Polyeto sa Mayo Uno - 2010

Printer-friendly version
AttachmentSize
PDF icon labor_day_2010_leaflet.pdf285.12 KB

Maghanda! Isulong ang Militanteng Pakikibaka

Laban sa Bagong Pangulo ng Pilipinas!

(Pahayag sa Mayo 1, 2010)

Ilang araw na lang, magkaroon na ng bagong pangulo ang kapitalistang estado ng bansa. Ngayong Mayo 1, dapat gawin itong okasyon ng manggagawang Pilipino upang maghanda dahil tiyak, sunod-sunod na atake na naman ang gagawin ng bagong Chief Executive Officer (CEO) ng kapitalistang sistema laban sa hirap na hirap na mamamayan.

Eleksyon ng burgesya, hindi ng manggagawa

Tulad ng nagdaang mga halalan sa Pilipinas, ang eleksyon ngayong Mayo ay eleksyon ng naghaharing uri para piliin kung sino o aling paksyon na naman ang uupo sa Malakanyang, parliyamento at mga lokal na gobyerno. Ito ay eleksyon upang ipagtanggol ang bulok na kaayusan na nagpahirap at nagsamantala sa masang anakpawis sa loob ng 100 taon.

Lahat ng mga kandidato, mula pampangulohan hanggang sa lokal na antas ay mula sa o tuta ng uring kapitalista-haciendero. Maging ang Kaliwa, na nag-aastang "progresibo" gaya ng Bayan Muna at Akbayan ay mabilis na nahubarang tuta lang pala ng malalaking burges na partido gaya ng Nacionalista Party (NP) ni Manny Villar at Liberal Party (LP) ni Noynoy Aquino. Ang ginawa ng Kaliwa ay patunay lamang na ito ay kaaway din (gaya ng burges na oposisyon at naghaharing paksyon) ng manggagawang Pilipino.

Sa pangkalahatan, nagtulong-tulong ang Kanan, Kaliwa, Simbahan at media upang maging kapani-paniwala ang eleksyon at maihalal ang isang "popular" na presidente ng bansa. Bagama't matindi ang bangayan ng iba't-ibang paksyon ng Kanan at Kaliwa, kung saan sila-sila na mismo ang nagbatuhan ng putik at naglantad ng kani-kanilang mga baho na umabot pa nga sa madugong tunggalian laluna sa lokal na antas, ay nagkaisa naman sila na itali ang masang api sa balangkas ng burges na eleksyon at dito ibuhos ang pagiging "militante at palaban" sa pamamagitan ng pagboto at pagbantay ng boto.

Sa kabilang banda, bagama't wala sa agenda ng Kanan at Kaliwa, hindi imposibleng mangyari ang no-election o failure of election. Bagamat para sa naghaharing uri, kailangang patuloy na mag-iilusyon ang malawak na masa sa isang "malinis" na eleksyon. Ito ang isa sa mga epektibong paraan para mapanatili nila ang bulok na kaayusan. Nais nilang matuloy, "mapayapa" at "malinis" ang halalan ngayong Mayo. Pero lumalala naman ang bangayan ng iba't-ibang paksyon sa pag-aagawan sa pwesto. Lahat ay desperadong makaupo laluna sa pampangulohang posisyon. Ang mga malalaking burges na partido at personalidad gaya ng Lakas-Kampi, NP at LP; Teodoro, Villar at Aquino ay ginagawa ang lahat ng paraan (kabilang na ang pinakamaruming paraan) para lamang manalo.

Kung hindi makontrol ng estado ang tuloy-tuloy na paglala ng sitwasyon, maaring ito ang magbukas para sa isang "ekstra-legal" o madugong tunggalian sa pagitan ng mga paksyong naglalaban. Kung sakali mang hindi matuloy ang eleksyon o kaya sa mata ng publiko ay nagkaroon ng malawakang dayaan, malamang uulitin muli ng Kaliwa ang tipong "people power revolution" (syempre sa pamumuno ng burgesya) gamit ang "mas radikal na panawagan" gaya ng "probisyunal na rebolusyonaryong gobyerno" na dala-dala nito noong kasagsagan ng mga burges na kilusan para patalsikin ang rehimeng Arroyo. Gaya sa nakaraan, gagamitin na naman ng mga paksyon ng burgesya ang masang anakpawis bilang pambala ng kanyon.

Walang magbago pagkatapos ng halalan kundi lalala pa ang hirap na kalagayan

May magagawa ba ang papalit kay Gloria Arroyo para sa ikabubuti ng sambayanan?

Sa pangkalahatan ay walang kaibahan ang plataporma at programa ng mga kandidato at partidong lumahok sa eleksyon. Walang kaibahan ang administrasyon at oposisyon. Kung basahin at pakinggan ang laman ng kanilang mga kampanya't plataporma, iisa lamang ang esensya: ipagtanggol ang pambansang kapitalismo at gagawin ng gobyerno ang lahat upang makaungos ang pambansang kapital sa matinding kompetisyon sa mabilis na kumikipot na pandaigdigang pamilihan. Wala itong ibig sabihin kundi: mas murang lakas-paggawa (sahod) para maging mas mura ang produkto ng Pilipinas sa pandaigdigang merkado, maksimisasyon ng pagpiga ng lakas-paggawa, mas malawakang kontraktwaliasyon, pagtaas ng buhis at pagpapalaki ng utang ng gobyerno.

Sa susunod na 3-6 na taon, papasanin ng masang anakpawis ang mas matinding hirap dahil nasa permanenteng krisis na ang pandaigdigang kapitalismo at ganap ng bangkarota ang estado.

Papel ng Kaliwa

Sa kauna-unahang pagkakataon, hayagan at lantaran ang suporta ng Kaliwa sa malalaking burges na partido na nasa "oposisyon" laban sa rehimeng Arroyo. Sa nakaraan kasi, nahihiya at patago lamang ang suporta nito sa mga burges na kandidato at partido. Ito ay malinaw na manipestasyon na sa lenggwahe at pormulasyon lamang ng pananalita magkaiba ang Kanan at Kaliwa. Pero sa esensya, magkatulad ang kanilang programa: "paunlarin" ang pambansang kapitalismo, na sa panahon ng imperyalismo at permanenteng krisis nito ay imposible ng mangyari. Ang "kaunlaran" ay nagkahulugan ng matinding pagpapahirap at pagsasamantala sa mamamayan.

Ang dalawang pinaka-malaking paksyon ng Kaliwa (maoistang CPP-NPA at Akbayan) sa Pilipinas ay sumusuporta din sa dalawang pinakamatandang burges na partido sa bansa - Nacionalista Party at Liberal Party - at sa dalawang pinakamalakas na contender na magiging presidente: Manny Villar at Noynoy Aquino. Kung sinuman sa kanila ang uupo sa Malakanyang, alam ng publiko ang mayor na papel ng Kaliwa para makaupo sa kapangyarihan ang bagong pangulo ng mapagsamantalang gobyerno.

Kung nanahimik man ang ibang paksyon (Sanlakas, Partido ng Manggagawa, KPD, atbp) sa bangayan ng NP at LP, ito ay dahil wala naman silang tutol na makipag-alyansa sa kanila. Kaso nga lang naunahan sila ng maoistang Bayan Muna at sosyal-demokratikong Akbayan.

At dahil tiyak pa sa pagsikat ng araw na ang uupong bagong pangulo ay maging tagapagsalita at tagapagtanggol ng uring kapitalista-haciendero, malaki ang posibilidad na pagkatapos ng halalan, mag-uunahan na naman ang Kaliwa sa pagtindig bilang "oposisyon" sa bagong administrasyon upang makaiwas sa galit ng taumbayan, at muli na namang linlangin ang masa na sila ay nasa "panig para sa pagbabago ng sistema". Kung si Villar ang manalo, mangunguna sa pagiging "oposisyon" ang Akbayan. Kung si Aquino ang manalo, ang mga maoista naman ang mangunguna sa pagiging "oposisyon". Ang mga "nanahimik" na paksyon ng Kaliwa ay maaring sasakay sa pagiging "oposisyon" alinman sa mga kandidato ang maging presidente kasi hindi naman hayagan ang kanilang suporta.  Ito ang papel ng Kaliwa sa Pilipinas sa kasalukuyan: maging "oposisyon" ng Kanan para ilayo ang masang manggagawa sa rebolusyonaryong landas at ikulong sa mistipikasyon ng repormismo gamit ang radikal na lenggwahe gaya ng "armadong pakikibaka", "rebolusyon" at "pagbabago ng sistema".

Sa kabilang banda, gaya ng sa nakaraan, magkaroon na naman ng rigodon ang karamihan sa mga politiko ng Kanan sa partido ng nanalong pangulo.

Iigting na naman ang ideolohiyang "bawat isa para sa kanyang sarili" at "bawat isa laban sa lahat" sa loob ng iba't-ibang paksyon ng Kanan at Kaliwa. Ang magkaalyado bago ang eleksyon ay maging magkaaway na naman; ang magkaaway ay maging magkaibigan na naman; depende sa kung alin ang paborable para panatilihin at isulong ang pansariling interes.

Subalit, hindi makalimutan ng mga mulat na manggagawa ang hayagang pagsuporta at paghimod ng Kaliwa sa puwet ng mga malalaking partido ng uring mapagsamantala anuman ang maging resulta ng halalan. Ang mga ginagawa mismo ng Kanan at Kaliwa ang matabang lupa upang tataas ang kamulatan ng uri laban sa lahat ng paksyon ng kapitalista-haciendero.

Labanan at itakwil ang burges na ideolohiya

Ang dominanteng ideolohiya sa lipunan ay ang ideolohiya ng naghaharing uri. At kabilang na dito ang elektoralismo at parliyamentarismo sa panahon ng imperyalismo. Para maisulong ng uring manggagawa ang kanyang sariling pakikibaka laban sa kapitalismo at para mapanghawakan ng proletaryado ang kanyang sariling laban, kailangang itakwil nito ang burges na ideolohiya ng Kanan at Kaliwa. Hindi ito madaling gawin dahil napakalakas ng impluwensya ng burges na propaganda na ang Kaliwa, laluna ang maoistang CPP-NPA ang "tunay" na "radikal" at "komunista". Ang propaganda ng uring kapitalista sa Pilipinas na "komunista" ang CPP-NPA ay walang kaibahan sa propaganda ng internasyunal na burgesya na ang Stalinismo o Trotskyismo ay "komunismo". 

Ang tagumpay ng laban ng manggagawa ay hindi makukuha sa mga mapanlinlang na panukala ng Kaliwa para maging batas sa ilalim ng kapitalistang kaayusan. Sa burges na parliyamentarismo sa panahon ng dekadenteng kapitalismo, magiging batas lamang ang panukala kung sang-ayonan ito ng naghaharing uri. Ang tagumpay ay nasa pakikibaka ng mulat at nagkakaisang masang anakpawis sa lansangan at sa labas ng parliyamento. Ang panalo ng proletaryado ay makakamit labas sa kontrol ng unyonismo.

Ang makauring pakikibaka ay lalakas lamang kung lalawak ang pakikibaka sa pinakamaraming pabrika at lalahukan ng pinakamaraming manggagawa - regular, kontraktwal, unyonista, di-unyonista, nasa pribado at publikong sektor. At ang tanging porma ng organisasyon para dito ay ang mga asembliya at konseho ng proletaryado na independyente sa kontrol ng mga unyon at mga partido ng Kanan at Kaliwa.

Higit sa lahat, ang laban ng uri ay hindi para sa pagtatanggol ng "pambansang interes" kundi ng makauring interes dahil ang una ay interes ng burgesya at ang huli ay interes ng manggagawang Pilipino. Ang "pambansang pagkakaisa" na inihasik ng Kanan at Kaliwa ay walang ibang kahulugan kundi susuko ang masang manggagawa sa kanyang mortal na kaaway: ang uring kapitalista-haciendero. Ang sentral na tungkulin ng bagong CEO ng Malakanyang ay kumbinsihin at pakilusin ang masang manggagawa para ipagtanggol ang at magsakripisyo para sa "pambansang interes" at kalimutan ang makauring interes. At kung lalaban ang proletaryado, kamay na bakal ng estado - armadong pwersa at bilangguan - ang ihambalos ng bagong pangulo laban sa masang proletaryado.

Internasyonalismo

(seksyon sa Pilipinas ng Internasyunal na Komunistang Tunguhin)

email us: [email protected]

website: tl.internationalism.org