Submitted by Internasyonalismo on
Maraming mga seryosong elemento sa Pilipinas na kinikilala ang sarili na komunista o rebolusyonaryo ay patuloy na nagapos sa ilusyon ng demokrasya bilang daan tungong sosyalismo. Nakapagpalakas sa ganitong ilusyon ay ang pagiging atrasadong kapitalistang bansa ng Pilipinas at ang lantarang kabulukan ng umiiral na burges na demokrasya. Sa halip na kilalanin ang katotohanan na sa panahon ng dekadenteng kapitalismo o imperyalismo ang demokrasyang burges ay umabot na sa kanyang sukdulang limitasyon bilang progresibong salik para sa pagsulong ng independyenteng kilusang manggagawa at naging ganap ng hadlang para sa sosyalistang rebolusyon, kinilala ito ng mga seryosong elemento sa Pilipinas na “kakulangan” o kaya “hindi totoong” demokrasya. Hindi naunawaan ng mga elementong ito ang pundamental na kaibahan ng katangian ng kapitalismo sa 19 siglo at sa 20 siglo. Para sa kanila, tila walang pundamental na pagbabago at masahol pa, kung meron mang pagbabago ito ay walang implikasyon sa laman at porma ng pakikibaka ng uri.
Ang kawalan ng kaalaman at pag-unawa sa katangian ng kapitalismo bilang pandaigdigang sistema, ang lubusang pagiging reaksyonaryo nito at ang integrasyon ng buong mundo (lahat ng mga bansa) sa mga relasyon nito simula ng sumabog ang imperyalistang WW I sa 1914 ang nagtulak sa maraming seryosong mga elemento sa Pilipinas na naghahangad ng sosyalismo na mahulog sa bitag ng Kaliwa ng burgesya na may “pag-asa pang uunlad ang kapitalismo sa bansa” sa ilalim ng pandaigdigang bulok na sistema. Katunayan, ito ang bag-as ng programa ng Kaliwa, ito man ay ang Programa ng DRB ng mga maoistang CPP, minimum-maksimum na programa ng “leninistang” PMP o transisyunal na programa ng iba’t-ibang paksyon ng mga trotskyista. Dahil dito, ang bukambibig ng Kaliwa na “internasyunalismo” ay walang iba kundi pambansang kapitalismo. Ang bukambibig nito na sosyalistang rebolusyon ay walang iba kundi repormismo at parliyamentarismo. Kahit ang ultra-Kaliwa na gerilyang pakikidigma ng CPP ay mabilis na nalalantad ngayon bilang sandata ng repormismo at parliyamentarismo.
Sa halip na ang gamiting lente sa pagsusuri sa kalagayan ng Pilipinas ay ang dinamik at ebolusyon ng pandaigdigang kapitalismo, sa halip na ang teleskopyong gagamitin sa pag-aaral ng makauring tunggalian sa bansa ay ang galaw ng internasyunal na makauring tunggalian, kinukulong ng Kaliwa ang masang manggagawa at ang abanteng hanay nito sa pambansang balangkas sa paglalatag ng “estratehiya at taktika”. Sa madaling sabi, ang sosyalistang rebolusyon ay ikinulong ng Kaliwa sa balangkas ng bansa sa halip na aminin ang katotohanan na ito ay isang pandaigdigang rebolusyon. Ito ang tungkulin ng Kaliwa: harangan at ilihis ang pakikibaka ng uri tungong sosyalismo. Nagtutulungan ang Kanan at Kaliwa ng kapital laban sa uring manggagawa.
Dahil dito, gaano man kaseryoso ang mga elementong ito hangga’t “boluntaryo” nilang ikinulong ang sarili sa mga organisasyon ng Kaliwa, mananatiling “perspektiba” sa kanila ang sosyalismo at ang tanging “realidad” sa kanilang isipan ay ang mistipikasyon ng “pambansang kalayaan at demokrasya.”
Komunistang Rebolusyon: Tanging Linya ng Martsa ng Uri sa Kasalukuyan
Komunistang rebolusyon ang tanging daan ng uring proletaryo sa buong mundo ngayon. Ito man ay sa atrasado o abanteng kapitalistang mga bansa. Iisa lamang ang programa ng uring manggagawa sa daigdig dahil ang kapitalismo ay pandaigdigang sistema. Pero hindi ito ang pangunahing dahilan kung bakit komunistang rebolusyon na ang laman at direksyon ng pakikibaka ngayon. Ang imperyalistang WW I ay senyales na ganap ng naging reaksyonaryo ang pandaigdigang kapitalismo at wala na itong maibigay na anumang magandang kinabukasan sa sangkatauhan kundi ibayong kahirapan, digmaan at pagkasira ng mundo.
Ang mga kagyat at pang-ekonomiyang pakikibaka ng uri ay direktang nakaugnay sa pampulitikang pakikibaka. Ang una ang nagbibigay kongkretisasyon sa huli at ang huli ang nagpapalakas sa una. Sa panahon ng naghihingalong kapitalismo hindi na maaring magkahiwalay ang mga ito. Pero dapat linawin, hindi na kabilang sa pampulitikang pakikibaka ng proletaryado ang parliyamentarismo magmula 1914.
Dahil dito, hindi na lang pangangailangan ang komunistang rebolusyon kundi ito ay posible na. Sa pagpasok ng 20 siglo nasa istorikal na agenda na ang pandaigdigang komunistang rebolusyon. Walang ibang layunin ang pakikibaka ng proletaryado ngayon, ito man ay sa Pilipinas o saan mang sulok ng mundo kundi ang wasakin ang kapitalismo at ang estado nito at itayo ang diktadura ng proletaryado sa pandaigdigang saklaw.
Lipas na ang minimum na programa ng Sosyal-Demokratikong 2nd Internasyonal. Hindi na ito angkop sa panahon ng dekadenteng sistema. Isang bangungot ang transisyunal na programa. Isang kontra-rebolusyonaryong linya ang Programa ng DRB. Isang ilusyon na lang ang pagtatayo ng isang malaya at demokratikong bansa sa ilalim ng nabubulok na imperyalistang kaayusan.
Pag-aralan at talakayin natin ang karanasan ng internasyunal na proletaryado sa loob ng mahigit 200 taon laluna ang mga debate ng mga rebolusyonaryo. Pag-aralan natin ang ebolusyon ng pandaigdigang kapitalismo. Sa pamamagitan lamang nito maunawaan natin kung bakit ang komunistang linya ng martsa ngayon ang tanging daan patungong pagbabago sa bulok na lipunan.
Tungkulin ng lahat ng mga komunista na ipagtanggol sa harap ng masang manggagawa ang mga komunistang prinsipyo sa pamamagitan ng malawak at malalim na talakayan at diskusyon kung saan bukas sa partisipasyon ng lahat ng manggagawa laluna sa abanteng hanay nito at sa mga elementong seryoso para sa panlipunang pagbabago.