Submitted by Internasyonalismo on
Hindi pa man opisyal na nagsimula ang kampanya ng mga kandidato para sa eleksyon ngayong Mayo ay nagsimula na ang madugong labanan ng mga kandidato sa lokal na antas.
Kung maalala natin, ang masaker sa Maguindanao noong Nobyembre 2009 ang pinaka-marahas na kaganapan sa kasaysayan ng Pilipinas kaugnay sa tunggalian ng mga paksyon ng naghaharing uri sa pag-aagawan ng posisyon.
Magmula noon, sunod-sunod na ang mga karahasan sa lokal na antas kung saan ang mga biktima ay ang mga lokal na kandidato o lokal na lider ng mga burges na partido, partikular ang nasa oposisyon. Patunay lamang ito na sa panahon ng naaagnas na sistema, ang tunggalian ng mga paksyon ng mapagsamantalang uri ay nagkakaanyo na sa marahas na labanan para sa posisyon sa loob ng estado.
Kung hindi man nakikita ang karahasan ng tunggalian sa panahon ng eleksyon sa mga abanteng kapitalistang bansa na siyang modelo ng demokrasya, ito ay sa kadahilanan, pangunahin, na relatibong malawak pa ang maaring paghatian ng mga paksyon at mas kailangan nila ang pananatili ng mistipikasyon ng demokrasya dahil ang kaharap nila ay ang pinakamalakas at pinaka-organisadong seksyon ng internasyunal na proletaryo.
Kaiba ito sa mga atrasadong bansa gaya ng Pilipinas kung saan relatibong mas mahina ang independyenteng kilusang manggagawa at hamak na mas malakas ang mistipikasyon ng nasyunalismo at demokrasya. Higit sa lahat, di hamak na mas makipot ang pinag-aagawang pambansang yaman ng iba't-ibang paksyon. Kaya naman, para sa iba't-ibang paksyon isang buhay at kamatayan ang pagpasok sa estado at paghawak ng posisyon hindi lamang para sa indibidwal na interes kundi maging sa interes ng kani-kanilang pamilya bilang bahagi ng “dugong bughaw” sa lipunang bulok na sa kaibuturan.
Ang mga ito ang pangunahing dahilan kung bakit lalong lumala ang dinastiyang politikal at warlordismo sa Pilipinas. Subalit, dapat nating malaman bilang mga rebolusyonaryo na hindi ito partikular sa Pilipinas. Ito na ang tunguhin ng daigdig ngayon sa ilalim ng nabubulok na kapitalismo.
Kahit ang tendensyang paglahok ng Kaliwa sa eleksyon at pagpasok sa kapitalistang estado ay matagal ng ginagawa ng mga traydor na kapatid nito sa abanteng kapitalistang bansa at maging sa atrasadong mga bansa gaya ng “matagumpay” na estratehiya ng mga “radikal” na pundamentalista sa Gaza, Lebanon, at sa “sosyalistang” Kaliwa sa Central at Latin America.
At tulad ng nangyari sa Gitnang Silangan, ang paglahok ng armadong Kaliwa sa Pilipinas sa burges na eleksyon, laluna ng maoistang “Partido Komunista” ng Pilipinas, lalong liliyab at mas malakas ang pagsabog ng marahas na tunggalian panahon ng mga eleksyon.
Ang “demokratiko” at “mapayapang” eleksyon na pinanggalingan ng malaking kasinungalingan ng burgesya na paraan diumano para makapagdesisyon ang nakararami sa mga “lider” na “kakatawan” sa kanila sa loob ng estado para dadalhin sila sa “langit ng kasaganaan” ay isang maskara lamang sa paghari ng takot at damdaming kawalan ng kapangyarihan ng nakararaming mamamayan dahil ang bawat paksyon ay may sariling armadong grupo na walang ibang katapatan kundi sa mga burges na partidong walang ibang interes kundi panatilin ang bulok na kaayusan.
Magtagumpay man ang mga paksyon ng Kanan at Kaliwa ng burgesya na ipakitang “malinis” at “kapani-paniwala” ang bulok na halalan sa Mayo, hindi nila maitago at mapigilan ang paglakas at paglala ng karahasan ng kanilang pag-aagawan sa posisyon.
Talyo