Pangako ng mga kandidato, panlilinlang sa mga tao

Printer-friendly version

Lahat ng mga kandidato ay inaaming dumarami ang naghihirap na mga Pilipino. Ito ang katotohanang hindi nila kayang itago. Isang katotohanan na lagi na lang may "solusyon" sa panahon ng kampanya ng eleksyon. Katotohanan na ang "solusyon" diumano ay kung si ganito o si ganoon ang mananalo at makaupo sa pwesto. Laging ganito ang naririnig at nababasa ng taumbayan, laluna ng manggagawa at maralita tuwing sasapit ang halalan.

"Malinis na pamahalaan", "matino at tapat na taong nasa pwesto", walang kurakot na gobyerno", "libreng edukasyon", "trabaho", "tamang sahod", "lupa", "pabahay"..... Ito na ang laging sinasabi ng mga kandidatong nangangailangan ng boto ng manggagawa at maralita para masungkit nila ang kapangyarihan sa bulok na pamahalaan.

Bawat isa sa mga kandidato ay nagsasabing "ako at ang aking partido ang may tunay na plataporma at programa para maiahon ang sambayanan mula sa kahirapan". Ilang dekada na ba nating narinig ang mga katagang ito? Ilang dekada na ba nating narinig na naghirap diumano ang bansa dahil sa "maling pamamahala", dahil "hindi mga tamang tao ang naluklok sa gobyerno". Hindi ba't ito lagi ang sinasabi ng nasa oposisyon na nais palitan ang administrasyon?

Ang administrasyon naman ay laging nagsasabing wala sa kanila ang problema kundi "hindi sapat na panahon ng panunungkulan" ang siyang dahilan kung bakit ang mga pangako ay hindi natupad. Ang nasa administrasyon ay sinisisi ang lahat maliban sa kanilang sarili sa mga kapalpakan ng kanilang "plataporma" at "programa".

Ganito lagi ang eksenang nakikita natin sa kada tatlo at anim na taong palabas ng eleksyon.

Katotohanang matagal na nating alam

Matagal na nating alam na lahat ng mga kandidato ay walang kaibahan sa isa't-isa. Matagal na nating alam na ang nais lamang nila ay uupo sa pwesto para lalupang magpayaman gamit ang kapangyarihan.

Kaya nga ang iba sa ating mga kapatid ay ginawa na lamang "pantawid-gutom" ang eleksyon dahil alam nila na walang pagbabagong mangyari sa kanilang hirap na kalagayan matapos ang eleksyon.

Ang puno't dulo ng kahirapan ay ang bulok na sistema ng ekonomiya ng bansa na nagbunga ng bulok na gobyerno. Walang sinumang "santo" at "santa" ang may kapangyarihang gawing maayos ang pamahalaan na nakatungtong at nabubuhay mula sa mabangong singaw ng bulok na panlipunang kaayusan.

Higit sa lahat, wala sa mga "super-hero" na politiko at kapitalistang partido ang kapangyarihan upang wakasan ang kabulukan ng sistema at estado dahil ito mismo ang pinagtatanggol nila. Ang may kapasidad lamang nito ay ang uring may istorikal na kapasidad at kapangyarihan upang durugin ang mapagsamantalang kaayusan: ang uring manggagawa.

Ang panlipunang sistema na nakabatay sa ganansya, sa ganansyang ang tanging pinaggalingan ay ang libreng paggawa ng masang anakpawis, sa pag-aari ng minorya sa mga kagamitan ng produksyon, na siyang dahilan ng permanenteng krisis ng sobrang produksyon at patuloy na kawalang kapasidad ng nakararami na bilhin ang mga batayang pangangailangan, ang tunay na puno't dulo ng korupsyon at kabulukan ng gobyerno.

Tiwala sa sariling lakas, ibagsak ang sistema ng kapital

Wala sa loob ng gobyerno ang solusyon sa mga problema ng kahirapan. Ang solusyon ay durugin ang kapitalistang gobyerno at itayo ang kolektibo at rebolusyonaryong kapangyarihan ng manggagawa. Hindi ito makakamit sa pamamagitan ng eleksyon kahit pa pagandahin ang mga dekorasyon ng mga "radikal" at "rebolusyonaryo" sa loob ng gobyerno at parliyamento, na siyang ginagawa ngayon ng mga oportunista at traydor na mga organisasyon ng Kaliwa.  

Ang tanging solusyon ay rebolusyon ng manggagawa para wasakin ang kapitalistang mga relasyon.

Subalit, ang malaking hadlang ay ang kawalan ng tiwala ng masang manggagawa at maralita sa kanilang sariling lakas at pagkakaisa, ang kawalan ng tiwala na kayang-kaya nilang organisahin ang kanilang sarili at kayang-kaya nilang labanan ang naghahari at mapagsamantalang mga uri sa lipunan.

Ang papel ng Kaliwa at burges na oposisyon ay lalupang itulak ang masa na lubusang mawalan ng tiwala sa sarili dahil sa ganitong sitwasyon lamang kakapit at maniwala ang masa sa mga panlilinlang at pagsisinungaling ng mga umaangking "lider", "abanteng destakamento" at "tagapagligtas". Ang mga "lider" at "kinatawan" ng masa ang "tanging may kapangyarihan" upang iahon ang huli sa kahirapan. At dahil hindi naman talaga matutupad ang mga pangako, sisihin ng mga "lider" at "kinatawan" ang masa mismo dahil "hindi aktibong sumusuporta" at "nanatiling pasibo", mas masahol pa, "mababa ang kamulatan", hindi katulad sa mga "lider" at "kinatawan" na "mataas na ang kamulatan".

Sindak na sindak ang lahat ng mga politiko (Kanan at Kaliwa, administrasyon at oposisyon) na darating ang panahon na hawakan na mismo ng masa sa kanilang mga kamay ang pagpanday ng kanilang kinabukasan. Dahil ang ibig sabihin nito ay itinatakwil nan g nakararami ang eleksyon at hinahawakan na nila ang rebolusyon.

Kaya naman nagtulong-tulong ang lahat ng paksyon ng naghaharing uri, sa kabila ng kanilang matinding kompetisyon at siraan na manatiling nakakulong ang malawak na masa sa mga mistipikasyon ng eleksyon dahil ayaw ng naghaharing uri na tahakin ng masang anakpawis ang kanilang sariling landas, ang landas ng proletaryong rebolusyon.

Patrick, Pebrero 9, 2009

   

Site information: