Submitted by Internasyonalismo on
Bagamat ang teksto sa ibaba ay direktang patungkol sa kaganapan sa Ukraine, sa imperyalistang tunggalian sa pagitan ng USA/EU at Rusya, ang esensya ng teksto ay aplikable sa mga kaganapan sa ibang panig ng mundo laluna sa silangang Asya kung saan tumitindi ang girian sa pagitan ng imperyalistang Tsina laban sa imperyalistang USA/Japan. Ang naghaharing burgesyang Pilipino at ang gobyerno nito ay nasa panig ng imperyalistang Amerika/Hapon laban sa Tsina kung saan hinahatak nila ang manggagawang Pilipino sa ideolohiya ng nasyunalismo palayo sa makauring paninindigan bilang bahagi ng manggagawa ng mundo.
Sa tulong ng mga paksyon ng Kaliwa laluna ng maoistang kilusan, mas pinalakas ng naghaharing uri sa Pilipinas ang ideolohiyang pagmamahal sa soberaniya ng Pilipinas...soberaniya na hindi nangyari at imposible ng mangyari sa panahon ng imperyalismo, ang huling yugto ng kapitalismo.
Ganun din ang ginagawa ng imperyalistang Tsina sa “kanyang” mga manggagawang Tsino: nilason sila ng nasyunalismong Tsino laban sa imperyalismong USA/Japan.
Habang ang mga makabayang Kaliwa ay nanawagan ng “pambansang pagkakaisa” laban sa panghihimasok ng imperyalistang Tsina o Amerika, salungat naman dito ang panawagan at pakikibaka ng mga rebolusyonaryong manggagawa sa Pilipinas, Tsina, Amerika, Hapon at iba pang bansa: “Manggagawa ng mundo magkaisa, ibagsak ang “sariling” pambansang burgesya at gobyerno para mapigilan at wakasan ang imperyalistang digmaan!”
Ang esensya ng linya at pagsusuri ng Kaliwa ay pasipismo at baluktot na “anti-imperyalismo”: ang pakikialam diumano ng USA sa girian ng imperyalistang Tsina sa mga bansa sa silangang Asya ay nagbuhos ng gasolina sa tunggalian ng mga pambansang kapitalista sa rehiyon. Ang argumento ng Kaliwa ng burgesya ay isang panlilinlang na maaring hindi makialam ang imperyalistang Amerika at kung hindi makialam ang Amerika ay maging “mapayapa” ang tunggalian ng mga pambansang kapitalista sa silangang Asya.
Tahasang kinalimutan ng Kaliwa at sadyang itinago ang kasaysayan ng imperyalistang tunggalian sa Asya mula pa noong WW I at laluna noong WW II. Nais ng Kaliwa na ihiwalay sa pandaigdigang kaganapan ang mga pangyayari sa silangang Asya habang nagdudumilat ang katotohanan na ang dahilan ng imperyalistang girian sa rehiyon ay ang mismong tunggalian ng mga imperyalistang kapangyarihan sa pandaigdigang saklaw.
Dagdag pa, nasa likod din ng “radikal” na makabayang programa ng maoistang CPP-NPA-NDF ay ang pagbibigay katuwiran sa kasinungalingan na inihasik nila sa loob ng halos 50 taon: 1) hindi kapitalista ang moda ng produksyon ng Pilipinas, kaya 2) “tama” lamang na kilalaning isang “progresibong” uri ang pambansang burgesya at “alyado” ng rebolusyon at 3) ang “digmaang bayan” ay isang progresibong digmaan.
Bagamat bangkarota na sa antas ng teorya at praktika ang maoismo, napakalakas pa rin ng impluwensya nito sa hanay ng manggagawa at kabataang Pilipino. Nahatak sila sa pagiging “Pilipino” sa halip na paninindigan ang pagiging manggagawa.
Ang panawagan at paninindigan ng mga rebolusyonaryong manggagawa ay pagpapatuloy ng internasyunalistang paninindigan ng mga rebolusyonaryo noong panahon ng WW I, WW II, Cold War at pagkatapos bumagsak ang bloke ng imperyalistang USSR noong 1989.
Kahit pa na sa kasalukuyang kalagayan ay halos hindi pinakinggan ng mga manggagawa sa Pilipinas ang internasyunalistang panawagan at linya, mananatiling matatag ang aming paninindigan sa internasyonalismo laban sa imperyalismo dahil ito ang bag-as ng rebolusyonaryong marxismo at interes ng internasyunal na proletaryado.
Internasyonalismo
Mayo 1, 2014
--------------------------------------
Laban sa imperyalismo: ang internasyunalismo ng uring manggagawa
Ukraine, Rusya
Matapos sakupin ng mga tropang Ruso ang malalaking gusali ng Crimea, mabigat ang binitawang salita ni John Kerry, ang Kalihim ng Estado ng Amerika para kondenahin ito:
“Hindi ka dapat kumilos sa 21 siglo na katulad ng sa 19 siglo sa pagsakop ng ibang bansa na ganap na nakabatay sa palusot.”
Si Putin, habang nangongopya mula sa salita ni Tony Blair, ay iginiit na ang semi-pananakop sa Ukraine ay isang “makataong pananakop”, at, ang mga pwersa na umukopa sa parliyamento ng Crimea ay mga lokal lamang na mga “yunit-pagtatanggol-sa sarili” na binili lamang ng mga unipormeng Ruso sa isang pamilihan.
Hindi mahirap na makita ang kawalang kabuluhan at ipokrasiya ng mga tagapagsalita ng kapital. Ang pahayag ni Kerry ay sinalubong ng pagtuligsa ng Kaliwa sa online, dahil ang palusot at pananakop ng ibang mga bansa ay gawain na ng Amerika sa nagdaang dalawang dekada at dagdag pa, sa pagsakop nito sa Iraq noong 2003 sa palusot ng paghahanap ng mga sandatang nakakasira ng marami bilang rurok ng aktitud ng Amerika sa “19 siglo”. Hinggil sa pakiusap naman ni Putin na makataong motibo, naging dahilan ito ng halakhak ng buong mundo, laluna sa Grozny na pinulbos noong 90s ng ang pwersang militar ng Rusya ay bangis na sinupil ang Chechnya dahil sa pagtangka nitong humiwalay mula sa Pederasyong Ruso.
Ang aktitud ng 19 siglo ay ang katangian ng imperyalismo. Sa panahong iyon ng kasaysayan ng kapitalismo, ang makapangyarihang mga bansa ay nagtayo ng malalaking imperyo sa pamamagitan ng pagsakop ng malalawak na hindi pa kapitalistang mundo para sa merkado, hilaw na materyales at murang lakas-paggawa. Karamihan sa mga lugar na ito ay naging direktang kolonya ng mga mananakop, at ang desperadong pag-agaw, pagtatanggol o paghati sa mga rehiyong ito ang mayor na salik bakit nangyari ang Unang Digmaang Pandaigdig.
Si Rosa Luxemburg, sa lahat ng mga Marxista, sa aming pananaw, ang siyang may pinakamalinaw na pananaw sa pinagmulan at katangian ng imperyalismo, ay naghapag ng napakahalagang punto sa transisyon mula sa “imperyalismo ng 19 siglo” tungo sa imperyalismo ng 20 siglo:
“Sa mataas na pag-unlad ng kapitalistang mga bansa at ng kanilang tumataas na maigting na kompetisyon sa pagsakop ng hindi pa kapitalistang mga lugar, lumaki ang kaguluhan at karahasan ng imperyalismo, kapwa sa agresyon laban sa hindi pa kapitalistang mundo at sa mas lumalalang kompetisyon sa pagitan ng mga kapitalistang bansa. Subalit habang mas marahas, mas mabangis at ganap ang pagdurog ng imperyalismo sa hindi kapitalistang mga sibilisasyon, naging mas mabilis ang pagputol nito ng kapitalistang akumulasyon. Bagamat ang imperyalismo ay ang istorikal na paraan para patagalin ang buhay ng kapitalismo, ito naman ang tiyak na paraan para mapabilis ang kanyang pagbagsak. Hindi ibig sabihin na ang kapitalistang pag-unlad ay sa aktwal magiging ganito kabangis: ang mismong tendensya patungong imperyalismo ay nagkahugis sa mga porma na magdadala sa huling yugto ng kapitalismo sa panahon ng kaguluhan at pagkasira”.
Ang mga salitang ito ay sinulat isang taon o dalawa bago ang Unang Pandaigdigang Digmaan. At hanggang ngayon ay nasa “panahon tayo ng kaguluhan at pagkasira”, na nakitaan ng pandaigdigang krisis sa ekonomiya, dalawang pandaigdigang digmaan, pumapatay na proxy wars (kadalasan sa ngalan ng de-kolonisasyon) sa panahon ng Cold War, ang magulong tunggalian ng mundo matapos bumagsak ang lumang sistema ng bloke.
Sa mga tunggaliang ito, maaring nagbago ng porma ang imperyalismo – direktang kontrol sa mga kolonya, katulad ng ginawa ng Britanya at Pransya halimbawa, na naging tanda ng pagbagsak sa halip ng paglakas, at ang pinaka-makapangyarihang kapitalistang bansa, ang USA, ay pinalitan ang lumang mga imperyo gamit ang kanyang napakalaking pang-ekonomiyang rekurso para igiit ang kanyang dominasyon sa malawak na lugar ng planeta. Pero kahit ang US ay paulit-ulit na naobligang suportahan ang kanyang pang-ekonomiyang impluwensya ng aksyong militar at kasama na ang pagsakop sa ibang mga bansa mula Korea hanggang Grenada at mula Vietnam hanggang Iraq. Hinggil naman sa kanyang panunahing karibal noong Cold War, ang USSR, na mas mahina sa ekonomiya, ang brutal na kontrol militar ang tanging paraan para makontrol ang kanyang bloke, na nakita natin sa pagsakop sa Hungary at Czechoslovakia. At bagamat wala na ang USSR, ang Rusya ni Putin ay nakasandal sa opsyong militar para ipagtanggol ang kanyang pambansang interes.
Sa madaling sabi: ang imperyalismo, sa halip na penomenon lamang para sa 19 siglo, ay nanatiling naghari sa mundo. At tulad ng sinulat ni Luxemburg mula sa bilangguan bilang parusa ng kanyang pagtutol sa digmaan ng 1914,
“Ang imperyalismo ay hindi nilikha ng anumang estado o grupo ng mga estado. Ito ay produkto ng partikular na yugto ng pagkahinog ng pag-unlad ng kapital, isang natural na internasyunal na kondisyon, ng hindi mahati na kabuuan, na makilala lamang sa lahat ng kanyang mga relasyon, at walang bansa na makaiiwas.” (The Junius Pamphlet)
Sa madaling sabi: lahat ng mga bansa ay imperyalista na ngayon, mula sa pinakamalaki hanggang sa pinakamaliit, lahat ay tinutulak ng sitwasyon ng kapitalistang akumulasyon na magpalawak sa kapinsalaan ng kanilang mga karibal, na gamitin ang digmaan, masaker at terorismo para ipagtanggol ang kanilang sariling pang-ekonomiya at diplomatikong mga interes. Hinggil sa patriyorismo at nasyunalismo ito ay walang iba kundi “isang tabing upang ikubli ang imperyalistang layunin, isang panawagan para sa imperyalistang tunggalian, ang huling ideolohikal na paraan para makumbinsi ang masa na maging pambala ng kanyon sa isang imperyalistang digmaan.” (Junius Pamphlet)
Si Luxemburg, katulad nila Lenin, Trotsky, Pannekoek, Rosmer at iba pa ay isang internasyunalista. Hindi niya tinitingnan ang lipunan mula sa punto-de-bista na “aking bansa”, kundi mula sa “aking uri”, ang uring manggagawa, na siyang tanging internasyunal na uri dahil ito ay pinagsamantalahan at inatake ng kapitalismo sa lahat ng mga bansa. Alam niya na ang nasyunalismo ay laging paraan para itago ang pundamental na realidad na ang kapitalistang lipunan ay nahahati sa mga uri – ang isa ay nagmay-ari ng pambansang ekonomiya at may hawak ng gobyerno ng bansa, at ang isa pa ay walang pag-aari maliban sa kapasidad nitong magtrabaho. Sa nakaraan, ng ang kapitalismo ay isang hakbang pasulong mula sa lumang pyudal na lipunan, ang ideyal na pambansang kalayaan ay nagsilbi sa mga pangangailangan ng isang progresibong burges na rebolusyon, pero sa panahon ng pabagsak na kapitalismo, wala ng positibo pa sa nasyunalismo maliban sa paghatak nito sa mga pinagsamantalahan para paglingkuran ang mga mapagsamantala sa isang digmaan.
Kaya ang mga internasyunalista, noong 1914, ay nanindigan sa pagpapatuloy at pagpapalalim ng makauring pakikibaka; para sa pakikipagkaisa sa mga manggagawa ng ibang mga bansa laban sa kanilang naghaharing uri; para sa pagkakaisa ng mga manggagawa ng mundo sa isang rebolusyon laban sa kapitalistang paghari saan mang panig ng mundo. Kaya ganun pa rin ang posisyon nila kaugnay ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sa mga proxy wars sa pagitan ng USA at USSR, at kaya ganun din ang posisyon namin laban sa lahat ng mga digmaan sa kasalukuyan. Hindi kami kumakampi sa ‘maliit na demonyo’ laban sa ‘numero unong kaaway’, hindi kami sumusuporta sa ‘maliliit na mga bansa’ laban sa mas makapangyarihang mga bansa. Ni hindi kami nangatuwiran na mayroong ‘nasyunalismo ng mga inaapi’ na may moral na superyoridad sa ‘nasyunalismo ng mga nang-aapi’. Lahat ng mga porma ng nasyunalismo sa kasalukuyan ay parehong reaksyunaryo at parehong pumapatay.
Sa kasalukuyang kaguluhan sa Ukraine, hindi namin sinusuportahan ang ‘sobereniya’ ng Ukraine, na kinampihan ng imperyalismong US, ni sinusuporthan namin ang militarismo ng Rusya laban sa impluwensya ng US o Uropa sa timog na bahagi. Hindi kami 'nyutral' o pasipista. Kami ay pumapanig sa makauring pakikibaka ng lahat ng mga bansa, kahit pa, sa sitwasyon ng Ukraine at Rusya ngayon, ang makauring pakikibaka ay nalunod sa digmaan sa pagitan ng mga magkaribal na paksyon ng naghaharing uri.
Laban sa mga barikada ng pambansang bandila na humati sa mga manggagawa ng Ukraine at Rusya, laban sa banta nga ang patriyorikong lason ay hahatak sa kanila tungo sa malagim na pagpapatayan sa isat-isa, walang dahilan na lilihis ang mga internasyunalista mula sa lumang islogan ng kilusang manggagawa: ang uring manggagawa ay walang bansa! Manggagawa ng mundo, magkaisa!