Submitted by ICConline on
Libu-libong mga manggagawa sa konstruksyon sa ibang planta ng langis at istasyon ng elektrisidad ang lumabas sa kani-kanilang trabaho bilang pakikiisa. Regular na iniorganisa at idinaos ang mga pulong-masa. Sumama sa mga piket sa iba't-ibang mga istasyon at planta ang mga manggagawa sa konstruksyon, bakal, daungan na nawalan ng trabaho pati ang iba pang manggagawa. Hindi nabahala ang mga manggagawa sa ilegal na katangian ng kanilang pagkilos bilang ekspresyon ng kanilang pakikiisa sa nagwelgang mga kasamahan, ng kanilang galit sa tumataas na bilang ng walang trabaho at sa kawalan ng solusyon ng gobyerno dito. Nang sumama sa pakikibaka ang 200 Polish na manggagawa sa konstruksyon, umabot ito sa kanyang rurok ng direktang kwestyunin ang nasyunalismo na bumabalot sa kilusan sa umpisa.
Ang pagtanggal ng 300 sub-kontraktwal na mga manggagawa sa planta ng langis sa Lindsey, ang mungkahing pagkuha ng ibang sub-kontraktor gamit ang 300 manggagawang Italyano at Portuguese (na mas mura ang paggawa dahil mas mababa ang kanilang kalagayan), at ang pahayag na walang manggagawa mula sa Britanya ang gamitin sa kontratang ito ang nagsindi para sumabog ang diskontento ng mga manggagawa sa konstruksyon. Sa loob ng ilang taon lumalaki ang paggamit ng kontrata sa mga manggagawa sa konstruksyon mula sa labas ng bansa, kadalasan sa mas mababang sahod at kalunos-lunos na kalagayan, na nagbunga ng pagtindi ng direktang kompetisyon sa pagitan ng mga manggagawa para sa trabaho, na nagtulak na bumaba ang sahod at kalagayan ng lahat ng manggagawa. Ito, kasama ang serye ng tanggalan sa industriya ng konstruksyon at sa iba pa dahil sa resesyon, ay nagbunga ng matinding militansya na makikita sa mga pakikibakang ito.
Sa simula pa lang naharap na ang kilusan sa pundamental na usapin, hindi lang sa mga welgista ngayon kundi para sa buong uring manggagawa ngayon at sa hinaharap: posible bang labanan ang kawalan ng trabaho at iba pang mga atake bilang mga ‘manggagawang British' at laban sa mga ‘manggagawang dayuhan', o kailangan nating tingnan ang mga sarili bilang mga manggagawa na may komon na interes sa lahat ng iba pang manggagawa, saan man sila galing? Ito ang matinding pampulitikang usapin at dapat sagutin ng kilusang ito.
Sa simula ang pakikibaka ay tila dominado ng nasyunalismo. Mayroong mga larawan sa balita ng mga manggagawang may plakard na "Trabahong British para sa Manggagawang British" at mas propesyunal na mga plakard ng unyon na nakasulat ang parehong islogan. Ang mga opisyal ng unyon ay hayagang nagtatanggol sa islogan; nagsasalita ang media sa pakikibaka laban sa dayuhang mga manggagawa at naghahanap ng mga manggagawa na may kahalintulad na opinyon. Ang kilusang ito ng ilegal na mga welga ay maaring matangay ng nasyunalismo at magbunga ng pagkatalo ng uring manggagawa, ng manggagawa laban sa manggagawa, ng manggagawang nagtatanggol sa nasyunalismo at nanawagan na ibigay ang trabaho sa mga manggagawang ‘British' habang mawalan ng trabaho ang mga manggagawang Italyano at Portuguese. Hihina ang kapasidad ng buong uring manggagawa sa pakikibaka at lalakas ang kapasidad ng naghaharing uri para mang-atake at manghati.
Ang ulat ng media (at sinasabi ng ilang manggagawa) ay madaling paniwalaan na ang kahilingan ng mga manggagawa sa Lindsey ay "Trabahong British para sa Manggagawang British". Hindi ganyan. Ang mga kahilingang tinalakay at pinagbotohan sa pulong-masa ay walang ganyang islogan o galit sa dayuhang manggagawa. Nakakatawang nakaligtaan ito ng media! Nagpakita ito ng mga ilusyon sa kapasidad ng unyon na hadlangan ang mga kapitalista na pagsabungin ang mga manggagawa, pero hindi sa lantarang nasyunalismo. Subalit ang pangkalahatang impresyon na nilikha ng media ay mga welgista laban sa manggagawang dayuhan.
Mariing bigat ng nasyunalismo
Ang nasyunalismo ay bahagi ng kapitalistang ideolohiya. Bawat pambansang uring kapitalista ay mabubuhay lamang sa pakikipagkompetinsya sa kanilang mga karibal sa ekonomiya at militar. Ang kanilang kultura, media, edukasyon, mga industriya ng libangan at palakasan, ay laging naghasik ng lason para subukan at itali ang uring manggagawa sa bansa. Hindi maiwasan ng uring manggagawa na mahawa ng ideolohiyang ito. Pero ang kahalagahan ng kilusang ito ay nakitaan ng pagkwestyon ng mga manggagawa sa bigat ng nasyunalismo sa pamamagitan ng paghawak sa usapin ng pakikibaka para ipagtanggol ang kanilang batayang materyal na interes.
Ang makabayang islogang "Trabahong British para sa Manggagawang British", ninakaw mula sa British National Party ni Gordon Brown, ay nagbunga ng pagkabalisa sa hanay ng mga welgista at uri. Pinaliwanag ng maraming welgista na hindi sila rasista ni taga-suporta ng BNP, na itinataboy ng mga manggagawa ng tangkain nitong sumawsaw sa pakikibaka.
Maliban sa pagtakwil sa BNP maraming manggagawa na kinausap sa telebisyon ay halatang nagsisikap mag-isip ano ang kahulugan ng kanilang pakikibaka. Hindi sila tutol sa dayuhang manggagawa, sila mismo ay nakapagtrabaho din sa labas ng bansa, pero wala silang trabaho o nais nilang magkaroon ng trabaho ang kanilang mga anak kaya pakiramdam nila ang trabaho ay dapat unang mapupunta sa manggagawang ‘British'. Ang naturang pananaw ay maari pa ring tingnan na ang mga manggagawang ‘British' at ‘dayuhan' ay walang komon na interes at bilanggo sa nasyunalismo, pero iyon ay malinaw na senyales na nangyayari ang proseso ng repleksyon.
Sa kabilang banda, ang ibang manggagawa ay malinaw na idiniin ang komon na interes sa pagitan ng mga manggagawa at nagsabi na ang nais nilang lahat ay magkaroon ng trabaho. "Tinanggal ako bilang kargador dalawang linggo na ang nakaraan. Nagtrabaho ako sa Daungan ng Cardiff at Barry sa loob ng 11 taon at narito ako ngayon sa pag-asa na mayugyog namin ang gobyerno. Tingin ko dapat magwelga ang buong bansa dahil nawawala na ang buong industriyang British. Pero wala akong galit sa dayuhang manggagawa. Hindi ko sila masisisi sa paghahanap kung saan may trabaho." (Guardian On-line 20/1/2009). May iilan din ang nagsasabing ang nasyunalismo ang tunay na panganib. Isang manggagawa na nagtrabaho sa labas ng bansa ang nagsabi, sa webforum ng mga manggagawa sa konstruksyon, hinggil sa mga kapitalista na ginagamit ang pambansang pagkahati-hati "Ini-engganyo ng kapitalistang media ang makabayang mga elemento na balingan kayo, ipakita na masama ang mga demonstrador. Tapos na ang laro. Ang huling bagay na nais ng mga kapitalista at gobyerno ay magkaisa ang manggagawang British at manggagawa mula sa labas ng bansa. Tingin nila patuloy nila tayong maloloko na mag-away para sa trabaho. Manginginig sila kung hindi tayo mag-away"; at sa ibang sulat iniugnay niya ang pakikibaka doon sa France at Greece at sa pangangailangan para sa internasyunal na ugnayan: "Ang malawakang protesta sa France at Greece ay senyales lamang kung ano ang mangyayari. Iniisip ba natin na ugnayan ang mga manggagawang iyon at palakasin ang protesta sa buong Uropa laban sa paghihirap ng manggagawa? Mas magandang opsyon yan kaysa patuloy na pagsamantalahan ng mga tunay na makasalanan, mga kapitalista, mapagkanulong liderato ng unyon, at New Labour ang uring manggagawa" (Thebearfacts.org). Lumahok din ang mga manggagawa sa ibang sektor sa porum na ito upang tutulan ang makabayang mga islogan.
Ang talakayan sa hanay ng mga welgista, at sa loob ng uri sa pangkalahatan, sa usapin ng makabayang mga islogan ay umabot sa panibagong yugto noong 3 Pebrero ng 200 manggagawa mula sa Poland ay sumama sa 400 ibang mga manggagawa sa ilegal na welga bilang suporta sa mga manggagawa sa Lindsey, sa istasyon ng elektrisidad sa Langage sa lugar ng konstruksyon sa Plymouth. Ginawa ng media ang lahat para itago ang internasyunal na pakikiisa: ang lokal BBC TV ay walang binanggit at sa pambansang saklaw halos hindi ito nabanggit.
Partikular na mahalaga ang pakikiisa ng mga manggagawang Polish dahil noong nakaraang taon lumahok din sila sa parehong pakikibaka. 18 manggagawa ang tinanggal at ang ibang mga manggagawa ay lumabas sa trabaho para makiisa, kabilang ang mga manggagawang Polish. Tinangka ng unyon na gawin itong pakikibaka laban sa dayuhang paggawa, pero pinawalang saysay ito sa presensya ng mga manggagawang Polish.
Ginawa ng mga manggagawa sa Langage ang panibagong pakikibaka na may inisyal na kamulatan paanong ginamit ng mga unyon ang nasyunalismo para subukang hatiin ang mga manggagawa. Isang araw matapos silang magwelga isang plakard ang lumitaw sa pulong-masa na nagsasabing "Istasyon ng Elekrisidad sa Langage - Mangagawang Polish Lumahok sa Welga: Pakikiisa", na maaring nagpaliwanag na isa o maraming manggagawang Polish ay nagbyahe ng 7 oras para makarating doon, o isang manggagawa sa Lindsey ay gustong bigyang diin ang kanilang ginawa.
Lumitaw din ang isang plakard sa piket ng Lindsey na nanawagan sa mga manggagawang Italyano na lumahok sa welga - nakasulat ito sa English at Italyano - at iniulat na ilang mga manggagawa ang nagdala ng mga poster na nagsasabing "Manggagawa sa daigdig magkaisa!" (Guardian 5/2/9). Sa madaling sabi nakikita natin sa simula ang mulat na pagsisikap ng ilang manggagawa na ihapag ang tunay na proletaryong internasyunalismo, hakbang na tutungo sa mas maraming repleksyon at diskusyon sa loob ng uri.
Lahat ng ito ay nagpahayag ng usapin ng pakikibaka sa panibagong antas, na direktang naghamon sa kampanya bilang isang makabayang reaksyon. Ang halimbawa ng manggagawang Polish ay pahiwatig ng pag-asa ng libu-libong ibang manggagawa mula sa labas ng bansa na sumama sa pakikibaka ng pinakamalaking mga konstruksyon sa Britanya, tulad ng konstruksyon sa Olympic sa Silangang London. Nariyan din ang peligro na hindi na maitago ng media ang internasyunalistang mga islogan. Maaring wasakin nito ang nasyunalistang harang na sinikap itayo ng burgesya sa pagitan ng nakibakang manggagawa at sa buong uri. Hindi nakapagtataka na madaling naresolba ang pakikibaka. Sa nagdaang 24 oras ang mga unyon, kapitalista at gobyerno ay nagsasabing aabot sa ilang araw kundiman linggo para maresolba ang welga, para maayos ang pangako na dagdag na 102 trabaho para sa manggagawang "British". Ito ay kasunduan kung saan karamihan sa mga welgista ay masaya dahil hindi ito nagkahulugan na mawalan ng trabaho ang mga manggagawang Italyano at Portuguese, pero tulad ng sinabi ng isang welgista, "bakit tayo makibaka para makakuha ng trabaho?"
Sa loob ng isang linggo nakita natin ang pinakamalawak na ilegal na mga welga sa loob ng ilang dekada, mga manggagawang nagsagawa ng mga pulong-masa at naglunsad ng ilegal na pagkilos ng pakikiisa na walang anumang pag-aalangan. Isang pakikibaka na maaring malunod sa nasyunalismo pero nagsimulang kwestyunin ang lason nito. Hindi ibig sabihin na nawala na ang panganib ng nasyunalismo: ito ay permanenteng panganib, subalit ang kilusang ito ay nagbibigay ng mga aral para sa mga pakikibaka sa hinaharap. Ang paglitaw ng mga plakard na nagsasabing "Manggagawa sa daigdig magkaisa" sa diumano isang makabayang piket ay nagbigay lamang ng ligalig sa naghaharing uri kung ano ang mangyayari sa hinaharap.
Phil 7/2/9