Submitted by ICConline on
Ang kailangang itanong ngayon: ‘Anong interes mayroon sa pagsasabi hinggil sa paglitaw sa ideolohikal na super-istruktura? Paanong sa depinisyon ng ideolohiya maintindihan natin ang paglitaw ng proletaryong kamulatan?'
Malinaw na kung natagalan tayo sa usapin ng ideolohikal na super-istruktura, ginawa natin ito para maintindihang mabuti ang penomenon kung saan nagiging mulat ang proletaryado. Ano na ang inabot ng ating imbestigasyon?
Sa ngayon, alam natin na ang tendensya para ang proletaryado ay maging mulat sa kanyang papel bilang rebolusyonaryong uri ay hindi talaga bagong penomena. Ang ibang rebolusyonaryong mga uri sa nakaraan ay nakibaka din para ipataw ang kanilang sariling pandaigdigang pananaw para magtagumpay laban sa lumang mga dogma at baluktot na mga ideya. Ang pakikibaka para itayo ang bagong lipunan, para buuin ang bagong moda ng produksyon, ay sinabayan sa nakaraan ng labanan sa pagitan ng mga ideya, sa labanan sa pagitan ng iba't-ibang mga pananaw sa daigdig. Kaya, sa buong proseso ng pag-unlad ng lipunan ng tao, ang makauring pakikibaka na nagtayo ng bagong panlipunang mga relasyon ay laging may kasabay na pakikibaka para sa pananaig ng bagong pangkalahatang mga ideya. Sa panahon na ang lipunan ay naging namamaga na sa antas ng ekonomiya, sa sandaling ang mga relasyon ng produksyon ay natransporma na bilang balat na nagbabawal sa buhay at pag-unlad ng lipunan, mula noon lahat ng ideolohikal na mga porma na nakabatay sa nakaraang ebolusyon ng lipunan ay nabunot at nawalan ng bisa ang laman, hayagang sumalungat sa panlipunang realidad. Ang optimismo at kasiglahang nakita sa mga ideolohiya, pilosopiya, at arte ay napalitan ng pilosopikal na pesimismo, kadiliman at pagbulusok-pababa ng artistikong ekspresyon at panlipunang kaisipan, sa sandaling ang lipunan ay pumasok na sa yugto ng katandaan at pagbulusok-pababa sa pang-ekonomiyang antas. Lumalaki ang agwat sa pagitan ng umiiral na mga relasyon na kumukontrol sa lipunan at sa bagong istorikal na pangangailangang kinaharap nito, kabilang na ang mga ideya ng mga tao hinggil sa lipunan.
Sa naturang mga panahon, ang tanging mga ideya na tunay na progresibo ay yaong nagpahayag ng bagong lipunan. Mga ideya na nakakita ng bagong mga tipo ng panlipunang relasyon, umuusbong at sa simula ay nagkahugis na kritikal, utopyan at nakikipagkompitensya bago naging rebolusyonaryo.
Sa ganung konteksto din ang makauring kamulatan. Para sa uring manggagawa, ang pagkabulok ng pang-ekonomiyang mga kontradiksyon ng dekadenteng kapitalismo at ang proseso ng pagbulusok-pababa ng burges na ideolohiya ang mag-establisa ng matabang tereyn na kailangan para sa pag-unlad ng kanyang sariling istorikal na kamulatan. Isa pang punto ng paghahambing na umiiral sa pagitan ng pag-unlad ng proletaryong kamulatan at ng ideolohikal na prosesong kinatangian ng pakikibaka ng rebolusyonaryong mga uri sa nakaraan. Ang proletaryong kamulatan, gaya ng ideolohiya sa pangkalahatan, ay nakabatay sa kabuuan ng materyal na kondisyon ng ekonomiya at lipunan. Ang pag-iral ng naturang konkgkretong batayan ang nagdetermina sa mulat na pagsulong ng proletaryado. Ang pag-unlad ng makauring kamulatan ay nagpahayag ng tunay na pang-ekonomiya at istorikal na mga antagonismo ng dalawang panlipunang mga uri. Sa ganitong proseso ng esensyal na praktikal na kilusan, maestablisa ng kamulatan ang kanyang sarili at magtagumpay.
"Ang malakihang transpormasyon ng mga tao ay mapatunayan sa pangmasang paglikha ng komunistang kamulatan, dahil ang naturang transpormasyon ay maisagawa lamang sa isang praktikal na kilusan, sa isang rebolusyon. ang rebolusyong ito ay hindi lamang kailangan dahil ito lamang ang paraan para ibagsak ang naghaharing uri, pero dahil ang rebolusyon din ang nagbigay-daan sa uri na babagsak sa ibang uri para pawiin ang kabulukan ng lumang sistema." (Marx, The German Ideology)
Ang proletaryong kamulatan, tulad ng rebolusyonaryong mga ideya sa nakaraan, ay magtagumpay lamang sa kataposan ng pampulitika at panlipunang tagumpay ng uring manggagawa.
"Ang relehiyosong mga repleksyon ng tunay na mundo, sa anumang kaso, ay maglalaho lamang kung ang araw-araw na praktikal na mga relasyon ng buhay sa pagitan ng mga tao, at tao at kalikasan, ay sa pangkalahatan maipakita na mismo sa malinaw at rasyunal na porma. Ang talukbong ay hindi makukuha mula sa proseso ng buhay panlipunan, i.e. ang proseso ng materyal na produksyon, hangga't hindi ito naging produksyon ng malayang asosasyon ng mga tao, at sa ilalim ng kanilang mulat at planadong kontrol. Ito sa kabilang banda, ay nangangailangan na ang lipunan ay magkaroon ng isang materyal na pundasyon, o serye ng materyal na mga kondisyon ng pag-iral, kung saan sila ay natural at ispontanyong produkto ng isang mataas at liku-likong istorikal na pag-unlad." (Marx, Capital, Vol. 1)
Ang pagdaig sa lumang mga ideya sa nakaraan ay nagkahulugan (at iyon ang laging nangyari) ng materyal na pagdaig sa lumang pang-ekonomiyang mga kontradiksyon.
"Ang relihiyon, pamilya, estado, batas, moralidad, syensya, arte, atbp ay partikular lamang na mga moda ng produksyon at kung gayon ay napailalim sa kanyang pangkalahatang batas. Ang positibong pagpalit sa pribadong pag-aari, na itinakda ng buhay ng tao, ay ang positibong pagpalit sa lahat ng pagkahati-hati, at sa pagbalik ng tao mula sa relihiyon, pamilya, estado, atbp sa kanyang pagiging tao, i.e. panlipunang pag-iral. Ang relihiyosong pagkahati-hati ay naganap sa larangan lamang ng kamulatan, sa internal na buhay ng tao, pero ang pang-ekonomiyang dibisyon ay ang tunay na buhay - kaya ang pagpalit sa kanya ay sumasaklaw sa kapwa sa dalawang mga aspeto." (Marx, The Economic and Philosophical Manuscripts of 1844)
Subalit, sa kabila ng ilang pagkahalintulad, patuloy tayong nagsasalita ng mga ideolohiya kung pag-usapan ang nakaraan at makauring kamulatan kung pag-usapan ang proletaryado. Ito ba ay simpleng pagkakaiba lamang sa terminolohiya?
Sa realidad, ginamit natin itong dalawang magkaibang mga termino dahil ang punto natin ay maipakita ang dalawang pundamental na magkaibang proseso. Ang kaibahan ng ideolohikal na proseso ng rebolusyonaryong mga uri sa nakaraan at sa pag-unlad ng kamulatan ng proletaryado ay napakahalaga kaysa iilang mga elemento na magkapareho sila. Dagdag pa, ang katangian mismo at pinagmulan ng proletaryong kamulatan ang pumigil sa kanya na makilala na simpleng ideolohiya.
Ano ang mga kaibahan sa pagitan ng ideolohiya at makauring kamulatan?
Inihayag ng ideolohikal na mga super-istruktura sa antas ng panlipunang kaisipan ang pag-iral ng pang-ekonomiyang inpra-istruktura na nakabatay sa pagsasamantala ng tao sa kanyang kapwa. Ang panlipunang uri na dominante sa loob ng inpra-istrukturang ito at may hawak ng pang-ekonomiyang kapangyarihan, ang mga kagamitan sa produksyon at materyal na pwersa ay mayroon ding ideolohikal na kagamitan na kailangan para bigyang katuwiran ang kanyang paghari. Sa ganitong punto maaring sabihin ang isang ideolohikal na "repleksyon". Bagama't ang mga ideya ng naghaharing uri ay naglalaman ng realidad at hindi lang malabong mga kaisipan na walang laman, kailangan pa rin nilang pasibong sumunod sa mas dominanteng realidad, ang ekonomiya at ang kanyang mga batas. Kaya kahit sa proseso ng rebolusyonaryong pakikibaka ng burgesya laban sa pyudalismo, ang kritikal na pagkilos ng burges na mga ideya sa huling pagsusuri ay ang nakikitang dulo lamang ng iceberg. Ang tunay na rebolusyonaryong aksyon ay nangyari sa ibaba, sa pundasyon ng lipunan.
Bagama't totoo na ang mga akda ng mga pilosopo sa panahon ng Renaissance - ang akda ng mga French Encyclopaedists, mga libro ni Voltaire, Diderot, Montesquieu, Kant, Locke, atbp - ay nakatulong sa seryosong pagpahina sa ideolohikal na super-istruktura ng pyudalismo, habang binigyan ng kredibilidad ang rebolusyonaryong pakikibaka ng burgesya at sa pagpataw ng kanyang pampulitikang paghari, totoo din na ang kanilang mga kontribusyon ay laging nakasunod sa proseso ng pang-ekonomiyang transpormasyon na nagaganap na sa lipunan. Lahat ng mga henyo na ninuno ng burgesya (Roger Bacon, Pomponazzi, Leonardo da Vinci, Erasmus, Thomas More, atbp) ay nagpahayag sa lalong lumalalang mga kontradiksyon na umiiral sa pagitan ng pag-unlad ng produktibong pwersa at sa panlipunang relasyon ng pyudalismo, at sa nag-alinlangan pang pagsulong ng burgesya sa antas ng ekonomiya. Sa kabila ng kanyang rebolusyonaryong papel, lumitaw lamang ang burges na ideolohiya bilang pagbigay katuwiran matapos dahan-dahang makuha ng burgesya ang pang-ekonomiyang kapangyarihan.
"Nagtagumpay lamang ang kongkretong pagdetermina ng kapitalismo sa kanyang istorikal na programa sa kanyang pakikibaka sa 19 siglo, ibig sabihin sa kataposan ng kanyang istorikal na pagsulong. Sa bisperas ng kanyang tagumpay, ang istorikal na kaalaman ng kapitalismo ay dahan-dahang na-realisa sa puntong ang kanyang pang-ekonomiyang posisyon ay umunlad at naghawan ng daan para sa kanyang ibayong pag-unlad sa loob ng lumang lipunan." (Bilan, no. 5, March l934, amin ang pagdidiin).
Sa kabilang banda, ang kamulatan ng proletaryado ay hindi nakasandal sa anumang pang-ekonomiyang inpra-istruktura. Absolutong walang pang-ekonomiyang kapangyarihan ang proletaryado; hindi niya layunin ang pagbuo ng bagong porma ng pagsasamantala. Bagama't maging naghaharing uri siya sa lipunan, hindi maging mapagsamantalang uri ang proletaryado. Walang pang-ekonomiyang konsiderasyon na pumilit sa proletaryado na magbuo ng ideolohiya para bigyang katuwiran ang pagpapatuloy ng pagsasamantala. At kahit gustuhin man niya, hindi makagawa ng ideolohikal na super-istruktura ang proletaryado. Sa panahon na ang pampulitikang tagumpay ng makauring kamulatan ay nagiging yelo ng absolutong mga ideya, mawalan sila ng rebolusyonaryong katangian at masanib sa masikip na gusali ng burges na kasamaan.
Ang mga bunga ng ganitong sitwasyon ay ang sumusunod:
1. Kabaliktaran sa nakaraang progreso ng panlipunang kaisipan, ang kamulatan ng proletaryado ay hindi natali, at hindi pasibong susunod sa pang-ekonomiyang transpormasyon ng lumang lipunan. Dahil wala itong anumang pang-ekonomiyang prebilihiyo, obligado ang proletaryado na mula sa simula igiit nito ang sarili sa mulat, pulitikal na kilusan bago materyal na ibagsak ang umiiral na kaayusan. Ang makauring kamulatan, ang rebolusyonaryong programa ng proletaryado, ay kailangang maganap at maging kondisyon sa pagdurog sa umiiral na lipunan.
"Tulad ng kapitalismo, ang proletaryado din ay kailangang i-establisa ang mga batayang prinsipyo ng pagiging isang uri, na babawas sa mga oposisyon, komosyon at kaguluhan sa kapitalistang lipunan at gabayan sila tungo sa pagtatatag ng diktadura ng proletaryado (...) Subalit, kung naipahayag ng kapitalismo ang kanyang istorikong programa sa di-sistematiko, di-maayos, nagsasalungatang paraan, kabaliktaran sa proletaryado, na napwersang kailangang ilatag muna ang pampulitikang batayan para lumago ang kanyang rebolusyonaryong mga pakikibaka." (Bilan, no. 5 March 1934)
Ang komunistang kamulatan ay hindi kontento na ipahayag lamang ang katotohanan, kundi kailangang ipahayag ang sarili bilang aktibong elemento sa rebolusyonaryong proseso.
2. Pinanatili ng ideolohiya ang naghari, panlipunang kaayusan sa pamamagitan ng pagmintina nito at pagdeklarang ito ay di-nagbabago. Nang nasa kapangyarihan na, interesado ang mapagsamantalang uri na patindihin ang mistisismo at dogmatismo. Kaya natutuwa ang burgesya sa pagkahiwalay dahil dito nakikilala ang kanyang kapangyarihan. Natabonan ang realidad; may salimbong sa istorikal na katangian ng panlipunang mga relasyon. Pero ang panlipunang sitwasyon ng proletaryado ay ganap na kaiba sa burgesya. Ang kanyang sitwasyon ay nagbibigay kaibahan sa ibang posibilidad sa ‘pag-unawa' kaysa burgesya. Bilang resulta, naobliga itong mag-alsa laban sa kanyang kalagayan at punitin ang ideoloholikal na maskara ng kapitalismo, kung saan lahat naniniwala sa eternal na katangian ng kapitalistang lipunan. Isa sa unang mga kondisyon na kailangan para baguhin ang kalagayan ng proletaryado at tapusin ang pagsasamantala sa kanya ay ang rekognisyon na ang kapitalismo ay temporaryo, istorikal, mababago ang katangian nito.
Hindi lalaban ang manggagawa sa pagsasamantala kung hindi ito parsyal na kumbinsido na ang pang-ekonomiya at panlipunang mga batas na kumukontrol sa pagsasamantala sa kanya ay hindi natural na mga batas na independyente mula sa aktibidad ng tao, kundi mga batas na sumasalamin sa isang kongkreto, temporaryong realidad.
"Ang naturang pang-unawa lamang ang magbibigay posisbilidad sa transpormasyon ng realidad, na nagbibigay sa tao sa pamamagitan ng pagsupil sa umiiral na paghiwalay ng gumagawa at ng kagamitan sa produksyon, ng pagiging bihasa sa kanyang sariling lakas, kung saan sa ekonomiya ay sumasalungat sa kanya tulad ng isang bagay. Ang paglalaho ng ‘mapanlinlang' na hitsura ng realidad at ang pagsupil sa kanyang materyal na batayan ay mahalaga para sa proletaryado." (F. Jakubowski, Ideological Superstructures in the Materialist Conception of History)
Sa likod ng ganitong tila abstraktong lenggwahe ay ang sumusunod na ideya: dahil wala itong pang-ekonomiyang interes na tutulong sa kanyang pakikibaka laban sa burgesya, kailangang paunlarin ng proletaryado ang walang mistipikasyon na pag-unawa sa kanyang sariling sitwasyon para ito ay kanyang mabago. Ang makauring kamulatan ang nagdadala sa proletaryado para maunawaan na ang relasyon sa pagitan ng kapital at paggawa kung saan namumuhay ito ay hindi relasyon sa pagitan ng abstraktong mga bagay, na establisado na, kundi isang buhay na relasyon na maari at kailangang baguhin. Lahat ng ideolohiya, anuman ang hibo nito, ay absolutong walang kapasidad na makamit ang ganitong pandaigdigang pang-unawa.
3. Ano ang pinagmulan ng ideolohiya? Ang mga kagamitan sa produksyon bilang pribadong pag-aari ng burgesya ang naghiwalay sa mga indibidwal. Bawat kapitalista, bansa, naglalabanang mga indibidwal, mga indibidwal na may-ari ng kalakal, ito ang pinagmulan ng burges na ideolohiya. Ang ideolohiya, bagama't ekspresyon ng dominasyon ng isang panlipunang uri, ay hindi talaga produkto ng kolektibo. Tulad ng isang salamin na nabasag sa isang libong piraso na sumasalamin sa iisang imahe, pinataw ng ideolohiya ang kanyang sarili sa lahat ng indibidwal. Ang lipunan ay pumailalim sa nagharing ideolohiya gaya ng pumailalim ito sa isang pang-ekonomiyang kalagayan na hindi nito makontrol at tila isang eksternal na pwersa. Ang mga nagkompetinsyang mga indibidwal sa kapitalistang lipunan ay pumailalim lahat ng magkatulad na ideolohiya, sa magkatulad na mga ilusyon, sa magkatulad na mga kakitiran at dogma. Sa kabila nito, bawat isa ay kumikilala sa iba na banyaga, bilang kakompetinsya, at bawat isa ay nag-iisip na siya mismo ay may orihinal na personalidad at mga ideya. Ang tunay na pagkakaisa at pagkilos ay imposible mula sa punto-de-bista ng kapitalistang lipunan at kapitalistang ideolohiya. At ito ay dahil ang kolektibisasyon ng mga kagamitan sa produksyon at sosyalisasyon ng mga relasyon ng tao ay imposible mula sa kapitalistang punto-de-bista. Ang indibidwal sa kapitalistang lipunan ay nag-iisa; ang kanyang mga ideya at ang kanyang pamumuhay - ay kapwa produkto ng paghari ng burgesya - ay hindi makapasok sa tunay na kolektibong kilusan.
Ang mga proletaryado, ay kabaliktaran, sila ay nagsama-sama sa proseso ng produksyon. Itinulak sila na magsama-sama at magkaisa sa kanilang kalagayan sa buhay. Tanging ang kanilang pagsama-sama sa pakikibaka, na bunga ng kanilang pagsama-sama sa proseso ng paggawa, ang nagbibigay presyur sa kanilang komon na kaaway - kapital. Kaya, sa buong kasaysayan ng kanilang pakikibaka, itinutulak ng mga manggagawa ang pagkakaisa ng kanilang mga pwersa.
"Sa simula ang pakikipaglaban ay inilunsad ng indibidwal na mga manggagawa, pagkatapos ng mga manggagawa sa isang pabrika, pagkatapos sa mga manggagawa sa isang industriya, sa isang lokalidad, laban sa indibidwal na burgesya na direktang nagsasamantala sa kanila (...) Pero sa pag-unlad ng industriya hindi lamang lumaki sa bilang ang proletaryado; nagiging konsentrado sila sa mas malaking bilang (...) Ang labanan sa pagitan ng indibidwal na manggagawa at indibidwal na burges ay nagiging labanan sa pagitan ng dalawang uri." (The Communist Manifesto)
Ang proletaryado lamang ang may kapasidad na organisahin ang sariling uri sa internasyunal na pagkakaisa. Ang pagsama-samang ito ang simula kung ano ang panlipunang relasyon sa komunistang lipunan, at ispontanyo itong lilitaw sa pakikibaka. Hindi ito kapani-paniwalang penomenon. Mga manggagawa, na halos hindi nag-uusap kahapon dahil sa mala-impyernong presyur sa trabaho, na minsan ay naramdaman na kakompetinsya ang kapwa manggagawa, ay bigla na lang nag-uusap sa panahon ng pakikibaka, nagbigkis at nagtutulungan sa isa't-isa, nagsama-sama kung saan kailangan ng gamitin ng burgesya ang lahat ng kanyang kapangyarihan kasama ang mga unyon at polis para wasakin ang mala-bakal na pagkakaisa nila. Ito ang simula ng makauring kamulatan!
Ang simula ng politikal na repleksyon ng proletaryado ay wala sa indibidwal bilang indibidwal, kundi sa indibidwal bilang bahagi ng kabuuan, bilang bahagi ng isang uri. Sa ganitong esensya, hindi mahalaga kung ano ang iniisip ng bawat manggagawa. Ang mahalaga ay ano ang kailangang gawin na maoobliga ang proletaryado bilang uri at ano ang kailangang mulat na gagawin. Ang makauring kamulatan ay nagsimula sa kabuuan at isang mataas na kolektibong proseso.
4. Subalit ang kabuuan, ang uri kung saan lumilitaw ang proletaryong kamulatan, ay hindi abstrakto, isang ordinaryong bahagi ng lahat na bumubuo sa burges na lipunan. Mayroon ding mga sekta, kumbento at relihiyosong grupo na nagsasabing nakamit nila ang ganap na pagkakaisa sa kanilang buhay at pag-iisip. Ang burgesya mismo ay naobligang ‘magkaisa' kung naharap sa atake ng proletaryado; maari ding magkaisa ang mga magsasaka, atbp. Sa realidad, wala sa ibang mga uri, istrata o sekta ang antas ng pagkakaisa na naabot ng proletaryado sa simpleng rason na ang proletaryado ang bumubuo ng istorikal na uri, ang nagdadala ng bagong tipo ng panlipunang relasyon. Ang proletaryado ang istorikong uri na antagonistiko sa burgesya; ito ang buhay na kabaliktaran sa kapitalistang lipunan. May ganitong istorikal din na katangian ang makauring kamultan. Hindi ito simpleng ideolohikal na repleksyon ng isang takdang sitwasyon.
Sapat na ba sa proletaryado na iisipin lamang ang pagkawasak ng kapitalismo? Ang makauring pakikibaka ba ay bunga ng garapalang imahinasyon? Kabaliktaran! Ang makauring kamulatan, na nakuha ng mga manggagawa at laging nagtutulak sa kanila sa ibayong pakikibaka, ay isang ganap na kongkreto at praktikal na proseso. Ito ay aktibong pwersa na na-materyalisa sa napakatumpak na paraan; nangangailangan ito ng buhay na karanasan ng pakikibaka na manatili at uunlad. Sa kanyang praktika, nasalubong ng proletaryado ang mga problema na hindi pa naresolba sa antas ng teorya, nagpalitaw ng iba pa, habang itinakwil ang mga luma, nagamit na mga ideya at binigyang-lakas ang iba pa. At para muling malagpasan ang kalitatibong yugto, kailangang halawin ng proletaryado ang pulitikal at teoretikal na mga aral sa kanyang karanasan sa nakaraan.
Kinumpirma ng rebolusyonaryong alon sa 1920's ang buhay, praktikal na katangian ng makauring kamulatanan. Nakitaan ng pagyabong, intensipikasyon ng pagbulwak ng mga ideya sa loob ng uri ang mga rebolusyong Ruso, Aleman at Hungary. Habang umuunlad ang pakikibaka, kahit saan lumitaw ang mga konseho at pangkalahatang asembliya ng mga manggagawa; kahit saan lumitaw ang ispontanyong mga pulong, seryosong mga diskusyon at di-mabilang na palitan ng mga ideya at suhestyon ay naganap. Ang mga manggagawa, na kahapon ay natutulog sa pagiging ignorante na pinataw ng kapitalismo, ay nagiging magaling na orador na pinakita ang kanilang praktikal na kagalingan at di kapani-paniwalang katapangan. Milyun-milyong manggagawa, na dati tahimik na sumuko sa pang-aalipin ng kapital, ay nagsalita at naging buhay na pruweba sa kanilang inisyatiba at pagkamalikhain sa palitan ng libong mga ideya at libong kaisipan, kumukuha ng impormasyon at pampulitikang mga diskusyon kahit saan... Lumitaw ang pampulitikang kilusan, isang libong daanan at repleksyon ang nalikha... Nagsimula ng kolektibo at praktikal na nabuhay ang makauring kamulatan.
Subalit hindi kailangang hintayin ang insureksyunal at rebolusyonaryong mga yugto para makita ang pag-unlad ng prosesong ito. Kung ito ay bunga ng tunay na pakikibaka, ang araw-araw na pakikibaka ng manggagawa laban sa pagsasamantala ay katumbas ng matabang lupa para mapalawak ang makauring pagkakaisa at kamulatan. Nakita ninyo ang kahalintulad na penomenong nangyari, pero sa maliit na lawak, tulad ng pinakita sa rebolusyonaryong yugto ng 1920's - isang biglaang pagsabog-ng mga ideya, diskusyon, lahat ay matindi at buhay.
Dapat maintindihang mabuti na ang prosesong ito ay hindi mekanikal o parehas. Ang pangkalahatang kamulatan ng mga asembliya ng manggagawa, sa pang-araw-araw na pakikibaka laban sa kapitalismo, sa pangkalahatan ay hindi tutungo sa pag-kwestyon sa kapitalistang lipunan. Ang makauring pakikibaka, tulad ng proseso sa pag-abot ng kamulatan sa loob ng proletaryado, ay pataas-pababa na kilusan, isang alon na aakyat pero maari ding bumaba.
Ganun pa man, isa bagay ang tiyak: ang istorikal na lakas at praktika ng proletaryado ay manatiling tulog hangga't ang mga manggagawa ay napailalim sa burges na mga ideya. Ang makauring kamulatan ang babago sa kanilang potensyal na lakas tungo sa epektibong lakas. Sa pamamagitan ng kanilang praktika, madiskubrehan ng mga manggagawa na sila ay isang partikular na uri, pinagsamantalahan ng kapital, at kailangan nilang labanan ito para lumaya sila sa pagsasamantala. Inobliga sila ng kanilang pakikibaka upang maunawaan ang pang-ekonomiyang sistema, para maintindihan kung saan ang kanilang mga kaaway at alyado.
"Ang tunay na edukasyon ng masa ay hindi nakahiwalay mula sa independyente, pulitikal, at partikular sa rebolusyonaryong pakikibaka ng masa mismo. Ang pakikibaka lamang ang nag-eeduka sa pinagsamantalahang uri. Ang pakikibaka lamang ang nagbukas ng lawak ng kanyang sariling kapangyarihan, nagpalawak sa kanyang pang-unawa, nagpaunlad sa kanyang kapasidad, naglilinaw sa kanyang kaisipan, nagpapatibay sa kanyang determinasyon." (Lenin, ‘Lecture on the 1905 Revolution' delivered 22 January 1917, reprinted in The Revolution of 1905)
5. Ang makauring kamulatan ay nagsimula sa pakikibaka mismo ng proletaryado. Kabaliktaran sa ideolohiya na pinagpalagay na may dibisyong umiiral sa pagitan ng ‘ekonomiya', ng ‘panlipunan' at ng ‘pulitikal', ang makauring kamulatan ay nakabatay sa iisa at parehong pang-ekonomiya at pampulitikang pakikibaka, dahil hindi sila maaring paghiwalayin.
"Pampulitika at pang-ekonomiyang welga, pangmasang welga at parsyal na welga, demonstrasyon na welga at armadong welga, pangkalahatang welga ng indibidwal na mga sangay ng industriya at pangkalahatang welga sa indibidwal na mga syudad, mapayapang pakikibaka sa sahod at masaker sa lansangan, barikada - lahat ng ito ay nagsasalitan, magkatabi, nagpalit-palit sa isa't-isa - ito ay walang katapusang gumagalaw, nagbabagong dagat ng penomena." (Rosa Luxemburg, The Mass Strike, the Political Party and the Trade Unions)
Sa pamamagitan lamang ng mahigpit na ugnayan ng pang-ekonomiyang welga at pampulitikang welga, ito man ay parsyal o pangkalahatang pakikibaka - nagbigay-daan sa pag-unlad kalaunan ng pakikibaka, sa kanyang internasyunal na paglawak at pagpapayaman sa makauring kamulatan.
"Ang pinakatanyag na katangian ay ang porma ng ugnayan ng pang-ekonomiyang welga at pampulitikang welga sa panahon ng rebolusyon. Napakalinaw na sa pamamagitan lamang ng mahigpit na ugnayan ng dalawang porma ng mga welga makamit nito ang pinakamalaking kapangyarihan. Ang malawak na pinagsamantalahang masa ay hindi papasok sa rebolusyonaryong kilusan kung hindi nila nakita ang mga ehemplo paanong inobliga ng sahurang mga manggagawa sa iba't-ibang sangay ng industriya ang mga kapitalista na mapabuti ang kanilang kalagayan. Nagbigay ito ng inspirasyon sa masang Ruso." (Lenin, ibid.)
Sa pamamagitan ng pagtutol sa mahirap nilang kalagayan, nakamit ng mga manggagawa ang kamulatan ng kanilang sariling pwersa. Ang kanyang pakikibaka at kamulatan ay lalawak nang makita ng proletaryado na ang kanyang panlipunang tagumpay ay muling kinuha sa kanya ng burgesya. Progresibo itong naobligang suriin na ang krisis ng kapital ay isang mortal na krisis, na ang nabubulok na sistema ay hindi na makapagbigay ng anuman sa uring manggagawa, na ang kapitalismo ay huminto na bilang progresibong sistema. Pero hindi talaga maging mulat ang proletaryado maliban sa pakikibaka sa mas radikal na paraan, sa pamamagitan ng pagtutol sa kahigpitan at sa pagtutulak ng kapitalismo ng digmaan, sa pananaw ng parsyal na ‘kabiguan' sa kanyang pakikibaka hangga't manatili sila sa pang-ekonomiyang antas. Itong serye ng mga ‘kabiguan' sa antas ng mga kahilingan ng pakikibaka (i.e. ang binigay ng burgesya ngayon ay babawiin niya kinabukasan) ay dahan-dahang natransporma sa mga tagumpay sa antas ng makauring kamulatan at pampulitikang pagkakaisa ng proletaryado. Ang galaw ng pakikibaka ay tutungo mismo sa dahan-dahang pampulitika at rebolusyonaryong pagkwestyon sa buong sistema.
Ang katotohanan na ang makauring kamulatan ay bunga ng karanasan, sa praktikal na pakikibaka ng uri, nakikita na ang pagkilos ng buong uri ay hindi matatawaran. Ang rebolusyonaryong kamulatan, tulad ng pampulitikang emansipasyon ng proletaryado, ay gagawin mismo ng mga manggagawa. Hindi ito koleksyon ng matigas na mga ideya, ng nakahandang putahe na pinaunlad labas sa uri. Ganun din, ang kamulatan ng proletaraydo hinggil sa kanyang kalagayan ay hindi kamulatan hinggil sa bagay na eksternal sa kanyang sarili, kundi kamulatan kung ano siya mismo. Ang proletaryong kamulatan ay kamulatan ng proletaryado sa kanyang sarili bilang uri. Ito ay simpleng nagkahulugan na sa pagiging mulat sa kanyang sariling sitwasyon sa proseso ng produksyon, nagiging mulat ang proletaryado sa masalimuot at barbarikong kalikasan ng kapitalistang sistema. At ang pag-unlad ng kamulatan ay laging kahalintulad ng makauring pakikibaka. Ang makauring kamulatan kung gayon ay apirmasyon ng proletaryado sa kanyang kalikasan bilang rebolusyonaryong uri, bilang mulat na tao.