Submitted by Internasyonalismo on
Attachment | Size |
---|---|
rehimeng_aquino.pdf | 110.29 KB |
Natapos na ang eleksyon noong Mayo 10. “Nagpasya” na ang 75% ng mahigit 50 milyong botante kung sinu-sino ang mang-api at magsamantala sa kanila sa loob ng 3-6 na taon. Ito ay tagumpay na naman ng naghaharing uri sa Pilipinas.
Ang resulta ng halalan ay kumpirmasyon ng pagsusuri ng Internasyonalismo (seksyon ng Internasyunal na Komunistang Tunguhin sa Pilipinas: kailangan ng palitan ang paksyong Arroyo ng isang “popular” na kandidato mula sa partido ng oposisyon; kailangang may kredibilidad at kapani-paniwala ang resulta ng eleksyon laluna sa antas pampangulohan:
“... para sa naghaharing uri, kailangang patuloy na mag-iilusyon ang malawak na masa sa isang "malinis" na eleksyon. Ito ang isa sa mga epektibong paraan para mapanatili nila ang bulok na kaayusan. Nais nilang matuloy, "mapayapa" at "malinis" ang halalan ngayong Mayo.” ('Polyeto sa Mayo 2010': https://fil.internationalism.org/node/175)
Ang maingay na propaganda ng oposisyon at Kaliwa ng “failure of election” at “no election” ay napatunayan na ginamit lamang nila para lalabas ang mas maraming botante at bomoto. At nagtagumpay nga sila sa kanilang panlilinlang sa taumbayan. Higit sa lahat, ang ganitong linya ng pag-iisip ay manipestasyon ng isang peti-burges na ideolohiya kung saan laging nangangarap na liliyab ang bangayan ng mga paksyon ng Kanan para sunggaban agad ng Kaliwa. Ang mga marxista sa kabilang banda ay laging nakabatay sa tunggalian ng uri at sa balanse ng pwersa sa pagitan ng burgesya at proletaryado hindi lang sa pambansa kundi higit sa lahat sa pandaigdigang saklaw.
Ang patunay na may “kredibilidad” ang eleksyon ay ang maagang pagtanggap ng pagkatalo nila Manny Villar, Gibo Teodoro, Loren Legarda at iba pang kandidato sa pambansang antas. Kahit ang mga maoistang kandidato para senador na sina Satur Ocampo at Liza Maza ay binati agad si Noynoy Aquino bilang posibleng maging pangulo ng Pilipinas. Ang mga pagbati ng mga talunang kandidato ay nangyari wala pang 48 oras matapos ang halalan, pinakamabilis sa kasaysayan ng burges na eleksyon sa Pilipinas.
Bagamat may alingasngas pa rin hanggang ngayon ng malawakang dayaan sa eleksyon na pangunahing pinasimunuan ng mga talunang kandidato, sa pangkalahatan ay nangibabaw na “kapani-paniwala” at may “kredibilidad” ang nakaraang halalan. Ganun pa man, hindi ibig sabihin na walang bahid ng katotohanan ang reklamo ng mga talunan. Pero kailangang ilantad ang ipokrasya ng mga talunan sa usapin ng dayaan. Halos lahat ng mga kandidato (nanalo man o natalo) ay gumawa ng pandaraya.
Ang pandaraya – pamimili ng boto, panunuhol at pananakot para manalo – ay tatak na ng eleksyon sa Pilipinas dahil ang eleksyon mismo ay bangkarota na. Signipikanteng bahagi ng populasyon, partikular ang mahihirap ay hindi na naniwalang sagrado ang kanilang boto at sa pamamagitan ng eleksyon ay mangibabaw ang kanilang kapasyahan. Ang bahaging ito, itong desperadong bahagi ng populasyon, at dahil na rin sa kawalan ng tiwala sa sariling lakas at pagkakaisa, ay ginawa na lamang na pantawid-gutom ang burges na halalan. Isa ito sa negatibong epekto ng pagkaagnas ng kapitalistang sistema sa bansa: ang lumpenisasyon ng isang bahagi ng uring manggagawa at maralita.
Ang masisilip natin sa alingasngas ng dayaan ay ang nag-uumalpas na realidad na pahirap ng pahirap ang naghaharing uri na kumbinsihin ang publiko na “malinis” at “kapani-paniwala” ang kanilang eleksyon. Habang lalala ang krisis ng sistema kasabay ng mas lalong paglala ng bangayan ng mga paksyon ng mapagsamantalang uri, bibilis din ang paglaho ng nalalabing tiwala ng masang anakpawis sa eleksyon sa ilalim ng kapitalismo.
Noong nakaraang taon pa ay ganito na ang sinabi namin:
"Kung ang consensus ng karamihan ng naghaharing uri sa Pilipinas ang suriin, isa ng liability si Gloria bilang pangunahing tagapagtanggol ng kapitalistang estado. Sa kanyang termino bumilis at dumami ang nawawalan ng tiwala sa mga demokratikong mistipikasyon laluna sa usapin na walang kaibahan ang lahat ng politiko - administrasyon at oposisyon - at wala ng kabuluhan ang eleksyon.
Ito ang kinatatakutan ng lahat ng paksyon ng naghaharing uri: lubusang mawala ang tiwala ng masa sa demokratikong anyo ng diktadura ng burgesya, ang huli at pinaka-epektibong maskara ng estado para itaboy ang manggagawa at maralita sa rebolusyonaryong pakikibaka para sa sosyalismo." (‘Ika-9 na SONA ni Gloria para ba sa masa?' [fil.internationalism.org/internasyonalismo/200907/104/ika-9-na-sona-ni-gloria-para-ba-sa-masa])
Hindi kami manghuhula dahil ang marxismo ay nakabatay sa materyal at dinamikong paggalaw ng lipunan at mga uri sa loob nito. Kaya madaling makita ng mga marxista ang tunguhin ng burges na politika sa bansa. Sa tindi ng bangayan ng mga paksyon sa loob ng mapagsamantalang uri at sa takot ng burgesyang Pilipino na tuluyang mawala ang mistipikasyon ng burges na eleksyon sa hanay ng malawak na masang api, ganito ang sinabi namin noong Setyembre 2009 hinggil sa kung ano ang katangian ng susunod na pangulo ng kapitalistang gobyerno:
"Ang tunguhing "populismo" ay parang swine flu na kumakalat sa lahat ng mga bansang nakaranas ng matinding kombulsyon, kahirapan at kabulukan ng estado."
"Natatakot ang burgesya na ang mga kilusang protesta at galit ng manggagawa at maralita laban sa walang solusyong krisis ng kapitalismo ay magbunga ng tuluyang pagkawala ng tiwala ng huli sa mga mistipikasyon ng demokrasya, eleksyon at nasyunalismo. At higit sa lahat ng lubusang pagkalantad sa harapan ng malawak na populasyon na walang kaibahan ang administrasyon at oposisyon."
"Ang burges na oposisyon at Kaliwa ang shabu na binibigay ng burgesya sa masa para patuloy itong maging "bangag" sa mga mistipikasyon na ang problema ay nasa pangangasiwa lamang sa estado; na ang problema ay ang paghahanap lamang ng "tama" at "matinong" tao na "aasahan" ng mamamayan para siyang mag-ahon sa kanila sa kahirapan."
"Ang pagkamatay ni Cory Aquino, ang "icon of democracy" sa Pilipinas, na sinasaluduhan ng lahat ng paksyon ng burgesya, kabilang na ang "ultra-radikal" na CPP-NPA-NDF ay parang "hulog ng langit" sa buong naghaharing uri para epektibong mapatupad ang taktikang "populismo".
Nagtulungan ang media, burges na partido ng Kanan at Kaliwa at Simbahan na muling buhayin ang "diwa ng Edsa 86" na matagal na sanang ibinaon dahil sa mga krimen ng rehimeng Aquino noon sa masang manggagawa at maralita.
At tulad ng kanyang ina, na isang "reluctant candidate" noong 1986, si Senador Noynoy Aquino naman ngayon ay ganun din at napilitan lang diumano na tatakbo dahil sa "popular na kahilingan" ng taumbayan. ('"Popular" na kandidato para ipagtanggol ang kapitalismo' [fil.internationalism.org/internasyonalismo/200909/106/popular-na-kandidato-para-ipagtanggol-ang-kapitalismo])
Ang pagkapanalo ni Benigno “Noynoy” Aquino III bilang pangulo ay hindi tagumpay ng manggagawa at maralitang Pilipino. Kundi kabaliktaran. Ito ay ang panunumbalkik ng bangkarotang populistang ideolohiya na ibinaon na sana sa limot matapos malantad ang pagiging kontra-manggagawa at kontra-mamamayan ng rehimeng Corazon Aquino noong 1986-92.
Populismo sa Pilipinas
At nangyari nga ang marxistang pagsusuri: nanalo si Benigno “Noynoy” Aquino. Kinilala siya ng mayoriya ng naghaharing uri at signipikanteng bilang ng panggitnang pwersa, media at Simbahan bilang isang “popular” na pangulo ng bansa. Isang tao na “napilitan” lamang tumakbong pangulo dahil sa “kagustuhan” ng nakararami. Habang si Gloria Arroyo ay tiyak na ang pag-alis sa Malakanyang upang maging “kinatawan” ng kanyang distrito sa Pampanga sa mababang kapulungan.
Lumakas ang burges na populismo sa Pilipinas noong panahon ng diktadurang Marcos. Sa panahong ito ang pinaka-radikal na kaliwang kamay ng burgesya – CPP-NPA – ay naglabas ng atas para sa kanyang mga kadre, aktibista at baseng masa ng linyang “anti-pasista, anti-pyudal at anti-imperyalista” na may pangunahing diin sa anti-pasistang nagkakaisang prente. Ang bangkarotang linyang ito ang isa sa mga “taktika” ng mga stalinistang partido noong WW II. At kabilang sa naging biktima ng taktikang ito ay ang PKP/Hukbalahap ng masakerin sila ng kanilang alyadong imperyalistang Amerika laban sa imperyalistang Hapon.
Sa ilalim ng anti-pasistang linya ay nakipag-alyado ang maoistang PKP sa anti-Marcos na reaksyunaryong oposisyon tulad nila Benigno Aquino Jr, Laurel, Kalaw, Manglapus, atbp.
Ang “People Power” sa 1986 ang naging rurok ng pakikibakang anti-Marcos ng mailuklok sa Malakanyang ang byuda ng pinaslang na si Benigno Aquino Jr: si Corazon Aquino. Lumukob sa buong Pilipinas ang napakataas na ilusyon na “bumalik na ang demokrasya” dahil wala na sa kapangyarihan ang pamilyang Marcos.
Subalit kung anong taas ng ilusyon sa populistang demokrasya ay ganun din kalakas ang kalabog ng bumagsak ito: naranasan ng manggagawa at mahihirap na ang demokrasya ni Cory Aquino ay walang kaibahan sa diktadura ni Marcos.
Pero dahil ang papel ng Kaliwa ay maging taga-sabotahe ng rebolusyonaryong kilusan sa loob, patuloy nitong sinalaksak sa utak ng kanilang baseng masa ang populismo sa kongkretong ekspresyon nito na lantay na oposisyon lamang sa paksyon na nasa kapangyarihan habang alyado ang mga paksyon ng mapagsamantalang uri na wala sa kapangyarihan: ang burges na oposisyon.
Dahil dito ay muling naulit ang kasaysayan na ang bunga ay mas karumal-dumal pa sa nakaraan: sa pamamagitan ng “People Power 2” at muling pakipag-alyansa ng Kaliwa sa noon ay wala pa sa kapangyarihan na paksyong Arroyo ay naluklok si Gloria Arroyo sa kapangyarihan at naghari ang kanyang paksyon sa loob ng 9 na taon.
Hindi pa nakontento ang Kaliwa. Ang kupas na sanang “Cory Magic” ay muli nilang binuhay kakutsaba ang Kanan, media at Simbahan ng pumanaw si Corazon Aquino. At dahil dito, nakatulong sila para magpasya si Noynoy Aquino na tumakbong presidente ng Pilipinas.
Nagtagumpay ang Kanan at Kaliwa sa kanilang pananabotahe: nanalo si Ninoy Aquino at nakakuha ng isa sa pinakamalaking boto sa kasaysayan ng eleksyong pampangulohan. Hindi lang yan, bomoto ang mahigit 75% ng mga botante.
Dahil sa populismo at burges na demokrasya hindi lang ang pamilyang Aquino-Cojuangco ang nakabenepisyo. Ang mga pamilyang labis na kinamuhian din ng manggagawa at mahihirap dahil sa kanilang mga kasalanan sa bayan sa panahon ng kanilang panunungkulan ay muling bumalik sa pambansang pampulitikang entablado:
– nanatiling nasa kapangyarihan si Gloria Arroyo bilang kinatawan ng kanyang distrito sa Pampanga at may posibilidad pang maging speaker of the house at ganun din ang kanyang mga anak at kamag-anak;
– ang dating unang ginang ng diktadurang Marcos ay kinatawan na ngayon ng mababang kapulungan habang si Ferdinand Marcos Jr ay naging senador na dahil sa alyansang NP-KBL-maoistang Bayan Muna;
– si Jinggoy Estrada ay senador pa rin na nasa ikalawang pwesto pa sa dami ng botong nakuha;
– ang napatalsik na dating pangulo at nakulong dahil sa salang pandarambong sa pera ng bayan – Erap Estrada – ay ikalawa kay Noynoy Aquino sa pinakamaraming nakuhang boto bilang kandidatong presidente.
Ito ang masaklap na karanasan ng burges na populismo sa Pilipinas na may mahigpit na kaugnayan sa repormismo at elektoralismo: muling pagbangon at paglakas ng pamilyang Aquino-Cojuangco, Estrada at Marcos sa pambansang antas at sa tutok ng kapangyarihan.
Ano ang ugat ng populismo sa Pilipinas?
“Ang ugat ng populismo ay ang burges na demokrasya at pagmamahal sa inangbayan. Ang layunin nito: ipatupad ang "perpektong" demokrasya at ang tunay na "pagmamahal" sa bansa.”
“Subalit dahil ganap ng bulok ang sistema at imposible na itong mareporma pa, ang "populismo" ay hanggang sa salita at propaganda na lamang. Ginagamit ito ng mapagsamantalang uri upang maipatupad ang pagkonsolida sa estado, ang huling sandalan ng naaagnas na kapitalismo.”
('"Popular" na kandidato para ipagtanggol ang kapitalismo' [fil.internationalism.org/internasyonalismo/200909/106/popular-na-kandidato-para-ipagtanggol-ang-kapitalismo])
Ang populistang ideolohiya ang lubid na itinali sa leeg ng masang api para itulak sila sa bangin ng desperasyon, kawalan ng tiwala sa sariling lakas at pag-asa sa mga burges-hacienderong dinastiyang hinusgahan na ng kasaysayan.
“Kung walang corrupt, walang mahirap”
Sa aming pahayag noong Mayo Uno, nanawagan kami na maghanda ang uring manggagawa upang labanan ang bagong CEO ng kapitalistang estado. At matapos ang halalan, isang “popular” na presidente ang mangunguna sa mga atake laban sa uring proletaryo at sambayanang Pilipino: si Benigno “Noynoy” Aquino III.
Si Noynoy Aquino ay matagal ng naging tradisyunal na politiko (trapo). Ang kanyang angkan mismo ay mga tradisyunal na politiko. Kahit nasa burges na oposisyon siya, naging bahagi din siya at ang kanyang Partidong Liberal sa alyansa sa paksyon ni Arroyo noong eleksyong 2004.
Ang LP ang isa sa pinakamatandang burges na partido sa Pilipinas. Ang mga pundador ng LP ay galing sa NP, ang unang partido ng burgesyang Pilipino. Itinatag ang LP noong matapos ang WW II bilang pangongopya ng Pilipinas sa sistemang dalawahang-partido ng imperyalistang Amerika.
Si Benigno “Noynoy” Aquino III ay galing sa at nagtatanggol sa interes ng uring kapitalista-haciendero. Napakalinaw ng katotohanang ito. Hindi ito usapin ng “kung ano ang puno ay siya ang bunga” sa kabila ng katotohanan na ang kanyang inang si Corazon Aquino bilang presidente noong 1986-92 ay nagsagawa ng isa sa pinakamabangis na panunupil sa lumalabang populasyon.
Sa likod ng populistang islogan ni Noynoy na “kung walang corrupt, walang mahirap” nakatago ang mala-halimaw na maka-kapitalistang programa para lalupang pagsamantalahan at apihin ang manggagawa at sambayanan.
Ang programang “anti-korupsyon” ay laging dala-dala ng sinumang kandidato mula pa noong panahon ni Manuel Quezon hanggang ngayon. Subalit lalong lumala ang korupsyon at pagnanakaw ng mga nasa kapangyarihan sa kaban ng bayan. Ang ugat ng korupsyon ay ang krisis ng sistema. Ito ay nagbunga ng pagliit ng paghahatian ng iba't-ibang paksyon ng mapagsamantalang uri. At habang lumiliit ang paghahatiang yaman mula sa pawis ng sambayanan ay lalong tataas ang pagiging ganid ng lahat ng paksyon na magnakaw para sa pansariling interes. Ito ang bunga ng ideolohiyang “isa laban sa lahat” at “bawat isa para sa kanyang sarili”.
Ang mga iskandalo ng korupsyon ng mga nagdaang rehimen kabilang na ang rehimeng Corazon Aquino (1986-92) ay hindi na bago sa isang sistemang nasa kanyang dekadenteng yugto na, hindi lang sa mga atrasadong kapitalistang bansa gaya ng Pilipinas kundi maging sa abanteng kapitalistang mga bansa gaya ng Amerika at Britanya. Wastong sinuri ng Internasyunal na Komunistang Tunguhin (IKT) ang mga iskandalong ito na pinangunahan ng burges na media:
“The targets of scandals often complain that those who have launched the scandalous allegations are politically motivated, that what they are accused of doing was longstanding common practice, and has been done by others before them without public outcry, and in this they are generally accurate. Corruption, nepotism, cronyism, and illegal behavior are central characteristics of the capitalist class’s mode of functioning. Many of the revelations that become the focal point of media attention in various scandals have actually been known about for a long time and only become worthy of media attention because of political circumstances external to the subject matter of the scandal itself.” (en.internationalism.org/internationalismusa/200705/2125/media-scandals-are-key-weapon-intra-ruling-class-clashes)
Bagamat totoo ang akusasyon ng Kaliwa at burgesya na oposisyon sa kanilang akusasyon ng malawakang korupsyon sa naghaharing paksyon na nakaupo sa Malakanyang: Marcos, Aquino, Ramos, Estrada at Arroyo, malinaw din na ito ay may layuning politikal: nais ng oposisyon na magmalinis sa mata ng publiko at linlangan ang una na sila ay hindi kurakot at magnanakaw. Ang nais ng oposisyon ay itago ang katotohanan na ang ugat ng pagnanakaw ng mga nasa kapangyarihan ay ang bulok na sistema at gobyerno mismo na kanilang pinaglilingkuran. Gusto lamang ng burges na oposisyon na isalaksak sa utak ng taumbayan na ang magnanakaw ay ang paksyon lamang na kasalukuyang nakaupo sa Malakanyang.
Subalit maiwasan ba ng mga opisyales at burukrata ng kapitalistang estado ang pandarambong at pagnanakaw sa kaban ng bayan sa ilalim ng sistemang sadlak na sa permanenteng krisis? Kung ang mga politiko ang tatanungin laluna si Noynoy Aquino, tiyak ang sagot nila ay malaking OO. Ang pekeng komunista at rebolusyonaryo lamang ang maniwala sa mga ito!
Sa mga bansang atrasado at mabilis na lumiliit ang yaman ng bayang pagnanakawan, mas mataas ang antas ng pagiging ganid sa pagnanakaw at pagpapayaman ng mga politiko at burges na partido, ito man ay mula sa Kanan o Kaliwa:
“People go into bourgeois politics for diverse reasons, but few are able to resist the opportunity to use their membership of parliament or government as a way of lining their own pockets. Their loyalty to the state as it deceives and exploits the population is amply rewarded by large salaries, bribes, luxurious privileges, and ‘plenty of time on their hands'.” (en.internationalism.org/worldrevolution/201003/3638/corruption-integral-part-parliamentary-politics)
Habang lumalala ang krisis ng sistema, lalong tumataas ang pangangailangan ng mga burukrata kapitalista ng Kanan at Kaliwa ng burgesya para magpayaman sa sarili.
Totoong mataas ang ekspektasyon ng maraming mahihirap sa rehimeng Noynoy Aquino. Pero ang ekspektasyong ito ay tiyak mauuwi na naman sa desperasyon at demoralisasyon laluna sa panggitnang pwersa tulad ng nangyari noon sa administrasyon ng kanyang ina.
Maaring magbigay ng ehemplo si Noynoy Aquino ng ilang burukrata at negosyante na kakasuhan, huhulihin at ikukulong sa salang pagnanakaw at pandarambong. Pero hanggang dyan na lang: ilang halimbawa. At ang target nito ay ang paksyong Arroyo lamang na wala na sa kapangyarihan. Subalit, dahil ang batas mismo nila ay puno ng mga butas, kahit seryoso pa si Aquino na ipakulong si Gloria, dadaan ito sa butas ng karayom. Pero hindi ito imposible. Nagawa na ito ng burgesya sa ibang bansa: Peru at China bilang iilan lamang sa mga halimbawa kung saan malalaking burukrata ang pinarusahan.
Kaya naman ang kampanyang anti-korupsyon ng rehimeng Aquino para daw sa malinis na pamahalaan ay pampropaganda lamang dahil hindi nito mapigilan at hindi pipigilan ang pagnanakaw ng kanyang paksyon na hayok din sa yaman ng bayan. May karanasan na ang mga Pilipino dito: ang Kamag-anak Inc. ng administrasyong Corazon Aquino.
Kailangang malinaw, laluna sa mga sinsirong elemento para sa panlipunang pagbabago na ang rehimeng Aquino ay mortal na kaaway ng uring proletaryado at sambayanang Pilipino. Tahasang oportunismo at kontra-rebolusyonaryo ang anumang “kritikal” na suporta o “subukan muna” ang rehimeng Aquino.
Gayong interes din ng uring manggagawa at maralita na parusahan hindi lamang paksyong Arroyo kundi pati na rin ang nagdaang mga paksyon na nasa kapangyarihan sa kanilang mga kasalanan sa bayan, hindi ito mangyayari sa paraan na nais ng paksyong Aquino. Mangyari lamang ito kung ang uring manggagawa na ang nasa kapangyarihan matapos mawasak ang kapitalistang estado.
Ang linyang anti-korupsyon ng paksyong Aquino ay para sa interes ng burgesya at hindi para sa manggagawa. Hindi ito tereyn ng laban ng uring proletaryo.
Rebolusyon ng manggagawa hindi populismo at elektoralismo
Ang tereyn ng laban ng manggagawa ay ang kanyang makauring kahilingan gaya ng regular na trabaho, sapat na sahod at makataong kondisyon sa pagawaan. Bagamat sa biglang tingin ito ay mga “simpleng” pang-ekonomiyang kahilingan, pero ang katotohanan ay tungtungan ito para sa pampulitikang mga laban ng uri. Bakit?
Dahil walang makakamit na panimulang tagumpay ang masang manggagawa sa kanilang makauring pakikibaka kung hindi malawakan at buong bansa ang pakikibaka. At mangyari lamang ito kung hawakan ng uri ang kanilang pakikibaka sa kanilang mga kamay mismo at hayagang salungatin ang mga anti-manggagawang batas ng estado. Sa madaling sabi, ang mga kahilingang ito ay hindi yayanig sa rehimeng Aquino kung hindi daang libong manggagawa ang lalabas sa lansangan at magwelga mula sa pribado at pampublikong sektor, bilang iisang uri at iisang lakas. At batay sa karanasan ng proletaryado, hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa, ang mga unyon ay walang sinsirong interes na palawakin ang pakikibaka at suwayin ang mga demokratikong batas ng burgesya.
Kung ang mga interbyu sa media ni Noynoy Aquino ang maging batayan natin, halos wala tayong makitang makabuluhang salita mula sa kanyang bibig maliban sa abstraktong mga salita na “malinis” na pamahalaan at “susundin at ipatupad ko ang tagubilin ng aking mga magulang”. Ganun pa man, may masisilip tayo: taasan ang buhis at streamlining sa gobyerno para daw maging masinop ang serbisyo. Ano ang ibig sabihin nito?
Sa totoo lang, matagal ng ginagawa ang mga ito ng nagdaang mga rehimen, na walang ibang kahulugan kundi:
1. Taasan ang sahod ng mga parasitikong institusyon ng estado laluna ang AFP at PNP. Ang armadong pwersa ng estado ay kailangang alagaang mabuti ng nagharing paksyon dahil dito siya nakasandal para manatili sa kapangyarihan.
2. Pigain ang lakas-paggawa ng mamamayan sa pamamagitan ng pagpataw ng dagdag buhis o panibagong buhis para lalaki ang manakaw ng mga burukrata ng paksyong Aquino.
Kaalinsabay dito ay ang tanggalan laluna doon sa mga kontraktwal na empleyado ng gobyerno at sa mga kaaway nito para makatipid sa gastusin. Hindi naman bago ang mga ito. Dati na itong ginagawa ng mga paksyong nakapasok sa Malakanyang. Pero kaibahan lamang ay mas lalala ito kaysa dati.
Ang sentral na layunin ng rehimeng Aquino sa kanyang mga atake sa uring manggagawa at maralita ay para magkaroon ng puwang ang pambansang kapitalismo sa umiigting na kompetisyon ng iba't-ibang pambansang kapital sa buong mundo sa pandaigdigang merkado na mabilis na kumikipot. At para mahigitan ng administrasyong Aquino ang “tagumpay” ng rehimeng Arroyo sa kanyang 9 na taong pamamayagpag sa tuktok ng burges na kapangyarihan sa layuning ito, kailangan nitong higitan ang patakarang murang lakas-paggawa ng huli. Sa mas murang lakas-paggawa (mas murang sahod sa maksimum na produksyon) magkaroon ng puwang ang atrasadong sistema ng bansa sa pandaigdigang pamilihan.
3. Kakambal ng mas murang paggawa ang pang-eengganyo sa mga dayuhang kapital na maglagak ng puhunan sa Pilipinas. Dahil wala ng pag-asa pang maging abanteng kapitalistang bansa ang Pilipinas dahil nasa dekadenteng yugto na ang pandaigdigang kapitalismo, mas lalupang sasandal ang estado ng Pilipinas sa mga dayuhang kapital.
Ito rin ang interes ng mga abanteng kapitalistang bansa na nasa krisis: kompetisyon sa paghahanap ng mga bansang pinakamura ang lakas-paggawa. Kaya naman naghabulan sa pagbati ang imperyalismong US, Japan, China at mga bansa sa European Union kay Noynoy Aquino dahil kailangan nila ang murang lakas-paggawa ng manggagawang Pilipino.
Sa kasalukuyang antas ng krisis ng sistemang kapital at ng desperasyon ng naghaharing uri na konsolidahin ang kanyang pinakahuling moog, ang estado at mga batas nito, kailangan ang malawakang pakikibaka ng proletaryado at mahihirap ay lumagpas na sa mga hangganang isinasaad ng maka-kapitalista-hacienderong mga batas.
Isa ng ganap na ilusyon at kontra-rebolusyonaryo ang linyang ang nangangamoy sa kabulukan na kongreso ay makagawa ng mga “maka-masang” batas sa ilalim ng naaagnas na kapitalismo.
Panghuli, kaya ba ng administrasyong Aquino na ibaba ang utang ng bansa? Tulad ng nagdaang mga rehimen, ang pangungutang (maliban sa buhis) ang pangunahing sandalan ng administrasyong Arroyo para magkaroon ng pondo. Ang malaking problema lang ay nasa yugto na ngayon ang mundo ng matinding krisis sa utang. Kung hindi na makalaya sa bigat ng utang ang abanteng kapitalistang mga bansa, laluna ang mga atrasado gaya ng Pilipinas.
Sa panahon ng dekadenteng kapitalismo at sa kanyang kasalukuyang yugto ng pagkaagnas, mabilis na madurog ang mga populistang pangako ng administrasyong Aquino. Pero hindi ibig sabihin na mabilis din na maabot ng manggagawang Pilipino ang klaripikasyon para sa tunay na panlipunang pagbabago dahil malakas pa rin ang impluwensya ng iba't-ibang paksyon ng Kaliwa sa kanilang hanay. Kaya nasa balikat ng napakaliit na minorya na mga komunista at rebolusyonaryong organisasyon sa Pilipinas nakapatong ang napakalaking responsibilidad na isiwalat ang tunay na sitwasyon ng bansa at daigdig. At mula dito ay ipaliwanag sa uring manggagawa at maralita.
Ang unang hakbang para sa klaripikasyon ay ang paglantad na ang rehimeng Aquino, burges na oposisyon at Kaliwa kasama na ang mga tuta nilang mga unyon ay kaaway ng makauring pakikibaka para sa sosyalismo. At ang pangunahing hadlang para sa klaripikasyon ay ang populista at demokratikong ideolohiya ng burgesya.
Talyo
Hunyo 12, 2010