Submitted by Internasyonalismo on
Dalawang pambansang isyu ang pumutok ngayon sa Pilipinas: ang isyu ng mga manggagawa ng PAL at ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita. Ang una ay ang napipintong tanggalan ng halos 3,000 manggagawa, mass resignation ng mga piloto ng national flag carrier at ang napipintong welga ng mga flight stewards, kung saan ang pangunahing isyu ay ang pagtaas ng sahod, seguridad sa trabaho at retirement. Ang huli ay ang usapin ng maniobra at pambabaraso ng management ng Hacienda Lusita na pag-aari ng pamilyang Cojuangco-Aquino para piliting tanggapin ng naghihirap na manggagawang-bukid ang stock sharing scheme.
Sa dalawang pambansang isyung ito, nakikita ng masang manggagawa at magsasaka kung anong uri nagsisilbi ang estado, na pinaniwalaan nila na nasa pamumuno ng isang "popular" at "maka-masang" pangulo. Salamat sa pagtutulungan ng Kanan at Kaliwa noong nakaraang eleksyon, naisalaksak ng mga ito sa kaisipan ng masa na may pag-asa pa sa eleksyon basta manindigan lamang ang nakararami na iboto ang mga kandidatong may "malinis na hangarin" sa tuktok ng kapitalistang estado.
Pakikibaka sa PAL
Ilang buwan ng nag-aalburotong sasabog ang welga ng mga manggagawa ng Philippine Airlines (PAL) dahil sa plano ng management na tanggalin ang halos 3,000 manggagawa sa pamamagitan ng iskemang early retirement at voluntary retirement na inihapag nito sa unyon. Mariin itong tinutulan ng mga manggagawa dahil ayaw ng mga ito na magsakripisyo para isalba ang kompanya mula sa pagkalugi bunsod ng tumitinding krisis ng pandaigdigang kapitalismo.
Subalit dahil nasa pamumuno ito ng unyon, madaling naigapos ng uring kapitalista at estado ang mga manggagawa sa mga anti-kapitalistang batas. Kaya naman hanggang ngayon ay hindi pa naiputok ang welga dahil takot ang unyon na ideklarang ilegal ito ng estado.
At dahil din sa matinding kompetisyon at iringan ng iba't-ibang unyon na hawak ng iba't-ibang paksyon ng Kanan at Kaliwa ng burgesya, walang nangyaring malawakang mga pagkilos ang ibang mga pabrika na hawak ng ibang paksyon ng Kaliwa na karibal na unyon ng PAL na hawak naman ng Lagmanistang Partido ng Manggagawa (PM). Idagdag pa dito na takot ding labagin ng ibang mga unyon ang mga anti-manggagawang batas ng estado.
Nang pumutok nitong mga nakaraang linggo ang mass resignation ng mahigit 20 piloto ng PAL dahil sa usapin ng mababang sahod ay nagkukumahog sa pakikialam ang Malakanyang, na siyang naging mitsa na maging laman ito ng mga pahayagan at telebisyon sa loob ng ilang linggo.
Nalantad ang layunin ng Kaliwa at unyon sa isyu ng PAL
Muli, bunsod ng pakikialam ng rehimeng Aquino sa isyu ng PAL, ay umalingawngaw ang sentral na layunin ng unyon at Kaliwa: kapitalismo ng estado. Ang ultimong layunin ng unyon at Kaliwa ay isalba ng estado ang PAL sa pamamagitan ng pagkontrol nito o gawing pag-aari ng estado o kaya joint ownership ng pamilyang Tan at gobyerno. Para sa mga ito, ang estado lamang ang tagapagligtas para magkaroon ng mataas na sahod at seguridad sa trabaho ang mga manggagawa.
Ang ganitong pananaw ay hindi salungat sa makauring interes ng burgesya. Sa halip ay nakakatulong pa ito para patuloy na ihasik ang lason ng repormismo, parliyamentarismo at elektoralismo sa hanay ng malawak na masa.
Nais ng Kaliwa na ipalunok sa masang manggagawa na "progresibo" ang kapitalismo ng estado kaysa "pribadong" kapitalismo o popular sa tawag na "globalisasyon" sa hanay ng Kaliwa. At dahil dito ay epektibong naitago ng kaliwang kamay ng naghaharing uri na lubusan ng bangkarota at walang kapasidad ang estado para isalba ang krisis ng sistemang pinagtatanggol nito.
Tagapagligtas ba ang estado?
Ang estado kailanman ay hindi para sa masang anakpawis. Maging ang sinasabi ng Kaliwa na "estado ng manggagawa", "gobyerno ng mamamayan" at "sosyalistang estado" ay pawang nagsisilbi sa interes ng kapitalistang moda ng produksyon.
Ang kapitalismo ng estado ("sosyalismo" sa dating Bloke ng Silangan at Stalinistang Rusya) ay ang Keynesianismo sa Kanluran matapos sumabog ang unang pandaigdigang krisis ng dekadenteng kapitalismo noong 1920s o ang popular na ‘The Great Depression of 1929'. Subalit hindi napigilan ng Keynesianismo at Stalinistang "sosyalismo" ang pagputok ng WW II, ang ikalawang inter-imperyalisng digmaan na mas masahol pa sa WW I. Kabaliktaran pa nga ang nangyari: ang imperyalistang katangian ng mga ito ang dahilan ng ikalawang pandaigdigang digmaan bunsod ng unang pandaigdigang krisis ng dekadenteng kapitalismo.
Sa loob ng ilang dekada, ang dalawang tipo ng kapitalismo ng estado sa Silangan at Kanluran ang nagpahirap ng daang milyong mamamayan sa buong mundo, na dinagdagan pa ng inter-imperyalisng digmaan sa anyo ng mga digmaan para sa "pambansang kalayaan at demokrasya".
Napatunayan ng kasaysayan na bangkarota na ang estado, sa kabila ng katotohanan na nabubuhay pa rin ito. Noong 1990s ay nagkaisa ang burgesya sa buong mundo na lubusan ng itakwil ang Keynesianismo at ang kahalintulad nito, pero mas totalitaryan na Stalinismo. Kasabay ng pagkawasak ng Bloke ng Silangan at ng imperyalistang USSR ay binuo ng internasyunal na burgesya ang "globalisasyon" o "pribadong" kapitalismo. Narito ang malaking kasinungalingan ng "globalisasyon" na sinuportahan ng Kaliwa: pinaubaya na ng mga estado ang ekonomiya ng kapitalismo sa mga pribadong kapitalista, sa mga transnational at multi-national corporations. Ito ay malaking kasinungalingan dahil mula WW I ay nasa yugto na ang kapitalismo ng kapitalismo ng estado o ang aktibo at tahasang panghihimasok ng estado sa buhay panlipunan para isalba sa tuluyang pagkawasak ang bulok na kapitalismo.
Naghuhumiyaw ang lahat ng paksyon ng Kaliwa laban sa "globalisasyon". At ang sigaw nila ay: muling ibalik sa kontrol ng mga estado ang ekonomiya ng mundo mula sa naglalaway na bunganga ng mga TNCs/MNCs, sa pribadong kapital!
Ganun pa man, napipi ang lahat ng paksyon ng Kanan at Kaliwa ng biglang sumabog ang panibagong krisis ng pandaigdigang kapitalismo noong 2007. Ang "globaliasyon" na diumano solusyon sa krisis bunsod ng kapitalismo ng estado (Keynesianismo at Stalinismo) ay nadurog kasabay ng pagsabog ng financial crisis na nag-umpisa sa sentro mismo ng kapitalismo ng mundo: Amerika.
Ang kapitalismo ng estado na isinuka ng Reaganomics at Thatcherism noong 1980s ( ang "ama" at "ina" ng globalisasyon sa 1990s) ay "muling" kinain ng internasyunal na burgesya para desperadong isalba ang kapitalismo. Muling namayagpag ang aktibo at hayagang pakikialam ng mga estado para isalba ang ekonomiya mula sa "pang-aabuso" ng mga pribadong kapitalista. At dahil matagal ng bangkarota ang mga estado, hanggang ngayon ay hindi pa naampat ng internasyunal na burgesya ang pagkalat ng apoy ng krisis. Katunayan, sa halip na mapigilan ay kumalat na ito sa Uropa ng pumutok ang krisis sa Greece, Spain at Portugal, matapos nagyabang ang mga burges na eksperto na "naampat" na nito ang pagdurugo ng sistema.
Sa halip na matauhan ang Kaliwa, mas lalong humigpit ang paghawak nito sa kanilang paniniwala sa kapitalismo ng estado. Talagang tapat sa kanilang papel ang Kaliwa: tigasabotahe ng proletaryong rebolusyon sa loob ng kilusang paggawa.
Para sa kanila, hindi sapat ang neo-Keynesianismo ng burgesya para isalba ang krisis ng 2007. Ang ibang paksyon naman ng Kaliwa, gaya ng mga maoista-stalinista ay mas lalupang nagsisigaw na tama ang Maoismo-Stalinismo bilang epektibong porma ng kapitalismo ng estado.
At ito ang dala-dala ng Kaliwa sa isyu ng PAL: isalba ng rehimeng Aquino ang PAL.
Pero bakit ayaw ariin ng estado ang PAL?
Hindi na bago sa Pilipinas na ariin ng estado ang isang industriya. Nangyari na ito noong panahon ng diktadurang Marcos. At dahil sa matindi na ang kakitiran ng pandaigdigang merkado magmula 1970s ay nalugmok sa matinding pagkalugi ang mga industriyang pag-aari ng estado hindi lang sa Pilipinas kundi sa iba pang mga bansa. Ang mga industriyang pag-aari ng estado ay naging pabigat sa kanya: paglaki ng kanyang utang at depesit. Ang kasalukuyang utang ng gobyerno ng Pilipinas ay umabot na sa P4.44 trilyon, tumaas ng P46 bilyon kumpara noong nakaraang taon habang ang kanyang depisit sa badyet ay umabot na sa P162 bilyon, mas mataas ng 33% kumpara noong 2009.At ang pangunahing lubog sa utang ay ang mga industriya at ahensyang pag-aari ng estado gaya ng National Food Authority kung saan umabot na sa P171 bilyon ang utang, 400% na mas mataas kumpara noong 2003.
Alam ito ng rehimeng Aquino. Isang pagpapatiwakal para sa kanya kung isasalba niya ang PAL na "wala sa panahon": ang kondisyon na talagang naghihingalo na ito. Ang malalaking industriya na sandalan ng bulok na sistema ay ililigtas at ililigtas ng estado kahit ano pa ang kapalit nito, kung saan laging ang uring manggagawa ang biktima.
Isa pang salik ay marahil nangangamba ang bagong rehimen na sa halip na makakatulong sa pagmintina ng ilusyon ng populismo ay lalupang hahatakin pababa ang rehimen kung ngayon agad ay isasalba na niya ito gaya ng ginawa ng ibang mga estado sa Uropa at Amerika dahil di hamak na mas bangkarota ang estado ng Pilipinas kumpara sa abanteng kapitalistang mga bansa.
Ganun pa man, sa larangan ng paghahasik ng ideolohiyang kapitalismo ng estado ay nasa "win-win" solution ang "girian" ng Kanan at Kaliwa sa usapin ng pagsalba o hindi ng estado sa isang naghihingalo o naluluging industriya na mahalaga sa pambansang interes.
Kung nahihirapan sa ngayon ang mga empleyado ng gobyerno at ang government-owned corporations tiyak na ganun din ang daranasin ng mga pribadong industriya na "isasalba" ng estado, ito man ay sa anyo ng bail-out, lubusang pag-aari o state-private joint ownership.
Pag-aari man ng estado o hindi, ang mga problema ng mababang sahod at kontrakwalisasyon ay mananatili dahil ito na lamang ang pinagkukunan ng hininga ng naghihingalong sistema.
Pakikibaka ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita
Magkaribal man na paksyon ng Kaliwa ang namuno sa pakikibaka ng PAL at Hacienda (ang PAL ay nasa pamumuno ng "leninistang" Partido ng Manggagawa habang ang Lusisita ay nasa pamumuno ng mga maoista) ay walang pagkakaiba ang kanilang layunin: dapat makialam o kontrolin ng estado ang Hacienda Luisita. Katunayan, tinuligsa ng mga maoista ang rehimeng Aquino dahil diumano sa hindi pakikialam nito sa pinakahuling kompromisong kasunduan sa pagitan ng mga manggagawang-bukid at management ng Hacienda. Subalit, kahit ang mga maoista mismo ay alam nila na aktibong nakialam ang rehimeng Aquino sa isyung ito.
Ang kaibahan din ng pakikibaka ng PAL at Hacienda Luisita ay ang una ay nagtangkang bumangon mula sa pagkatalo ng welga nito mahigit sampung taon na ang nakaraan. Samanatalang ang huli ay hindi pa rin nakabangon mula sa madugong pagkatalo noong maagang bahagi ng taong 2000. Kaya naman ang compromise deal na nangyari nitong nakaraang mga araw ay manipestasyon ng pagkatalo nito gaya ng compromise deal ng unyon ng PAL noon (CBA moratorium for 10 years).
Gaya ng PAL noon, mahigit 70% ng 10,502 manggagawang-bukid sa Hacienda Luisita ang pumayag sa mapagsamantalang stock distribution option (SDO) ng management.
Indibidwal na pag-aari ng lupa
Ang mga maoistang namuno sa Hacienda Luisita, isang kapitalistang Hacienda kung saan ang pangunahing produktibong pwersa nito ay ang mga manggagawang-bukid ay pilit na isinalaksak sa utak ng kanilang baseng masa na ang solusyon sa kapitalistang pagsasamantala sa kanayunan ay ang indibidwal na pag-aari ng lupa: "lupa sa mga nagbubungkal". Sa madaling sabi ay mula sa burges na produksyon paatras sa peti-burges na moda ng produksyon sa ilalim ng isang totalitaryan na kapitalismo ng estado sa ngalan ng "demokratikong gobyerno ng bayan" na pinamunuan ng isang partido "komunista". Ito ang esensya ng "rebolusyonaryong agraryo" ng mga maoista. Ang usapin ng kooperatibismo sa ilalim ng kapitalismo ay ginawang palamuti nito.
Hindi natuto at ayaw matuto ng Kaliwa na sa matagal ng karanasan na ang indibidwal na pag-aari ng lupa ay nauuwi lamang sa pagkahati ng kanayunan sa iilang kapitalistang magsasaka at maraming manggagawang-bukid bilang sahurang alipin nito. Kahit ang sinasabi nitong "demokratikong gobyerno" ay naging isang sentralisadong kapitalistang entidad habang huridikal (sa papel lamang) ang pag-aari ng manggagawang-bukid sa lupa.
Sa esensya ay wala itong kaibahan sa naglipana ngayong "cooperative" ownership na isinagawa ng ilang mga unyon sa Mindanao na sa esensya ay naging isang human resource agencies para sa kontraktwalisasyon ng manggagawang-bukid sa bunganga ng malalaking plantasyon.
Sa larangan ng praktikalidad, hindi aabot ng isang ektarya lupa ang maaring ariin ng 10,502 benepisyaryo kahit pa buong-buong ibigay ang 6,500 ektaryang lupa ng Hacienda. Sa ganito kaliit pa lang na pag-aari, tiyak na hindi ito sapat para buhayin ang isang pamilyang may anim ka tao. Kaya nga mapanlinlang ang "lupa sa mga nagbubungkal" dahil ang tunay na solusyon sa problemang agraryo sa kanayunan ay sosyalisasyon ng pag-aari na makakamit lamang sa isang sosyalistang lipunan matapos manalo ang internasyunal na proletaryong rebolusyon.
Malawakang makauring pakikibaka
Tama lamang at kailangang tutulan ng mga manggagawang-bukid sa Hacienda Luisita ang compromise deal. Wasto na ilunsad ng mga manggagawa sa PAL ang welga laban sa malawakang tanggalan, mababang sahod at retirement. Subalit para muling susulong ang kanilang pakikibaka ay kailangang hawakan nila ang laban sa kanilang sariling mga kamay sa pamamagitan ng mga asembliya na hiwalay at awtonomos sa mga organisasyon ng Kaliwa at Kanan.
Higit sa lahat ay ang pangangailangan na palawakin ang pakikibaka: pagkakaisa at pakikibaka ng mas malawak na manggagawa na ang dala-dala ay ang mga pangkalahatang kahilingan na magagawa sa pamamagitan ng mga asembliya nito, pagkakaisa ng mas malawak na manggagawang-bukid, at higit sa lahat pagkakaisa ng mga asembliya ng manggagawa at magsasaka.
Pero hindi ito mangyayari sa ilalim ng pamumuno ng mga unyon at organisasyon ng Kaliwa na malalim ang kompetisyon at sektaryanismo. Ang mga unyon at organisasyon ng Kaliwa sa Pilipinas ang isa sa pangunahing hadlang kung bakit walang pagkakaisa at koordinasyon ang laban ng manggagawa at magsasaka. Sila ang dahilan kung bakit ang makauring laban sa ilalim ng kanilang pamumuno ay nauuwi sa kanya-kanya, pagkatalo at demoralisasyon.
Mas lalong hindi makakamit ang tagumpay ng pakikibaka sa repormistang taktika ng mga unyon at Kaliwa na "legal na pakikibaka" (sa korte o kaya sa DOLE) dahil ang mga batas mismo na pagbabatayan ng desisyon ay kontra-manggagawa at magsasaka. Sa halip ito ay kadena at malamig na tubig upang ang namumuong militansya ng uri ay maglaho at mapalitan ng demoralisasyon at pagsuko. Pagsuko na gagawin na namang "tagumpay" ng mga unyon at Kaliwa sa kanyang baseng masa at sa media.
Dapat matuto ang mga manggagawang industriyal at manggagawang-bukid sa pakikibaka ng mga manggagawa sa Panama nitong nakaraang mga buwan: malawakang welga laban sa mga anti-manggagawang batas ng estado kung saan ay nanalo ang masang anakpawis sa Panama.
Nasa malawakang pakikibaka sa lansangan ang kapangyarihan ng nagkakaisang manggagawa at magsasaka. Ito din ang mitsa para sa isang tunay na rebolusyon ng masang api para durugin ang estado at bulok na sistema.
Patrick, Agosto 18, 2010