Submitted by Internasyonalismo on
Pinaghandaan talaga ni Gloria ang kanyang SONA speech. Pinalakpakan ito ng ilang daang mga alipures niya sa bulwagan ng mga baboy habang milyun-milyong mamamayan ang walang interes na pakinggan ito o kung nagkainteres man ay hindi ito maunawan, hindi dahil hindi sila makaintindi ng English kundi hindi nila naramdaman at nakikita ang kanyang mga sinasabi.
Pero huwag mabahala dahil hindi naman talaga para sa masa ang kanyang "palabang" SONA kundi para sa kanyang mga karibal na paksyon sa loob ng naghaharing uri - burges na oposisyon at Kaliwa at para sa buong naghaharing uri mismo. Hindi bobo si Gloria. Alam niyang hindi na naniwala ang masang manggagawa at maralita sa kanyang SONA sa loob ng 8 taon.
"Palabang" SONA: Laban sa mga karibal ni Gloria
Sa totoo lang, ang siyam na SONA ni Gloria ay walang kaibahan sa istilo ng mga presidenteng kanyang nasundan mula pa noong naging "malayang" bansa ito matapos ang WW II: laging puno ng kasinungalingan at exaggeration ng mga datos para ipakitang mas magaling ang kasalukuyang CEO ng kapitalistang estado kaysa kanyang mga nasundan. Kaya naman, ang mga SONA ay laging punung-puno ng "pag-unlad" at "pag-ahon" sa kahirapan ng masang anakpawis.
Ang kapansin-pansin ay ang "palabang" istillo ng kanyang SONA. Ayon sa isang komentarista sa TV, iyon malamang ang pinaka-palabang SONA ni Arroyo. Ano ang nais iparating ni GMA?
Liability hindi na asset si Arroyo
Kung ang consensus ng karamihan ng naghaharing uri sa Pilipinas ang suriin, isa ng liability si Gloria bilang pangunahing tagapagtanggol ng kapitalistang estado. Sa kanyang termino bumilis at dumami ang nawawalan ng tiwala sa mga demokratikong mistipikasyon laluna sa usapin na walang kaibahan ang lahat ng politiko - administrasyon at oposisyon - at wala ng kabuluhan ang eleksyon.
Ito ang kinatatakutan ng lahat ng paksyon ng naghaharing uri: lubusang mawala ang tiwala ng masa sa demokratikong anyo ng diktadura ng burgesya, ang huli at pinaka-epektibong maskara ng estado para itaboy ang manggagawa at maralita sa rebolusyonaryong pakikibaka para sa sosyalismo.
Kaya dapat ng palitan si Arroyo sa pamamagitan ng isang popular, kapani-paniwala at demokratikong eleksyon. Bagama't hindi nawawala sa equation ang marahas na pagpapaalis sa kanya, hindi ito ang consensus ng buong naghaharing uri sa Pilipinas dahil alam nila na ang marahas na labanan sa kanilang hanay ay mahubaran lamang lalo sa mata ng publiko na walang pagkakaiba ang Kanan at Kaliwa - kaaway ng masang api at pinagsamantalahan.
Lumalaban si Gloria
Alam na rin ito ni Gloria na isa na siyang liability. Pero lumalaban siya. At yan ang sentral na laman ng kanyang ika-9 na SONA.
Ano ang mensahe niya para sa kanyang mga karibal at buong naghaharing uri:
1. "Hindi ninyo ako kaya!". Ilang beses ng tinangka ng alyansang burges na oposisyon, rebeldeng militar at Kaliwa na patalsikin siya sa kapangyarihan sa loob ng 8 taon ngunit bigo ang kombinasyon na lakas ng huli. Hindi dahil may suporta si Gloria mula sa malawak na masa kundi dahil walang tiwala ang masa sa mga karibal ni Arroyo. Tumataas din ang kamulatan ng ordinaryong manggagawa. Alam niya na ang pagpalit-palit ng tao sa Malakanyang ay hindi solusyon sa kanyang problema. Sa halip, lalo pang bumigat ang pasan niyang kahirapan. Kung hindi man niya ma-articulate ang ibig niyang sabihin, alam ng mga marxista kung ano ito: HINDI KUNG SINO ANG UUPO SA ESTADO ANG PROBLEMA. ANG PROBLEMA AY ANG ESTADO MISMO!
Katunayan, ang "popular" na mga rebeldeng militar gaya ni Honasan at Trillanes ay naging bahagi na ngayon ng kapitalistang estado. At susunod sa kanilang yapak ang mga "bagong popular" na rebeldeng militar - Gen. Lim at Querubin.
Ang mensahe ni Gloria para sa kanyang uri: "Panginoong naghaharing uri, ako pa rin ang pinakamalakas na CEO kaysa aking mga karibal. Nawa'y pakinggan ninyo ako".
2. "Nagawa kong ipagtanggol ang estado at sistema sa pinakamabisang paraan!". Pinagyabang ni Gloria na mas magaling siya sa kanyang mga karibal at maging sa nagdaang mga rehimen kung paanong pigain sa maksimum ang lakas-paggawa ng populasyon para magkamal ng labis na halaga. Aroganteng sinabi niya na "ang hindi ninyo nagawa ay nagawa ko!": patindihin ang pagsasamantala at igapos ang manggagawa sa kadena ng legalidad ng pakikibaka. Sa ganitong punto, nakalimutan ni Arroyo na magpasalamat sa Kaliwa at mga unyon bilang kanyang "silent partner" kung paano ikinulong ang masa sa kapitalistang legalidad. Nagawa ni Arroyo ang "pinakamabisang paraan" sa pagtatanggol sa estado dahil sa kanyang panahon pinakamarami ang nasa Kaliwa na pumasok dito.
3. "Kailangan pa ninyo ako!". Ito ang panghuling bigwas ni Gloria sa buong naghaharing uri sa Pilipinas na siyang nagdedesisyon kung sino ang paupuin sa Malakanyang bilang CEO sa kapitalistang estado. "Hindi ako liability, nanatili akong asset ng sistema!".
Mas iigting na labanan at mas matalas na tunggalian sa loob ng naghaharing uri
Ang mga ito ang dasal ni Gloria para sa kanyang panginoon. Pero tiyak hindi papayag ang kanyang mga karibal na ganid sa kapangyarihan tulad niya at hinihingi din ang basbas ng buong naghaharing uri.
Mas titindi at tatalas ang labanan sa pagitan ng paksyong Arroyo sa isang banda at ng burges na oposisyon, rebeldeng militar at Kaliwa sa kabilang banda. Ang tunggalian nila ay maaring hahantong sa karahasan kung hindi ito maaayos sa halalan sa susunod na taon.
Ang labanan nila ay tulad ng labanan ng mga tigre o cannibal na nag-aagawan kung sino ang lalapa sa katawan ng masang anakpawis na nakagapos sa puno ng kapitalismo. Sa panlabas, ang tawag dito ay: sino ang "tunay" na kinatawan ng masang anakpawis.
May isa pang salik: Ang Kanan ay nahati-hati din sa maraming paksyon. Mismong ang paksyong Arroyo ay marami ang naglalaway na makaupo sa Malakanyang. Ganun din ang Kaliwa: nahati-hati sa maraming paksyon. Parang mga relihiyon. Bawat paksyon ay nagsisigaw na "kami ang tunay na kinatawan ng taumbayan!", "kami ang tunay na makabayan!", "kami ang tunay na demokratiko!".
Sa balanse ng pwersa sa pagitan ng administrasyon at oposisyon, mas ginigipit ngayon ang oposisyon na pansamantalang "magkaisa" para matalo nito ang administrasyon. Ang malaking problema nila: watak-watak sila at parehong hayok sa kapangyarihan; nagagamitan sa isa't-isa para sa pansariling interes.
Antabayanan natin ang royal rumble ng mga paksyon at sub-paksyon ng mapagsamantalang uri bago, sa panahon at pagkatapos ng eleksyon sa 2010. Kaya lang, sa bawat salpukan ng mga paksyon ito, gagamitin nila ang masa. Sa bawat tulakan at bigwasan nila, ang masang anakpawis ang laging biktima at naapakan.
Sagot ng rebolusyonaryong manggagawa: Hindi namin kailangan ng kinatawan!
Malinaw ang tindig dito ng rebolusyonaryong manggagawa: HINDI NAMIN KAILANGAN NG KINATAWAN. KAMI MISMO ANG KAKATAWAN SA AMING SARILING URI!
Malinaw ang sagot dito ng mga mulat na pinagsamantalahang uri na hindi manggagawa: HINDI KAMI SUSUNOD SA LIDERATO NG ALINMANG PAKSYON NG BURGESYA! ANG LIDERATO AT PROGRAMANG SUSUNDIN NAMIN AY SA URING MANGGAGAWA, ANG MAY ISTORIKAL NA MISYON PARA WAKASAN ANG BULOK NA KAAYUSAN!
Berto Dimasalang, 07.28.09