Submitted by Internasyonalismo on
Habang nag-uusap ng kapayapaan ang mga imperyalistang kapangyarihan o kaya nagdeklara ng kapayapaan ang naglalabanang mga armadong grupo ng ibat-ibang paksyon ng naghaharing uri ay hindi nila maitago ang lumalalang kaguluhan sa mundo bunga ng naaagnas na dekadenteng kapitalismo.
Ang pinakahuling pruweba nito ay ang kasalukuyang kaganapan sa bansang Iraq na “pinalaya” ng imperyalistang Amerika at mga kaalyado nito mula sa kuko ng isang diktador (na alyado din nila noon laban sa imperyalistang Iran).
Islamistang ISIS at ang tunggalian ng mga imperyalistang kapangyarihan sa Gitnang Silangan
Ang ISIS (Islamic State in Iraq and the Levant na pwede ring Islamic State in Iraq and Syria or Islamic State in Iraq and al-Sham) ay naglunsad ng opensiba nitong Hunyo kung saan naagaw nila ang ikalawang pinakamalaking syudad ng Iraq – Mosul – at naghahanda na lusubin ang Baghdad.
Ang ISIS ay mayroong 6,000 mandirigma sa Iraq at 5,000 mandirigma sa Syria.
Nabahala ang imperyalistang Amerika sa nangyaring ito.
Ang ISIS ay suportado ng imperyalistang Saudi Arabia at ng rehimeng Assad ng Syria. Ang Saudi Arabia ay mortal na kaaway ng Iran.
Masalimuot ang imperyalistang tunggalian sa Gitnang Silangan kung hindi natin maunawaan paano ginamit ng mga imperyalistang kapangyarihan ang relihiyon at sistema ng tribu (klan) para sa kani-kanilang mga ambisyon. Sa madaling sabi, paano ginamit ang ideolohiyang nasyunalismo o pagmamahal sa lahi at relihiyon para magpatayan ang masang anakpawis sa isat-isa.
Kapalpakan ng imperyalistang Amerika
Palpak ang polisiya ng Amerika sa Gitnang Silangan sa loob ng 20 taon.
Noong 1991, matapos matalo sa digmaang militar ang rehimeng Saddam Hussein ay pinabayaan ng Amerika na manatili sa kapangyarihan si Hussein dahil ayaw ng huli na mahati ang Iraq at makontrol ng ibang imperyalistang kapangyarihan at mga katunggali nitong katabing mga bansa tulad ng Iran.
Pero noong 2003, napilitan na ang Amerika na patalsikin sa Hussein at direktang sakupin ang Iraq. Mula 1991 ay gumastos ang Amerika ng $800 bilyon sa kanyang kampanyang militar at naglaan ng $25 bilyon para palakasin ang armadong hukbong ng Iraq.
Subalit noong 2011 ay “binitawan” ng Amerika ang Iraq para tuluyan ng pamunuan ng kanyang tutang rehimen, ng paksyong Maliki. Maraming dahilan kung bakit “binitawan” ng Amerika ang Iraq: pang-ekonomiyang krisis ng Amerika, malakas na pagtutol ng mamamayang Amerikano, pagkatali nito sa Afghanistan, at ang namumuong agresibong aktitud ng imperyalistang Tsina sa Silangang Asya.
Sa ilalim ng rehimeng Maliki, mas lalupang nag-apoy ang relihiyoso/tribung tunggalian sa loob ng Iraq. Katulad ni Saddam Hussein, ang paksyong Maliki ay nagmula sa relihiyon/tribung Shite. Pinatalsik ng naghaharing paksyon sa adminsitrasyon ang paksyon ng naghaharing na nagmula sa tribu/relihiyong Sunni.
Kaya, itinulak ng rehimeng Maliki ang mamamayang Sunni sa kandungan ng imperyalistang Saudi Arabia, ang pinakamalaking rehimeng Sunni sa Gitnang Silangan. Mas lalong pinalalim ng rehimen ang marahas na antagonismo sa pagitan ng mamamayang Shite at Sunni. Dahil dito, naitulak sa kampo ng ISIS ang mamamayang Sunni ng Iraq.
Mas tumindi ang mga pambobomba at masaker sa Iraq kung saan libu-libo ang namatay mula 2011. Nitong 2014 lang, sa loob ng 5 buwan ay mahigit 5,400 ka tao na ang namatay dahil sa karahasan. At ang pangunahing dahilan ay relihiyosong panunupil.
Resulta: mahigit 500,000 mamamayan ng Mosul ang nagkukumahog sa takot na lumayas sa kanilang syudad. Hindi pa kasama dito ang milyun-milyong mamamayan ng Syria na nais lumayas sa Syria dahil sa digmaan doon.
Ngayon, nasa peligro na mawasak ang Iraq bilang isang bansa na pagpipyestahan ang yaman nito ng 3 mga paksyon ng naghaharing uri na nagdigmaan gamit ang relihiyon at tribu: Islamistang Sunni na ISIS, Shite ng paksyong Maliki at ang Kurdish Peshmergas.
Katunayan, pinagpyestahan na ng Kurdish Peshmergas ang mga teritoryo at armas na inabandona ng hukbong Iraqi dahil sa opensiba ng islamistang ISIS.
At tiyak, ang bawat paksyon ay hahawakan ng mga imperyalistang kapangyarihan na naglalaway sa yaman ng Iraq laluna ang petrolyo nito.
Mas lalakas ang nasyunalismong Kurdish
Dahil sa opensiba ng ISIS, tiyak sasamantalahin ito ng Kurdish para mas igiit nila ang layuning magtayo ng hiwalay na bansa kung saan sasakupin nito ang mga bahagi ng Iraq, Iran, Turkey at Syria; kung saan ay hindi rin papayag ang mga naghaharing uri sa naturang mga bansa.
Mas lalupang dadanak ang dugo sa Syria sa ilalim ng rehimeng Assad
Sa loob ng mahigit 3 taon, 8-10 milyon mamamayan na ang lumayas sa Syria o kaya naghihirap sa mga refugee camps.
Ang oposisyon laban kay Assad ay hati-hati at nagpapatayan sa isat-isa: Free Syrian Army (FSA), Kurds laban sa mga Arabo, ISIS vs Nustra-front (sangay ng Alquida sa Syria). Kaya hindi nila nagawang patalsikin ang paksyong Assad. Maging ang mga imperyalistang kapangyarihan (USA/EU) na sumusuporta sa mga rebelde ay kumbinsido na rin na mas lalupang maging magulo ang Syria kung mula sa “oposisyon” ang hahawak ng kapangyarihan.
Ginawa ring taktika ni Assad na “hindi masyadong banatan” ang ISIS para makapanggulo ito sa tuta ng Amerika na rehimen ng Iraq.
At dahil karibal ng Iran ang ISIS (na tuta ng kanyang mortal na kaaway na Saudi Arabia), sa unang pagkakataon ay nag-alok ng tulong ang bagong gobyerno ng Iran sa rehimeng Shite ng Iraq para labanan ang ISIS.
Ganun pa man, nakipagtulungan din ang Iran sa Rusya at Tsina para suportahan naman ang rehimeng Assad ng Syria laban sa USA.
Hindi malayong mangyari na pakiusapan ng mga imperyalistang kapangyarihan ng Kanluran ang rehimeng Assad na patindihin na nito ang atake laban sa ISIS sa loob ng Syria.
Kalituhan ng naghaharing uri sa Turkey
Nalilito na rin ang Turkey paano niya ipagtanggol ang kanyang imperyalista at pambansang interes sa pinakahuling kaganapan ngayon sa Iraq.
Suportado ng Turkey ang mga islamista sa Syria laban sa rehimeng Assad. Sa matagal na panahon ay labas-pasok ang hukbong ISIS sa mga hangganan ng Turkey-Syria. Pero ngayon, tila mapilitan na itong harapin ang banta ng opensiba ng ISIS sa Iraq. Ibig sabihin nito, ihinto niya ang pagtatangkang patalsikin si Assad, labanan ang ISIS at ang opensiba ng Kurdish peshmergas sa teritoryo nito.
Ang Turkey mismo ay hindi papayag na magtayo ng isang islamistang estado ang ISIS sa Iraq at Syria.
Bentahe para sa imperyalistang Iran?
Ang Iran, mortal na kaaway ng imperyalistang Amerika at kinikilalang “alyado” ng Kaliwa sa kanilang “anti-imperyalistang prente” ay nag-alok na ngayon na tulungan nito ang tuta ng Amerika sa Iraq laban sa ISIS. Sa isang banda ay makatulong ito para palakasin ang imperyalistang posisyon nito sa rehiyon. Pero kung makialam ang Iran sa Iraq, kilalanin itong banta ng Saudi Arabia laban sa kanya.
Disbentaha sa Saudi Arabia?
Ang Saudi Arabia ang “financier” ng ISIS. Dehado ito kung magkaroon ng “pagkakaisa” ang Iran at USA laban sa ISIS sa Iraq. Posibleng lalakas ang impluwensya ng Iran sa Iraq. Dagdag pa, umaasa ang Saudi Arabia sa USA. Hindi pa kasama dito ang posibilidad na kakagatin ng ISIS ang kamay na nagpapakain sa kanya katulad ng ginawa ni Saddam Hussein sa USA.
Naglalaway ang ibang imperyalistang kapangyarihan habang mas humihina pa ang imperyalistang Amerika
Nagmamasid at parang mga buwitre na naghihintay lamang ang ibang imperyalistang kapangyarihan tulad ng Rusya, Tsina, Pransya, Britanya at Israel.
Kung manatili sa kapangyarihan ang rehimeng Assad na suportado ng Rusya, mas lalakas ang detrminasyon ng huli pa palakasin ang kanyang panghihimasok sa Ukraine.
Kabaliktaran naman ito sa Amerika. Ang mga kaganapan sa Iraq at Syria ay lalupang nagpapahina sa kanya. At dahil dito, mas lalakas ang “bawat isa para sa kanyang sarili” sa hanay ng mga imperyalistang kapangyarihan.
Ganun pa man, hindi rin papayag ang USA na babagsak ang rehimeng Maliki.
Walang hanggang kaguluhan at digmaan sa panahon ng dekadenteng kapitalismo
Nagliliyab na Gitnang Silangan at umiinit na antagonismo sa Silangang Asya; ang buong mundo ay sadlak sa mga digmaan na kagagawan ng inter-imperyalistang bangayan at desperasyon para isalba ang bulok na pandaigdigang kaayusan.
Hindi na makontrol at hindi na mahulaan ng mismong mga “eksperto” at tapat na tagapagtanggol ng kapitalismo ano ang hinaharap ng sistema. Sa bawat solusyon na ipapataw ng naghaharing uri ay nagmistulang gasolina ito na mas lalupang nagpapaliyab sa nag-aapoy na mga kontradiksyon ng dekadenteng kapitalismo.
Tunay ngang naaagnas na ang pandaigdigang Sistema kung saan ang tangi at epektong solusyon ay internasyunal na komunistang rebolusyon. Kung hindi, tiyak na mawawasak ang mundo.
Nida, Hunyo 14, 2014