Submitted by Internasyonalismo on
Noong Oktubre 1917, nagkatotoo ang "multo" na kinatatakutan ng internasyunal na burgesya mula ng sinulat ang Manipesto ng Komunista noong 1848: nagtagumpay ang unang proletaryo-sosyalistang rebolusyon sa Rusya, na dati kinukutya ng naghaharing uri na imposibleng mangyari.
Ngayon ang ika-93 na anibersaryo ng Rebolusyong Oktubre ng 1917. Lahat ng mga komunista at internasyunalistang grupo sa mundo ay ginunita at pinagdiwang ang rebolusyong iyon. Hindi para "luhuran" at "dasalan" kundi para halawin ang mga aral at muling isulong ang komunistang rebolusyon hanggang sa tagumpay.
Sa kabilang banda, tiyak na magtulong-tulong na naman ang Kanan at Kaliwa (maoista, stalinista,trotskyista) ng burgesya para itago ang tunay na mga pangyayari at aral na kailangang makuha sa Rebolusyong Oktubre ng 1917.
Ang mga maka-Kanang organisasyon gaya ng ANAD (Alliance for Nationalism and Democracy) at ang anti-komunistang death squads ng dating Hen. Jovito Palparan Jr ay maghuhumiyaw na naman sa mga kapalpakan ng maoismo-stalinismo sa Tsina at Rusya upang "ipakita" na walang magandang patutunguhan ang komunistang rebolusyon kundi ibayong kahirapan at pang-aapi sa mga manggagawa at mamamayan. May "punto" din naman ang mga gunggong na ito dahil bumagsak ang imperyalistang USSR at ang kanyang mga tutang rehimen sa Silangang Uropa at lantaran ng pumasok sa "globalisadong" mundo ang "sosyalistang" Tsina at Byetnam. Muli na namang maglitanya ang Kanan sa "kagandahan" at pagiging "eternal" ng burges na demokrasya.
Sa "negatibo" at anti-komunistang paraan ay tinutulungan ng Kanan ang Kaliwa sa paghasik ng kasinungalingan na ang maoismo, stalinismo at trotskyismo ay mga komunistang ideolohiya para takutin at ilayo ang masang proletaryado sa landas ng makauring kalayaan.
Sa kabilang banda, sa gitna ng kanilang bangayan, ang iba't-ibang paksyon ng Kaliwa gaya ng CPP-NPA, RPA-ABB, PMP, MLPP-RHB ay magsagawa din ng mga litanya't nobena at prosesyon para "luhuran" ang Rebolusyong Oktubre. At kasama sa mga luluhuran nito ay ang mga distorsyon at pambabalasubas sa rebolusyonaryong diwa nito: ang mga "pambansa-demokratikong rebolusyon" at gerilyang pakikidigma para sa "pambansang kalayaan" ay "bahagi" at "nagsisilbi" sa sosyalistang rebolusyon sa mga atrasadong bayan gaya ng Pilipinas. At dahil dito, sinasaboy nila ang nakakalasong "pakikipag-isang" prente sa mga anti-komunistang organisasyon na diumano "anti-imperyalista" daw gaya ng MILF, MNLF, Hamas, Hizbollah, at maging ang Al-Qaeda. Kaibigan daw ng "komunistang" kilusan ang mga mapagsamantalang gobyerno gaya ng Iran, Cuba,Venezuela at North Korea dahil ang mga ito ay "anti-imperyalista".
Pero ang pinakamasahol na pambabaluktot ng Kaliwa sa panahon ng dekadeneteng kapitalismo, kung saan maraming kabataan ang nahumaling, ay ang maling konsepto na ang nasyunalismo daw ay "kongkretong" ekspresyon ng internasyunalismo sa mga atrasadong bansa na pinagsamantalahan ng mga imperyalistang bansa; na ang demokrasyang burges ay unang yugto para maabot ang sosyalistang demokrasya.
Magkasalungat man ang hugot ng Kanan at Kaliwa sa Rebolusyong Oktubre, magkatulad naman ang direksyon at layunin nila: isalaksak sa utak ng masang manggagawa na ang maoismo-stalinismo o kaya trotskyismo ay mga ideolohiya ng komunismo. Ang mga ito ay pawangkasinungalingan. Ang maoismo, stalinismo at trotskyismo, sosyal-demokrasya at ang hindi internasyunalistang tunguhin ng anarkismo ay nasa kampo na ng kaliwa ng mapagsamantalang mga uri, ang sinasabing "radikal" na oposisyon.
Ang Rebolusyong Oktubre ng 1917
Sa 19 siglo may mga bantog na proletaryong rebolusyon gaya ng Rebolusyon ng 1848 at ang Komuna sa Paris ng 1871. Subalit kaiba ang Rebolusyong Oktubre ng 1917.
Sa pangkalahatan, sa 19 siglo, progresibong uri pa ang burgesya dahil dinudurog pa nito ang mga labi ng pyudal na kaayusan na nagnanais pigilan ang pagsulong ng gulong ng kasaysayan. Sa panahong ito isang progresibong sistema pa ang kapitalismo na gustong palawakin ang kanyang impluwensya sa pandaigdigang saklaw. Sa puntong ito, ang mga proletaryong rebolusyon sa 19 siglo ay sa pangkalahatan sumusuporta lamang sa mga burges na rebolusyon na sumsulong noon laluna sa Uropa.
Ang Rebolusyong Oktubre ay pumutok sa panahon na lubusan ng nasakop ng kapitalismo ang buong mundo. Kahit ang mga labi ng pyudalismo o ng semi-alipin at semi-komunal na mga relasyon ng produksyon sa ilang bahagi ng mundo ay nagawa na nitong ipailalim at pagsilbihin sa modernong moda ng produksyon.
Pumutok ang Rebolusyong Oktubre sa 20 siglo sa panahon na nasa dekadenteng yugto na ang kapitalismo, o sa termino nila Lenin at Luxemburg, nasa imperyalistang yugto na ang kapitalismo. Ibig sabihin, hindi na progresibo ang sistemang ito at hadlang na sa ibayong pag-unlad ng mga pwersa ng produksyon. Ang rurok na naabot nito -- ganap na pagsakop sa daigdig -- ay senyales na rin ng kanyang permanenteng pagbulusok-pababa.
Ang bagong sitwasyon ng kapitalismo ay tanda ng posibilidad at pangangailangan ng komunistang rebolusyon dahil nailatag na ang mga materyal na batayan para dito. Sa 19 siglo, batay sa materyal na realidad, hindi pa posibleng manalo ang isang sosyalistang rebolusyon dahil progresibo pa ang kapitalismo[1].
Ito ang isa sa mga batayang dahilan bakit natalo ang Komuna sa Paris noong 1871, sa kabila ng determinasyon at kabayanihan ng manggagawang Pranses at nanalo ang Rebolusyong Oktubre. Syempre, hindi ganito ka simplistiko ang mga dahilan.
Nang ganap ng nasakop ng kapitalismo ang mundo ay naabot na din ng ng rebolusyonaryong manggagawa ang isang antas ng paglawak at paglalim ng impluwensya nito sa kilusang paggawa: pagkatatag ng Ikalawang Internasyunal. Matapos ang matinding pakikipagtunggali nila Marx at Engels sa mga peti-burges na ideolohiya sa loob ng Unang Internasyunal - Blanquista, Prodhounista at Bakuninista - naging isang marxistang partido ang Ikalawang Internasyunal.
Ganun pa man, dahil karay-karay pa nito ang mga impluwensya at praktika sa panahon ng 19 siglo kung saan progresibo pa ang kapitalismo - parliyamentarismo at unyonismo - unti-unting lumakas ang impluwensya ng repormismo (Bernsteinismo) sa loob ng Ikalawang Internasyunal hanggang sa tuluyan na itong pumanig sa kampo ng kontra-rebolusyon noong Unang Pandaigdigang Digmaan (1914).
Pinakita ng mga komunista (sosyal-demokratiko) at rebolusyonaryong manggagawang Ruso sa praktika kung ano ang angkop na mga prinsipyo at teorya na hawakan ng proletaryado sa panahon ng dekadenteng kapitalismo o imperyalismo. Kaya hindi maiwasang naging sentro ang Rusya sa internasyunal na rebolusyonaryong alon noong 1917-23.
Ang mga Bolshevik ang matatag na nanindigan sa internasyunalismo laban sa pagkabulok at tuluyang pagtraydor ng Ikalawang Internasyunal sa proletaryong rebolusyon. Ang partidong Bolshevik ang unang nanawagan na itakwil na ang Ikalawang Internasyunal at itayo ang bagong Ikatlong Internasyunal sa matibay na pundasyon ng internasyunalismo.
Salungat sa propaganda ng Kaliwa, partikular ng mga maoista na ang Rebolusyong Oktubre ay dumaan daw sa "burges-demokratikong rebolusyon" noong Pebrero 1917, ang Rebolusyong Ruso sa 1917 ay isang proletaryo-sosyalistang rebolusyon.
Hindi simpleng "pambansang" rebolusyon laban sa Tsarismo ang nangyari kundi isang internasyunal na rebolusyon laban sa kapitalismo. Pumutok ang Rebolusyong Ruso dahil bahagi at nagsisilbi ito sa pandaigdigang proletaryong rebolusyon. Ito ang pundasyon ng partidong Bolshevik kung bakit matatag itong nanindigan para sa sosyalistang rebolusyon.
Pero hindi ibig sabihin na komprehensibong naging malinaw agad ito sa partidong Bolshevik, kahit maging kay Lenin mismo. Katunayan, noong 1905 sa debate nito laban sa mga Menshevik, sinulat ni Lenin ang "Dalawang Taktika ng Sosyal-Demokrasya sa Demokratikong Rebolusyon". Bagamat sa pangkalahatan ay tinindigan ng pampletong ito ang proletaryo-sosyalistang katangian ng rebolusyong Ruso, may mga labi pa rin ito ng impluwensya sa mga lipas na pananaw ng marxistang kilusan sa 19 siglo. Isa na dito ang pagsuporta ng mga komunista sa isang Probisyunal na Rebolusyonaryong Gobyerno kung saan kasama ang isang paksyon ng burgesya na lumalaban sa Tsarismo.
Pero dahil tunay na nanindigan si Lenin sa marxismo at nag-aaral sa buhay na praktika ng makauring pakikibaka, siya na rin mismo ang nagtuwid ng ilang pagkakamali nito sa pamamagitan ng kanyang akdang ang Tesis ng Abril.
Sa simula ay hindi naunawaan ng mayoriya ng Partidong Bolshevik ang esensya at materyal na batayan ng Tesis lalupa't naging unang gabay nito ang "Dalawang Taktika.....". Pinakita ng Tesis ng Abril na ang rebolusyon sa Rusya ay isang proletaryo-sosyalistang rebolusyon at hindi dapat makipag-alyado sa pambansang burgesya para sa "demokratikong rebolusyon" sa pamamagitan ng pagpasok at pagsuporta sa Probisyunal na Rebolusyonaryong Gobyerno (PRG) matapos bumagsak ang Tsarismo.
Subalit lubhang napakalakas pa rin ng impluwensya ng Ikalawang Internasyunal kaya kahit ang kalinawan na nakamit ng partidong Bolshevik ay hindi pa sapat para komprehensibo nitong maunawaan ang mga implikasyon ng pagpasok ng kapitalismo sa kanyang dekadenteng yugto. At nakita ito sa mga pagkakamali ng partidong Bolshevik at ng Ikatlong Internasyunal matapos matalo ang Rebolusyong Aleman noong 1919.
May materyal na batayan din ang mga limitasyong ito ng mga marxista noon: hindi pa lubusang lumitaw ang lahat ng mga aspeto ng dekadenteng kapitalismo noong 1917. Katunayan, ang unang krisis ng bulok na sistema sa kanyang dekadenteng yugto ay nangyari lamang noong 1930s: ang Bantog na Depresyon ng 1929, na siyang nagbunsod ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Ang Rebolusyon sa Pilipinas sa panahon ng dekadenteng kapitalismo ay proletaryo-sosyalista at bahagi ng pandaigdigang komunistang rebolusyon
Kasabay ng pagpasok ng pandaigdigang kapitalismo sa kanyang dekadenteng yugto noong unang bahagi ng 20 siglo ay sinakop naman ng imperyalismong Amerika ang Pilipinas. Dahil sa kolonyalismo ng imperyalistang Amerika ay direktang naipasok ang ekonomiya ng bansa sa kapitalistang moda ng produksyon ng mundo. Subalit dahil nasa kanyang permanenteng krisis na ang kapitalismo, hindi na kayang paunlarin ng pandaigdigang sistema ang ipinunla na kapitalismo sa Pilipinas noong maagang bahagi ng 20 siglo. Ito ang batayang dahilan kung bakit nanatiling atrasado at imposible nang maging maunlad na kapitalistang bansa ang Pilipinas gaano man ang pagsisikap ng burgesyang Pilipino.
Sa panahon ng dekadenteng kapitalismo kahit ang mga labi ng maliitan at kalat-kalat na komunal at semi-komunal na produksyon sa pinakamalayong bahagi ng kabundukan ay nagsisilbi na sa interes ng kalakal at pamilihan sa kalungsuran at sa pandaigdigang saklaw.
Nang sakupin ng Amerika ang Pilipinas ay kumukulo na ang panibagong istorikal na krisis ng kapitalismo na siyang nagtulak sa kanya sa permanenteng pagbulusok: krisis sa sobrang produksyon at permanenteng pagkipot ng pandaigdigang pamilihan dahil lubusan ng nasakop ng kapitalistang mga relasyon ang mundo. At ito ang nagtulak upang sumabog ang mga kontradiksyon ng bulok na sistema sa unang pandaigdigang imperyalistang digmaan at tanda ng kanyang pagiging ganap na reaksyunaryong sistema.
Ang pagiging reaksyunaryo ng burgesyang Pilipino ay hindi dahil sa kung ano ang iniisip nito kundi dahil ang sistemang sinasandalan nito ay ganap ng bangkarota. Ibig sabihin, gaano man kalaki ang kanyang determinasyon na paunlarin ang pambansang kapitalismo sa bansa ay imposible ng mangyari sa panahon ng imperyalismo kahit pa "makalaya" siya sa kontrol ng imperyalistang Amerika. At mas lalo pang kabaliwan ang pag-ilusyon na sa "pamumuno" ng uring manggagagwa ay mapaunlad nito ang pambansang kapitalismo para "makamit ang sosyalismo" sa Pilipinas. Sa ganitong konteksto, sa internasyunal na balangkas lamang makita na ang burgesyang Pilipino ay hindi na progresibo at ni katiting ay wala ng katangiang rebolusyonaryo mula pa sa panahon ng mga ilustrado sa pangunguna ni Emilio Aquinaldo.
Isang napakalaking distorsyon ang paniniwala na "dahil ayaw na ng burgesya na ipagpatuloy ang kanyang rebolusyon ay aakuin na lang ito ng proletaryado" kaya inimbento ng Kaliwa (na hinugot mula sa mali at oportunistang pagsusuri ng Ikatlong Internasyunal) ang "bagong tipo" na burges-demokratikong rebolusyon. Ang maling konseptong ito ay nakabatay sa maling paniniwala na progresibo pa ang kapitalismo sa ilang bahagi ng mundo pero binabansot at pinipigilan lamang ng ilang imperyalistang kapangyarihan sa Kanluran.
Ang maling paniniwalang ito ang pundasyon ng nakakalasong teorya ng CPP-NPA na ang "nasyunalismo ay aplikasyon ng internasyunalismo" sa mga semi-kolonya o neo-kolonyang mga bansa. Ito ay hindi nakabatay sa materyalismong istoriko dahil wala sa kasayayan na ang isang uri ay naging "proxy" bilang lider sa rebolusyon ng ibang uri[2].
Ang nasyunalismo o pagtatayo ng isang bansa ay interes ng burgesya hindi ng proletaryado sa panahon ng imperyalismo. Sa panahon ng imperyalismo, ganap ng magkasalungat ang lahat ng tipo ng nasyunalismo sa proletaryong internasyunalismo.
Sa panahon ng imperyalismo ang pakikibaka ng makabayang burgesya laban sa dayuhang mananakop ay hindi para itayo ang nagsasariling bansa. Sa dekadenteng kapitalismo imposible ng mabuhay ang mga pambansang burgesya na walang suporta mula sa mga imperyalistang kapangyarihan. Ang "bagong tipong burges-demokratikong rebolusyon" ay hindi usapin ng pambansang kalayaan kundi usapin ng pagpalit-palit ng imperyalistang amo hanggang lalakas ang kahayukan na maging imperyalistang kapangyarihan (Tsina, Cuba, Venezuela, Iran). Ang mga partido "komunista" o "sosyalista" na namuno sa mga "rebolusyong" ito ay sa esensya naging burges na mga partido na dahil ang ipinagtatanggol nila ay ang interes ng pambansang kapitalismo sa ngalan ng "sosyalismo".
Sa kasaysayan laluna mula ng matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang mga pambansang burgesya at partido "komunista" o "sosyalista" sa mga semi-kolonyal o neo-kolonyal na mga bansang kontrolado ng imperyalismong Amerika ay napunta lamang sa mga pangil ng imperyalismong USSR at vice-versa. Ang mga rehimeng dating tuta ng Amerika ay naging tuta lamang ng USSR at vice-versa.
Ang sinasabing "pambansang kalayaan" ng Kaliwa ay kalayaan lamang mula sa partikular na imperyalistang kapangyarihan pero hindi kalayaan mula mismo sa mga kuko ng imperyalismo dahil ang pagpapahina laluna ang pagdurog dito ay nagkahulugang pahinain o wasakin ang kapitalismo sa pandaigdigang antas. At hindi ito mangyayari sa pamamagitan ng "burges-demokratikong rebolusyon" at pakikipag-alyansa sa burgesyang Pilipino[3].
Kung meron mang paksyon ng burgesyang Pilipino na tutol sa imperyalistang Amerikano, hindi ibig sabihin na tutol din sila sa sistemang kapitalismo. Katunayan, galit ang uring ito sa mga dayuhang kapitalista dahil tinutulak sila ng huli na malugi at maging manggagawa.
Habang ang mga maoista gaya ng CPP-NPA at MLPP-RHB ay tumitindig pa rin na ang Pilipinas ay hindi kapitalista laban sa mga katunggaling paksyon nito - RPA-ABB, PMP, Akbayan - na naniniwalang kapitalista na ang Pilipinas , pareho naman sila na ang pundasyon ng pagsusuri ay sa pambansang balangkas, hiwalay sa tunay at kabuuang galaw ng kapitalismo bilang pandaigdigang sistema. Lahat ng paksyon ng Kaliwa ay tumitindig na dadaan muna sa "burges-demokratikong rebolusyon" ang Pilipinas dahil para sa kanila progresibo ang burgesya at kapitalismong Pilipino basta "lalaya" lamang sa kontrol ng mga dayuhang kapitalista.
At ang pinakarurok na naabot ng kontra-rebolusyonismo ng lahat ng paksyon ng Kaliwa sa Pilipinas, ito man ay maoista o anti-maoista ay ang pakikipaglampungan nila maging sa malalaking burges na partido sa bansa para lamang makakuha ng kakarampot na pwesto sa bulok na kongreso o kaya makakuha ng baryang pera mula sa malalaking burges na politiko bilang pantustos sa kanilang mga operasyon sa ngalan ng "rebolusyonaryong taktikang"!
Subalit ang lahat ng teoretikal na distorsyon ng Kaliwa ay dinudurog mismo ng realidad: sa bawat bayo ng pandaigdigang krisis ay kapwa namilipit sa sakit ang burgesyang Pilipino at ang burgesya sa mayayamang mga bansa. Pinatupad din ng burgesyang Pilipino ang lahat ng klase ng pagsasamantala sa kanilang mga manggagawa para manatiling buhay sa barbarikong kompetisyon ng sistema nito. Wala ng pagkakaiba sa paraan
at laman ang mga atake ng mga kapitalistang Pilipino at dayuhan laban sa manggagawang Pilipino, at mas lalong lumilinaw na ang mga isyung pinaglalaban ng mga manggagawa Pilipino ay walang kaibahan sa mga isyung pinaglalaban ng mga kapatid na manggagagwa sa abanteng kapitalistang mga bansa. Patunay na ang pakikibaka ng masang proletaryo sa Pilipinas ay isang internasyunal na pakikibaka.[4]
Ang mga problemang dinaranas ng manggagagwang Pilipino ay hindi na masolusyonan sa pambansang balangkas tulad ng kapitalismo ng estado o direktang pakikialam ng estado sa buhay panlipunan laluna sa ekonomiya na siyang linya ng Kaliwa bilang solusyon diumano sa "globalisadong" mundo. Kahit panandaliang makabuluhang benepisyo para sa manggagawa ay hindi na kayang ibigay ng mga kapitalistang estado ito man ay nasa pamumuno ng Kanan o Kaliwa ng burgesya saan mang panig ng mundo. Ang solusyon sa mga problema ng manggagagwang Pilipino ay nasa internasyunal na balangkas na: pagdurog sa pandaigdigang kapitalismo. Ito ang isa sa mga aral ng Rebolusyong Oktubre ng 1917.
Ang mga aral ng Rebolusyong Oktubre ng 1917
Para maunawaan at tamang mahalaw ang mga aral sa Sosyalistang Rebolusyong Oktubre, kailangang maunawaan ang istorikal na yugto ebolusyon ng kapitalismo ng mangyari ang rebolusyong ito. At mula dito ay halawin ang mga aral ng pagrerebolusyon batay sa panibagong istorikal na yugto ng kapitalismo.
Nangyari at nagtagumpay ang Rebolusyong Oktubre sa panahon na ang kapitalismo ay nasa kanyang dekadente o imperyalistang yugto na. Sa dekadenteng kapitalismo, na nagsimula sa 20 siglo, naging isang posibilidad at pangangailangan na ang pandaigdigang komunistang rebolusyon. Ito na ang sentral usapin sa mga pakikibakang proletaryo sa buong mundo. Samakatuwid, mas lalong naging realidad ngayon ang mapanlabang islogan
ng mga komunista noon: SOSYALISMO o BARBARISMO, KOMUNISMO o PAGKASIRA NG MUNDO AT SANGKATAUHAN.Sa mga mapanlabang islogan na ito nakabatay ang mga aral na kailangang halawin ng mga komunistang organisasyon ngayon. At kabilang sa mga aral na dapat iwasan at itakwil ay ang mga pagkakamali ni Partidong Bolshevik at ng Ikatlong Internasyunal:
1. Ang proletaryo o sosyalistang rebolusyon ay maisagawa lamang sa internasyunal na saklaw. Ibig sabihin, nagliliyab na sa maraming mga bansa ang mga pag-alsang manggagawa para ibagsak ang kani-kanilang mga estado.
Pero hindi ibig sabihin nito na "sabay-sabay" na mag-alsa o manalo ang mga bansang ito. Ang punto ay mahigpit ang koordinasyon at pagtutulungan ng mga pag-alsang ito. Ang Rebolusyong Oktubre ng 1917 ay nangyari sa gitna ng mga pag-alsa at malawakang pakikibaka ng proletaryado sa maraming bansa laluna sa Uropa, ang puso ng pandaigdigang kapitalismo.
Walang sosyalismo sa isang bansa. Ito ay internasyunal o wala ito.
2. Bilang isang internasyunal na rebolusyon, kailangan ng uring proletaryo ang isang internasyunal na partido. Ang partidong ito ay isa sa dalawang esensyal na mga organisasyon ng uri para magtagumpay ang rebolusyon nito. Ang isa pa ay ang konseho ng mga manggagawa na pandaigdigan din ang saklaw.
Ang internasyunal na partido at ang mga konseho ng manggagawa ay produkto ng pagsulong ng rebolusyonaryong pakikibaka ng uri sa malaking bahagi ng mundo laluna sa mga sentrong kapitalistang bansa kung saan mas konsentrado, organisado at militante ang proletaryado.
Mula pa sa panahon nila Marx hanggang sa panahon nila Lenin, nanindigan at nagsisikap na ang mga marxista na itayo at konsolidahin ang isang internasyunal na partido para sa sosyalistang rebolusyon: ang Una, Ikalawa at Ikatlong mga Internasyunal. Kaya naman, sa usapin ng pag-intindi kung ano ang marxistang partido ay walang alam ang Kaliwa dito dahil ang mga partido nila ay nagsisilbi at napailalim sa pambansang interes ng
burgesya[5] . Ang katangian at oryentasyon ng mga partido ng Kaliwa ay walang kaibahan sa Kanan.
3. Ang sosyalistang rebolusyon ay kagagawan ng milyun-milyong manggagawa na organisasdo at mulat sa sarili. At ang organisasyon nito para ibagsak ang kapitalismo ay ang mga asembliya at konseho ng manggagawa. Ang Partido kahit ito ang pinakaabanteng pampulitikang organisasyon ng uri ay hindi representante at aagaw ng kapangyarihan sa ngalan ng uri.
Sa Rebolusyong Oktubre ng 1917, hindi ang mga unyon ang naging behikulo ng malawakang pagkakaisa ng uri kundi ang mga sobyet o konseho ng manggagawa. Sa 21 siglo mas lalong lumilinaw ang papel ng mga unyon, kabilang na ang mga "radikal" na unyon: bombero upang buhusan ng malamig na tubig ang pagsulong ng rebolusyonaryong kamulatan ng uri. Lalunang hindi ang mga partido ng Kaliwa ang "abanteng destakamento" ng uring manggagawa para sa sosyalismo. Ang mga partido "komunista" at "sosyalista" mula Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay nasa kampo na ng burgesya, ang mortal na kaaway ng proletaryado sa mundo.
4. Ang mga pakikibaka para sa "pambansang kalayaan at demokrasya" ay isang burges na pakikibaka. Sa panahon ng dekadenteng kapitalismo kung saan wala ng paksyon ng burgesya na progresibo, ito ay hadlang na sa sosyalistang rebolusyon. Ang mga makabayan o makabansang pakikibaka ay naging instrumento na ng mga imperyalistang kapangyarihan. Ang mga "digmaan para sa pambansang kalayaan" ay naging bahagi at nagsisilbi na sa
inter-imperyalistang mga digmaan. Ang mga "lumayang" bansa mula sa isang imperyalistang kapangyarihan ay napunta lamang sa karibal nito o kaya, matapos ang ilang taon, ay bumalik muli sa kandungan ng kanyang dating amo.
Malinaw na halimbawa nito ang Tsina at Byetnam kung saan dati "anti-imperyalistang Amerika" sa loob ng ilang taon pero bumalik din sa kandungan ng kanyang dating "kaaway". Marami pang mga bansa na dati "kalaban" ng imperyalistang Amerika pero ngayon ay hinihimod na ang talampakan nito.
Hindi lang ang dayuhang kapitalista ang kaaway ng mga manggagawa kundi kasama din ang mga lokal at makabayang kapitalista saang sulok man ng mundo.
Kaya isang malaking pagkakamali at tahasang oportunismo ang ginawa ng Ikatlong Internasyunal matapos matalo ang Rebolusyong Aleman noong 1919 ng ideklara nito ang pakikipag-isang prente sa mga pambansang burgesya sa mga kolonyang bansa ng Kanluran at sa traydor na Sosyal-Demokrasya. Ang oportunismong ito ay kawalan ng tiwala sa lakas ng sariling uri at sa halip ay umasa sa lakas ng ibang uri na walang interes sa sosyalismo. Ang ginawang ito ng Ikatlong Internasyunal ay tanda ng pagpapailalim ng internasyunal na partido sa pambansang interes ng Rusya noon.
Ang pagbaliktad ng Ikatlong Internasyunal sa unang deklarasyon nito sa kanyang pagkatatag noong 1919 ang isa sa mga mayor na dahilan ng pagkatalo ng unang rebolusyonaryong alon noong 1917-23.
5. Ang kapitalismo ng estado ay hindi preparasyon para sa sosyalismo. Isa ito sa mga mayor na pagkakamali nila Lenin sa Rusya laluna matapos matalo ang rebolusyong Aleman noong 1919. Tapat sa kamalian ni Lenin, ito din ang pinaghawakan ng maoismo. Ang kapitalismo ng estado ay ekspresyon ng kabulukan ng kapitalismo, hindi ng pagsulong nito patungong sosyalismo.
Kaalinsabay nito, ay ang isa pang pagkakamali ng mayoriya ng partidong Bolshevik, ang pagpasok at pagkontrol ng Partido sa estado bilang siya daw porma ng "diktadura ng proletaryado". Kabaliktaran ang nangyari, sa halip na gamitin ng Partido ang estado para sa interes ng proletaryado, ang una ang ginamit ng huli laban sa masang manggagawa. Ang "diktadura ng proletaryado" gamit ang estado ay sa aktwal na praktika ay naging diktadura ng estado gamit ang Partido laban sa uring manggagagwa.
Hindi ang transisyunal na estado[6] ang porma ng diktadura ng proletaryado matapos manalo ang rebolusyon kundi ang mga konseho ng manggagawa[7].
Internasyonalismo
Oktubre 2010
[1] Salungat dito ang pananaw ng mga Bakuninista-Anarkista na naniniwalang kahit anong panahon ay posibleng ilunsad at manalo ang komunistang rebolusyon.
[2] Sa mga rebolusyon para ibagsak ang sistemang alipin, ang namuno at pangunahing pwersa ay ang uring nobilidad at warlords na nagdadala ng bagong moda ng produksyon - pyudalismo. Ang uring alipin ay ginawang kasangkapan lamang ng bagong uring mapagsamantala upang maibagsak ang sistemang alipin at para maging mga magsasaka sila. Sa panahon ng mga burges na rebolusyon sa 19 siglo, ang namuno at pangunahing pwersa ay ang uring burges na nagdaala ng bagong moda ng produksyon. Ang uring manggagagwa, bagama't mula't na sa kanyang istorikal na misyon at nagsisikap na mabuo ang isang independyente na proletaryong kilusan paralel sa kilusang burges ay kinilala ang katotohanan na "tagasuporta" lamang ito sa burges na rebolusyon sa pangkalahatan. Lahat ng mga nagdaang rebolusyon ay pinamunuan ng rebolusyonaryo pero mapagsamantalang uri sa lipunan. Ang proletaryong rebolusyon ang una at huling makauring rebolusyon kung saan ang namuno at pangunahing pwersa ng panlipunang pagbabago ay kapwa rebolusyonaryo at pinagsamantalahang uri.
[3] Ang hungkag na argumento ng Kaliwa sa kanilang taktikang pakikipag-isang prente ay kung ano daw ang tindig ng proletaryado sa interes ng mga hindi-proletaryong uri napinagsamantalahan ng kapitalismo gaya ng magsasaka at peti-burgesya. Sa halip na halawin ang aral sa internasyunal na kilusang paggawa at iugnay ito sa mga katangian ng dekadenteng kapitalismo, dogmatiko nilang sinunod ang kamalian ng Ikatlong Internasyunal: oportunistang kompromiso sa proletaryong interes para "makabig" ang mga uring ito hanggang sa panlilinlang sa mga uring ito na may pag-asa pa ang kanilang uri sa ilalim ng "sosyalismo sa isang bansa" o kapitalismo ng estado sa pamumuno ng partido "komunista" o "sosyalista".
Ang pinakabaliw sa lahat ay ang maoistang CPP-NPA kung saan hinati pa nila sa tatlong saring ang uring burges sa Pilipinas: malalaking burgesya komprador, pambansang burgesya at peti-burgeya at ginawang alyado sa "pambansang rebolusyon" ang pambansang burgesya at peti-burgesya sa pamamagitan ng pagsama sa mga makauring interes nito sa mismong programa ng isang "partido komunista"!
Para sa mga marxistang organisasyon, ang kailangan ngayon ay matibay at walang kompromisong paliwanag at pakipag-debate sa mga hindi-proletaryong uring ito na wala na silang kinabukasan sa kapitalismo. Kung nais nila ng panlipunang pagbabago at kaunlaran wala silang ibang pagpipilian kundi suportahan ang interes ng proletaryado para sa komunismo. Sa madaling sabi, kailangan nilang iwanan ang interes ng kanilang uri sa nakaraan at yakapin ang uri nila sa kinabukasan: ang pagiging manggagagwa.
[4] Maging ang mga "sosyalistang" estado gaya ng Tsina, Vietnam at Cuba ay apektado din sa pandaigdigang krisis ng kapitalismo. Nitong huli lamang ay sinabi mismo ng Partido "Komunista" ng Cuba na sa 2011 ay tatanggalin nito ang 500,000 empleyado ng estado upang isubo sa mga pangil ng pribadong kapital.
[5] Maging ang internasyunalismo ay binaluktot ng Kaliwa. Para sa kanila ito ay hindi ang pagtatayo ng isang sentralisado at internasyunal na partido kundi "kooperasyon" at "solidarity conferences" lamang kung saan lumalahok ang lahat ng hibo ng Kaliwa kasama na ang mga malalaking "Non-Government Organizations" na pinondohan ng mga malalaking estado at kapitalistang institusyon: "World Social Forums". Maging ang "fruit salad" na "5th International" ni Hugo Chavez sa ilalim ng kontrol ng nag-aambisyong maging "junior imperialist power" na Venezuela ay parang naunsyami dahil ayaw ng mga pambansang partido ng Kaliwa na mawala ang kanilang awtonomiya (kontrol sa kani-kanilang teritoryo). Ang "5th
International" ni Chavez ay parang gangster kung saan lahat ng mga gangster lords ay gustong siyang maging godfather ng lahat.
[6] Ang transisyunal na estado ay ang estado na hindi maiwasang itayo matapos madurog ang kapitalismo sa pandaigdigang saklaw.
Ang mga marxistang organisasyon ay tutol sa estado dahil ito ay lumitaw at nangibabaw ng nahati sa mga uri ang lipunan -- mga uring mapagsamantala at mga uring pinagsamantalahan. Ang ultimong layunin ng komunistang rebolusyon ay pawiin ang estado. Subalit salungat sa karamihan sa mga tendensyang anarkista, nanindigan ang mga marxista na hindi maiwasan ang isang transisyunal na estado matapos madurog ang kapangyarihang burges dahil hindi naman agad-agad na maglalaho ang mga uri sa lipunan. Ang paninindigang ito ay nakabatay sa materyalismong-istoriko at hindi sa ideyalismo na hawak ng mga anarkista: kagyat na wasakin ang estado matapos ang matagumpay na komunistang rebolusyon.
Salungat din ang mga komunistang organisasyon sa distorsyon ng Kaliwa partikular ang mga "marxista-leninista" (stalinista-maoista) at trotskyista na ang transisyunal na estado ang siyang ekspresyon ng diktadura ng proletaryado kaya dapat lamang na pumaloob at kontrolin ng Partido ang estadong ito, nanindigan ang mga komunistang organisasyon (batay sa negatibong karanasan ng Partidong Bolshevik, at ng mga "sosyalistang" estado) na bagama't hindi na talaga isang purong estado (gaya ng mga estado sa nakaraan) ang transisyunal na estado, nanatili pa rin ang mapagsamantalang katangian nito sa esensya at ginigiit pa rin nito ang sarili na mangibabaw sa lipunan. Sa madaling sabi, hindi alyado ng proletaryado ang transisyunal na estado para isulong ang rebolusyon hanggang makamit ang komunistang lipunan. Sa halip, ito ay magiging sagka para maabot ang komunismo. Kaya ang diktadura ng proletaryado ay hindi ang estadong ito kundi ang mga konseho ng manggagawa na hiwalay at independyente mula sa kanya.
[7] Ang konseho ng manggagawa, komite ng welga o mga asembliya ng manggagawa ay ang mga organo ng pakikibaka ng uri laban sa kapitalismo. Ito rin ang sentral na organong gagamitin ng uri para agawin ang pampulitikang kapangyarihan mula sa uring mapagsamantala at wasakin ang burges na estado. Hindi ito isang unyon at hindi ito gumagalaw bilang unyon.
Ang konseho ng mga manggagawa ay lilitaw at itatayo ng mga manggagawa mismo sa panahon ng kanilang pakikibaka. Hindi katulad ng unyon na may termino ng panunungkulan ang mga lider nito, ang mga lider ng konseho ng manggagawa ay maaring palitan ng konseho o asemnliya anumang
oras kung sa tingin ng mayoriya na nararapat.
Sa panahon ng rebolusyonaryong opensiba ng uri para ibagsak ang kapitalismo, ang mga konsehong ito ay magiging pampulitikang organo ng uri at sentro ng pampulitikang kapangyarihan hanggang lubusang mawasak ang burges na estado. Subalit hindi magbabago ang katangian nito: ang lubusang pagpapatupad ng kapangyarihan ng mga manggagawa sa mga asembliya at konseho nila mismo.
Matapos madurog ang burges na estado, hindi dapat itransporma ang mga konseho ng manggagawa bilang transisyunal na estado gaya ng pagkakamali ng partidong Bolshevik nila Lenin. Sa halip, igigiit ng mga konsehong ito, na siyang may kontrol sa mga armadong manggagagwa, ang independensya nito mula sa transisyunal na estado. Ang relasyon ng konseho ng manggagawa at transisyunal na estado ay: relasyon sa pagitan ng isang institusyon (konseho ng manggagawa) na nagpapatupad ng kanyang makauring diktadura kahit sa transisyunal na estado mismo, at relasyon sa
pagitan ng una bilang kritikal na nagmamatyag sa galaw ng huli, at kung kinakailangan (kung maging hadlang na ang transisyunal na estado sa pagsusulong ng komunismo) ay wawasakin ito ng konseho ng manggagawa.