Diktadura ng Proletaryado: Unang Hakbang sa Pagsugpo sa Katiwalian sa Lipunan

Printer-friendly version

Muling pinalakas ng media ang kampanya ng paksyong Aquino laban kuno sa katiwalian ng arestuhin at ikulong nito sila senador Bong Revilla at Jinggoy Estrada[1].

Sinabi na namin na walang solusyon ang kapitalismo at estado sa katiwalian.[2] Para sa amin, masimulan lamang ang tunay at epektibong kampanya laban sa katiwalian matapos maibagsak ang naghaharing uri at ang kapitalismo sa pandaigdigang saklaw.

Ang ibat-ibang estado ng Kanan at Kaliwa ng ibat-ibang bansa sa loob ng mahigit 100 taon ay naglunsad ng kampanya laban sa katiwalian sa loob ng mga estado nila para magkaroon ng harmoniya ang kanilang paghari at mapigilan ang tuluyang paglaho ng ilusyon ng masang anakpawis sa bulok na sistema. Pero lahat ng ito ay palpak dahil ang estado at ang dekadenteng kapitalismo mismo ang matabang lupa ng katiwalian sa pamahalaan. Kaya kahit pa parusang kamatayan ang ginawa nila, dumarami pa rin ang mga tiwaling opisyales ng kanilang mga gobyerno. Kaya naman nakipagtulungan na ang lahat ng mga institusyon (Kaliwa, Kanan, Simbahan, media) sa estado para himukin ang masang mahihirap na may pag-asa pang mareporma ang gobyerno at sistema upang ilayo ang masang anakpawis sa landas ng rebolusyonaryong pakikibaka.[3]

Sa esensya, dito naka-konteksto ang kampanya ng paksyong Aquino maliban pa sa pansariling interes ng Partido Liberal para sa eleksyong 2016.

Uring Manggagawa: Tanging uri na seryoso sa abolisyon ng katiwalian sa lipunan[4]

Ang ugat ng katiwalian ay ang krisis sa sobrang produksyon bunga ng pribadong pag-aari ng mga kagamitan ng produksyon, sistema ng tubo, sahurang pang-aalipin, kompetisyon at ang estado na siyang pinaka-makapangyarihang institusyon na nagtatanggol sa kapitalismo. Hanggat naghahari sa lipunan ang mga ito, hindi maglalaho at sa halip ay mas lalala pa ang pagnanakaw ng iilan sa libreng paggawa ng masang manggagawa para magpayaman sa sarili.

At sa lahat ng mga uri na pinagsamantalahan ng kapitalistang kaayusan, tanging ang uring manggagawa lamang ang interesado na wakasan ang mga ugat ng katiwalian sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang komunistang lipunan sa buong mundo. Ang uring manggagawa lamang ang komunistang uri na iniluwal mismo ng kapitalismo. Ang istorikal na misyon ng uring ito ay ibagsak ang kapitalismo at itayo ang komunismo.

Ibagsak ang sistema ng kapital: Unang rekisito sa pagsugpo sa katiwalian

Umalingawngaw sa mga lansangan at gerilyang pakikidigma sa kanayunan ang sigaw ng repormismo: mas mahigpit na mga batas laban sa katiwalian, mas mahigpit na kontrol ng estado sa lipunan, malinis na eleksyon, mulat na pagboto, matitinong tao sa gobyerno at iba pang mga katulad. Sa madaling sabi, para sa mga repormista, isang malakas na estado ang solusyon laban sa katiwalian.

Ito ay malaking kasinungalingan sa teorya at praktika. Ang estado at sistema mismo ang pinagmulan ng katiwalian. Kaya naman, palpak ang mga solusyon nila. Katunayan, ang mga solusyon nila ang siya mismong dahilan ng paglala ng korupsyon.

Para sa mga rebolusyonaryong manggagawa, ang unang hakbang laban sa katiwalian ay ibagsak ang kapitalismo at lahat ng mga institusyon na nagtatanggol dito.

Diktadura ng Proletaryado: Instrumento ng manggagawa laban sa katiwalian

Hindi ang estado, anuman ang tawag dito[5] ang instrumento ng proletaryado hindi lang laban sa katiwalian kundi sa pagpanday ng komunistang lipunan kundi ang diktadura ng proletaryado.

Ang diktadura ng proletaryado ay hiwalay at independyente sa transisyunal na estado. Ito ay ang mga konseho at asembliya ng manggagawa na lumitaw sa rebolusyonaryong sitwasyon. Sila ang mga organisasyon ng manggagawa sa pakikibaka para ibagsak ang kapitalismo at itayo ang komunismo.

Kailangang independyente at hiwalay sila sa transisyunal na estado dahil ang papel ng huli ay sa pangkalahatan ay panatilihin ang umiiral na kalagayan (transisyunal na yugto) habang ang una ay isulong ito patungong komunismo. Katunayan, ng pumasok ang komunistang organisasyon sa estado at ginawa itong behikulo para sa komunismo ay kabaliktaran ang nangyari: ang komunistang organisasyon ay nilamon ng estado hanggang sa naging bulok ito at natransporma sa pagiging isang partido ng uring kapitalista.[6]

Sa ilalim ng diktadura ng proletaryado natitiyak na lahat ng mga tiwaling pulitiko sa dating kaayusan ay maparusahan ayon sa bigat ng kanilang mga kasalanan. Tiyak ang garantiya na walang papaboran ang diktadura ng proletaryado dahil unang-una na, hindi nakikipag-alyansa ang mga rebolusyonaryong manggagawa sa lahat ng paksyon ng naghaharing uri, mula man sa Kanan o Kaliwa ng burgesya. At hindi lang ang mga burukrata ng estado ang parurusahan kundi maging ang mga tiwaling burukrata ng mga unyon, media at Simbahan na nagpapayaman mula sa dugo at pawis ng masang manggagawa. Kabaliktaran naman ang ginagawa ng lahat ng paksyon ng Kaliwa.

Ang tanging kinikilalang alyado ng mga rebolusyonaryong organsisasyon ay ang mga manggagawa sa ibang mga bansa at iba pang pinagsamantalahan at inaaping mga uri sa lipunan.

At dahil independyente at hiwalay ang diktadura ng proletaryado sa transisyunal na estado sa panahon ng transisyunal na yugto mula kapitalismo patungong komunismo, maging ang huli ay hindi magiging ligtas sa parusa na ipapataw ng una sa mga opisyales nito kung magnakaw sila sa lakas paggawa ng uring manggagawa. Walang pag-aalinlangang gagawin ito ng diktadura ng proletaryado dahil ang ultimong layunin nito ay pahinain mismo ang estado hanggang sa ito ay maglaho.[7]

Narito ang mga pundamental na pagkakaiba ng pagsusuri at solusyon ng mga komunistang organisasyon sa pagsusuri at solusyon ng Kanan at Kaliwa ng burgesya sa usapin ng katiwalian at pagnanakaw sa yaman ng lipunan.

M3, Hunyo 23, 2014

 

 

 

 



[1] Posible na isusunod na rin sa pag-aresto si senador Juan Ponce Enrile.

[3] Kailangang linawin na ang armadong pakikibaka ng maoistang kilusan at iba pang gerilyang pakikidigma ng Kaliwa ay nagsisilbi sa pananatili ng kapitalismo sa lipunan, hindi para wasakin ito. Basahin ang artikulo namin dito https://fil.internationalism.org/internasyonalismo/201303/542/armadong-pakikibaka-ng-maoismo-pakikibaka-para-sa-kapitalismo-ng-estado

[4] Mula ng lumitaw ang mga manggagawa sa lipunan bilang isang uri, kinamumuhian na nila ang pagnanakaw. At ang kinasusuklaman nila sa lahat ay ang pagnanakaw ng uring kapitalista sa kanilang lakas-paggawa: ang labis na halaga na mula sa kanilang hindi binabayaran na lakas-paggawa. Ang tubo mismo, ang buhay ng kapitalismo ay mula sa pagnanakaw ng uring kapitalista sa lakas-paggawa ng manggagawa.

[5] Sa kapitalismo, iba-iba ang tawag ng Kanan at Kaliwa sa estado: demokratikong estado, estado ng manggagawa, “sosyalista”, “komunista”, estado ng bayan, o diktadura at iba pa. Pero iisa lamang ang katangian: instrumento para manatili ang mga kapitalistang relasyon sa lipunan.

[6] Ito ang masaklap na karanasan ng partidong Bolshevik na siyang dahilan ng paglitaw at pangingibabaw ng Stalinismo at ng kontra-rebolusyonaryong teorya na “sosyalismo sa isang bansa”, ang bangkarotang teorya na ginawang batayang prinsipyo ng maoistang kilusan at iba pang paksyon ng Kaliwa. Dapat aralin at unawain ang 'Estado at Rebolusyon' ni Lenin. Ganun pa man, maging si Lenin ay nakalimutan ito at huli na ng mapansin niya na nilamon na pala ng estadong Ruso ang partidong Bolshevik. 

[7] Kabaliktaran ang linya at programa ng Kaliwa laluna ng maoistang kilusan: kailangan nilang palakasin ang kontrol at monopolyo ng kanilang partido sa estado para lalakas ang huli, at epekto nito ay ang paglitaw at pagdami ng mga “pulang” burukrata-kapitalista sa loob ng sinasabi nilang “sosyalistang estado” o “estado ng bayan”. Ito ang nangyari sa mga “sosyalistang” bansa na lumitaw pagkatapos ng WW II.

 

Rubric: 

Diktadura ng Proletaryado, Katiwalian