Submitted by ICConline on
Ipinagtatanggol ng Internasyunal na Komunistang Tunguhin ang sumusunod na mga posisyon:
* Simula noong Unang Pandaigdigang Digmaan, ang kapitalismo ay isa nang dekadenteng panlipunang sistema. Dalawang beses nitong tinulak ang sangkatauhan sa barbarong pag-inog ng krisis, pandaigdigang digmaan, rekonstruksyon at panibagong krisis. Noong 1980s, pumasok na ito sa dulong yugto ng kanyang pagbulusok pababa, ang yugto ng pagkaagnas at pagkalanta. Isa lamang ang alternatibang ihinahapag ng ganitong hindi mababagong istorikal na pagbulusok: sosyalismo o barbarismo, pandaigdigang komunistang rebolusyon o pagkasira ng sangkatauhan.
* Ang Komyun ng Paris sa 1871 ay unang pagsubok ng proletaryado na ilunsad ang ganitong rebolusyon, sa panahon na ang mga kondisyon para nito ay hindi pa hinog. Nang ang mga kondisyong ito ay iniluwal na dulot ng pagpasok ng kapitalismo sa dekadenteng yugto, ang rebolusyong Oktubre sa 1917 sa Rusya ay ang unang hakbang tungo sa tunay na pandaigdigang komunistang rebolusyon sa internasyunal na rebolusyonaryong alon na tumapos sa imperyalistang gera at nagpatuloy ng ilang taon pagkatapos niyon. Ang kabiguan ng rebolusyonaryong alon, partikular sa Alemanya sa 1919-23, ay nagkondena sa rebolusyon sa Rusya sa pagkabukod at sa mabilis na paghina. Ang Stalinismo ay hindi produkto ng rebolusyong Ruso, kundi ang kanyang sepulterero.
* Ang estatipikadong mga rehimen na lumitaw sa USSR, silangang Uropa, China, Cuba at iba pa at tinatawag na ‘sosyalista' o ‘komunista' ay mga partikular na brutal na porma ng unibersal na tendensya patungong kapitalismo ng estado, na siya mismong katangian ng panahon ng dekadenteng kapitalismo.
* Simula ng pagpasok sa ika-20 siglo, lahat ng mga digmaan ay imperyalistang digmaan, bahagi ng nakamamatay na tunggalian sa pagitan ng mga estado, malaki man at maliit, para manakop o panatilihin ang posisyon sa internasyunal na arena. Ang mga gerang ito ay walang naibigay sa sangkatauhan kundi kamatayan at kapinsalaan sa lumalaking saklaw. Matugunan lamang ito ng uring manggagawa sa pamamagitan ng kanyang internasyunal na pagkakaisa at sa pakikibaka laban sa lahat ng burgesya sa lahat ng mga bansa.
* Lahat ng mga makabayang ideolohiya - ‘pambansang kalayaan', ‘karapatan ng mga bansa sa sariling pagpapasya' at iba pa - anuman ang kanilang mga dahilan, etniko, istorikal o relihiyoso, ay tunay na lason para sa mga manggagawa. Sa paghikayat sa kanila na kumampi sa isa o kabilang paksyon ng burgesya, hinati nila ang mga manggagawa at aakayin sila sa pagmasaker sa isa't-isa para sa mga interes at digmaan ng mga nagsasamantala sa kanila.
* Sa dekadenteng kapitalismo, ang parlyamento at mga eleksyon ay walang iba kundi isang libangan. Anumang panawagan na lumahok sa parlyamentaryong sirko ay makadagdag lamang sa kasinungalingan na ang mga eleksyon ay tunay na pagpilian ng pinagsamantalahan. Ang ‘Demokrasya', isang partikular na ipokritong porma ng dominasyon ng burgesya, ay walang kaibahan sa pinag-ugatan ng iba pang mga porma ng kapitalistang diktadura, tulad ng Stalinismo at pasismo.
* Lahat ng mga paksyon ng burgesya ay parehong reaksyunaryo. Lahat ng mga tinatawag na mga partido ng ‘manggagawa', ‘Sosyalista' at ‘Komunista' (ngayon mga ‘dating Komunista'), mga organisasyon ng kaliwa (Trotskyista, Maoista at mga dating Maoista, mga opisyal na anarkista) ay bumubuo sa kaliwa ng pampulitikang makinarya ng kapitalismo. Lahat ng mga taktika sa ‘prente popular', ‘anti-pasistang prente' at ‘pakikipag-isang prente', na pinaghalo ang mga interes ng proletaryado yaong sa paksyon ng burgesya, ay nagsisilbi lamang na sakalin at sirain ang pakikibaka ng proletaryado.
* Sa dekadenteng kapitalismo, ang mga unyon kahit saan ay natransporma bilang organo ng kapitalistang kaayusan sa loob ng proletaryado. Ang iba't-ibang klase ng mga unyon, ito man ay pormasyon ng mga pinuno o ng mga ordinaryong mga manggagawa, ay nagsilbi lamang para disiplinahin ang uring manggagawa at sirain ang kanilang mga pakikibaka.
* Para isulong ang kanyang pakikibaka, dapat magkaisa ang mga manggagawa sa pakikibaka, hawakan ang pagpapalawak at organisasyon nito sa pamamagitan ng mga independyenteng pangkalahatang asembliya at mga komitiba ng delegado na pinili at maaring tanggalin anumang oras ng mga asembliya nito.
* Ang terorismo ay hindi paraan ng pakikibaka ng uring manggagawa. Ang ekspresyon ng panlipunang istrata na walang istorikong kinabukasan at ng pakaagnas ng peti-burgesya, na kahit hindi direktang ekspresyon ng permanenteng digmaan sa pagitan ng mga kapitalistang estado, ang terorismo ay palaging nagsisilbing matabang lupa para sa manipulasyon ng burgesya. Ang paniniwala sa sekretong aksyon ng maliit na minorya ay lubusang salungat sa makauring dahas na nagmumula sa mulat at organisadong aksyong masa ng proletaryado.
* Ang uring manggagawa ang natatanging uri na makapaglunsad ng komunistang rebolusyon. Ang kanyang rebolusyonaryong pakikibaka ay hindi mapigilang umakay sa uring manggagawa tungo sa komprontasyon ng kapitalistang estado. Para madurog ang kapitalismo, dapat ibagsak ng uring manggagawa ang lahat na umiiral na estado at itayo ang diktadura ng proletaryado sa pandaigdigang saklaw: ang pandaigdigang kapangyarihan ng mga konseho ng manggagawa, na iniorganisa ang buong proletaryado.
* Ang komunistang transpormasyon ng lipunan sa pamamagitan ng mga konseho ng manggagawa ay hindi nangangahulugan ng ‘self-management' o nasyunalisasyon ng ekonomiya. Ang komunismo ay nangangailangan ng mulat na abolisyon ng uring manggagawa sa mga kapitalistang panlipunang relasyon: sahurang paggawa, produksyon ng kalakal, pambansang hangganan. Nangangahulugan ito ng pagbubuo ng pandaigdigang komunidad kung saan ang lahat ng mga aktibidad ay para sa lubusang satispaksyon ng pangangailangan ng sangkatauhan.
* Ang rebolusyonaryong pulitikal na organisasyon ay taliba ng uring manggagawa at aktibong salik sa pagpapalawak ng makauring kamulatan sa loob ng proletaryado. Ang papel nito ay hindi ‘organisahin ang uring manggagawa' o kaya'y ‘umagaw ng kapangyarihan' sa pangalan nito, kundi aktibong lumahok sa kilusan tungo sa pagkakaisa ng mga pakikibaka, tungo sa isang kondisyon kung saan ang mga manggagawa mismo ang may ultimong kapangyarihan sa pagtatakda sa kanyang sarili at para sa kanyang sarili, at kasabay nito ay maglatag ng rebolusyonaryong pampulitikang mga layunin sa pakikibaka ng proletaryado.
Ang aming mga gawain
Pulitikal at teoritikal na klaripikasyon sa mga layunin at paraan ng pakikibaka ng proletaryado, sa kanyang istorikong misyon at sa kanyang kagyat na kalagayan.
Mag-organisa ng interbensyon, nagkakaisa at sentralisado sa internasyunal na saklaw, para makaambag sa proseso na tutungo sa rebolusyonaryong aksyon ng proletaryado.
Pag-oorganisa ng mga rebolusyonaryo sa layuning mabuo ang isang tunay na pandaigdigang partido komunista, na susi para maibagsak ng manggagawa ang kapitalismo at maitayo ang komunistang lipunan.
Ang aming pinanggalingan
Ang mga posisyon at pagkilos ng mga rebolusyonaryong organisasyon ay produkto ng mga nakaraang karanasan ng uring manggagawa at sa mga aral na nakuha ng kanyang mga pampulitikang organisasyon sa takbo ng kanyang kasaysayan. Kaya ang pinanggalingan ng IKT ay mula sa sunod-sunod na mga kontribusyon ng Liga Komunista nila Marx at Engels (1847-52), ang tatlong Internasyunal (ang Internasyunal na Asosasyon ng Manggagawa, 1864-72, ang Sosyalistang Internasyunal, 1889-1914, ang Komunistang Internasyunal, 1919-28), ang mga kaliwang praksyon na humiwalay mula sa nanghihinang Ikatlong Internasyunal sa mga taon ng 1920-30, sa partikular sa mga Kaliwang Aleman, Dutch at Italyano.