Submitted by Internasyonalismo on
Kinukumpirma ng takbo ng pampulitikang sitwasyon sa kasalukuyan ang aming pananaw na nasa proseso ngayon ang naghaharing uri sa Pilipinas na ayusin ang mga bangayan sa kanilang hanay sa pamamagitan ng "mapayapang" paraan - eleksyon. Bagamat ito ay temporaryo lamang dahil patuloy na itutulak ang bawak paksyon ng burgesya sa marahas na labanan para sa kapangyarihan para maipakita na ang ganito o ganung paksyon ng mga mapagsamantala ang "karapat-dapat" para mamuno sa bulok na estado at ipagtanggol ang naghihingalong sistema.
"Populismo" para linlangin ang masa
Ang tunguhing "populismo" ay parang swine flu na kumakalat sa lahat ng mga bansang nakaranas ng matinding kombulsyon, kahirapan at kabulukan ng estado.
Sa bawat kabulukan ng naghaharing paksyong may kontrol sa kapangyarihan, sa bawat paglakas ng diskontento ng masa sa bulok na sistema, ay nanginginig ang buong naghaharing uri na biglang iigpaw ang diskontento ng uring anakpawis tungo sa rebolusyonaryong kamulatan - tungo sa kamulatan na ibagsak ang estado at sistema.
Natatakot ang burgesya na ang mga kilusang protesta at galit ng manggagawa at maralita laban sa walang solusyong krisis ng kapitalismo ay magbunga ng tuluyang pagkawala ng tiwala ng huli sa mga mistipikasyon ng demokrasya, eleksyon at nasyunalismo. At higit sa lahat ng lubusang pagkalantad sa harapan ng malawak na populasyon na walang kaibahan ang administrasyon at oposisyon.
Sa bawat kapalpakan ng naghaharing paksyon, mga kapalpakan na hindi naman talaga maiwasan dahil ang ugat ng problema ay nasa kabulukan ng sistema, nagkukumahog ang buong burgesya na atasan ang oposisyon (Kanan at Kaliwa) na maging mas aktibo, popular sa "paglaban" at "paglantad" sa mga katiwalian, kabulukan ng nasa kapangyarihan. Ito ang natatanging papel ng oposisyon sa hatian nila sa loob ng naghaharing uri.
Ang burges na oposisyon at Kaliwa ang shabu na binibigay ng burgesya sa masa para patuloy itong maging "bangag" sa mga mistipikasyon na ang problema ay nasa pangangasiwa lamang sa estado; na ang problema ay ang paghahanap lamang ng "tama" at "matinong" tao na "aasahan" ng mamamayan para siyang mag-ahon sa kanila sa kahirapan.
Maraming beses na nating nakita ang ganitong "epektibong" taktika ng burgesya sa kasaysayan sa buong mundo. Mao Zedong sa China, Ho Chi Minh sa Vietnam, Kim Il Sung sa North Korea, Fidel Castro sa Cuba, Hugo Chavez sa Venezuela, Lula sa Brazil, Bin Laden sa Gitnang Silangan, at nitong huli, Barack Obama sa Amerika.
Mulat dito ang burgesyang Pilipino. Sila mismo ay may ganitong karanasan sa Pilipinas - pinalitan nila ang kinamumuhiang si Marcos ng isang "popular" na tao - si Cory Aquino noong 1986. At ito rin ang kanilang gagamitin ngayon - papalitan ang kinamumuhiang si Gloria Arroyo ng isang "popular" na kandidato.
Noynoy Aquino, siya na ba ang kandidato ng burgesya?
Walang duda na ang burges na oposisyon ngayon ang "popular" sa mata ng taumbayan. Dahil sa matinding galit at diskontento ng masa sa administrasyon ay "natural" lamang na ang sisikat ay ang mga kandidatong mula sa oposisyon. Para sa mapagsamantalang uri ito ay hindi problema kundi positibo pa nga.
Salamat sa linyang anti-Gloria ng lahat ng paksyon ng Kaliwa sa Pilipinas laluna ng pangunahing paksyon nito, ang CPP-NPA-NDF, lalupang naging "popular" ang burges na oposisyon sa masa.
Dahil malaking posibilidad na ang pipiliin ng masang lalahok sa eleksyon sa 2010 ay mula sa oposisyon, hindi maiwasang titindi ang labanan ng mga oposisyon na kandidato para makuha ang boto ng mamamayan. Sa mga surbey ng burges, lumalabas na nangunguna lagi ang oposisyon. Kaya naman mas kapansin-pansin ang siraan at batuhan ng putik ng mga presidential candidates mula sa oposisyon laban sa isa't-isa. At titindi pa ito habang papalapit na ang eleksyon. Isa na dito ang bangayang Villar-Roxas (NP vs LP), Estrada vs Lacson na kasalukuyang umiinit ngayon.
Ang partido naman ng administrasyon ay parang nasa limbo ngayon dahil wala pa rin silang malinaw at "popular" na kandidatong panlaban. Dagdag pa, kumalas sa koalisyong Lakas-Kampi ang "Lakas originals" ni dating president Fidel Ramos at dating house speaker Jose de Venecia.
Ang pagkamatay ni Cory Aquino, ang "icon of democracy" sa Pilipinas, na sinasaluduhan ng lahat ng paksyon ng burgesya, kabilang na ang "ultra-radikal" na CPP-NPA-NDF ay parang "hulog ng langit" sa buong naghaharing uri para epektibong mapatupad ang taktikang "populismo".
Nagtulungan ang media, burges na partido ng Kanan at Kaliwa at Simbahan na muling buhayin ang "diwa ng Edsa 86" na matagal na sanang ibinaon dahil sa mga krimen ng rehimeng Aquino noon sa masang manggagawa at maralita.
At tulad ng kanyang ina, na isang "reluctant candidate" noong 1986, si Senador Noynoy Aquino naman ngayon ay ganun din at napilitan lang diumano na tatakbo dahil sa "popular na kahilingan" ng taumbayan.
Eureka! Nakita na ba ng burgesyang Pilipino ang Barack Obama sa Pilipinas sa katauhan ni Noynoy?
Hindi pa natin masasabi sa ngayon. Ang malinaw lamang ay biglang nag top si Noynoy sa latest survey sa Luzon; bigla siyang naging "star ng pag-asa" sa ordinaryong mamamayan.
Si Noynoy nab a ang epektibong shabu ng naghaharing uri para muling "magdiliryo" ang mahihirap sa eleksyon ng burgesya?
Hindi ito madaling sagutin sa ngayon. Ang malinaw, lalong titindi ang bangayan, siraan at batuhan ng putik sa hanay ng ibat-ibang paksyon ng oposisyon. Hindi lang kasi si Noynoy ang hayok sa kapangyarihan. At parang walang plano ang ibang opposition presidentiables gaya ni Villar at Estrada na aatras sa laban.
Ang tiyak, magiging royal rumble ang labanan ng ibat-ibang paksyon ng burgesya sa 2010 na maaring hindi hahantong sa "mapayapang" paraan ng pag-ayos ng kanilang mga bangayan kundi sa isang marahas na labanan.
Ugat ng "populismo"
Ang ugat ng populismo ay ang burges na demokrasya at pagmamahal sa inangbayan. Ang layunin nito: ipatupad ang "perpektong" demokrasya at ang tunay na "pagmamahal" sa bansa.
Noong 1986 ay iniluklok ng burgesya sa kapangyarihan ang isang "popular" na tao - si Cory Aquino. Gamit ang pag-alsa ng masa laban sa diktadurang Marcos at sa dayaan sa eleksyon ay nilinlang ng naghaharing uri ang masa na si Aquino ang boses nila sa kapitalistang estado. Ang sumunod ay ang masakit na turo ng kasaysayan sa masang api.
Noong 1998, isa na namang "popular" na tao ang umupo sa Malakanyang - si Joseph Estrada - sa ilalim ng islogang "Erap para sa mahirap". Subalit pinatalsik din siya ng naghaharing uri dahil sa kanyang kagaguhan at sa lumalakas na diskontento ng taumbayan.
Subalit dahil ganap ng bulok ang sistema at imposible na itong mareporma pa, ang "populismo" ay hanggang sa salita at propaganda na lamang. Ginagamit ito ng mapagsamantalang uri upang maipatupad ang pagkonsolida sa estado, ang huling sandalan ng naaagnas na kapitalismo.
Burges na eleksyon: Hadlang sa rebolusyonaryong pagbabago
Si Noynoy Aquino, Manny Villar, Noli de Castro, Estrada o sinumang nasa administrasyon o oposisyon ang uupo sa Malakanyang sa 2010, walang mangyayaring kaginhawaan sa api at hirap na kalagayan ng masang Pilipino.
Hindi eleksyon ang daan tungo sa panlipunang pagbabago kundi rebolusyon. Hindi makakatulong sa pagpapalakas ng rebolusyon ang paglahok sa burges na eleksyon. Sa halip, ang paglahok sa eleksyon mismo ang isa sa epektibong harang para sa pagsulong ng rebolusyonaryong pakikibaka.