Usaping Cha-Cha1: Usapin ng Burgesya Hindi ng Manggagawa

Printer-friendly version
 

Sentrong pampulitikang usapin ngayon ang Con-Ass2 ng mababang kapulungan ng burges na parliyamento. Sinolo ng maka-administrasyong mambabatas ang pagbabago sa kanilang Konstitusyon dahil alam nilang tutol dito ang dominado-ng-oposisyon na Senado.

Umani ito ng malawakang pagkondena ng iba't-ibang sektor ng lipunan.

May halaga ba sa ordinaryong manggagawa ang Saligang Batas ng mga Kapitalista?

Iisa lamang ang pinakita ng garapalang pagpasa ng HR 11093: isang rubber-stamp ang parliyamento at ang may hawak ng absolutong kapangyarihan ay ang ehekutibo. Hindi lang ito katangian ng rehimeng Arroyo kundi katangian ng LAHAT ng mga rehimeng kapitalista, hindi lang sa Pilipinas kundi sa lahat ng mga bansa. Ganito na ang katangian ng estado sa panahon ng dekadenteng kapitalismo.

Nahubaran ang demokrasya (ie, "pangingibabaw ng mayorya"). Nalantad ang kanyang tunay na anyo: isang tipo ng diktadura ng naghaharing uri. Isang mapanlinlang na anyo ng kapitalismo ng estado.

Ang saligang batas ng estado ay walang saysay sa masang manggagawa. ito man ay ang 1987 Konstitusyon o isang bagong Konstitusyon. Ito man ay sa paraang Con-Ass o Concon4. Ang Konstitusyon ng kapitalistang sistema ay para IPAGTANGGOL ang mapagsamantalang kaayusan.

Gumawa ng Konstitusyon ang naghaharing uri upang pasunurin nito ang mga pinagsamantalahang uri sa kagustuhan ng una. At ang sinumang lalabag ay parurusahan.

Sa loob ng mahigit 20 taon na pag-iral ng 1987 Konstitusyon ay lalong naghirap, inapi at pinagsamantalahan ang manggagawang Pilipino. Ang Konstitusyon na ginawa ng mapagsamantalang uri 20 taon na ang nakaraan ay para ipagtanggol ang bulok na sistema.

Kung iniisip man ng naghaharing paksyon na baguhin ang kanilang sariling saligang batas, ito ay walang ibang layunin kundi mas patindihin pa ang pagsasamantala at pang-aapi sa masang anakpawis; mas palakasin pa ang kapangyarihan ng estado na ang tanging papel ay pasunurin ang populasyon at supilin ang mga lumalaban.

Ang usapin ng pananatili sa luma o paggawa ng bagong Konstitusyon ay interes ng burgesya hindi ng uring manggagawa.

Ang nasa likod ng usaping pagbabago sa burges na Konstitusyon

Hindi term extension ni Gloria5 ang pangunahing dahilan kung bakit nagmamadali ang administrasyon na baguhin ang Konstitusyon. Ang pangunahing dahilan ay kailangan ng buong naghaharing uri (hindi lang ng paksyong Arroyo) na "i-angkop" ang mga batas ng estado para maproteksyunan ang pambansang kapitalismo na binabayo ng krisis bunga ng pandaigdigang krisis ng kapitalismo. Kailangan ng burgesyang Pilipino na maungusan ang ibang bansa sa paghahanap ng pamilihan sa pandaigdigang antas; isang pandaigdigang pamilihan na lalupang kumikipot sa pagdaan ng mga araw. Dahil atrasado ang kapitalismo sa bansa (at hindi na ito maging abante pa gaya ng kahibangan ng paksyong Arroyo) kailangan ng pambansang kapitalismo ang "tulong" ng dayuhang kapital (na siya namang ninanais ng ibang atrasadong mga bansa na karibal ng Pilipinas).

Kung may nag-iisip man ng term extension ni Gloria (president o prime minister), ito ay ang kanyang mga sagad-saring alagad na lamang. Pero hindi ang buong naghaharing uri dahil para sa kanila, isa ng liability si Gloria sa kanilang paghahari. Katunayan, may mapagpipilian na ang naghaharing uri sa loob ng burges na oposisyon para uupo sa Malakanyang (Roxas, Villar, Lacson, Legarda, Escudero, etc). Kung sino man siya, ito ay walang halaga sa masang mahihirap dahil alam ng huli na ibayong kahirapan lamang ang mararanasan nito anumang paksyon ng burgesya ang uupo sa kapangyarihan.

Kung hindi man magtagumpay ang pagbabago ng Konstitusyon ngayon, tiyak na isa ito sa pangunahing agenda ng bagong uupo sa Malakanyang sa 2010, siya man ay galing sa administrasyon o oposisyon.

Kampanya ng oposisyon at Kaliwa kontra Con-Ass

Gaya ng nasabi namin sa itaas, walang halaga sa manggagawa kung baguhin o hindi ang saligang batas ng uring kapitalista dahil hindi naman ito makauring laban nila kundi ng iba't-ibang paksyon ng kanilang makauring kaaway.

Pero nais hatakin ng oposisyon at Kaliwa ang masang manggagawa sa labanan ng kanilang kaaway. Nais ng una na sumali at kumampi ang huli sa isang paksyon ng burgesya. Ito ay kontra-rebolusyonaryong taktika at mapanghati sa uring manggagawa.

Malinaw naman ang nais ng oposisyon at Kaliwa: wala silang tutol na baguhin ang kanilang Konstitusyon. Ang nais nila ay sila muna ang nasa kapangyarihan bago ito baguhin. Bakit? Dahil gusto nilang tiyakin na ang kanilang paksyon ang magpapasasa sa pagsasamantala sa masang anakpawis at hindi ang kanilang mga karibal.

Ito ang nasa likod ng kanilang kampanyang "kontra Cha-Cha/Con-Ass". Ang kabilang mukha naman ng kampanyang ito ay ipagtanggol ang maka-kapitalistang 1987 Konstitusyon.

Gamit ang radikal na mga lenggwahe at "demokratikong" kahilingan ("Concon hindi Con-Ass", "Baguhin ang Konstitusyon matapos ang eleksyon sa 2010", etc), nagsisilbi ito sa kagustuhan ng buong naghaharing uri na maging kapani-paniwala ang eleksyon sa 2010 sa pamamagitan ng paghila sa mas maraming mamamayan laluna sa manggagawa at kabataan na lumahok sa burges na halalan.

Ang propagandang term extension ni GMA at hindi matutuloy ang 2010 eleksyon ay gayuma para kabigin ang malawak na diskontentong populasyon na "makibaka" para matuloy ang eleksyon sa 2010 at lumahok sa moro-morong ito.

Ang ikinatatakot ng buong naghaharing uri ay kung mawalan ng tiwala ang masang pinagsamantalahan sa eleksyon at mabilis itong mamulat sa rebolusyon. Ito ang pinipigilan ng lahat ng paksyon ng burgesya sa Pilipinas - Kanan man o Kaliwa.

Dagdag pa, kasabay ng kampanyang "kontra Cha-Cha" ng Kaliwa ay ang panawagan sa mamamayan na magtiwala sa "demokratikong" katangian ng estado sa halip na ibagsak ito. Sa likod ng linyang "anti-demokratiko" ang kasalukuyang estado ay nanawagan sila na itayo ang demokratikong gobyerno. Ang panawagang "sa halip pagkaabalahan ang pagbabago sa Konstitusyon, dapat ang isabatas ay CARPER, GARB, etc" ay naaayon sa linyang "magtiwala sa parliyamento basta sabayan ito ng presyur mula sa baba".

Radikal na lenggwahe, repormista sa esensya. Ang papel ng kapitalistang estado at lahat ng mga institusyon nito ay ipagtanggol ang naaagnas na bulok na sistema. Imposible na itong repormahin pa. Ang kailangan ay ibagsak ito!

Sigaw ng masang manggagawa: Wakasan ang pagsasamantala!

Hindi mawakasan ang pagsasamantala sa pananatili o pagbabago sa kapitalistang 1987 Konstitusyon. Hindi ito ang larangan ng pakikibaka ng uri. Hindi lalaya ang uri kung ang uupo sa Malakanyang ay mula sa kasalukuyang administrasyon, oposisyon o kahit "independyente". Bagkus, mas hihigpit pa ang kadena ng pang-aalipin.

Ang daan tungo sa makauring kalayaan ay ang pakikibaka ng uri para sa kanyang mga kahilingan laban sa mga atake ng kapital; mga kahilingan na araw-araw mismong naranasan ng uri sa loob ng kanyang pagawaan - ang pagsasamantala at pang-aabuso ng uring kapitalista. Hindi ipagtatanggol ng anumang saligang batas ng estado ang makauring interes ng proletaryado at iba pang aping sektor ng lipunan. Ang tanging magtatanggol sa uri ay ang uri mismo. Ito ay wala sa loob ng gobyerno at bulwagan ng parliyamento kundi sa labas - sa lansangan. Mga pakikibaka mula sa depensiba tungo sa rebolusyonaryong opensiba para ibagsak ang estado at mga institusyon nito. Mga labanan na ang direksyon ay itayo ang kapangyarihan ng manggagawa - ang diktadura ng proletaryado.

Cha-Cha o kontra Cha-Cha, Con-Ass o Concon: hindi ito laban ng manggagawa. Ang laban ng manggagawa ay wakasan ang pagsasamantala.

 

 

1 Cha-Cha - Charter Change

2 Con-Ass - Constituent Assembly

3 House Resolution 1109

4 Con-Con - Constitutional Convention

5 Gloria Macapagal Arroyo - current president of the Philippines

Site information: