ITAKWIL ANG MGA ILUSYON AT MISTIPIKASYON!

Printer-friendly version

Pahayag sa taong 2009
Para sa manggagawang Pilipino

Lahat ng paksyon ng naghaharing uri ay iisa ang laman ng kanilang pahayag para sa taong 2009: may pag-asa pa na makabangon ang sistemang kapitalismo mula sa kasalukuyang krisis nito.

Ang paksyong Arroyo ay nanawagan ng "pagkakaisa" at "pagsantabi ng pamumulitika" para makayanan ng pambansang kapitalismo ang pandaigdigang krisis. Ang burges na oposisyon ay tulad din ng nagharing paksyon ang pahayag maliban sa puntong matutupad lamang ang pambansang pagkakaisa kung wala na sa Malakanyang si Gloria. Ibig sabihin, kung ang oposisyon na ang nasa kapangyarihan.

Ang Kaliwa, kung saan ang papel nito ay maghasik ng mistipikasyon ay gumagamit ng radikal na lenggwahe tulad ng "pagbabago ng sistema", "sosyalismo", "demokrasyang bayan" o "gobyernong bayan". Ang komon na linya ng iba't-ibang grupo ng Kaliwa sa pangunguna ng maoistang CPP-NPA-NDF ay: makakamit lamang ang pambansang pagkakaisa sa ilalim ng isang gobyerno na kontrolado ng Kaliwa o ng partido "komunista".

Magkaaway man sa harap ng publiko, magkaiba man ang lenggwaheng ginagamit, walang pagkakaiba ang panawagan ng Kanan at Kaliwa: palakasin ang paghawak ng estado sa buhay panlipunan dahil ito lamang ang kumakatawan sa interes ng mamamayan. Ang estado lamang ang tagapagligtas ng sambayanan mula sa kasalukuyang krisis ng sistema.

Marxistang Paninindigan

Kailangang mailinaw ang pundamental na kaibahan ng paninindigan at pagsusuri ng mga komunista mula sa Kanan at Kaliwa ng burgesya. Kailangang malinaw na maunawaan ang pundamental na pagkakaiba ng mga marxista sa mga pekeng komunista.

Lalo pang lalala ang krisis ng pandaigdigang kapitalismo sa taong 2009. Kasabay nito, titindi ang mga atake ng estado at uring kapitalista sa masang proletaryo. Wala ng matagalang solusyon ang permanenteng krisis ng sobrang produksyon ng kapitalismo maliban sa (1) panibagong pandaigdigang digmaan para muling hatiin ang mundo ng makapangyarihang imperyalistang mga bansa o (2) pandaigdigang proletaryong rebolusyon para ibagsak ang estadong kapitalista at paghari ng pambansang burgesya. Ang una ang tanging solusyon ng uring mapagsamantala habang ang ikalawa ang tanging solusyon ng uring manggagawa, ang uring may istorikal na misyon para wakasan ang sistemang kapitalismo at itayo ang komunismo.

Lalong lalakas ang panghihimasok ng estado sa ekonomiya ng lipunan para tangkaing isalba ang sistema mula sa mas malalim na pagkalugmok sa krisis. Ang pangingibabaw ng kapitalismo ng estado ay manipestasyon ng naghihingalong sistema. Kaugnay nito, mas tatalas ang pangil ng panunupil ng estado - ito man ay demokratiko o "sosyalista" - sa lumalabang masang anakpawis. Kanan o Kaliwa man ang nasa kapangyarihan, gagamitin nito ang kamay na bakal ng estado laban sa rebolusyonaryong proletaryado. Sapat na ang mga nakikita nating panunupil sa Pilipinas, China, Vietnam, Venezuela, maoistang Nepal, Bangladesh, Egypt, Greece, France, Germany, at iba pang bansa para lubos na maintindihan ang kontra-rebolusyoanryong papel ng estado.

Hindi ang estado (anuman ang pangalang ibinyag ng Kaliwa dito) ang instrumento para sa pagbabagong panlipunan. Kabaliktaran: mababago ang lipunan matapos lubusang mawasak ang estado. Ang instrumento ng proletaryado para sa sa sosyalismo ay ang sariling organo nito sa pakikibaka - ang mga asembliya at konseho ng manggagawa. Ang diktadura ng proletaryado ay ang mga konseho ng uri at hindi ang transisyunal na estado.

Lalakas at magtuloy-tuloy lamang na susulong ang mga pakikibaka para labanan ang mga atake ng kapital kung hawakan ng uring manggagawa ang kanilang pakikibaka sa kanilang sariling mga kamay. Ibig sabihin, kung makibaka ang uri labas sa kontrol ng unyonismo, hindi para sa elektoralismo/parliyamentarismo at hindi para magsilbi sa nasyunalismo at pagtatanggol sa pambansang interes. Magiging malakas lamang ang pakikibaka ng uri kung ang kilusan nito ay hindi makipag-alyansa - direkta o indirekta, estratehiko o taktikal - sa lahat ng paksyon ng naghaharing uri kabilang na ang "anti-imperyalistang" pambansang burgesya.

Kailangang maunawaan ng manggagawang Pilipino na lalakas lamang ang kanilang pakikibaka sa kalagayan na sumusulong ang pakikibaka ng mga manggagawa sa pandaigdigang saklaw. Ang tanging nagkakaisang prente na kailangang pasukin at palakasin ng proletaryong Pilipino ay ang makauring alyansa ng mga manggagawa sa buong mundo; isang alyansa laban sa lahat ng mga paksyon ng burgesya sa loob at labas ng bansa. Ang pinakamataas na ekspresyon nito ay ang mga welga ng pakikiisa ng manggagawang Pilipino sa mga pakikibaka ng mga kapatid sa uri sa ibang bansa. Ito ang proletaryong internasyonalismo.

Dapat at tama lamang na suportahan ang anumang kagyat na pakikibaka ng uring manggagawa dahil ito ay ekspresyon at pundasyon para sa rebolusyonaryong pakikibaka. Subalit hindi para itali ang masang anakpawis sa mga repormistang kahilingan; sa mga kahilingang umaasa sa mga batas ng kapitalistang estado at parliyamento kundi para ipakita sa uri na makakamit lamang ang mga kahilingang ito matapos maibagsak ang estado sa pamamagitan ng sosyalistang rebolusyon.

Sa kongkreto, tungkulin ng mga rebolusyonaryong minorya sa Pilipinas na hikayatin ang uring proletaryo na palawakin ang kanilang pakikibaka sa mas maraming pabrika, sa antas syudad hanggang pambansa at higit sa lahat, hanggang internasyunal na saklaw kung nais ng uri na temporaryong aatras o hihinto ang estado sa pang-aatake. At para lubusang mapigilan ang pang-aatake ng kapital, kailangang ibagsak ang burges na estado, ito man ay "diktadura",  "demokratiko" o "sosyalista". Ang labanan ngayon ay hindi na patagalan ng welga sa iilang pabrika kundi malawakang welga sa mas maraming pabrika; ng mas marami at malawak na manggagawang lumalahok sa mga pakikibaka sa lansangan. Ang labanan ngayon ay isang pampulitikang digmaan para itayo ang proletaryong kapangyarihan.

Panghuli, itinuturo ng karanasan ng uri sa 1905 at 1917 sa Rusya, 1980 sa Poland, 2006-2007 sa France, Spain at Egypt at nitong huli, sa Greece sa 2008 na ang tanging organo ng pakikibaka ng proletaryado ay ang kanilang mga asembliya at hindi ang mga unyon at mga partido ng Kaliwa.

Manggagawang Pilipino at mga rebolusyonaryo sa Pilipinas!

Salubungin natin ang bagong taon na may bagong pag-asa at bagong kamulatan. Salubungin natin ang 2009 sa pamamagitan ng pagtakwil sa lahat ng mga balakid - ang unyonismo, elektoralismo/parliyamentarismo at nasyunalismo - para isulong ang internasyunal na sosyalistang kilusan at ipraktika ang batayang prinsipyo ng Marxismo - internasyonalismo.

MANGGAGAWA SA BUONG MUNDO, MAGKAISA!
IBAGSAK ANG ESTADONG KAPITALISTA!
IBAGSAK ANG ‘SARILING' PAMBANSANG BURGESYA!

Enero 1, 2009

Site information: