Submitted by Internasyonalismo on
Kaliwa't kanan ang tanggalan sa maraming mga pabrika ngayon dahil sa lumalalang krisis ng pandaigdigang kapitalismo. Kung hindi man tanggalan ay pagbabawas ng sahod sa pamamagitan ng work rotation.
Ganito ka brutal ang kapitalismo. Para pansamantalang maligtas mula sa wala ng solusyon na krisis bunga ng kanyang mga panloob na kontradiksyon, ang masang manggagawa ang sasagasaan ng paulit-ulit. Ang brutalidad ng bulok na sistema ay hindi kagagawan ng mga "masasama" at "ganid" na kapitalista kundi bunga mismo ng katangian ng sistema.
Internal na mga kontradiksyon ng kapitalismo: Ugat ng lumalalang krisis ng mundo
Nabubuhay ang kapitalismo sa pagsasamantala sa masang anakpawis; sa pagpiga mula sa manggagawa ng labis na halaga - ang paggawa na walang bayad. Ang labis na halaga ang pinagmulan ng tubo ng mga kapitalista. Para ma-realisa ang tubo - para maging pera - kailangang maibenta ang mga produkto sa pamilihan. Sa sandaling maibenta lamang ang mga produktong ito ay saka pa maging pera ang tubo para panibagong kapital na napiga nito sa manggagawa.
Dahil sa anarkiya ng kapitalismo ng paglikha ng produkto bunga ng katangian nitong kompetisyon at sa kawalan ng kapasidad ng populasyon na bilhin ang lahat ng produktong gawa ng kapital, mangyayari ang krisis sa sobrang produksyon na magbunga naman ng pagliit ng tantos ng tubo. Ang solusyon dito ng kapitalismo ay ibayong pagpapalawak ng kanyang nasasakupan; ibayong paglawak ng kapitalistang pamilihan. Kaya naman sa panahon ng 19 siglo ay laganap ang kolonisasyon ng kapital sa iba't-ibang panig ng mundo. Ang bawat masakop nito ay dinudurog ang hindi-pa-kapitalistang mga sistema at pinipilit ang lokal na populasyon na yakapin ang sistema ng kapital - pera, tubo at pamilihan. Ipinunla at pinayabong ng kapital ang kanyang sariling imahe mula sa mga guho ng lumang kaayusan.
Imperyalismo: huling yugto ng kapitalismo, ang kanyang dekadenteng yugto
Sa pagpasok ng 20 siglo, ganap ng nasakop ng kapital ang buong mundo. Naging ganap ng isang pandaigdigang sistema ang kapitalismo kung saan walang bansa ang nakakaligtas sa mga pangil ng kanyang brutal na pagsasamantala. Dito na nagtapos ang pagiging progresibo ng kapital sa pagpapaunlad ng mga produktibong pwersa. Ganap ng naging hadlang ang sistema sa ibayong pag-unlad ng mga produktibong pwersa ng lipunan. Sa halip, ang patuloy na pag-iral nito ang siya ng sentral na dahilan ng ibayong kahirapan ng sangkatauhan sa buong mundo. Ganap ng naging reaksyonaryo ang burgesya.
Sa panahon ng imperyalismo, ang krisis ng kapitalismo ay palala ng palala habang ang kanyang "rekoberi" ay paiksi ng paiksi. Kaya naman ang pagiging atrasado ng maraming bansa ay hindi simpleng kagagawan ng iilang makapangyarihang kapitalistang bansa gaya ng propaganda ng iba't-ibang paksyon ng Kaliwa. Ang mga labi ng pyudal na kaayusan ay hindi simpleng nagmula sa suhetibong kagustuhan ng burgesya dahil ang naturalesa ng kapitalismo sa bawat madapuan niya ay wawasakin ang mga lumang kaayusan dahil sa ganitong paraan lamang siya mabubuhay.
Ang pagiging atrasado ng dumaraming mga bansa ay nagmula sa kawalan na mismo ng kapasidad ng sistema na paunlarin pa ito para gawing industriyalisado. Kung sa 19 siglo, dinudurog ng kapitalismo ang uring magsasaka para gawing mga manggagawa sa kanyang industriyalisadong mga pabrika, sa panahon ng imperyalismo ay hindi na kayang papasukin ang paparaming mga nadurog na magsasaka sa kapitalistang industriya. Sa imperyalismo dumarami ang mga walang trabaho at mga mala-proletaryado. Sila ang tinagurian ngayon na nasa "informal sector" o malaking bahagi ng sinasabing "underground economy".
Pakikibaka ng manggagawa
Ang tanging rebolusyonaryong uri sa sistemang kapitalismo ay ang uring manggagawa. Ang ibang pinagsamantalahang mga uri ay hindi rebolusyonaryo bilang uri. Kung makauring interes ang pagbabatayan, ang mga ito ay reaksyonaryo dahil nais nilang panatilihin ang kanilang uri na walang ibig sabihin kundi ibalik ang gulong ng kasaysayan. Ang kinabukasan ng mga uring ito na mabilis na winawasak ng kapitalismo ay maging proletaryado. Nagiging rebolusyonaryo lamang ang mga uring ito sa panahon na ang dinadala nila ay ang interes ng uring kabibilangan nila sa hinaharap.
Ang pagiging tanging rebolusyonaryong uri ng manggagawa ay lalong tumitingkad sa panahon ng imperyalismo, ang dekadenteng yugto ng kapitalismo. Tanging ang matagumpay na rebolusyonaryong opensiba lamang ng internasyunal na proletaryado ang magbigay katapusan sa naaagnas na bulok na pandaigdigang sistema sa pamamagitan ng pandaigdigang komunistang rebolusyon.
Kaiba sa 19 siglo, ang pang-ekonomiyang pakikibaka ng manggagawa sa panahon ng imperyalismo ay kagyat at direkta ng nakaugnay sa pampulitikang pakikibaka - sa pakikibaka para ibagsak ang burges na estado at lahat ng mga institusyon nito. Dahil wala ng kapasidad na magbigay ng anumang makabuluhang reporma ang sistema, ang realisasyon ng pang-ekonomiyang pakikibaka ay makakamit lamang sa panahon na madurog na ang estado. Sa ganitong katotohanan nakabatay ang tungkulin ng mga komunista sa loob ng kilusang paggawa - bigyang direksyon ang lahat ng pang-ekonomiyang pakikibaka na tumungo sa pampulitikang pakikibaka, sa pakikibaka laban sa estado at hindi lamang sa naghaharing paksyon na siyang may hawak ng estado.
Dahil dito, anumang makauring pakikibaka ng proletaryado, sa anumang bahagi ng mundo ay kailangang lumaganap at lumawak. Hindi na sapat ang paisa-isang laban; ang mga laban sa bawat pabrika lamang. Kailangan na ang malawakang mga labanan; mga labanan na lalahukan ng pinakamaraming pabrika hindi lamang sa antas syudad at pambansa kundi internasyunal upang magkaroon ng tunay at makabuluhang mga tagumpay kahit sa usapin ng pang-ekonomiya at kagyat ng pakikibaka. Bakit? Dahil malawakan na rin ang mga atake ng kapital tulak ng kanyang papalawak at papalalim na krisis.
Ang paisa-isa at matagalang labanan (matagalang welga) ay hahantong lamang sa pagkatalo at kabiguan na magbubunga ng matinding demoralisasyon at kawalan ng kumpyansa ng uri sa kanyang sarili. Ito ang ikalawang pampulitikang tungkulin ng mga komunistang organisasyon - suportahan ang lahat ng pakikibaka ng uri at sa loob ng pakikibaka ay matalas na ipakita na kailangang lumawak ang pakikibaka upang manalo.
Sa ganitong katangian ng porma ng pakikibaka sa panahon ng dekadenteng kapitalismo, hindi na mga unyon ang porma ng organisasyon ng uri para sa kanyang laban. Ganap ng integrado ang mga unyon sa estado at sa pambansang kapitalismo. Ang mga unyon ay lumitaw bilang instrumento ng uri para makakuha ng makabuluhang mga reporma sa ilalim ng isang progresibong kapitalismo.
Kaya naman sa pangkalahatan ay makauring instrumento ito ng proletaryado sa 19 siglo. Subalit pundamental na nag-iba ang katangian ng sistema sa panahon ng imperyalismo. Ganun din ang mga unyon. Naging polis na sila ng estado sa loob ng pagawaan. Katuwang ng iba't-ibang paksyon ng burgesya upang ikulong ang manggagawa sa pagtatanggol ng pambansang kapitalismo gamit ang mga mistipikasyon ng nasyunalismo, patriyotismo at demokrasya.
Itinuro sa ating henerasyon ng internasyunal na proletaryado noong 1905 - 1923 kung ano ang angkop na organo ng pakikibaka ng uri sa kanyang pang-ekonomiya at pampulitikang pakikibaka - mga asembliya at konseho ng manggagawa o mga komite at inter-komite sa welga o simpleng komite sa pabrika. Ang mga ito ay itinayo, pinatatakbo at pinagkukunan ng mga kapasyahan ng lahat ng manggagawa na nakibaka. Ang proletaryong demokrasya ay dito makikita hindi sa mga pulong ng iilang "lider" o "grupo ng mga komunista" na "namuno" sa pakikibaka. Ang mga organong ito ay may kapangyarihang palitan anumang oras ang kanilang halal na mga lider kung sa tingin ng mga manggagawa ay hindi na ito nagsisilbi sa kanilang pakikibaka.
Sa 1970s ito ang ginawa ng mga manggagawa sa Poland at Italy sa kanilang mga laban. Subalit ang pinakamatingkad at pinakamalawak ay ang pakikibaka ng manggagawang Polish noong 1980-81.
Ang kasaysayang ito ng internasyunal na proletaryado ang pilit itinatago ng mga unyon at Kanan at Kaliwa ng burgesya upang patuloy na linlangin ang uri na sa "pamamagitan lamang ng unyonismo" makamit ng manggagawa ang tagumpay sa pakikibaka.
Imperyalismo at komunistang rebolusyon
Ang imperyalismo ay hindi simpleng "pagsaamantala ng makapangyarihang imperyalistang mga bansa sa mga atrasadong bansa" gaya ng Pilipinas. Lalunang ang imperyalismo ay hindi simpleng "US imperialist enemy number one". Ang ganitong baluktot na pag-unawa sa imperyalismo ang naging daan upang maniwala na nahahati ang mundo sa dalawang kampo - progresibong kapitalismo at reaksyunaryong kapitalismo. Mas masahol pa, hinati ng ganitong maling pananaw ang sanlibutan sa dalawang kampo - imperyalistang kampo at "anti-imperyalistang" kampo kung saan sa huli ay alyado ng rebolusyon ang makabayang pambansang burgesya. At ang pinakamataas na rurok ng kahibangan ay alyado ng rebolusyon ang mga sagadsaring anti-komunistang organisasyon gaya ng Al Qaeda, Hamas, Hizbollah dahil lamang sa baliw na katuwiran na ang mga ito ay laban sa imperyalsimong Amerika!
Ang mga kahibangang ito ay bunga ng sinasabi ng Kaliwa na ang "nasyunalismo ay aplikasyon ng internasyunalismo".
Ang imperyalismo ay hindi simpleng polisiya ng ilang imperyalistang kapangyarihan. Ito ay katangian ng pandaigdigang kapitalismo na pumasok na sa kanyang dekadenteng yugto, sa kanyang permanenteng krisis. Ang imperyalismo ay hudyat na possible at kailangan na ang komunistang rebolusyon upang tuluyan ng wakasan ang naghaharing sistema na wala ng maibigay na magandang bukas sa sangkatauhan maliban sa mga digmaan, kahirapan, gutom, sakit at pagkasira ng kalikasan.
Sinakop ng imperyalismo ang lahat ng mga bansa. Ang lahat ng mga pambansang kapital, kasama na ang Pilipinas ay may katangiang imperyalista. Para patuloy na mabuhay sa panahon ng permanenteng krisis ng sistema, kailangan ng bawat pambansang kapital na maungusan sa kompetisyon ang kanyang mga karibal; kailangan niyang pagsamantalahan ang kanyang sariling manggagawa para magawa nitong magsamantala sa ibang mas mahina sa kanya. Kailangan niyang sumandal sa isang mas makapangyarihan sa kanya para magkaroon siya ng puwang sa kumikipot na pandaigdigang pamilihan. Sa ganitong konteksto, lahat ng mga bansa kabilang na ang makapangyarihang mga bansa ay export-import dependent dahil ganap ng integrado ang lahat ng mga pambansang ekonomiya sa pandaigdigang ekonomiya.
Ang tunay na anti-imperyalismo ay anti-kapitalismo sa lahat ng kanyang anyo - pambansa, dayuhan at kapitalismo ng estado. Ang tunay na anti-imperyalismo ay kaaway at hindi alyado ang lahat ng paksyon ng burgesya - pambansa at dayuhan, administrasyon at oposisyon.
Ang programa ng tunay na anti-imperyalismo ay walang iba kundi pandaigdigang komunistang rebolusyon. Ito ang tanging programa ng internasyunal na rebolusyonaryong proletaryado sa kasalukuyang panahon.