Armadong pakikibaka ng maoismo: Pakikibaka para sa kapitalismo ng estado

Bersyon na maaaring i-print

Marso 29, 2013: Ika-44 anibersaryo ng armadong pakikibaka ng maoistang kilusan sa Pilipinas. Ano ang maaasahan ng uring manggagawa sa pakikibaka ng maoismo sa Pilipinas? Lalaya ba sila mula sa pagsasamantala at pang-aapi ng kapitalismo kung sakaling ang mga maoista na ang may kontrol ng estado?

Ang pokus ng artikulong ito ay suriin batay sa Marxismo ang programa ng maoistang Partido Komunista ng Pilipinas – pambansa-demokratikong programa – at ano ang aktwal na karanasan ng masang manggagawa sa mga bansang naipanalo nila ang “pambansa-demokratikong rebolusyon”.[1]

Maikling pagbalik-tanaw sa maoismo

Ang maoismo bilang doktrina ay unang lumitaw sa Tsina noong 1930s matapos ang pagkabigo ng proletaryong pag-alsa sa Shanghai noong 1927 at ganap na malusaw ang ibang tendensya sa loob ng PKT.[2]

Ang maoismo sa Tsina ay bunga ng pagkatalo ng pandaigdigang proletaryong rebolusyon at pangingibabaw ng Stalinismo sa internasyunal na kilusang komunista.

Lumitaw ang maoismo sa Pilipinas noong 1960s matapos ang antagonistikong debateng “ideolohikal” sa pagitan ng Tsina at Rusya at paglakas ng ideolohiyang nasyunalismo sa hanay ng kabataan-estudyante bunsod ng digmaan sa Vietnam. Ang debate ay tulak ng hayagang “kritisismo” ni Khrushchev kay Stalin.[3] Hindi usapin ng marxismo laban sa rebisyunismo ang “debate” sa pagitan ng Tsina at Rusya kundi sa pagitan ng dalawang bansa na nag-aagawan kung sino ang maging “godfather” sa “sosyalistang” kampo (imperyalistang bloke na karibal ng bloke ng imperyalistang USA). Sa huli, natalo ang Tsina at wala itong nagawa kundi pumailalim sa bloke ng Amerika noong maagang yugto ng 1970s (buhay pa si Mao) laban sa bloke ng Rusya.

Lumakas ang gerilyang pakikidigma ng maoistang kilusan sa Pilipinas noong panahon ng diktadurang Marcos. Lumawak ang simpatiya ng manggagawa at taumbayan sa PKP (1968) dahil na rin sa barbarikong panunupil ng rehimeng Marcos sa kanyang mga kaaway at sa kilusang masa. Subalit ang paglakas ng maoistang kilusan ay hindi dahil sa pagtaas ng makauring kamulatan ng masang manggagawa kundi dahil sa pagkabansot nito at pagkakulong sa kaisipang nasyunalismo, anti-pasismo[4] at demokrasya. Isa pa sa dahilan ay ang mistipikasyon ng armadong pakikibaka laluna sa kabataan, kung saan ang mga tagumpay militar ng “hukbong bayan” ay inakalang “tagumpay” ng proletaryong pakikibaka[5].

Ang pambabaluktot ng maoismo sa proletaryong katangian ng rebolusyon ay kongkretong makita sa praktika kung saan ang interes ng PKP ay siya na ring interes hindi lang ng uring manggagawa kundi ng buong sambayanang Pilipino. At ito ang mahigpit na pinaniniwalaan ng kanilang mga tapat na tagasunod at simpatisador.

Programa ng PKP-1968: Programa ng pambansang kapitalismo

Bagamat ang programa ng maoistang PKP ang popular, hindi ito ang una at tanging may ganitong programa sa buong hanay ng Kaliwa sa Pilipinas. Ang buong Kaliwa (hindi lang ang maoistang kilusan) ay naniwalang dapat dadaan muna sa burges-demokratikong yugto ang “proletaryong rebolusyon” sa Pilipinas.[6] Halos memoryado ng mga tapat na kasapi ng PKP ang Programa ng Demokratikong Rebolusyon ng Bayan.

Kaya maari nating sabihin na mahigpit man ang bangayan ng mga paksyon ng Kaliwa sa isa’t-isa, nagkakaisa sila na dahil atrasado ang panlipunang sistema ng Pilipinas ay “tama” lamang na paunlarin muna ang pambansang kapitalismo para makamit ang sosyalismo sa bansa.

Inamin mismo ng maoistang PKP na ang programang isisnusulong nila ay hindi sosyalistang programa kundi burges-demokratiko. Dinagdagan lamang nila ng “bagong tipo” para magmukhang “rebolusyonaryo”. At naging “bago” dahil daw nasa “pamumuno” na ng uring manggagawa sa pamamagitan ng “kanyang” partido.[7] Ibig sabihin, para sa maoismo ang interes ng maoistang PKP ay interes ng uring manggagawa. Ang tutol sa interes ng PKP ay tutol sa interes ng uring manggagawa. Ganito ang pambabastardo ng maoismo sa marxismo!

Ang “materyal” na batayan ng PKP ay dahil daw “mala-kolonyal at mala-pyudal” ang umiiral na panlipunang sistema ng bansa. Sa madaling sabi, atrasado ang moda ng produksyon.[8]

Masusuma sa dalawang usapin ang burges na programa ng maoismo: Pambansang industriyalisasyon at Agraryong rebolusyon (ie, “libreng pamamahagi ng lupa sa mahihirap sa kanayunan).

Pambansang industriyalisasyon

Ang esensya ng pambansang industriyalisasyon ay pangunahin nasa pag-aari o kontrol ng estado ang mga batayan at malalaking industriya kasama na ang malalaking lupang agrikultural.

Sa totoo lang hindi ito tanging prangkisa ng Kaliwa. Maging ang Kanan ay ginagawa din ito.

Bago pa ang WW II ay ginawa na ng imperyalistang Amerika (Keynesianismo), Alemanya (Nazismo) at Italya (Pasismo) ang pambansang industriyalsiasyon. Malinaw na hindi lang ang stalinistang Rusya ang nagsagawa ng kapitalismo ng estado (ie “sosyalismo”).

Hindi nakapagtataka kung bakit may komonalidad ang Kanan at Kaliwa sa usapin ng pagpapalaki at pagpapalawak ng kontrol ng estado sa buhay panlipunan dahil pareho lang naman ang sistemang kanilang pinuprotektahan: panatilihin ang kasalukuyang kaayusan. At ito ang tanging papel ng estado sa lipunang makauri.

Noong 19 siglo kung saan progresibo at lumalawak pa ang kapitalismo, ang pangunahing papel ng estado ay “referee” lamang ng kompetisyon ng mga pribadong kapitalista para walang anarkiya at antagonistikong kaguluhan ng kanilang kompetisyon.[9] Subalit mula 20 siglo ng pumasok na sa dekadenteng yugto ang kapitalismo, ay ang estado na mismo ang kumukontrol at nagmamay-ari sa mga industriya.

Sa madaling sabi, ang pambansang industriyalisasyon ay hindi pagsulong ng kapitalismo kundi bunga ng kanyang permanenteng krisis bilang moda ng produksyon. Ang estado bilang huling tagapagligtas ng sistemang kapitalismo ay kailangang manghimasok sa buong buhay ng lipunan higit pa sa kanyang ginawa noong 19 siglo para hindi babagsak ng tuluyan ang sistema.

Ang “New Deal” ni Roosevelt, Nazismo ni Hitler at Pasismo ni Mussolini ay pawang bunga ng matinding krisis ng sistema at desperadong solusyon para pansamantalang mapigilan ang pagbagsak nito. Subalit hindi napigilan ng pambansang industriyalisasyon (na sa tamang kahulugan ay kapitalismo ng estado) ang pagsabog ng WW II na lalupang sumira sa buhay at ari-arian ng daang milyong mamamayan ng mundo.[10]

Ang layunin ng pambansang industriyalisasyon o kapitalismo ng estado ay “paunlarin” ang kapitalismo sa isang atrasadong bansa tulad ng Pilipinas. O kaya desperadong isalba ang pambansang kapital na nasa matinding krisis tulad noong panahon ng Great Depresson sa Amerika, paglitaw ng Nazismo sa Alemanya at Pasismo sa Italya sa pamamagitan ng pag-agaw sa mga teritoryo ng kanilang mga karibal.

Ang tanong: posible pa ba ito sa panahon ng dekadenteng kapitalismo? Progresibo pa ba ang kapitalismo ng Pilipinas at sa ibang atrasadong bansa?

Dahil hindi pandaigdigan at istorikal ang balangkas ng Kaliwa laluna ng mga maoista kundi pambansa at nasyunalismo, hindi nila naunawaan at ayaw unawain na wala ng progresibong bahagi ng kapitalismo at ganap nang reaksyunaryo ang pandaigdigang kapitalismo mula 20 siglo. Sa halip na makatulong ay ganap nang hadlang sa pag-unlad ng produktibong pwersa ang pambansang kapital.[11]

Sa dekadenteng kapitalismo ang pandaigdigang pamilihan ay mabilis na kumikipot habang naging permanente na ang krisis ng sobrang produksyon. Ang tanging tulong ng pambansang industriyalisasyon ay mas patindinhin ang pagpiga sa libreng paggawa (pagsasamantala at panunupil) ng manggagawa para makakuha ng puwang sa kumikipot na pandaigdigang pamilihan: mabenta ang mga produkto. Sa kabilang banda naman ay para palakihin pa ang mga sobrang produktong hindi na kayang bilhin ng populasyon ng mundo.[12]

Ang kapitalismo ng estado, kontrolado man ito ng Kanan o Kaliwa ay walang ibang layunin kundi makipagkompetisyon sa ibang pambansang kapital para sa tubo. Layunin na makamit lamang sa pamamagitan ng walang habas na pagsasamantala at panunupil sa masang manggagawa.

Bagamat napakahalaga na maintindihan natin ang teoretikal na pundasyon kung bakit lubusan ng reaksyunaryo ang kapitalismo sa Pilipinas man o mundo, ang aktwal na naranasan ng uring manggagawa sa Rusya (mula 1930s), Tsina (mula pa sa panahon ni Mao), Vietnam, Cuba, Hilagang Korea, Nepal, Venezuela, atbp ay labis-labis ng pruweba na hindi garantiya ang absolutong kontrol ng isang “komunistang” partido sa estado o ang tapat na pananampalataya sa maoismo para pagsilbihin ang huli sa kapakanan at interes ng uring manggagawa.

Unang-unang na, ang estado ay produkto ng paglitaw ng mga uri kung saan ang tanging papel ay gawing “mapayapa” ang tunggalian ng mga uri, hindi para wasakin ang batayan ng pagkahati-hati ng lipunan sa mga uri. Kaya may mga batas, korte at bilangguan para makontrol ang tunggalian at may armadong lakas para supilin ang mga ayaw sumunod sa “kapayapaan”.

Hindi kung sinu-sino at saang uri sila galing ang sukatan ng katangian ng estado kundi kung ano mismo ang estado bilang isang institusyon ng lipunang makauri:

“Ang uring manggagawa ay hindi nakukuntento na hawakan ang makinarya ng Estado, kung ano mang meron ito, upang pagsilbihin sa kanyang mga layunin. Sa katunayan ang Estado ay burges at hindi simpleng dahil ang mga makinarya nito ay nasa kamay ng burgesya. Ang Estado ay hindi nyutral, kundi isang instrumento ng uri. Gayunman nagiging burges ang isang makinarya hindi dahil sa burgis ang kawaning nagmamando nito, kundi ang katangian nito bilang isang makinarya ay salungat sa kalakhan ng lipunan.” (Marx, Ang Digmaang Sibil ng Pransya)  Ito ang hindi naunawaan ng ating magagaling na mga maoista at iba pang paksyon ng Kaliwa na nagpupumilit na ang estado ay pwedeng gamitin para sa komunistang rebolusyon.

Kahit si Lenin na sumuporta sa kapitalismo ng estado laban sa minoriya sa loob ng Komunistang Internasyunal para manatili ang kapangyarihang sobyet ay sa huli panimulang nakita ang kanyang kamalian:

“Ang makina ay kumakawala sa mga kamay ng may hawak nito: maaaring sabihin ninuman na may isang taong nasa renda na gumagabay sa makinang ito, pero ang huli ay tumatahak sa direksyong iba pa sa inaasahan, na ginagabayan ng isang sikretong kamay, isang iligal na kamay. Tanging ang Diyos lamang ang nakakaalam kung kanino ito, maaring sa isang ispekulador o isang pribadong kapitalista o magkasama silang dalawa. Ang katotohanan ay ang makina ay di tumatahak sa direksyong inaasahan ng taong nagpapatakbo sana nito, at minsan ito’y lubos na tumatahak sa salungat na direksyon.”  (Pampulitikang Ulat ng Komite Sentral ng Partido, 1922)

“Tanging ang pakikibaka ang magpapasya, sa huling pag-aanalisa, kung hanggang saan tayo susulong, tanging ang pakikibaka ang magpapasya kung anong bahagi ng dakilang tungkuling ito, kung anong bahagi ng ating mga tagumpay na maaari nating konsolidahin. Siya na makakaranas ay makakita nito.” (Para sa IV Pagdiriwang ng Rebolusyong Oktubre, 1921)

Pero hindi na niya nakita ang tunay na bunga ng kanyang kapitalismo ng estado at ang paggamit nito ng Stalinismo kasama na ang "sosyalismo sa isang bansa" para ipataw ang 50-taong kontra-rebolusyon sa loob ng internasyunal na komunistang kilusan.

Ikalawa, ang dekadenteng kapitalismo (imperyalismo) ay isang istorikal na yugto ng kapitalismo kung saan ganap ng nasakop ng kapital ang buong mundo at naitayo na nito ang isang pandaigdigang pamilihan na nagsisilbi sa interes ng kapital. Ang ganap na pagsakop ng kapital sa buong mundo ay simula na rin ng kanyang pagbulusok-pababa dahil sa dalawang pundamental na salik: 1) permenenteng krisis ng sobrang produksyon at 2) patuloy na pagkipot ng pandaigdigang pamilihan. Diyalektikal na magkaugnay ang dalawang salik na ito.

Ang tanging “epektibong” (bagamat pansamantala lamang) solusyon ng burgesya sa kanyang krisis sa panahon ng dekadenteng kapitalismo ay pandaigdigang digmaan para muling hatiin ang mundo at wasakin ang produktibong pwersa para “makapagsimula” ng panibagong konstruksyon. Ito ang batayan ng WWI at WW II na kumitil ng daan-daang milyong buhay at sumira ng bilyun-bilyong ari-arian. Subalit maging ang katangian ng digmaan sa panahon ng dekadenteng kapitalismo ay nagbago na rin. Hindi na ito katulad noong 19 siglo kung saan ang kapwa ang nanalo at natalo sa digmaan ay sa pangkalahatan ay umunlad pareho.

Sa panahon ng imperyalismo, kapwa ang “nanalo” at natalo ay dumaranas ng matinding krisis matapos ang digmaan at hindi na umunlad pa ayon sa inaasahan. Maging ang Stalinismo at Keynesianismo ay hindi nagawang pigilan ang pagsabog ng pandaigdigang krisis noong 1960s, at mas laluna ngayon.

“Leninismo”, Stalinismo, Maoismo, Trotskyismo, o Chavismo man ang may kontrol ng estado, hindi nito mababago ang reaksyunaryo at kontra-progresibong katangian ng estado. Kabaliktaran pa nga ang nangyari: naging matabang lupa ang nabanggit na mga ideolohiya upang patuloy na alipinin at malunod sa ilusyon ang masang manggagawa ng mundo. Lalunang hindi nito mababago ang tunguhin ng mga bansa patungong ibayong pagkaatrasado at barbarismo.

Ang pambansang industriyalisasyon o kapitalismo ng estado ay ibayong pagsasamantala at pang-aapi sa masang manggagawa sa ngalan ng “kaunlaran” at “industriyalisasyon”.

Ang pinakamasahol na pambabaluktot sa papel ng estado sa panahon ng yugto ng transisyon ay ang panggigiit hindi lang ng mga maoista kundi maging ng mga karibal nila sa Kaliwa (ie, “leninista”) na ang pag-aari ng estado ang bag-as ng “sosyalistang ekonomiya” basta ang una ay nasa kontrol ng isang partido “komunista”. Kahit sa panahon nila Marx/Engels na progresibo pa ang kapitalismo, inilinaw na nila kung ano ang estado:

“ang transpormasyon, maging tungo sa kumpanyang joint-stocks at trust man o tungo sa pag-aari ng Estado, ay hindi pumapawi sa kapitalistang katangian ng produktibong pwersa. Sa kumpanyang joint-stocks at trust ito ay hayagang makikita. At ang modernong Estado, sa muli, ay isa lamang organisasyon na hinahawakan ng burgesya upang suportahan ang mga panlabas na konhindisyon ng kapitalistang moda ng produksyon laban sa mga panghihimasok hindi lamang ng mga manggagawa kunhindi pati ng mga indibidwal na mga kapitalista. Ang modernong Estado, ano man ang anyo nito, ay kapitalistang makina sa esensya, ang estado ng mga kapitalista, ang ideyal na pagsasatao sa kabuuang pambansang kapital. Habang mas tumutungo ito sa paghawak sa produktibong pwersa, mas hayagan itong nagiging pambansang kapitalista, at mas maraming mamamayan ang napagsamantalan nito. Ang mga manggagawa ay nananatiling mga sahurang manggagawa – mga proletaryo. Ang kapitalistang relasyon ay hindi nito pinapawi. Ito’y dinadala lamang sa tugatog.” (Kontra-Duhring)    

Hindi instrumento ng uring manggagawa ang estado para maabot ang komunismo kundi kailangan itong ibagsak at pahinain (transisyunal na estado sa panahon ng diktadura ng proletaryado) hanggang sa tuluyang maglaho.[13]

“Agraryong Rebolusyon”

Pareho ang layunin ng repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon: ipagtanggol at desperadong paunlarin ang pambansang kapitalismo.

Ang propaganda ng mga maoista sa kanilang “rebolusyonaryong” agraryo ay “libreng pamamahagi ng lupa” sa mga walang lupa. Sa esensya ang ibig sabihin nito ay palakasin ang peti-burges na pag-aari sa kanayunan sa anyo ng maliitang pag-aari ng lupa. Ang sentral na layunin ay palakasin ang kapitalismo (ie, “modernisasyon”) sa kanayunan.

Una sa lahat, dapat ilantad ang makauring katangian ng agraryong rebolusyon ng maoismo: isang burges na programa laban sa pyudal na kaayusan. Pero hindi lang ito burges – anti-sosyalismo – kundi bangkarota na sa panahon ng dekadenteng kapitalismo. Sa partikular, nananaginip ang mga maoista na nasa 19 siglo sila. Ang ganap na dominasyon ng sistema ng kalakal sa kanayunan at ang lubusang integrasyon nito sa kapitalistang pamilihan ay patunay na hindi na pyudal ang sistema doon kundi kapitalismo na. Kung naging mabagal man ang pag-unlad ng kapitalismo sa kanayunan ito ay hindi dahil sa alyansa ng imperyalistang Amerika at pyudal na panginoong maylupa o alyansa ng kapitalismo at pyudalismo[14] kundi dahil pumasok na ang pandaigdigan kapitalismo sa kanyang dekadenteng yugto. 

Kung suportado man ng mga komunista noong 19 siglo ang programa ng burgesya laban sa pyudalismo, ito ay sa tanging dahilan na progresibo at lumalawak pa ang kapitalismo sa buong mundo. Hindi sa usaping moralidad o pagiging makatuwiran ng burges na programang ito ang batayan ng suporta ng marxistang kilusan sa burgesya noong 19 siglo kundi sa diyalektikal-materyalistang basihan.

Sa dekadenteng kapitalismo, maging ang maliitang pag-aari ay dinudurog mismo ng sistema dahil sa matinding kompetisyon ng bawat pambansang kapital kung kaya’t mismong ang kanilang peti-burges na programa sa kanayunan ay pansamantala lamang, o mas tamang tawaging propaganda lamang para maakit ang atrasadong maralitang manggagawang-bukid.[15]

Malinaw sa karanasan na matapos manalo ang “pambansa-demokartikong rebolusyon” ay dinurog mismo ng estado ang peti-burges na pag-aari sa kanayunan hindi para sa sosyalismo kundi para sa kapitalismo ng estado: kontrol at dominasyon ng estado sa malawak na lupang agrikultural sa kanayunan sa anyo ng pag-aari ng estado o mga kooperatibang integrado sa estado.[16] Higit sa lahat, ang mga ito ay nagsisilbi sa kompetisyon ng pambansang kapital laban sa kanyang mga karibal sa pandaigdigang pamilihan. Ang mga manggagawang-bukid na nagmamay-ari ng maliitang parsela ng lupa ay naging pinagsamantalahang manggagawa ng estado at kooperatiba para palakihin ang tubo para sa pambansang kapital.

Ang libreng pamamahagi ng lupa ng maoistang kilusan sa kanayunan ay naglalayong palakasin ang sistema ng kalakal at ang peti-burges na maliitang pag-aari para makuha ng partido ang simpatiya ng uring peti-burges habang nagkokonsolida ng kanyang kapangyarihan. Pagkatapos ay kontrolin ng estado at mga kooperatibang tapat sa partido ang malawak na lupain sa ngalan ng “kolektibisasyon” o “komunalisasyon” para mas mapabilis pa ang produksyon ng kalakal para sa kapitalistang pandaigdigang pamilihan.

Patungong sosyalismo ba ang pambansa-demokratikong programa?

Ginigiit ng maoistang kilusan sa kanilang mga membro at tagasuporta na ang pambansang-demokratikong programa ay unang hakbang para sa sosyalismo. Ibig sabihin, paunlarin muna ang pambansang kapitalismo sa mga atrasadong bansa tulad ng Pilipinas para maihanda diumano ang materyal na batayan para sa sosyalismo. At para daw maisakutuparan ito, kailangan na ang estado ay kontrolado ng partido “komunista” at ang mga burukrata sa loob ng gobyerno ay dapat daw mga “pulahan”. Kung mangyari daw ito, ibig sabihin ang estado ay “estado ng manggagawa” o “estado ng bayan”.[17]

Ano ang katotohanan sa likod ng maoistang programa?

Una, para sa mga maoista, sa mga atrasadong bansa sa panahon ng dekadenteng kapitalismo ay progresibo pa ang pambansang kapitalismo. Ang kailangan lang daw ay “mapalaya ang bansa sa kontrol ng makapangyarihang kapitalistang mga bansa” kung saan ang linyang “anti-imperyalismo” nila ay anti-imperyalistang Amerika.

Malinaw na ang batayan ng programa ng maoismo ay programa para sa 19 siglo. At dahil dekadente na nga ang kasalukuyang sistema, hindi lang pinaglipasan na ng panahon ang programa nila kundi naging reaksyunaryo at kontra-rebolusyonaryo na ito.

Dalawang usapin ang kailangang makita natin: 1) Naging sosyalista ba ang mga bansang “lumaya” sa loob ng ilang dekada na pamumuno ng partido “komunista”?; 2) Kontrolado ba ng uring manggagawa ang estado?

Walang marxistang organisasyon ang naniwalang naging sosyalista ang mga bansang “lumaya”. At lalunang hindi naging tunay na lumaya sa imperyalismo ang naturang mga bansa.[18]

Sa Tsina, Vietnam, Nepal, maraming mga batas ang nagbabawal sa welga at kumikitil sa karapatan ng mga manggagawa sa ngalan ng pambansang industriyalisasyon. Makita ito sa mga welga, rali at demonstrasyon ng mga manggagawa para sa mas mataas na sahod at makataong kondisyon sa pagawaan. Sa Cuba at North Korea naman ay nanatiling mahigpit ang kontrol ng estado sa lipunan. Sa South Africa ay humantong mismo ang “pambansa-demokratikong” estado ng South African Communist Party/African National Congress sa mga masaker sa manggagawang lumalaban para sa kanilang makauring kahilingan.

Hindi lang naging permanente na ang kanilang unang yugto ng “rebolusyon” (burges-demokratiko), mas lumala pa ang pagsasamantala sa uring manggagawa para mapaunlad ang pambansang kapitalismo. Katunayan, inamin mismo ng mga panatikong maoista na naging “rebisyunista” ang mga bansang ito. Pero sa halip na suriin kung bakit lahat ng mga “lumaya” ay naging rebisyunista, ang simpleng sagot lamang ng mga maoista ay “dahil inabandona nila ang maoismo”.  

“Digmaang Bayan” ng maoismo: Digmaan laban sa sosyalismo para sa kapitalismo

Halos 50 taon na ang matagalang digmaang “bayan” ng maoistang kilusan sa Pilipinas pero nasa estratehikong depensiba pa rin ang antas ng kanilang digmaan. Sabagay, walang problema para sa mga panatiko sa hanay nila kung aabot man sila ng 100 taon ng gerilyang pakikidigma.

Ang hindi maipagkaila ay dumarami ang mga inosenteng sibilyan na nadamay sa digmaan sa pagitan ng isang kilusan na ang programa ay kapitalismo ng estado at sa karibal nito na naghaharing paksyon na kumakapit sa pribadong kapitalismo. Hindi rin problema sa mga maoista ang libu-libong masawi sa kanilang digmaan dahil tulad ng mga panatikong islamista, naniniwala silang isang kabayanihan ang mamatay at papatay para sa inangbayan at “natural” lamang sa isang digmaan ang “collateral damage”.

Ang armadong rebolusyon ng maoismo ay militarisasyon ng lipunan laluna sa kanayunan[19]. Ito rin ang ginawang palusot ng estado para mas palakasin pa ang kanyang lakas-militar – “sugpuin and insurhensya ng mga armadong gerilyang grupo.”

Pero maging si Mao ay nanghihikayat ng militarisasyon at digmaan para sa inang-bayan at kapitalismo ng estado:

“Huwag mabahala kung meron mang digmaan. Ito’y nangangahulugan lamang ng pagkakapatay ng mga tao at nasaksihan natin ang mga taong namamatay sa digmaan. Ang pagkalagas ng kalahati ng populasyon ay nangyari na ng ilang beses sa kasaysayan ng Tsina. Ang 50 milyong populasyon sa panahon ni Emperor Wu ng Dinastiyang Han ay bumaba sa 10 milyon sa panahon ng Tatlong Kaharian, ng dalawang Dinastiyang Chin at ng mga Dinastiyang Hilaga at Timog. Ang digmaan ay tumagal ng ilang dekada at paulit-ulit ng ilang daang taon, mula sa Tatlong Kaharian hanggang sa Dinastiyang Hilaga at Timog. Ang Dinastiyang T’ang ay nag-umpisa sa 20 milyong populasyon at ito’y di umabot sa 50 milyon hanggang kay Emperor Hsuan.  At si Lu-shan ay nagsagawa ng isang pag-alsa at ang bansa ay nahati sa maraming estado. Ito’y di napag-isa hanggang sa Dinastiyang Sung, matapos ang mga 100 o 200 na taon, sa populasyong humigit lang sa 10 milyon… di masyadong maraming taong namatay sa dalawang Digmaang Pandaigdig, 10 milyon sa una at 20 milyon sa pangalawa, pero meron tayong 40 milyong namatay sa isang digmaan. Gaano pala ka mapangwasak ang mga malalaking espada! Wala tayong karanasan sa digmaang atomika. Kung ilan ang mamamatay ay di malalaman. Ang pinakamabuting resulta ay ang kalahati na lamang ng populasyon ang matitira at ang pangalawang pinakamabuti ay isang-katatlo na lang. Kung 900 milyon ang matitira mula sa 2.9 bilyon, ilang limang-taong plano ay maaaring mapaunlad para sa ganap na pagkapawi ng kapitalismo at para sa permanenteng kapayapaan. Di na ito masama.” –Mao Tse-Tung (Pangalawang Talumpati sa Kongreso ng Partido, Mayo 17, 1958)    

Tunay ngang tapat na tagasunod ng Stalinismo si Mao at ang maoismo ay “pinaunlad” na Stalinismo.

Mahalagang suriin ang paraan ng pakikibaka kung ito ay nagsisilbi ba sa layunin ng uring proletaryado. Ang gerilyang pakikidigma sa kanayunan ay hindi proletaryong paraan ng pakikibaka kundi ng mga mapusok na peti-burges. Ang anumang porma ng pakikibaka ng proletaryado mula pa sa panahon nila Marx ay nakabatay sa malawak na pagkakaisa ng uring manggagawa bilang namuno at pangunahing uri ng rebolusyon laban sa kapitalismo. Ang gerilyang pakikidigma ay nakasalalay sa minoriyang bilang ng mga matatapang na tao na ini-organisa sa isang “hukbong bayan”. At masahol pa, sa absolutong pamumuno ng isang partido.

Totoong kailangang mag-armas ang mga manggagawa sa panahon ng isang rebolusyonaryong sitwasyon. Pero ang mga mulat na manggagawa mismo ang nag-armas at pinamunuan ito hindi ng kanilang partido kundi ng mismong organisasyon ng uring manggagawa – ang mga konseho at asembliya ng uri.[20]

Kaya isang malaking kabulastugan ang linya ng maoismo na “kung walang hukbong bayan walang kahit ano ang mamamayan”. Ang linyang ito ay peti-burges kung saan sasandal ang masang anakpawis sa armadong lakas ng iilan kaysa kanilang sariling lakas at pagkakaisa. Sa huling pagsusuri dahil nasa absolutong pamumuno ng isang partido ang hukbo, ang nangingibabaw ay ang otoridad ng partido na umaakong “representante” hindi lang ng uring manggagawa kundi ng buong bayan. Sa huling pagsusuri, ang “hukbong bayan” ay walang kaibahan sa sandatahang lakas ng estado – parasitikong pwersa ng lipunan.

Ang diktadura ng proletaryado ay hindi diktadura ng partido sa ngalan ng proletaryado. Kung ang armas sa panahon ng pakikibaka at sa yugto ng transisyon ang isa sa mga ekspresyon ng makauring diktadura, dapat ang armas ay nasa kontrol ng mga konseho at asembliya ng uring manggagawa mismo hindi sa ilalim ng estado o ng partido.

Sa usapin pa lang ng porma ng pakikibaka na dapat magsilbi sa layunin at sa panlipunang sistemang itatayo ng uring manggagawa, ang digmaang “bayan” ng maoistang PKP ay sablay na.

Ang sentral na ideolohiya ng maoismo ay burges na nasyunalismo. Matindi ang obsesyon nito sa baluktot na “anti-imperyalismo” kung saan ito ay anti-imperyalistang Amerika dahil “semi-kolonya” ng Amerika ang Pilipinas. Ang “anti-impeyalismo” ng maoismo ay hindi tunay na anti-imperyalismo dahil hindi ito tutol sa kapitalismo kung saan ang imperyalismo ay ang huli at dekadenteng yugto nito.

Sa teorya at praktika man, ang armadong rebolusyon ng maoistang kilusan ay laban sa sosyalismo at para panatilihin ang kapitalismo at ang paghari ng estado.

Ang kalakasan ng armadong pakikibaka ng maoistang kilusan ay nakasalalay sa mahina at hindi mulat-sa-uri na pakikibaka ng masang manggagawa sa Pilipinas.

Napakahirap at masalimuot ang tungkulin ng mga minoriyang komunista sa Pilipinas para labanan ang uring kapitalismo na Kanan at Kaliwa ang armas laban sa ating uri. Pero ang kahirapang ito ay mapangibabawan sa paglakas ng rebolusyonaryong kilusan ng manggagawa sa pandaigdigang saklaw.

Kung ang tunguhin ng daigdig ngayon ay “sosyalismo o pagkasira ng mundo”, walang duda na ang maoismo at ang gerilyang pakikidigma nito ay nagsisilbi sa huli, hindi sa una.

Internasyonalismo, Marso 2013

 


[1] Ang “leninistang” Partido ng Manggagawang Pilipino (PMP) ni Felimon Lagman ay may komprehensibong kritiko din sa maoismo sa Pilipinas. May pagsisikap man si Lagman na suriin ang maoismo gamit ang lente ng marxismo pero sa pangkalahatan ay sablay ang kanyang pagsusuri dahil ang kanyang balangkas ay nakabatay sa 19 siglo hindi sa panahon na nasa dekadenteng yugto na ang pandaigdigang kapitalismo. Para sa karagdagang kaalaman maaring basahin ang aming kritik sa pagsusri ni Lagman dito https://fil.internationalism.org/icconline/2007/lagman_summary

[2] “Ang pampulitikang tunguhing Mao Zedong sa loob ng Partido Komunista ng Tsina (PKT) ay lumitaw lamang noong 1930s, sa gitna ng kontra-rebolusyon kung saan ang PKT ay unang natalo at pisikal na nalalagas, at naging kasangkapan na ng kapital. Binuo ni Mao ang isa sa mga pinakamaraming paksyon na lumaban para sa kontrol ng partido, at sa gayon ay naglalantad ng kanyang pagkabulok. Ang Maoismo, mula pa sa umpisa, ay walang kaugnayan sa proletaryong rebolusyon maliban sa ito’y lumitaw mula sa kontra-rebolusyon na dumurog sa uring manggagawa.

Sa katunayan, nagawa lamang kontrolin ni Mao Zedong ang PKT noong 1945, nang ang “Maoismo” ay naging opisyal na doktrina ng partido, matapos magapi ang naunang dominanteng paksyong Wang Ming, at habang ang PKT ay lubos na lumahok sa nakakatakot na laro ng pandaigdigang imperyalistang digmaan. Kung gayon, ang pagsikat ng gang ni Mao Zedong ay direktang produkto ng kanyang pakipagsabwatan sa mga malalaking imperyalistang gangster.

Ang lahat ng ito ay maaring makakagulat kaninuman na alam lamang ang kasaysayan ng ika-20 siglong Tsina sa pamamagitan ng mga sulatin ni Mao, o sa burgis na pag-aaral ng kasaysayan. Sinasabing ginamit ni Mao ang sining ng pagpalsipika ng kasaysayan ng Tsina at ng PKT (nakinabang siya sa karanasan ng Stalinismo at sa mga gang na nauna pa sa kanya sa poder mula 1928 pataas) sa isang antas na kung saan ang simpleng pagsalaysay ng mga kaganapan na siyang nangyayari ay kailangan pang pumaimbulog sa hangin ng kuwentong-panstasya” (https://en.internationalism.org/ir/094_china_part3.html)    

[3] Si Prof. Jose Maria Sison ang nanguna para bumaklas sa maka-Rusyang PKP (1930) at itayo ang maka-Tsina na PKP (1968).

[4] Baluktot ang konsepto ng “anti-pasismo” ng maoistang PKP. Pinasimple lamang nila ito bilang anyo ng diktadura ng isang paksyon o tao ng naghaharing uri tulad ng batas military ng diktadurang Marcos o kaya ng marahas na panunupil ng estado sa mga rali at demonstrasyon. Ni walang kaalam-alam ang mga aktibista at tagasuporta nila sa kasaysayan ng paglitaw ng Pasismo sa Uropa bago ang WW II at ng materyal na batayan nito. Ni hindi alam ng mga maoista ano ang responsibilidad ng burges na demokrasya sa paglitaw ng pasismo sa pandaigdigang saklaw at paglitaw ng diktadurang Marcos noong 1972 sa particular. Ang pasismo ay isa sa tatlong tipo ng kapitalismo ng estado, o sa termino ng mga maoista, pambansang industriyalisasyon – 1) demokratikong kapitalismo ng estado, 2) stalinistang kapitalismo ng estado, 3) pasistang kapitalismo ng estado. https://en.internationalism.org/worldrevolution/201209/5140/there-danger-fascism-today

At kung pag-uusapan lang naman ang marahas na panunupil sa mga kaaway ng maoismo, ito ang sagot ni Mao: “460 iskolar lamang ang inilibing niya (Ch’in-Shih-huang, ang unang emperor ng Tsina) ng buhay, samantalang tayo ay 46,000 ang inilibing. Sa ating panunupil sa mga kontra-rebolusyonaryo, di ba pumapatay tayo ng mga kontra-rebolusyonaryong intelektwal? Minsan ay nakipagdebate ako sa mga demokratikong mamamayan: Inaakusahan ninyo kami na umaastang parang si Ch’n-Shih-huang, pero nagkamali kayo; nilagpasan namin siya ng 100 beses.” –Mao Tse-Tung (Unang Talumpati sa Kongreso ng Partido, Mayo 17, 1958). May kaibahan ba ang pasismo at maoismo? Kung sa marahas na panunupil ang pag-uusapan, malinaw na wala maliban sa ang huli ay nakatago sa maskara ng “demokrasya” at “sosyalismo”.

[5] Pinalabo pa ng maoismo ang pundamental na kaibahan ng “sambayanan” at proletaryado. Dinikdik sa kaisipan ng kanilang mga tagasunod, laluna sa kabataan na ang “sambayanan” at proletaryado ay iisa ang kahulugan. Kaya naman ang islogan nito ay “paglingkuran ang sambayanan” na walang iba kundi ang bloke ng apat na uri: manggagawa, magsasaka, peti-burgesya at pambansang burgesya. Sa medaling sabi, paglingkuran ang uring burges.

[6] Ang PKP (1930) ay pambansa-demokratiko din ang programa pero tutol sa gerilyang pakikidigma. Ang “leninistang” Kaliwa ay may balangkas na “minimum” na programa (burges-demokratiko) at “maksimum” na programa (sosyalista) hango sa modelo ng Ikalawang Internasyunal sa panahon na progresibo pa ang kapitalismo.

[7] Walang alam ang maoismo sa materyalismong-istoriko at sa kasaysayan mismo ng pakikibaka ng internasyunal na proletaryado. Wala sa kasaysayan ng pakikibaka nito kahit pa sa panahon noong 19 siglo na sumusulong pa ang kapitalismo na namuno ang uring proletaryado sa isang rebolusyon na hindi kanya. Wala sa kasaysayan na naging “proxy” ang isang uri sa isang rebolusyon dahil ang uring dapat mamuno nito ay umatras na. Ang “bagong” tipong burges na rebolusyon ay isang luma at ngayon bulok at kontra-rebolusyonaryo na sa panahon ng dekadenteng kapitalismo.

[8] Hindi na muna sakupin ng artikulo ang marxistang sagot sa burges na argumento ng maoismo na “mala-kolonyal at mala-pyudal” ang Pilipinas. Una sa lahat, ang aktwal mismo na ebolusyon ng kapitalismo sa Pilipinas at buong mundo ang magpapatunay na hindi na mala-pyudal ang moda ng produksyon sa Pilipinas kundi atrasadong kapitalistang bansa. Maging ang ibang paksyon ng Kaliwa ay inamin na tahasang mali ang pananaw na hindi kapitalista ang moda ng produksyon ng bansa sa kabila na ang kanilang pagsusuri ay nakakulong sa pambansang balangkas sa halip na ang tamang balangkas ay pandaigdigan.

[9] Maraming beses na pinakita ng kasaysayan na hindi nagawa ng estado na pigilan ang antagonistikong kompeisyon at agawan ng teritoryo ng mga pambansang kapital sa panahon na progresibo pa ang kapitalismo. Maraming digmaan ang nangyari sa 19 siglo. Pero dapat pansinin na karamihan sa mga digmaang ito ay dahil sa pangangailangan ng kapitalismo na durugin ang mga labi ng pyyudlismo para ganap na masakop nito ang mundo. Maging ang mga kolonyalistang digmaan sa 19 siglo ay sa pangkalahatan progresibo kung pagbatayan ang tunggalian ng progresibong kapitalismo laban sa reaksyunaryong pyudalismo. Sa pangkalahatan, ang nanalo at natalo ay parehong umunlad noong panahon na progresibo pa ang kapital. Hindi na ito ang nangyari sa pagpasok ng kapitalismo sa kanyang dekadenteng yugto. Ganun pa man, partikular sa larangan ng ekonomiya, “referee” ang pangkalahatang papel ng estado sa lipunan noong 19 siglo. Para sa karagdagang kaalaman kung ano, bakit may digmaan sa panahon ng kapitalismo at ano ang tindig ng mga marxista dito maaring basahin ito: https://en.internationalism.org/node/3622, https://en.internationalism.org/wr/275_irrationality.htm

[10] Sumabog ang krisis ng kapitalismo ng estado noong huling bahagi ng 1960s. Noong 1980s ay nagbalangkas ng “bagong” pang-ekonomiyang patakaran ang internasyunal na burgesya – Reaganomics at Thatcherism – ang ama at ina ng “globalisasyon”. Para sa mga “globalista” naging problema na ang panghihimasok ng estado sa ekonomiya at dapat lang na hayaan ang pribado at merkado ang magpasya. Inamin mismo ng kritika ng isang paksyon ng burgesya na hindi nasolusyonan ng kapitalismo ng estado ang permanenteng krisis ng dekadenteng kapitalismo. Subalit ang solusyon ng Reaganomics/Thatcherism na halos katulad noong 19 siglo ay sumabog noong 2006-07. Kapitalismo ng estado o pribadong kapitalismo man ang solusyon, hindi nito mapigilan ang tuloy-tuloy na pagbulusok-pababa ng sistema ng kapital.

[11] Sa salita ay tanggap ng mga maoista at iba pang paksyon ng Kaliwa na bulok at bangkarota na ang kapitalismo. Subalit lagi na lang silang naghahanap ng mga palusot para bigyang katuwiran ang pambabastardo nila sa marxismo. Ginawa nilang palusot na dahil atrasado ang moda ng produksyon ng Pilipinas ay kailangan muna itong “paunlarin” (industriyalisasyon) para masimulan ang sosyalistang konstruksyon. At para sa kanila, ang solusyon ay “pambansang industriyalisasyon” o kontrol ng estado sa ekonomiya. Dahil dito ay nalantad ang kontradiksyon ng kanilang interpretasyon: “bulok na ang kapitalismo pero kailangan natin itong paunlarin para makamit ang sosyalismo”. “Umunlad” at naging “industriyalisado” nga ang mga bansang kapitalista-ng-estado. Pero pag-unlad at industriyalisado para kanino? Higit sa lahat, maging ang “kaunlaran” at “industriyalisasyon” na sinasabi nila ay mula sa mala-hayop na pagsasamantala at pang-aapi sa kanilang mga manggagawa. Ganun pa man, hindi pa rin nakaahon ang karamihan sa mga bansang ito mula sa kategoriya ng pagiging nasa ikatlong daigdig. Sa panahon ng imperyalismo ang tunguhin ng mundo ay patungo sa pagiging kondisyon ng ikatlong daigdig sa halip na patungong unang daigdig. Ang krisis sa Uropa – Greece at Spain -- ay patunay na kasinghirap na ang mga mamamayan doon sa mga kapatid nila na nasa ikatlong daigdig.

[12] Patuloy ang propaganda ng internasyunal na posible pang uunlad at maging industriyalisado ang mga bansang nasa “ikatlong daigdig”, na mapantayan o kaya malagpasan nito ang inudtriyalisasyon na naabot ng mga lumang kapitalistang kapangyarihan. Para sa burgesya “eternal” ang kapitalismo at “patuloy itong sumusulong”. Maraming pinagyabang na modelo ang burgesya: “Asian Tigers”, BRICS (Brazil, Russia, India, China, South Africa). Ang mga bansang ito ay mas matindi ang krisis at kilusang protesta laban sa kahirapan ang naranasan kaysa kaunlaran.

[13] Ang umiiral na mga “sosyalistang” estado, maliban sa hindi ito diktadura ng proletaryado ay hindi humina kundi lalupang pinalakas ng mga partido “komunista” na may kontrol dito. Isang malaking kasinungalingan na ang sosyalismo ay ang estado na kontrolado ng isang partido “komunista”. Dinidikdik sa utak ng mga mahihirap na masa na ang pag-asa para sila lumaya ay nasa estado sa halip na nasa kanilang mga kamay mismo.

[14] Ang mga ideolohista ng maoismo ay nanindigan na ang pagiging “mala-pyudal” (hindi kapitalista) ay dahil diumano sa mulat na pambabansot ng imperyalismo sa kanayunan sa pamamagitan ng alyansa ng imperyalismo at pyudalismo. Sa ilusyon ng maoismo ay “totoo” ito pero hindi sa marxismo at sa realidad. Nanindigan ang materyalismong istoriko na iiral at uunlad lamang ang kapitalismo mula sa mga guho ng pyudalismo. Subalit may huling palusot pa ang maoismo: partikular lang daw ito sa mga atrasadong bansa tulad ng Pilipinas dahil aminado naman sila na kapitalismo na ang pandaigdigang sistema. Ito ang resulta ng “diyalektikong-materyalismo” ng maoismo. Ginawang “internal” ang bansa at “eksternal” ang daigdig sa halip na tingnan ito sa relasyong bahagi-kabuuan. Sa ganitong kontra-rebolusyonaryong linya nila tiningnan na ang imperyalistang India ay isang “mala-kolonyal at mala-pyudal”! At dahil baluktot din ang unawa nila sa imperyalismo dahil sa dogmatikong aplikason nila sa imperyalismo ni Lenin (kung buhay pa si Lenin malamang isang sakong mura ang sagot nito sa mga maoista) ay hindi nila kinilalang isang imperyalistang kapangyarihan ang Tsina kundi isang rebisyunistang kapitalistang bansa lamang.

[15] Hindi namin ginagamit ang terminong “magsasaka” dahil sa marxistang pagsusuri ang kanayunan ay binuo ng maraming mga uri kung saan ang salitang “magsasaka” ay ang maraming mga uri na kumkilos sa kanayunan. Tinatago ito ng maoismo. Maging ang kanyang pag-iba-iba ng mga uri sa kanayunan at puno ng mga distorsyon para lamang maipakita na ang magsasaka ay isang uri at 70% ng populasyon sa kanayunan ay magsasaka.

“Ang magsasaka sa batayan ay hindi na umiiral; sa halip ay mayroon, sa isang banda, isang manggagawang-bukid, at sa kabilang banda, iba’t-ibang mga panlipunang tipo ng ‘magsasaka’, mula sa malalaking nagmamay-ari ng lupa hanggang sa walang trabaho.”

“Ang mga manggagawang-agrikultural ay hindi kabilang sa magsasaka, kahit na tinataglay nila ang mga hindi matwid na opinyon at ideolohiya nito; sila ay distakamento ng proletaryo sa kanayunan at ang kanilang makauring interes ay hindi naiiba mula sa proletaryo sa pangkalahatan. Ang kanilang labis na mababang sahod at hindi-istableng kondisyong pangkabuhayan – kawalang trabaho, panunupil ng mga pribadong hukbo ng panginoong maylupa tulad ng sa Latin America – ay walang dudang naglalagay sa kanila bilang pinaka-pinagsasamantalahang bahagi ng uring manggagawa. Ang kanilang madulang pagkahiwalay mula sa kalakhan ng proletaryo ay nabigyang-diin ng kanilang mahinang konsentrasyon sa pangkalahatan at ng kanilang minoryang posisyon sa kanayunan, labas sa mauunlad na mga bansa’t rehiyon ng pagsasakang plantasyon. Sa hinaharap, ang isa sa mga tahas ng proletaryo ng lungsod ay tiyak na ang pagdadala sa makauring pakikibaka tungo sa kanayunan, na may mahigpit na suporta ng mga proletaryo sa kanayunan. Ito’y isang mahirap na gawain sa kabila ng kanilang pagkawatak-watak at kahinaan ng bilang: tinatantiya na sila’y bumubuo ng di hihigit sa 10-20% ng popoulasyong agrikultural sa buong mundo.”

Para sa karagdagang kaalaman, mangyaring aralin ito https://en.internationalism.org/node/2942

[16] Noong 1949 ng maagaw ng maoistang PKT ang estado, pinamahagi nito ang lupa sa mga mahihirap sa kanayunan na walang lupa. Pero ito ay pansamantala lamang dahil binawi ito ng estado at ng mga kooperatiba na kontrolado ng estado. Ang naiwan sa mga mahihirap ay ang “karapatan” na bungkalin ang lupa at naglaho na ang pag-aari sa lupa:

“Matapos ang 1949, ang mga magsasakang kinakategoriya ng mga Komunista bilang “mahihirap na mga magsasaka” ay binigyan ng pagmamay-ari ng lupa na kinukuha mula sa mga panginoong maylupa at mga mayayamang magsasaka. Ang mga asyenda at malalaking sakahan ay hinahati at ang mga magsasaka ay nakatanggap ng mga maliliit na parsela ng lupa. Isang magsasaka ang nagsabi sa New York Times, “Oo, kami ay labis na maligaya – lahat ay maligaya na nakakuha kami ng lupa!”

“Ang mga magsasaka ay di nakapwesto ng matagal sa kanilang lupa. Sa huling bahagi ng 1950s, ang pribadong pagmamay-ari sa lupa ay inalis at ang mga magsasaka ay binigyan ng karapatang gumamit sa lupa nguni’t di sa pagmamay-ari.  Ang lupa mula noon ay pag-aari na ng Estado. Ang mga magsasaka ay inoorganisa sa mga team at kalauna’y sa mga kolektibo at nagiging mga miyembrong walang-pag-aari ng mga “komyun ng sambayanan.”

(http://factsanddetails.com/china.php?itemid=347)

[17] Ang sinasabing “demokratikong gobyernong koalisyon” ng maoismo ay walang iba kundi ang “bloke ng apat na mga uri” na nagpahayag ng katapatan sa pamumuno ng partido “komunista”. Sa kasalukuyang praktika ng PKP, hindi na lang “apat na bloke” kundi kabilang na ang malalaking kapitalista, mga bilyonaryo at malalaking burges na pulitiko.

[18] Ang Tsina ay naging alyado ng Rusya sa simula tapos ng Amerika noong 1970s hanggang ngayon. Ganun din ang nangyari sa Byetnam. Ang North Korea ay naging alyado ng imperyalistang Rusya at imperyalistang Tsina. Ang Cuba ay naging alyado ng Rusya at ngayon ay nagtatangkang maging imperyalistang kapangyarihan sa rehiyon ng Latin/Central Amerika kaalyado ang Venezuela. Ang Nepal ay naging alyado ng Tsina laban sa kanyang karibal na imperyalistang India. Sa madaling sabi, lumaya sila sa isang imperyalistang kapangyarihan para lumipat sa isa pa o kaya naging ambisyosong imperyalistang kapangyarihan mismo. Tiyak ito rin ang tunguhin ng Pilipinas sa ilalim ng isang maoistang rehimen.

Higit sa lahat, ang sosyalismo (transisyunal na yugto kung saan dominado ang lipunan ng diktadura ng proletaryado) ay mangyari lamang sa internasyunal na saklaw. Ang stalinismo lamang, kasama ang mga paksyon ng burgesya na nanindigan sa kapitalismo ng estado ang naniwala sa “sosyalismo ng isang bansa”.

[19] Noong 1980s ay umabot ang militarisasyon sa kalunsuran dahil sa partisanong pakikidigma ng PKP-BHB.

[20] Sa rebolusyong Ruso at Aleman sa unang rebolusyonaryong alon noong 1917-23 ay nag-armas ang masang manggagawa. Pero ang armadong manggagawa ay nasa pamumuno ng konseho ng manggagawa (sobyet) hindi ng Partidong Bolshevik. 

 

Rubric: 

Maoismo