istorikal na mga tungkulin kung mapatunayan lamang nito sa buong lipunan - salungat sa uring nasa kapangyarihan - ang panlipunang epektibidad ng mga interes na kinakatawan nito. Kaya ang bawat pag-unlad ng materyal na inpra-istruktura ng lipunan ay tumutugon sa magkatulad na pag-unlad at pagpapayaman sa panlipunang kaisipan.

Sa sandaling hinog na ang lipunan sa punto-de-bista ng materyal, i.e. produktibong pag-unlad, lahat ng mga ideya, syensya, arte at literatura ay namulaklak. Bawat pagsulong na dala ng pag-unlad ng panlipunang mga relasyon, lahat ng teknikal na progreso at panlipunang pagbabago, ay tinugunan ng rebolusyon sa daigdig ng mga ideya. Kaya maaring sabihin na ang kapitalismo ay kumakatawan sa kamangha-manghang ideolohikal at materyal na pagsulong kaysa lahat ng nagdaang Asyatiko, pyudal at sinaunang mga lipunan. Ang ekstra-ordinaryong tulak ng kapitalismo sa teknikal at syentipikong progreso ay nangangailangan ng sistematisasyon ng isang rasyunal at materyalistang pagsusuri sa realidad para makonsolida at mapanatili ang progresong ito.

Ang tagumpay ng ganitong pananaw ay tumugma sa rurok ng burges na pang-ekonomiyang pag-unlad.

Naiinip na palayain ang lipunan, na nasakop na niya sa larangan ng ekonomiya, mula sa kanyang pagiging primitibo at lumang mga paniniwala, sinimulan ng burges na lipunan ang rasyunal na kritik sa lumang pyudal na mga dogma. Sa panahon pa lang ng Renaissance habang kinokontrol ng burgesya ang mga syudad sa Italya, ang ideolohikal na mga kinatawan ng burgesya ay hinamon ang sagradong paniniwala ng pyudalismo tulad ng imortalidad ng kaluluwa at pag-iral ng Diyos. Pero kahit ang burges na kaisipan ay may relihiyosong katangian, tinangka nitong ipataw ang isang relihiyon, Protestantismo, na mas maluwag sa mga ideya ng usura at interes.

Kahit saan pinataw ng burgesya ang bagong mga relasyon ng produksyon na nakabatay, hindi sa direktang pagkatali ng magsasaka sa panginoong pyudal kundi sa pananaw ng huridikal na pagkapantay-pantay, sa pag-iral ng mga indibidwal na ‘malaya' na ipagbili ang kanilang lakas-paggawa sa pamilihan. Ito ang batayan ng kapitalistang panlipunang mga relasyon na sumasakop ngayon sa lumang mga pamahiin ... at sasakupin ang mundo.

"Halos isang gabi lang ang mundo ay lumaki ng halos sampung beses; sa halip na isang kwarto ng sanlibutan, ang buong mundo ay nakatiwangwang sa harapan ng mga Uropeong taga kanluran na nagpaligsahang makuha ang lahat na natitirang bahagi. Habang bumabagsak ang makipot na mga hangganan ng pinagmulang bansa ganun din ang isang libong taon na lumang mga harang ng makalumang kaisipan. Isang walang hanggang mas malawak na abot-tanaw ay nabuksan sa pisikal at mental na panunuri ng tao." (Engels, Origin of the Family)

Ang muling pagkagising ng kaisipan, itong lumalaking kapasidad na unawain ang realidad, pisikal, natural at penomena ng tao... ang lahat ng ito ay nagmula sa pang-ekonomiyang kapangyarihan ng burgesya; sa tulak na binibigay ng burges na lipunan sa mga kagamitan ng produksyon at produktibong teknik. Ang syentipikong materyalismo ay ang ideolohikal na ekspresyon ng lumalaking kapasidad na ‘kontrolin' ang kalikasan at maintindihan ang mga batas nito.

"Ang kalikasan ay nanatiling isang ‘kaharian ng pangangailangan' kung saan umaasa ang tao. Pero may kapasidad siyang kontrolin ang pagiging palaasa hangga't umuunlad ang kanyang kaalaman sa mga batas nito. At nakuha niya ang kaalamang ito mula sa sosyalisasyon ng kalikasan, i.e. mula sa kanyang sariling praktikal na transpormasyon ng kalikasan sa produksyon." (F. Jakubowski, Ideology and Superstructure in Historical Materialism)

Subalit ang pang-unawang ito ay limitado dahil:

  • ang pag-unlad ng produktibong pwersa ay nanatiling hindi sapat para sa kanilang panlipunang pangangailangan. Sa ilalim ng kapitalismo ang ugnayan sa pagitan ng tao at kalikasan ay nasira, namantsahan at nadumihan. Ginawang sosyalisado ng kapiatlismo ang produksyon pero hindi ang moda ng pag-aari sa produksyon.
  • ang burgesya, bilang nagsamantalang uri, ay napilitang itago ang realidad ng pagsasamantala. Higit sa lahat hindi nito kayang kilalanin ang istorikal at temporaryong katangian ng bawat moda ng produksyon. Laganap ang mga ilusyong ito sa burges na ideolohiya.

"Ang burgesya ang unang kumilala na ang ekonomiya ay isang buong proseso, gumagalaw sa ilalim ng unipikadong mga batas. Ang kapitalismo ang nagdala ng ganitong pagkakaisa at lumikha ng isang rasyunal na lipunan na kabaliktaran sa partikularidad ng lahat ng naunang mga panlipunang kaayusan. Subalit ang mga batas na ito para sa burgesya ay natural na mga batas, na nakaasa sa kakulangan ng kamulatan ng kanilang mga partisipante. Kung kilalanin ng burgesya ang mga batas na ito bilang panlipunan at istorikal ay nagkahulugan din ito na kilalanin nila ang kanilang dominasyon na istorikal na limitado. Ang makauring interes at makauring kamulatan ay nagsasalungatan sa isa't-isa...

"Pero ang katotohanan lang na ito ay hind maging batayan sa ideolohikal na katangian ng kamulatan na nagmula sa panlipunang posisyon ng burgesya. Mayroon pang mas mapagpasyang kontradiksyon na walang iba kundi sa pagitan ng panlipunang produksyon at pribadong pag-aari. Ang mga kagamitan ng produksyon ay ginagawa ng kolektibo at para sa lipunan pero nasa mga kamay ng indibidwal na mga kapitalista. ‘Ang kapital ay hindi personal kundi panlipunang kapangyarihan', pero ang paggalaw ng ganitong kapangyarihan ay pinangasiwaan ng indibidwal na mga interes ng mga may-ari ng kapital na walang pangkalahatang pananaw sa panlipunang papel ng kanilang aktibidad. Gumagalaw ang mga batas at panlipunang aktibidad ng kapital subalit ‘ sa kanilang kaisipan lamang, labas sa kanilang kagustuhan, na hindi sila mulat' (Lukacs). Ang pribadong pag-aari ng mga kagamitan ng produksyon ay nagkahulugan na ang tanging posibleng pananaw mula sa posisyon ng burgesya ay sa indibidwal na kapitalista; at sa indibidwal na kapitalista ang mga batas na bunga ng pagkahiwalay ng paggawa ay kailangang lumitaw na independyente sa tao." (F. Jakubowski, Ideology and Superstructure)

Kaya ang obhetibong mga limitasyon ng kapitalistang produksyon, ng produksyon ng kalakal sa pangkalahatan ay nasalamin sa mga limitasyon ng burges na kaisipan. Ang rekognasyon ng mga limitasyong ito ang nagdala sa atin na pag-ibahin ang burges na ideolohiya sa makauring kamulatan ng proletaryado. Ang burges na ideolohiya ay manipestasyon ng pagtangkang maging mulat sa daigdig. Pero ang kamulatang ito ay limitado, at nagbigay ng mabigat na mga ilusyon. Ito ay dahil sa dalawang kadahilanan na nasa itaas: ang kalikasan ng kapitalistang produksyon at ang kawalang kapasidad ng burgesya na tanggapin ang temporaryong katangian ng kapitalistang produksyon.

"Ang esenya ng kalakal - istruktura na pinakita na. Ang kanyang batayan ay ang relasyon sa pagitan ng mga tao na nagkahugis sa katangian ng isang bagay at naging isang ‘obhetibong guni-guni', isang awtonomiya na tila napaka-istriktong rasyunal at lahatang-panig para itago ang lahat ng bakas sa kanyang pundamental na kalikasan: ang relasyon sa pagitan ng mga tao" (Lukacs, History and Class Consciousness)

Ganun din, ang panlipunang mga relasyon sa pagitan ng mga uri ay lumilitaw bilang natural na mga relasyon sa pagitan ng mga bagay. Dagdag pa, nahiwalay mula sa bunga ng kanilang paggawa, nakita ng mga gumagawa ang kanilang panlipunang aktibidad na independyente sa kanila at labas sa kanilang kontrol.

"Lahat ng mga bungang ito ay nagmula sa katotohanan na ang manggagawa kaugnay sa produkto ng kanyang paggawa bilang isang banyagang bagay. Sa ganitong konteksto malinaw na ang ibayong pagtrabaho ng manggagawa ay lalong nagiging makapangyarihan ang banyagang mundo ng mga bagay na nilikha niya ibabaw at laban sa kanyang sarili, mas lalo siyang naghihirap - ang kanyang internal na mundo. Ganun din sa relihiyon. Ang lalong pagsandal ng tao sa diyos ay lalong nabawasan ang pagkilala niya sa sarili. Nilagay ng manggagawa ang kanyang buhay sa bagay pero ngayon ang kanyang buhay ay hindi na niya hawak kundi ng bagay na. Kaya mas malaki ang aktibidad mas lalong nawala sa manggagawa ang mga bagay. Anuman ang produkto ng kanyang paggawa, ay hindi kanya. Samakatuwid mas malaki ang kanyang produkto ay mas lalong nawala sa kanya. Ang pagkahiwalay ng manggagawa sa kanyang produkto ay nagkahulugan hindi lang na ang kanyang paggawa ay nagiging bagay na eksternal na umiiral, kundi umiiral ito labas sa kanya, independyente sa kanya, bagay na nahiwalay sa kanya at nagiging isang kapangyarihan mismo laban sa kanya. Ibig sabihin ang buhay na binigay niya sa bagay ay hinarap siya na kaaway at nakahiwalay... Tinatago ng pampulitikang ekonomiya ang kontradiksyon na nasa kalikasan ng paggawa sa pamamagitan ng hindi pagkonsidera sa direktang relasyon sa pagitan ng manggagawa (paggawa) at produksyon." (Marx, Economic and Philosophical Manuscripts)

Ang pagkahiwalay na ito ay hindi maiwasang masalamin sa antas ng panlipunang kaisipan. Katunayan "ang pag-unlad ng kaisipan ay repleksyon lamang sa tunay na pag-unlad na dinadala at inilipat sa utak ng tao." (Marx, Capital Vol. 1.) Ito ang dahilan kung bakit ang materyal na mga limitasyon ng produksyon ng kalakal, na bumabago sa panlipunang kondisyon ng produksyon (ibig sabihin, lumitaw sila bilang mga bagay), ay nasalamin sa limitasyon ng panlipunang kaisipan. Ang kapitalistang pagkahiwalay ay nasalamin sa panlipunang antas kaya:

  • ang kaisipan at syensya ay sa esensya naging mga aktibidad sa pagmuni-muni. Ang kaisipan ay tulad ng isang ‘guwantes' na ginawa para ‘magkasya' sa realidad o minomolde pero hindi bumabago sa realidad.
  • pinag-aralan ang panlipunang mga relasyon bilang penomena na sumusunod sa supra-istorikal na mga batas. Walang puwang ang burges na ideolohiya sa aktibidad ng tao na matransporma ang mga batas na ito, o makapagbago mismo sa sangkatauhan.
  • ang natural na syensya ay ang modelo ng ‘eksaktong syensa' na, nahiwalay mula sa kanyang bagay, ay limitado sa pagmuni-muni ng realidad na kumuha ng mga kongklusyon sa batayan ng empirikal na pagtasa sa mga ‘datos'.
  • hiwa-hiwalay ang kaisipan sa maraming ‘espesyalisadong pag-aaral', bawat isa mayroong sariling sistema ng mga batas, independyente sa iba. Ang totalidad ay tinitingnan lang na suma-total ng mga indibidwal na datos.

Lahat ng ito ay nagpakita na ang ideolohiya ay walang kapasidad na unawain ang realidad o ang pag-unlad ng realidad sa rasyunal na paraan. Ang iba't-ibang aspeto ng buhay panlipunan ay lumitaw bilang partikular na mga datos, walang relasyon sa bawat isa. Lumilitaw sila bilang permanenteng mga entidad, independyente sa pag-unlad ng tao. Tinitingnan ang realidad bilang bagay at hindi produkto ng aktibidad ng tao, nadarama at kongkreto. Ito ang dahilan, tulad ng sinabi ni Engels:

"Ang ideolohiya ay isang proseso na walang duda mulat na nakamit ng diumano mga nag-iisip, subalit hindi totoong kamulatan." (Engels, Letter to Mehring in Philosophical Studies)