Krisis ng kapitalismo at ang tunggalian ng mga paksyon ng naghaharing uri

Printer-friendly version

Habang tumitindi ang krisis ng pandaigdigang kapitalismo sa kabila ng “pagkakaisa” ng buong internasyonal na burgesya na isalba ito, tumitindi naman ang kompetisyon ng iba’t-ibang paksyon ng naghaharing uri sa Pilipinas para sa 2010 eleksyon. Tumitindi ngayon ang demolition jobs kapwa ng administrasyon at oposisyon laban sa kanilang mga karibal. Mga “paninira” na may bahid ng katotohanan. Ang kasinungalingan lang sa mga ito ay ang pagmamalinis ng mga “naninira”. Lahat ng mga paksyon ng naghaharing uri ay napakalaki ang kasalanan sa masang pinagsamantalahan. Mga kasalanan na hindi maaring kalimutan o isantabi sa pamamagitan ng “taktikang pakikipag-alyansa sa isang paksyon”. Mga kasalanan na ang tanging tugon ng uri ay ideklara sa harap ng publiko na mortal na kaaway nito ang lahat ng mga paksyon ng burgesya – Kanan at Kaliwa, administrasyon at oposisyon.

Habang binabayo ang manggagawang Pilipino sa mga atake ng kapital sa kanilang pamumuhay, abalang-abala naman ang Kanan at Kaliwa na igapos ang uring anakpawis sa mga ‘sektoral’ na pakikibaka – anti-VFA, hostage-taking ng teroristang Abu Sayyaf, “bail-ot the workers” campaigns, etc. Gayong ang mga ito ay manipestasyon ng pagiging bulok ng kapitalismo, ang mga isyung ito ay itinatali ng Kaliwa sa repormismo at panawagang may “magagawa ang estado kung gugustuhin nito”.

Habang ang mga kapatid na manggagawa sa ibang mga bansa laluna sa Uropa ay nakibaka batay sa panawagan ng malawakang pagkakaisa (manggagawa sa daigdig, magkaisa!), itinali naman ng mga unyon sa Pilipinas ang pakikibaka sa kani-kanilang pabrika at sa prodyeksyon ng kani-kanilang mga unyon at sa mga partido ng Kaliwa na kumokontrol dito. Ang ipokritong panawagan ng mga unyon at Kaliwa ng “pagkakaisa” at “malawakang pakikibaka” ay nagsisilbi sa kani-kanilang sektaryong layunin na sa “bawat pagkakaisa, kailangang kami ang mamuno”. Kaya naman, kitang-kita ang hiwa-hiwalay na pakikipaglaban ng masang proletaryado sa ilalim ng pamumuno ng iba’t-ibang mga unyon.

Hindi ito nakapagtataka dahil ang nangyari sa mga unyon sa Pilipinas (bilang instrumento ng naghaharing uri) ay ekspresyon lamang sa tumitinding bangayan ng mga paksyon ng burgesya na siyang amo ng mga unyon.

Itinatago ng mga burukratikong lider ng mga unyon sa Pilipinas ang katotohanan na ang sumusulong na militanteng pakikibaka ng mga manggagawa sa ibang bansa laban sa mga atake ng kapital ay nangyayari LABAS SA KONTROL ng mga unyon.

Ang sabotahe ng unyonismo sa pakikibaka ng manggagawa ay kitang-kita sa pagkatalo ng mga manggagawa sa Giardini del Sole sa Cebu at sa iba pang mga pabrika. Ang pakikibaka ng manggagawa para ipagtanggol ang trabaho at sahod sa panahon ng krisis ng kapitalismo ay nauuwi lamang sa “makatuwirang” retrenchment package at “government assistance” para maging maliliit na kapitalista ang natanggal na manggagawa. Ang ibang paksyon naman ng Kaliwa ay direktang nanawagan ng “nasyunalisasyon” (state control) o “workers’ control” sa mga naluluging pabrika. Ang mga linyang ito ay “radikal” sa porma pero maka-kapitalismo sa laman.

Sa halip na direktang ilantad ang pagiging inutil ng kapitalistang sistema, ikinahon ng mga unyon ang pakikibaka ng manggagawa sa simpleng “union busting”.

Ang aral na dapat mahalaw ng manggagawang Pilipino para epektibong labanan ang mga atake ng uring kapitalista para isalba ang naghihingalong sistema ay walang iba kundi:

ANG PAKIKIBAKA NG URI AY MAGING EPEKTIBO LAMANG KUNG MAGKAISA ANG MASANG MANGGAGAWA LABAS SA ISTRUKTURA AT KONTROL NG MGA UNYON; KUNG ANG PAKIKIBAKA AY MAPALAWAK MISMO NG URI SA MAS MARAMING PABRIKA; KUNG ANG ORGANISASYON NILA SA PAKIKIBAKA AY MISMONG ANG KANILANG MGA ASEMBLIYA KUNG SAAN ANG MGA LIDER AY MAARING PALITAN ANUMANG ORAS KUNG MAPAGPASYAHAN NG ASEMBLIYANG NAGHALAL SA KANILA.

Ang pakikibaka ng proletaryado laban sa mga atake ng kapital ay magtagumpay lamang kung ituloy-tuloy ito tungo sa pakikibaka para ibagsak ang kapitalistang estado kabilang na ang lahat ng mga institusyon nito laluna ang burges na parliyamento.

Kailangang maging mapagmatyag ang mga abanteng hanay ng uri sa mga maniobra ng Kaliwa na gamitin ang pakikibaka ngayon ng uri para sa prodyeksyon ng kani-kanilang partido at kandidato para sa eleksyon sa 2010 sa kasinungalingang “taktika ang eleksyon para isulong ang rebolusyon”. Ito ang masaklap na karanasan ng uri sa BAYAN MUNA, ANAKPAWIS, SANLAKAS, PARTIDO NG MANGGAGAWA, AKBAYAN, at iba pa. Ngayon naman, may bago na namang pang-engganyo ang Kaliwa – ang PLM – na ang modelo ay ang pagkapanalo ng Kaliwa sa burges na eleksyon sa Latin Amerika.

Habang tumitindi ang krisis ng kapitalismo, asahan natin na lalong titindi ang tunggalian ng Kanan at Kaliwa ng burgesya, ito man ay sa larangan ng eleksyon o armadong labanan. At sa kanilang tunggalian gagamitin nila ang mga isyu ng uri para sa kanilang pansariling kapakanan.

Ang tanging solusyon sa krisis ng kapitalismo ngayon ay rebolusyon ng mga manggagawa, hindi unyonismo at paglahok sa burges na eleksyon. Lalong hindi pag-akyat sa kabundukan para lumahok sa gerilyang pakikidigma sa pamumuno ng mga armadong paksyon ng naghaharing uri – CPP-NPA, RPA-ABB, MILF, ABU SAYAF, ETC.

INTERNASYONALISMO

Abril 12, 2009

 

Site information: