Turkey: Pakiisa sa pakikibaka ng mga manggagawa sa Tekel laban sa gobyerno at mga unyon!

Printer-friendly version

Isinalin namin sa Filipino ang pahayag ng seksyon ng IKT sa Turkey hinggil sa welga ng mga manggagawa sa Tekel, isang kompanya ng tabako.

Mahalagang mabasa ito ng mga nagsusuring manggagawa at elemento sa Pilipinas para maunawaan ang karanasan ng mga manggagawa ng Tekel at panimulang makahalaw ng mga aral sa laban nila laluna sa usapin ng pananabotahe ng unyon at ang pagsisikap na mga manggagawa ng Tekel na organisahin ang sarili at palawakin ang pakikibaka para isulong ang kanilang makauring laban.

Internasyonalismo

seksyon ng IKT sa Pilipinas

07 Pebrero 2009


Noong Disyembre 14, 2009, libu-libong manggagawa ng Tekel[1] mula sa maraming syudad ng Turkey ay iniwan ang kanilang mga bahay at pamilya para pumunta sa Ankara.  Naglakbay ang mga manggagawa sa Tekel sa layuning labanan ang kahindik-hindik na kalagayang ipinataw sa kanila ng kapitalistang kaayusan. Itong marangal na pakikibaka ng mga manggagawa ng Tekel na mahigit isang buwan na ngayon, ay dala-dala ang ideya ng isang welga na lalahukan ng lahat ng manggagawa. Dahil dito, sinimulang pangunahan at isinulong ng mga manggagawa ng Tekel proletaryong kilusan sa buong bansa. Sinubukan naming isulat dito ang kasalukuyang pangyayari sa pakikibaka ng Tekel. Hindi dapat makalimutan na ang salaysay dito ay hindi lamang ng mga manggagawa ng Tekel, kundi ng mga manggagawa sa buong mundo. Labis kaming nagpapasalamat sa mga manggagawa ng Tekel upang maisulat namin ang artikulong ito para itulak ang pakikibaka ng uri pasulong, sa kanilang pursigidong pakikibaka at sa kanilang paliwanag sa amin ano ang pinagdaanan nila, ang kanilang karanasan at iniisip.

Unang-una, tingin namin ay dapat ipaliwanag ang dahilan ng pakikibaka ng mga manggagawa ng Tekel. Tinututulan ng mga manggagawa ng Tekel ang polisiyang 4-C ng estadong Turkish. Maliban sa manggagawa ng Tekel, kumukuha ang estado sa ilalim ng kondisyong 4-C ng libu-libong manggagawa. Ang kondisyong ito ang maranasan ng libu-libong manggagawa sa malapit na hinaharap, ang mga manggagawa sa paktorya ng asukal ang unang maging biktima sa hinaharap. Sa kabilang banda, maraming sektor ng manggagawa ang nakaranas ng kahalintulad na atake sa ilalim ng ibang pangalan, at ito ay aatake sa mga hindi pa nakaranas. Ano itong 4-C? Ang patakarang ito ay "grasya" na binibigay ng estadong Turkish para sa mga manggagawa na mawalan ng trabaho dahil sa pagdami ng pribatisasyon. Laman nito, maliban sa malaking bawas ng sahod, ang mga manggagawa ng gobyerno ay inilipat sa ibang sektor sa loob ng estado sa ilalim ng nakakatakot na kondisyon. Ang pinakamasamang kondisyon ng patakarang 4-C ay ang pagbibigay ng estado sa mga manager ng absolutong kapangyarihan sa manggagawa. Kaya ang sahod, na estado ang nagpapasya at napakababa na, ay isang maksimum na gantimpala na. Maari pa itong bawasan ng manager ng pabrika ng walang anumang dahilan. At saka, lubusan ng binalewala ang oras-trabaho para sa nagtatrabaho sa ilalim ng 4-C at ang mga manager ng mga kompanya ng estado ay may karapatan na anumang oras ay patrabahuin ang mga manggagawa hanggang "makompleto nila ang tungkuling iniatas sa kanila". Walang anumang bayad ang manggagawa sa "ekstra" na trabahong ito matapos ang regular na oras-trabaho o panahon ng holidays. Sa ilalim ng polisiyang ito, may kapangyarihan ang mga managers na tanggalin ang manggagawa na walang dahilan, na hindi obligadong bayaran sila. Dagdag pa, sa loob ng isang taon, tatlong buwan hanggang sampung buwan lamang maaring magtrabaho ang manggagawa, walang sahod ang manggagawa sa mga buwang hindi sila pinatrabaho at ang tagal ng kanilang trabaho ay ang mga managers pa rin ang magpasya. Sa kabila nito, pinagbawalan ang mga manggagawang maghanap ng pangalawang trabaho kahit hindi sila nagtatrabaho sa panahong iyon. Hindi na binabayaran ang mga manggagawa ng panlipunang seguridad sa ilalim ng polisiyang 4-C, at ang lahat ng mga benepisyong pangkalusugan ay binawi. Ang pribatisasyon, gaya ng polisiyang 4-C ay matagal ng sinimulan noon pa man. Sa mga kompanya ng Tekel, ang pribatisasyon ay sinimulan sa mga departamento ng tabako at inumin, at nauwi sa pagsara ng mga paktorya ng dahon ng tabako. Sa tingin namin ngayon, malinaw na ang problema ay hindi simpleng pribatisasyon. Sa tingin namin, halatadong ang pribadong kapital na kumukuha sa trabaho ng manggagawa, at ang estado, ang kapital ng estado, ay nagnanais na pagsamantalahan ang mga manggagawa sa pamamagitan ng pagsadlak sa kanila sa napakasamang kalagayan, silang dalawa ay nagtutulungan sa pag-atake sa kanila.  Sa puntong ito masasabi namin na ang laban ng manggagawa ng Tekel ay iniluwal ng makauring interes ng lahat ng manggagawa at kumakatawan sa pakikibaka laban sa kapitalistang sistema sa kabuuan.

Makakabuti kung ipaliwanag ang sitwasyon ng kilusang paggawa sa Turkey kung saan napailalim ang pakikibaka ng manggagawa ng Tekel. Sa 25 Nobyembre 2009, nangyari ang isang araw na welga na ini-organisa ng KESK, DISK and Kamu-Sen[2]. Gaya ng sinabi namin, naglakbay ang mga manggagawa ng Tekel papuntang Ankara sa 14 Disyembre, ilang linggo matapos ang isang araw na welgang ito. Sa naturang linggo na dumating sa Ankara ang mga manggagawa ng Tekel, nangyari ang iba pang dalawang pakikibaka ng manggagawa. Ang una ay ang demonstrasyon ng mga bombero na mawalan ng trabaho sa pagpasok ng 2010, at ang ikalawa ay ang isang araw na welga ng mga manggagawa sa riles bilang protesta sa pagtanggal sa ilan sa kanilang kasamahan dahil sa paglahok nila sa welga noong 25 Nobyembre. Ang kapulisan, nakita na tumataas ang makauring pakikibaka, ay marahas na inatake ang mga bombero at manggagawa ng riles. Wala ding kaibahan sa pagtrato sa mga manggagawa ng Tekel. Maliban dito, ang bilang ng mga manggagawa ng riles na nawalan ng trabaho dahil sa pagsama sa welga ay tumaas sa halos limampu. Marami sa mga manggagawa ang hinuli. Matagalan pa bago muling makabawi ang mga bombero mula sa mga atake. Hinggil sa mga manggagawa ng riles, sa kasamaang-palad hindi pa sila nakabalik sa tereyn ng makauring pakikibaka. Ang pagiging nasa unahan ng mga manggagawa ng Tekel sa kataposan ng linggo na nagsimula noong Disyembre 14 ay ang katotohanan na nagawa nilang labanan ang panunupil ng estado, at nagawa nilang ipagpatuloy at gawing buhay ang pakikibaka.

Paano nagsimula ang pakikibaka sa Tekel? Mayroon ng konsiderableng minorya na gustong lumaban, pero ang naging mitsa ng pakikibaka ay ang nangyari sa 5 Disyembre, sa isang seremonya na dinaluhan ng primero ministro na si Tayyip Erdoğan[3]. Ang mga manggagawa ng Tekel, kasama ang kanilang mga pamilya, ay hindi inaasahang inakyat si Erdoğan sa seremonyang ito upang tanungin kung ano ang mangyari sa kanila. Sinabat nila ang pagsasalita ni Erdoğan at sinasabing "Naghihintay ang mga manggagawa ng Tekel ng magandang balita mula sa iyo ". Sumagot si Erdoğan: "Sa kasamaang-palad, lumilitaw ang mga elementong gaya nito sa Turkey. Ang mga elementong ito ay nais magkaroon ng pera na hindi nagtatrabaho, na nakaupo lamang. Sinara na natin ang panahon na magkaroon ng pera na walang ginagawa (...) Sinabi nila na ang ari-arian ng estado ay isang dagat at baboy ang hindi makakain. Ganito ang pagtingin nila sa isyung ito. Hindi ganyan ang aming pagtingin. Narito ang inyong kabayaran bilang matagal na sa trabaho. Kung gusto ninyong magagamit namin kayo sa ilalim ng 4-C, kung ayaw nyo, umalis kayo at magtayo ng inyong sariling negosyo kung gusto ninyo. Sinabi din namin ito. May kasunduan kami sa kanilang unyon. Nakausap ko sila. Sinabihan ko sila ‘Matagal na ito. Gawin nyo ang kailangan'. Bagamat may kasunduan kami, natapos na ang proseso at lumipas ang isa o dalawang taon. May nagsasabi pa rin dito na gusto naming manatili sa trabaho at ipagpatuloy ang dati, nais namin ang parehong karapatan sa ibang lugar. Hindi, napag-usapan na natin ito. Sa sampung libong manggagawa ng Tekel ay gumastos kami ng apatnapung trilyon kada buwan."[4] Hindi alam ni Erdoğan kung anong gulo ang pinasok niya. Ang mga manggagawa, karamihan sa kanila ay dating taga-suporta ng gobyerno, ay galit na ngayon. Tinatalakay ng mga manggagawa sa mga pabrika kung paano ilunsad ang pakikibaka. Isang manggagawa mula sa Adıyaman[5] ang nagpaliwanag sa prosesong tulad nito sa isang artikulo na sinulat niya, na inilabas sa isang pahayagan ng Kaliwa: "Ang prosesong yun ay naka-engganyo sa mga kapwa manggagawa na hindi pa sumama sa pakikibaka na lumahok gaano man kaliit ang ambag nila. Nakita na nila ang tunay na mukha ng Justice and Development Party dahil sa sinasabi ng primero ministro. Ang una nilang ginawa ay nagbitiw sila bilang membro ng partido. Sa mga talakayan na nagsimula sa aming mga pabrika, napagpasyahan namin na magkaisang ipagtanggalo ang aming hanapbuhay " [6]. Ang unyon[7] na sinabi ni Erdoğan na nagkasundo sila, at walang seryosong hakbang ay nanawagan ng pagtitipon sa Ankara. Resulta, naglakbay ang mga manggagawa papunta sa kabisera.

Ang pwersa ng estado ay pausad na umaatake sa mga manggagawa mula pa sa simula. Pinahinto ng mga polis ang mga bus na lulan ang mga manggagawa mula sa mga syudad ng Kurdish kung saan konsentrado ang mga paktorya ng Tekel, pero pinadaan ang mga manggagawa mula sa mga rehiyon ng Kanluranbut, Mediterranean, Central Anatolian at Black Sea. Layunin nito na pag-awayin ang mga manggagawang Kurdish at iba pang manggagawa sa isa't-isa, at hatiin ang makauring pakikibaka sa linyang etniko. Hinubaran ng ganitong pausad na atake ang dalawang maskara ng estado: ng pagkakaisa at kaaysuan at ng repormang Kurdish. Pero hindi pumasok ang mga manggagawa sa bitag ng polis. Sa pamumuno ng mga manggagawa ng Tokat, tumutol ang mga manggagawa sa labas ng mga syudad na Kurdish sa paninindigan ng kapolisan, at determinadong giniit na papasok ang lahat ng mga manggagawa sa syudad at walang iwanan. Dahil hindi matantya ng kapolisan kung ano ang hakbang ng gobyerno, pumayag ito na papasukin ang lahat ng mga manggagawa sa syudad. Nagawa ng insidenteng ito na malalimang magkaisa sa makauring tereyn ang mga manggagawa mula sa iba't-ibang syudad, rehiyon at etnikong pinanggalingan. Matapos ang insidenteng ito, nagpahayag ang mga manggagawa sa mga rehiyon ng Kanluran, Mediterranean, Central Anatolian at Black Sea na ang lakas at inspirasyon nila sa paglaban ay nakuha nila mula sa determinasyon at kamulatan ng mga manggagawang Kurdish, na isang malaking ambag sa kanilang paglahok sa pakikibaka at natuto sila ng malaki mula sa mga manggagawang iyon. Nakuha ng mga manggagawa ng Tekel ang kanilang unang panalo ng nakapasok sila sa syudad.

Sa Disyembre 15, sinimulan ng mga manggagawa ng Tekel ang kanilang protesta-demonstarasyon sa harapan ng pambansang himpilan ng Justice and Development Party sa Ankara. Salaysay ng isang manggagawa ng Tekel na pumunta sa Ankara ng araw na yun: "Nagmartsa kami patungo sa pambansang himpilan ng Justice and Development Party. Gumawa kami ng apoy at naghintay sa harap ng himpilan hanggang 10 PM. Nang masyado ng malamig, pumunta kami sa Atatürk Gym. Mga limang libo kami. Inilabas namin ang aming mga carpet at karton at nagpalipas ng gabi doon. Sa umaga, itinulak kami ng polisya tungo sa Abdi İpekçi Park at pinalibotan kami. Ilan sa aming mga kasamahan ay muling nagmartsa papunta sa himpilan ng Justice and Development Party. Naghintay kami sa parke, nais naming puntahan ang aming mga kasamahan, at ang naghihintay sa harap ng himpilan ng Justice and Development Party ay nais na puntahan kami: umatake ang polisya gamit ang tear gas. Sa  7 PM nagawa naming puntahan ang mga kasamahan sa parke. Naglakad kami ng apat na oras. Nagpalipas kami ng gabi sa parke, sa ulan."[8] Sa kabilang banda, ang pinaka-marahas na atake ng kapolisan ay nangyari sa Disyembre 17. Ang kapolisan, malinaw na kumilos dahil may nag-utos o malamang bumawi dahil hindi nila napigilan ang pagpasok ng mga manggagawang Kurdish sa syudad, ay inatake ang mga manggagawa sa parke ng mas marahas at may galit. Ang layunin ay buwagin ang mga manggagawa. Subalit sa panahong ito may isang bagay na hindi natantya ng pwersa ng estado: ang kapasidad ng mga manggagawa na organisahin ang sarili. Ang mga manggagawa, na binuwag ng kapolisan, ay nagawang organisahin ang sarili na walang tulong mula sa sinumang burukrata at nagtipon para sa isang malaking demonstrasyon sa harap ng himpilan ng Türk-İş[9] sa hapon. Sa naturang araw din, ang mga manggagawa, na walang matutuluyan, ay inokupa ang dalawang palapag ng gusali ng Türk-İş. Sa sumunod na mga araw matapos ang Disyembre 17, ang mga demonstrasyon ng mga manggagawa ng Tekel ay naganap sa isang maliit na kalye sa harap ng himpilan ng Türk-İş, sa sentro ng Ankara.

Nangibabaw ang labanan sa pagitan ng mga manggagawa ng Tekel at administrasyong Türk-İş sa mga araw na ito hanggang Bagong Taon. Sa totoo lang, kahit sa simula pa ng pakikibaka, wala ng tiwala ang mga manggagawa sa mga burukrata ng unyon. Nagpadala sila ng dalawang manggagawa mula sa lahat ng syudad kasama ang mga unyonista sa lahat ng negosasyon. Ang layunin nito ay para malaman ng lahat ng mga manggagawa kung ano ang tunay na pangyayari. Kapwa ang Tek Gıda-İş at Türk-İş, at ang gobeyrno ay umaasa na susuko ang mga manggagawa ng Tekel sa loob ng ilang araw sa harap ng nakakayelong ginaw sa Ankara sa taglamig, panunupil ng polisya at materyal na kahirapan. Ang mga pintuan ng gusali ng Türk-İş, ay hindi nakapagtatakang dali-daling isinara para mapigilan ang mga manggagawa na makapasok sa gusali. Laban dito, nakibaka ang mga manggagawa para pahintulutang magamit ang palikuran sa gusali at para makapagpahinga ang mga babaeng manggagawa sa loob ng gusali at nagbunga ang pakikibakang ito ng tagumpay. Walang intensyon ang mga manggagawa na umatras. Isang seryosong suporta ang binigay ng mga manggagawa sa Ankara at laluna ng mga estudyante na proletaryado ang pinagmulan para sa kanilang matutuluyan: malamang maliit pero mahalagang bahagi ng manggagawa sa Ankara ay pinatuloy ang mga manggagawa ng Tekel sa kanilang bahay. Sa halip na sumuko at umuwi, araw-araw ay nagtipon ang mga manggagawa ng Tekel  sa maliit na kalye sa harapan ng gusali ng Türk-İş, at nagsimulang magtalakay kung paano isusulong ang pakikibaka. Hindi nagtagal nakita ng mga manggagawa na ang tanging solusyon para mapangibabawan ang kanilang pagkabukod ay dapat ang kanilang pakikibaka ay lumawak sa buong uring manggagawa.

Sa ganitong konteksto, ang mga militanteng manggagawa mula sa lahat ng syudad na nakakita na walang ginagawa ang Tek Gıda-İş at Türk-İş para sa kanila ay nagtangkang magtayo ng komite sa welga, na ang pangunahing layunin ay ipaabot ang kanilang mga demanda sa unyon. Ilan sa mga kahilingan ay ang pagtayo ng tent para sa welga at kolektibong ipagdiwang ng mga manggagawa ang Bagong Taon, sa pamamagitan ng isang demonstrasyon sa harap ng gusali ng Türk-İş. Tinutulan ng mga opisyales ng unyon ang inisyatiba ng mga manggagawa. Kung tutuusin, ano pa ang saysay ng unyon kung hawakan na ng mga manggagawa sa kanilang mga kamay ang pakikibaka! Nakalambong dito ang isang banta: ang mga manggagawa na nabukod na ay natatakot na mapabayaan kung aatras ang unyon sa pagsuporta sa kanila. Kaya binuwag ang komite sa welga. Pero determinado ang mga manggagawa na hawakan ang pakikibaka sa kanilang mga kamay. Mabilis na isinagawa ng mga manggagawa ang pakikiisa sa mga manggagawa ng asukal na haharap sa katulad na kondisyon ng 4-C sa lalong madaling panahon, at pumunta sila sa mga komunidad ng manggagawa at sa mga unibersidad ay inimbitahan sila para ipaliwanag ang kanilang pakikibaka. Habang patuloy ang pakikibaka ng mga manggagawa laban sa administrasyong Türk-İş na hindi naman sumusuporta sa manggagawa. Sa araw na nagpulong ang mga opisyales ng Türk-İş, pinasok ng mga manggagawa ang himpilan ng unyon. Kumilos ang mga polis para proteksyunan si Mustafa Kumlu, tsirman ng Türk-İş mula sa mga manggagawa. Nagsimulang magsigawan ang mga manggagawa ng mga islogang tulad ng "Ibenta ang mga bentador", "Tungkulin ng Türk-İş, pangkalahatang welga ", "Kumlu, magbitiw ka". Hindi nangahas harapin ni Kumlu ang mga manggagawa hangga't hindi siya nagdeklara ng seye ng mga pagkilos, kabilang na mga welga na mangyayari linggo-linggo, simula sa isang oras na welga at madodoble kada linggo at demonstrasyon sa harap ng gusali ng Türk-İş na mangyayari kada linggo. Takot siya sa kanyang buhay. Kahit pa sa deklarasyon ni Kumlu ng serye ng mga pagkilos, wala pa ring tiwala ang mga manggagawa sa Türk-İş. Nang sinabi ng isang manggagawa ng Tekel mula sa Diyarbakır[10] sa isang interbyu na "Hindi namin susundin ang anumang desisyon ng liderato ng unyon na tapusin ang pakikibaka at umuwi na. At kung ang desisyon na tapusin ang laban na walang anumang ganansya tulad ng ginawa nila noong nakaraang taon, nag-iisip kami na kunin ang lahat na pwedeng makuha sa gusali ng Türk-İş at sunugin ito "[11], pinahayag niya ang damdamin ng maraming manggagawa ng Tekel.

Umatras ang Türk-İş sa kanyang planong aksyon ng ang unang isang oras na welga ay nilahukan ng 30% ng mga unyon. Sindak na sindak ang mga opisyales ng Türk-İş pati na ang gobyerno sa paglawak ng pakikibaka ng mga manggagawa ng Tekel. Matapos ang masayang demonstrasyon sa Bagong Taon sa harap ng himpilan ng Türk-İş, isang botohan ang ginawa ng mga manggagawa upang pagpasyahan kung magpatuloy ba o umuwi. 99% ng mga manggagawa ay bomoto na ipagpatuloy. Samantala, isang bagong plano ng pagkilos na minungkahi ng unyon, ay sinimulang talakayin: matapos ang Enero 15, mayroong tatlong-araw na sit-in, na susundan ng tatlong-araw na hunger strike at pagkatapos ay tatlong-araw na pag-ayuno hanggang kamatayan. Ilulunsad din ang isang malaking demonstrasyon, na pinangako ng adminsitrasyong Türk-İş. Inisyal na naniwala ang manggagawa na isang magandang ideya ang hunger strike. Nahiwalay na, ayaw nila na makalimutan at balewalain at naniwala sila na mapigilan ito ng isang hunger strike. Saka, may pakiramdam sila na natali sila sa harap ng Türk-İş at nag-iisip na kailangang may pagkilos. Isa ring intimidasyon ang hunger-strike para sa Türk-İş.

Isa sa pinaka-signipikanteng teksto na sinulat ng mga manggagawa ng Tekel ay lumitaw sa mga araw na yun: isang sulat ng isang manggagawa ng Tekel para sa mga manggagawa ng asukal. Ang manggagawa ng Tekel mula sa syudad ng Batman[12] ay sumulat: "Aming masisipag at marangal na mga kapatid na manggagawa sa paktorya ng asukal, Ngayon, ang marangal na pakikibakang inilunsad ng mga manggagawa ng Tekel ay isang istorikal na pagkakataon para sa mga binawian ng karapatan. Para hindi mapag-iwanan ng pagkakaong ito, ang inyong pagtisipasyon sa aming marangal na pakikibaka ay mas makapagpasaya at mas makapaglakas sa atin. Mga kaibigan, nais kong bigyang diin na sa ngayon, nangako ang mga unyonista na ‘kami ang bahala'. Subalit, habang dinaanan natin ang katulad na proseso, alam natin na sila ay may marangyang pamumuhay at walang pakialam sa buhay-at-kamatayan. Kabaliktaran, kayo ang inagawan ng karapatan at binawian ng karapatan sa pagtrabaho. Kung hindi kayo lalahok sa pakikibaka ngayon, baka huli na bukas. Anu't anuman, magtatagumpay ang pakikibakang ito lalahok kayo o hindi at wala kaming duda o kawalang tiwala sa aming mga sarili na ipatupad ito. Dahil tiyak tayo na kung magkaisa at kikilos bilang isang katawan ang mga manggagawa, walang hindi nila makakamit. Sa ganitong damdamin, sumasaludo ako sa inyo mula sa kailaliman at respeto sa ngalan ng lahat ng manggagawa ng Tekel."[13] Ang sulat na ito ay hindi lang nanawagan sa mga manggagawa ng asukal na sumama mismo sa pakikibaka; malinaw din na inihayag nito ano ang nangyari sa Tekel. Habang inihayag din dito ang kamulatan ng maraming manggagawa ng Tekel na hindi lamang sila nakibaka para sa kanilang sarili kundi para sa buong uring manggagawa.

Sa Enero 15, pumunta ang mga manggagawa ng Tekel sa Ankara para lumahok sa sit-in na nasabi na namin. Ngayon ay mayroong halos sampung libong manggagawa ng Tekel na nasa Sakarya Square. Ilan sa kanilang mga pamilya ay sumama sa kanila. Kumuha ng sick-days at holidays ang mga manggagawa para lamang makapunta sa Ankara at marami sa kanila ang maraming beses na pabalik-balik para ma-renew ang kanilang permiso sa holiday. Ngayon, halos lahat ng mga manggagawa sa Tekel ay nagsama na. Nagplano ng isang malawak na demonstrasyon sa Enero 16, Sabado. Natakot ang pwersa ng estado sa demonstrasyong ito dahil maging batayan ito para sa paglawak at paglaki ng pakikibaka. Ang posibilidad na magkaroon ng mas matibay na pagkakaisa ang mga manggagawa na dumating para sa demonstrasyon ng Sabado at buong gabi hanggang buong araw sa Linggo na makasalamuha ang mga manggagawa ng Tekel. Kaya giniit ng pwersa ng estado na sa Linggo ang demonstrasyon, at ang Türk-İş, sa isang tipikal na maniobra, ay lalupang pinahina ang demonstrasyon ng pigilan ang mga manggagawa mula sa mga syudad ng Kurdish na pumunta.  Tinataya din na ang dalawa, ang nagyeyelong taglamig sa Ankara, sit-in sa mga kalye ang dudurog sa paglaban at lakas ng mga manggagawa ng Tekel. Nakita sa demonstrasyon sa Enero 17 na ang pagtayang ito ay malaking pagkakamali.

Kalmadong nagsimula ang demonstrasyon sa Enero 17. Ang mga manggagawang nagtipon sa Ankara at maraming pampulitikang pwersa ang nagmartsa mula sa Ankara Train Station sa 10 umaga tungo sa Sıhhiye Square. Sa demonstrasyon, na nilahukan ng libu-libong manggagawa, una isang manggagawa mula sa Tekel, pagkatapos isang bombero at isang manggagawa ng asukal ang nagsalita sa entablado. Ang pagsabog ay nangyari pagkatapos. Pagkatapos ng mga manggagawa, si Mustafa Kumlu, ang tsirman ng Türk-İş ay umakyat sa entablado. Si Kumlu, na walang pakialam sa pakikibaka na lumawak o sa kalagayan ng mga manggagawa ay ganap na moderato, mapagkasundo at walang laman ang pananalita. Gumawa ang Türk-İş ng partikular na pagsisikap na ilayo ang mga manggagawa sa entablado at nilagay ang mga manggagawa ng bakal na ganap na walang kaalam-alam sa nangyayari sa harap nito. Ganun pa man, nakiusap ang mga manggagawa ng Tekel sa mga manggagawa ng bakal na pupunta sila sa harap ng entablado. Sa pagsasalita ni Kumlu,  ginawa lahat ng mga manggagawa ng Tekel na sabatin ang pagsasalita niya ng kanilang mga islogan. Ang huling salamangka laban sa manggagawa ay ang pahayag  na pagkatapos ng pagsasalita ni Kumlu's, ay si Alişan, isang pop singer na walang anumang kaugnayan sa kilusang paggawa, ay magbibigay ng konsiyerto sa lugar ng demonstrasyon. Inokupa ng mga manggagawa ang entablado, nagsimulang magsisigaw ng sarili nilang mga islogan at sa kabila ng pagkuha ng mga opisyales ng unyon sa sound system, sumama ang mga manggagawa na lumahok sa demonstrasyon sa pagsisigaw ng mga islogan. Lubusan ng nawalan ng kontrol ang unyon. Hawak na ito mismo ng mga manggagawa. Nagmamadaling umakyat sa entablado ang mga opisyales ng unyon, na nagsimulang magbigay ng radikal na pananalita sa isang banda at tinataboy ang mga manggagawa na umalis sa entablado. Nang hindi ito umubra, sinubukan nilang pag-awayin ang mga manggagawa laban sa isa't-isa at laban sa mga estudyante at sa mga manggagawa na pumunta para suportahan sila. Tinangkang pag-awayin ng mga unyonista ang mga manggagawa na dumating sa Ankara sa simula ng pakikibaka laban sa mga huling dumating, at ang puntirya nila ay ang mga dumating para magbigay ng suporta. Sa huli, nakumbinsi ng mga opisyales ng unyon ang mga manggagawa na bumaba sa entablado, at nahikayat ang mga manggagawa na mabilis na bumalik sa kalye sa harap ng gusali ng Türk-İş. Sa aming opinyon, interesante ang mga pananalita na nagsusulong ng hunger strike at pag-aayuno hanggang kamatayan para isantabi ang islogan hinggil sa pangkalahatang welga. Anu't-anuman, hindi sapat ang pagbalik sa gusali ng Türk-İş para ilabas ang galit ng mga manggagawa. Ang mga islogan gaya ng "Pangkalahatang welga, pangkalahatang paglaban", "Türk-İş huwag subukan an gaming pasensya" at "Ibebenta namin ang mga bentador sa amin" ay sinisigaw sa harap ng gusali ng unyon ngayon. Pagkatapos ng ilang oras, isang grupo ng manggagawang umabot sa 150 ay nagawang makapasok sa burukratikong barikada sa harap ng mga pintuan ng Türk-İş at inukopa ang gusali. Nagsimulang magsisigaw ng "Kaaway ng mga manggagawa, alipin ng AKP" ang mga manggagawang naghahanap kay Kumlu sa loob ng gusali ng umabot sila sa pintuan ng kwarto ni Kumlu. Matapos ang demonstarsyon sa Enero 17, nagsimulang magsikap na itayo ng mga manggagawa ang isa pang komite ng welga. Ang komiteng ito ay binubuo ng mga manggagawa na hindi naniwalang angkop ang hunger strike para isulong ang pakikibaka at ang tanging daan paabante ay ang palawakin ang pakikibaka. Ang pagsisikap na buuin ito ay alam ng lahat ng manggagawa at suportado ng malawak na mayorya. Hinggil sa hindi sumusuporta nito, hindi din naman sila nagsasalita laban dito. Kabilang sa mga tungkulin ng komite, maliban sa pagdadala ng kanilang mga kahilingan sa unyon, ay ang pagpapatupad ng komunikasyon at pag-organisa sa sarili sa hanay ng mga manggagawa. Tulad ng nagdaang mga komite ng welga, ang komiteng ito ay binubuo ng mga manggagawa at ganap na independyente mula sa unyon. Ang kahalintulad na determinasyon sa pag-organisa sa sarili ang dahilan ng pagsama ng daan-daang manggagawa ng Tekel sa demonstrasyon ng mga empleyado ng sektor ng kalusugan na naglunsad ng isang araw na welga sa Enero 19. Sa naturang araw din, habang isang daang manggagawa lamang ang pinayagang lalahok sa tatlong araw na hunger strike, tatlong libong manggagawa ang sumama sa kanila, sa kabila ng katotohanan na ang pangkalahatang pakiramdam ng mga manggagawa ngayon na ito ay hindi angkop na paraan para isulong paabante ang pakikibaka. ang dahilan sa likod nito ay ayaw iwanan ng mga manggagawa ang kanilang mga kasamahan na mag- hunger strike na sila lang, na nais nilang makiisa sa kanila, na nais nilang maranasan ang maranasan ng kanilang mga kaibigan.

Sa kabila na mayroong regular na pagpupulong ang mga manggagawa ng Tekel batay sa kung saan syduad sila galing, sa ngayon hindi pa possible ang isang pangmasang pulong ng lahat ng lumahok na manggagawa. Mula Disyembre 17, ang kalye sa harap ng gusali ng Türk-İş ay naging impormal na regular na pangmasang pulong. Ang Sakarya Square sa mga araw na ito ay puno ng daan-daang manggagawa mula sa iba't-ibang syudad, nagtalakayan kung paano isusulong ang pakikibaka, paano lalawak ito, ano ang gagawin. Isang mahalagang katangian ng pakikibaka ay paanong ang mga manggagawa mula sa iba't-ibang etniko ay nagkaisa laban sa kapitalistang sistema sa kabila ng panunulsol ng rehimen. Ang islogang "Mga manggagawang Kurdish at Turkish magkaisa", na sinisigaw magmula sa mga unang araw ng pakikibaka ay malinaw na nagpahayag nito. Sa pakikibaka ng Tekel, maraming manggagawa mula sa rehiyong Black Sea ay sumasayaw ng Şemame, at maraming manggagawang Kurdish ay sumasayaw ng Horon sa unang pagkakataon sa kanilang buhay [14]. Isa pang punto na mahalaga sa pagkilos ng mga manggagawa ng Tekel ay ang pagbibigay nila ng importansya sa pagpalawak ng pakikibaka at pagkakaisa ng mga manggagawa, at hindi ito nakabatay sa makitid na pambansang perspektiba kundi kabilang ang mutwal na suporta at pakikiisa sa mga manggagawa sa buong mundo. Saka nagawa ng mga manggagawa ng Tekel na pigilan ang mga bahagi ng oposisyon ng naghaharing uri na gamitin ang pakikibaka para sa kanilang pansariling layunin at wala ring tiwala ang mga manggagawa sa mga partidong oposisyon. Alam nila paanong inatake ng Republican People's Party[15] ang mga pinatalsik na manggagawa mula sa Kent AŞ[16], paanong lumahok ang Nationalist Movement Party[17] sa paggawa ng mga polisiya ng estado at paano ito naging isang anti-manggagawa. Ang kamulatang ito ay pinahayag ng malinaw ng isang manggagawa sa isang interbyu: "alam namin kung sino silang lahat. Ang mga taong bomoto sa batas para sa pribatisasyon ay ngayon nagsasabing naunawaan nila ang aming kalagayan. Hanggang ngayon, lagi akong bomoboto para sa Nationalist Movement Party. Nakausap ko lang ang mga rebolusyonaryo sa pakikibakang ito. Nandito ako sa pakikibakang ito dahil ako ay isang manggagawa. Ang mga rebolusyonaryo ay laging kasama namin. Ang Nationalist Movement Party at Republican People's Party ay nagbigay lamang ng limang minutong pananalita at pagkatapos ay aalis na. Mayroon sa amin na pumalakpak sa kanila noong una kaming dumating dito. Ngayon, hindi na ganyan ang sitwasyon."[18] Ang pinakamalinaw na halimbawa ng ganitong kamulatan ay paanong pinigilan ng mga manggagawa ng Tekel ang mga gustong magsalita mula sa pasistang Alperen Organization[19], na siyang umatake sa mga manggagawa ng Kent AŞ na nagprotesta sa Abdi İpekçi Park dahil sila ay mga Kurdish. Malaki din ang ambag ng pakikibaka ng Tekel sa mga bombero na brutal na inatake matapos ang kanilang unang demonstrasyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng moral sa kanila na siyang dahilan na bumalik sila sa pakikibaka. Sa pangkalahatan, nagbigay ng pag-asa ang mga manggagwa ng Tekel hindi lamang sa mga bombero kundi sa lahat ng sektor ng manggagawa sa Turkey na gustong makibaka.

Nagawa ng mga manggagawa ng Tekel na ilunsad ang welga kung saan lahat ng manggagawa ay pwedeng lalahok. Kaya ngayon ay taas-noo ang mga manggagawa ng Tekel na nasa unahan ng uring manggagawa ng Turkey, at inaakay ang ating uri na nalugmok ng ilang taon para lumahok sa pakikibaka ng mga manggagawa sa buong mundo. Kaya sila ang may hawak ng binhi ng pangmasang welga na mula sa Ehipto hanggang Greece, mula sa Bangladesh hanggang Espanya, mula sa Ingglatera hanggang Tsina ay yumayanig sa mundo sa nagdaang ilang taon. Nagpatuloy pa ang marangal na pakikibakang ito, at sa tingin namin ay hindi pa panahon upang halawin ang mga aral. Ang ideya ng hunger strike at pag-ayuno hanggang kamatayan na itinutulak sa isang banda at ang ideya ng komite ng welga na binubuo ng mga manggagawa na hindi naniniwalang angkop ang ideyang hunger strike para sa pakikibaka at nais na palawakin ang pakikibaka; ng mga burukrata ng Türk-İş na bahagi ng estado sa isang banda at ng mga manggagawang nais ng pangkalahatang welga sa kabilang banda, mahirap hulaan kung ano ang kinabukasan ng pakikibaka, saan ito patungo, ano ang maging resulta. Anu't-anuman, binigyang diin namin na anuman ang resulta ng pakikibaka, ang marangal na paninindigan ng mga manggagawa ng Tekel ay magbunga ng napakahalagang resulta at mag-iwan ng walang katumbas na mga aral para sa buong uring manggagawa.

Gerdûn, 20.01.10


[1] Ang Tekel ay isang kompanya ng lahat ng tabako at inuming alkohol.

[2] Kaliwang Public Workers Unions Confederation, Revolutionary Workers Unions Confederation at ang mayor na Public Employees Unions Confederation, na kilalang simpatisador ng pasismo.

[3] Lider din ng naghaharing Justice and Development Party, ang AKP

[4] https://www.cnnturk.com/2009/turkiye/12/05/erdogana.tekel.iscilerinden.p...

[5] Isang syudad ng Turkish Kurdistan.

[6] https://www.evrensel.net/haber.php?haber_id=63999

[7] Tek Gıda-İş, Food, Alchohol, Tobacco Workers Union, membrong unyon ng Türk-İş

[8] https://www.evrensel.net/haber.php?haber_id=63999

[9] Confederation of Turkish Trade-Unions, ang pinakamatanda at pinakamalaking kompederasyon ng unyon ng Turkey na may masamang kasaysayan, na binuo sa ilalim ng impluwensya ng US sa 50s, hango sa AFL-CIO at taga-sabotahe ng pakikibaka ng uri mula noon.

[10] Kilalang di-opisyal na kabisera ng Kurdistan, ang Diyarbakır ay sentro ng Turkish Kurdistan

[11] https://www.kizilbayrak.net/sinif-hareketi/haber/arsiv/2009/12/30/select...

[12] Isang syudad ng Turkish Kurdistan.

[13] https://tr.internationalism.org/ekaonline-2000s/ekaonline-2009/tekel-isc...

[14] Şemamme ay isang napakasikat na Kurdish na sayaw, at Horon ay isang napakasikat na sayaw ng rehiyong Black Sea ng Turkey.

[15] Ang Kemalist, secularist, left-nationalist party, membro ng Sosyalistang Internasyunal, napaka-sobinista.

[16] Mga manggagawa ng munisipyo ng İzmir, isang sentro sa baybayin ng dagat Aegean. Pinatalsik ang mga manggagawang ito ng Republican People's Party na may kontrol ng munisipyo kung saan nagtrabaho sila at marahas na inatake ng polisya habang nagprotesta laban sa lider ng Partido.

[17] Ang pangunahing pasistang partido.

[18] https://www.kizilbayrak.net/sinif-hareketi/haber/arsiv/2009/12/30/select...

[19] Kriminal na gang na konektado sa Grand Union Party, isang radikal-pasista na isplit mula sa Nationalist Movement Party