Eleksyon na naman...boboto ka pa ba at mangampanya na boboto din ang manggagawa at mahihirap?

Printer-friendly version

 

Ngayong darating na Mayo ay eleksyon na naman para sa pambansa at lokal na mga posisyon. May bago ba? May pagkakaiba ba ang darating na eleksyon sa mga nakaraang halalan?

Ano ang eleksyon?

Ayon sa mga burges na demokrata ang eleksyon ay okasyon para piliin ng taumbayan ang mga kinatawan nila sa gobyerno upang paglingkuran ang una ng huli sa loob ng tatlo, anim o higit pang mga taon. Samakatuwid, ayon sa propaganda ng naghaharing uri, ang halalan ay ekspresyon ng kapangyarihan ng taumbayan. Ito ang sabi nila at nais nilang maniwala tayong mga manggagawa at maralita.

Ano ang katotohanan sa likod ng mga propaganda ng mga mapagsamantalang uri?

Ang eleksyon ay regular na aktibidad ng isang demokratikong anyo ng burges na paghari para manatili ang kapitalistang sistema – ang kasalukuyang kaayusan na siyang dahilan ng kahirapan, digmaan at pagkasira ng kalikasan sa buong mundo.

Ang demokrasya ay anyo ng diktadura ng mapagsamantalang mga uri sa lipunang kapitalista. Isang anyo ng diktadura na punung-puno ng mga ilusyon at matatamis na pangako at deklarasyon. Sa Pilipinas, mahigit 50 taon na ang demokratikong halalan kung saan iba’t ibang paksyon at angkan  ng burgesyang Pilipino ang nagsasalitan sa Malakanyang, Kongreso at lokal na pamahalaan[1].

Ebolusyon ng eleksyon sa Pilipinas

Bago pa man ang “ganap na kalayaan” ng bansa mula sa imperyalistang Estados-Unidos noong 1946 ay sinanay na ng kolonyalistang Amerikano ang burgesyang Pilipino paano maging burukrata at paano matiyak na ang katapatan nito ay manatili kahit matapos maibigay ang “pampulitikang kalayaan” ng Pilipinas. Ang pamahalaang Commonwealth noong 1935-45 ang institusyon para masanay ang burgesyang Pilipino paano ipatupad ang diktadura ng burgesya sa pamamagitan ng demokrasya.

Kasabay ng pananakop ng isa sa pinakamalakas na kapitalistang bansa ng mundo noon sa Pilipinas ay ang obligasyon nitong turuan ang huli ppano maging burges: demokrasya at eleksyon.

Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig kung saan natalo ang imperyalistang Hapon at muling nakontrol ng imperyalistang Amerika ang Pilipinas sa tulong ng lokal na burgesya (paksyon nila Manuel Quezon) at ng stalinistang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP-1930), binitawan ng Amerika ang Pilipinas bilang isang kolonya nito at binigyan ng pampulitikang kalayaan. Ibig sabihin, ang lokal na burgesya na mismo ang direktang mamuno at mamahala sa sistemang kapitalismo ng bansa. Dito na rin nagsimula ang demokratikong anyo ng diktadura ng burgesyang Pilipino.

Mas napabilis ang pagbigay ng “kalayaan” sa Pilipinas ng imperyalistang Amerika dahil sa paghasik ng ideolohiyang nasyunalismo at pambansang kasarinlan ng kanyang karibal na imperyalistang Rusya para makuha ng huli ang simpatiya at suporta ng mga kolonya ng Amerika bago ang WW II.

Ang burges na eleksyon ay nagsimula sa dalawang-partido na halaw sa tradisyon ng imperyalistang Amerika. Kahit sa panahon pa ng Commonwealth ay kinopya na ng burgesyang Pilipino ang sistemang pulitikal ng Amerika. Sa madaling sabi, salitan ang dalawang partido sa pagiging administrasyon at oposisyon.

Noon pa mang 1950-60s ay nagtangka na ang kaliwa ng burgesya na lumahok sa eleksyon (hindi lang armadong pakikibaka) sa pangunguna ng Democratic Alliance na legal na prente ng PKP-1930. Subalit naunsyami ang kanilang pangarap at bumalik sila sa armadong pakikidigma laban sa karibal na paksyon.

Noong panahon ng Batas Militar ay naglaho ang sistemang dalawang-partido at pumalit ang monopolisasyon ng isang partido, ang Kilusang Bagong Lipunan (KBL) ni Marcos. Ibig sabihin ng isang paksyon lamang ng naghaharing uri ang may lubusang kontrol sa kapangyarihang pulitikal. Ang burges na oposisyon ay nakikita sa lansangan hindi sa halalan. Sa panahon ding ito sumikad ang alyansa ng maoistang Partido Komunista ng Pilipinas sa paksyon ng naghaharing uri na lumalaban sa diktadurang Marcos. Kapwa ang “radikal” na kaliwa ng burgesya (maoistang PKP) at ang burges na oposisyon ay hindi lumahok sa halalan ng rehimeng Marcos.[2]

Ng mapatalsik ang rehimeng Marcos at pumalit ang paksyon ni Cory Aquino noong 1986, muling sumigla ang demokratikong ilusyon ng mamamayan. Tinagurian ito ng buong naghaharing uri na “panunumbalik ng demokrasya”. 

Simula noong panahon ni Cory Aquino lumitaw ang mga bagong partido ng burgesya na itinayo ng mga bagong paksyon ng naghaharing uri: Lakas-CMD-NUCD ni Heneral Ramos, Laban ng Demokratikong Pilipino ni Ramon Mitra (Angara na ngayon), Partido ng Masang Pilipino ni Joseph Estrada, Nacionalist People's Coalition ni Danding Cojuangco at PDP-Laban ni Aquilino Pimentel. Halos naglaho na ang mga partidong lumitaw noong panahon ng diktadurang Marcos.

Hindi nagpahuli ang maoistang kilusan sa hatak ng “panunumbalik ng demokrasya”. Lumahok sila sa halalan noong 1987 ng itayo nila ang Partido ng Bayan at nagpatakbo ng mga senador.

Sa panlabas ay multi-party system na ang eleksyon ng Pilipinas mula 1986. Pero sa esensya ito ay dalawahang partido pa rin dahil sa mga koalisyon kung saan may nangungunang mga partido.

Ang mga koalisyon ng mga paksyon para labanan ang kanilang mga karibal na paksyon ay mas tumingkad noong 1990s. Ito ay indikasyon ng paghina sa kabuuan ng naghaharing uri at pagtindi ng kanilang mga tunggalian. Walang partido ang may kakayahang ipanalo ang kanyang mga kandidato na nag-iisa lang. Subalit mas lalupang naging mabuway at napaka-temporaryo ng mga koalisyon.

Sa kasalukuyan, sa ilalim ng paksyong Noynoy Aquino, sa kabila ng pagtatangkang ibalik ang dalawang-partido sa pulitika ng bansa – Nacionalista at Liberal – ang halalan ngayong Mayo ay nakitaan na naman ng mga koalisyon – Team PNoy (koalisyon ng Nacionalista, Liberal at NPC) at UNA (koalisyon ng PMP, PDP-Laban). Dagdag pa, may mga kandidato ang Team PNoy na kandidato din ng UNA. Mas lalong naging malinaw na walang kaibahan sa programa ang administrasyon at oposisyon.

Dinastiya: bunga ng dekomposisyon ng dekadenteng kapitalismo

Sa kabilang banda, mas tumindi at garapalan ang dinastiya ng mga angkan kung ikumpara noong 1950s-60s.  Maliban sa panunumbalik sa napatalsik na mga angkan, laluna ang angkang Marcos sa pambansang pulitika ay lumitaw ang mga bagong angkan na mas gahaman sa kapangyarihan. Ang administrasyon at oposisyon mismo sa pambansang antas ay pinangunahan ng mga angkan – angkang Aquino, Villar, Estrada at Binay.

Ang pagtindi at pagiging garapal ng pampulitikang dinastiya ay kongkretong manipestasyon na tumitindi ang krisis ng sistema dahil mahigpit ng nakaangkla sa pagyaman ng naghaharing uri ang paghawak sa kapangyarihan. Kung nais ng isang angkan na manatiling mayaman ay ipaglaban niya ng patayan ang kanyang pampulitikang kapangyarihan laban sa kanyang mga karibal.

Sa pagpasok ng dekadenteng kapitalismo sa kanyang naaagnas na yugto simula 1980s ay ang lubusang pangingibabaw ng kaisipang “bawat isa para sa kanyang sarili” sa hanay ng naghaharing uri. Ang mga sub-paksyon sa isang paksyon ng mapagsamantalang uri ay hindi na kontrolado ng nangungunang paksyon kumpara noong 1960s at 70s. Ang mga sub-paksyon ay may kanya-kanyang dinamismo kung saan ang layunin ay maungusan ang pangunahing paksyon.

Sa pambansang antas makikita natin ito noong pagbaliktad ng paksyong Ramos-Enrile kay Marcos, ng paksyong Arroyo sa paksyong Estrada. Sa lokal na antas ay nakikita natin ang pagsuwag ng sub-paksyon sa kanyang amo: Alfredo Lim vs Isko Moreno ng Maynila, Duterte at de Guzman sa Davao City, Tommy Osmena at Alvin Garcia (ngayon ay ang paksyong Rama) ng Cebu City. Sa Camarines Sur naman ay ang matinding bangayan mismo ng pamilyang Villafuerte (Ama vs Anak/Apo). At marami pang iba.

Ang kapitalismo na nasa kanyang naaagnas na yugto ang dahilan ng paglala ng pampulitikang dinastiya sa bansa.[3]

Ebolusyon ng Kaliwa sa paglahok sa burges na eleksyon

Tulad ng nabanggit sa itaas, 1950s pa ay lumahok na ang Kaliwa sa eleksyon. Naunsyami lamang ito noong panahon ng diktadurang Marcos. Noong panahon ni Cory Aquino ay lumahok din ang Kaliwa sa eleksyon ng estado.

Subalit ang naging “shabu” para sa Kaliwa ay ang party-list system na sinimulan noong 1998. Tuluyan ng hinubad ng Kaliwa ang kanyang maskara bilang isang rebolusyonaryong alternatiba sa kapitalistang sistema.

Mula 1998 ay maraming paksyon na ng Kaliwa ang lumahok sa halalan sa pamamagitan ng partylist. Nangunguna dito ang “Leninistang” grupo ni Felimon Lagman, ang sosyal-demokratikong Akbayan, ang Trotskyistang RPA-ABB at ang maoistang PKP.

Bagamat nag-aastang “pinaka-radikal” sa lahat ng paksyon ng Kaliwa, nakitaan ng mas pagiging adik sa burges na eleksyon ang maoistang kilusan. Hindi sila kontento sa isang partylist lamang. Gusto nila na halos lahat ng kanilang mga sektoral na organisasyon ay makapasok sa bulok na kongreso. Hindi rin nakontento ang Kaliwa sa party-list lang. Nais din nilang makapasok sa Senado at sa mga lokal na gobyerno.

Maliban sa paglahok, mas naging lantad na ang alyansa ng Kaliwa sa malalaking burges na partido. Ang maoistang Bayan Muna at sosyal-demokratikong Akbayan ang unang nagladlad sa harap ng publiko noong pampangulohang eleksyon ng 2010 kung saan ang una ay hayagang sumuporta sa kandidatura ng bilyonaryong si Manny Villar bilang presidente at pumasok sa line-up ng Nacionalista Party habang ang huli naman ay kay Noynoy Aquino at sa Liberal Party. Tahimik naman sa pagbatikos ang ibang paksyon ng Kaliwa sa ginawa ng Bayan Muna at Akbayan dahil ito rin ang plano nila. Nagkataon lang na mas malakas ang Bayan Muna at Akbayan sa pananaw ng malalaking burges na partido.

Ang integrasyon ng Kaliwa sa kapitalistang sistema at estado ay mas naging malinaw ng naging bahagi na ng kanilang estratehiya ang pagpasok sa loob ng estado.

Ano ang kabuluhan ng eleksyon para sa masa?

Mula 2010 ay ganap ng naghubad ng maskara ang buong pwersa ng Kaliwa at sa partikular ang “pinaka-radikal” na paksyon nila – ang maoistang kilusan – bilang bahagi ng demokratikong diktadura ng burgesya.

Hindi lang parang “shabu” ang eleksyon. Ito ay isang napakalaki at enggrandeng piging kung saan aaliwin ng naghaharing uri at paksyon ng Kaliwa ang masa sa mga ilusyon ng burges na demokrasya.

Habang nagtulong-tulong ang media, estado, simbahan, mga partidong pulitikal at “progresibong” organisasyon sa panghihikayat sa masa na maging “responsable at iboto ang mga kandidato na karapat-dapat sa pwesto”, hindi na sagrado sa maraming mahihirap ang halalan kundi isang okasyon para mapagkakakitaan ng pera.

Sa ilang dekada ng eleksyon sa bansa, mas lumala ang paraan ng naghaharing uri ng pamimili ng boto para lamang manalo liban pa sa pananakot at manipulasyon kakutsaba ang COMELEC. Kaya naman ang nakita at naunawaan ng masa ay ang eleksyon ay walang kwenta maliban sa mapagkakakitaan ng konting pera pambili ng makakain ng kanilang hirap na pamilya.

Tulad ng droga, umabot na sa yugto na wala ng epekto sa masa ang mga talumpati, deklarasyon at pangako ng mga kandidato tuwing eleksyon dahil saksi sila na walang natutupad sa mga ito kundi nagpapayaman lamang ang mga nanalo ng maupo sa pwesto.[4] Para sa mahihirap, ang kalagayan nila ay walang kaibahan sa panahon ng hayagang diktadura ng naghaharing uri – rehimeng Marcos – at “patagong diktadura” ng demokrasya mula ng mapatalsik si Marcos. Lumala ang kahirapan, kawalan ng trabaho, mababang sahod, pagtaas ng presyo, kriminalidad, kaguluhan at pagkasira ng kalikasan.

Kung boboto man ang mahihirap, maliban sa pera ay dahil takot sila sa pananakot ng estado sa mga parusa kung wala silang rekord na bomoto o kaya kahirapan sa legal na rekisitos na kailangan nila para makahanap ng trabaho o transaksyon sa mga institusyon at bangko.[5]

Pakikibaka para sa reporma ngayon, balido pa ba?

Ayon sa Kaliwa – laluna ang mga “leninista” at maoista – magagamit daw ang paglahok sa eleksyon para tataas ang rebolusyonaryong kamulatan ng masa at lalakas ang rebolusyonaryong kilusan.

Ang “teoretikal” na sangkalan ng Kaliwa ay ang pampleto ni Lenin na “Kaliwang-Komunismo, Sakit ng Kamusmusan” habang salat o kaya walang komprehensibong kaalaman at unawa sa mga debateng nangyari sa loob ng Komunistang Internasyunal sa usapin ng parliyamentarismo at unyonismo.[6]

Ang batayan para sa pakikibaka sa reporma ay ang kapasidad ng naghaharing sistema. Narito ang malaking pagkakamali ni Lenin at nasa baluktot na balangkas ng kanyang argumento bakit daw dapat lumahok sa parliyamento ang mga rebolusyonaryo. Hindi na nakita ni Lenin ang kanyang malaking pagkakamali dahil namatay na siya. Hindi na niya nakita ano ang nangyari sa mga rebolusyonaryong partido na lumahok sa eleksyon. Ang kamalian ni Lenin ay ginawang dogma ng Kaliwa ngayon.

Para sa mga rebolusyonaryo 1900s pa pumasok na ang pandaigdigang kapitalismo sa kanyang dekadenteng yugto kung saan wala na itong kapasidad pa na magbigay ng mga makabuluhang reporma para sa masang manggagawa. Hindi lang sa usapin ng teorya ito napatunayan kundi higit sa lahat sa aktwal na karanasan ng proletaryado ng mundo.[7]

Para sa kasalukuyang henerasyon ng mga rebolusyonaryo, wala ng mas matingkad na balidasyon kundi ang krisis ng kapitalismo noong 2006-07 na unang sumabog sa Amerika. Mula noon patuloy sa paglala ang krisis na kahit ang mga ekspertong ekonomista ng burgesya ay nahirapan ng sabihin na “may liwanag pa sa dulo ng tunnel”.

Subalit dahil nalulong sa kanilang dogmatismo at kawalan ng diyalektikal-materyalistang pagsusuri, kumakapit pa rin ang Kaliwa (hindi lang sa Pilipinas) sa dogma na inilibing na ng aktwal na praktika ng tunggalian ng uri ng mundo sa loob ng mahigit 100 taon.

Dalawang matingkad na isyu sa Pilipinas ang maari nating banggitin na magpatunay sa kainutilan ng pakikibaka para sa reporma (na sa praktika ay tahasan ng nauwi sa repormismo): 125 legislated wage increase nationawide at ang “tunay” na repormang agraryo. Ang 2 isyung ito ay ilang dekada ng isinusulong ng Kaliwa (laluna ng mga maoista) sa loob ng bulok na kongreso.

Hanggang ngayon sa kabila ng pagdami ng mga maoistang kongresista at “matagumpay” na pakikipag-alyansa nila sa mga burges na politiko, walang nangyari at hindi umusad ang mga isyung kanilang ipinaglalaban sa loob ng kongreso. Subalit para sa mga maoista at Kaliwa sa kabuuan ito ay hindi dahil sa kawalan ng kapasidad ng sistema kundi sa kakulangan ng dami nila sa loob ng burges na parliyamento. Kaya naman nagsisikap silang mas dadami pa kahit na lantaran silang makipag-alyansa sa mga buwayang pulitiko at malalaking burges na partido.

Halos lahat ng mga tagumpay ng uring manggagawa na nakuha nila sa pakikibaka para sa reporma noong 19 siglo ay binabawi na ngayon ng uring kapitalista: regular na trabaho, sapat na sahod, pagbawal sa kabataang manggagawa at proteksyon sa kababaihan laluna ang manggagawa.

Salungat sa argumento ng Kaliwa, ang pagtaas ng tunay na sahod ng manggagawa at regular na trabaho sa panahon na nasa matinding krisis ang kapitalismo at nasa rurok na ang kahibangan ng kompetisyon ng bawat pambansang kapital para sa pandaigdigang pamilihan ay hindi maibigay sa pamamagitan ng mga batas ng estado kundi sa malawakang pakikibaka ng manggagawa sa lansangan at pangmasang welga na magbubukas sa posibilidad ng rebolusyon. Ang tanging “alyado” ng manggagawa sa isang bansa sa labang ito ay hindi ang kanilang sariling pambansang burgesya kundi ang internasyunal na proletaryado. Ibig sabihin, ang makabuluhang konsesyon ng kapital sa usaping ito (kung may huling maibubuga pa sila) ay nakasalalay sa paglikha ng isang rebolusyonaryong sitwasyon. 

Samakatuwid, kaiba noong 19 siglo na ang kagyat na mga kahilingan ng proletaryado ay nakasandal sa kakayahan ng sistema (kaya tinatawag pakikibaka para sa reporma), ang kagyat na mga pakikibaka ng uri ngayon ay mahigpit na nakaangkla sa pagbagsak sa bulok na kaayusan.

Sa teorya at praktika, wala ng saysay ang linyang pakikibaka para sa reporma sa panahon ng dekadenteng kapitalismo. Ang mga kaganapan ngayon at ebolusyon ng kapitalismo ay kumpirmasyon sa tindig ng minoriya sa loob ng Komunistang Internasyunal, ang minoriya na tinawag na mga kaliwang-komunista.

Bulok ang eleksyon dahil bulok na ang kapitalismo

Kung noong 19 siglo ay lumahok ang mga rebolusyonaryo sa burges na parliyamento, ito ay dahil progresibo pa ang kapitalismo at may kapasidad pa itong magbigay ng mga makabuluhang reporma. Pero sa pagpasok ng 20 siglo ay nanindigan na ang mga marxista na wala ng saysay ang paglahok sa eleksyon.

Kung ang isang atrasadong masa ay naniwala pa sa kabuluhan ng eleksyon, hindi ito mahirap intindihin para sa mga rebolusyonaryo. Pero kung ang isang organisasyon na umaangking komunista at rebolusyonaryo ay nangampanya mismo at nanawagan sa masang manggagawa na lumahok at boboto (sa pamamagitan ng kanilang mga kontroladong legal na organisasyon, partylist at mga kandidato), hindi lang ito oportunismo kundi tahasang pagtraydor sa marxismo at proletaryong rebolusyon.[8]

Ang layunin ng isang komunistang organisasyon sa kanyang anumang interbensyon sa pakikibaka ng manggagawa ay para mabuo ang makauring pagkakaisa para manalo ang komunistang rebolusyon. Sa panahon ng dekadenteng kapitalismo ang paglahok sa parliyamento at pagboto, kaiba noong 19 siglo, ay ganap ng hadlang para susulong ang proletaryong rebolusyon. Hindi na pakikibaka para sa reporma ang usapin ngayon kundi pakikibaka na para ibagsak ang kapitalismo.

Internasyonalismo, Pebrero 2013

 


[1] May “patlang” lang ang demokratikong anyo ng diktadura ng maghari ang hayagang diktadura ng rehimeng Marcos noong 1972 hanggang 1986.

[2] Noong 1978 ay nilabag ng komiteng rehiyon ng Manila-Rizal sa pamumuno ni Felimon Lagman ang atas ng maoistang PKP na boykot. Lumahok sila sa eleksyon, nagpatakbo ng mga kandidato at nakipag-alyansa sa paksyon ni Benigno Aquino Jr. na bilanggo noon. Dahil sa paglabag ay binigyan ng aksyong pangdisiplina ang mga kadre ng rehiyon. Ang paksyon ni Lagman ang nagdeklarang tapat sila sa “Leninismo” hindi sa maoismo noong baklasan ng 1992.

[2]At noong snap presidential election ng 1986 kung saan tumakbo si Cory Aquino bilang katunggali ni Ferdinand Marcos sa eleksyong pampangulohan ay iniwan ng burges na oposisyon ang maoistang kilusan na boykot ang tindig at aktibong nangampanya ang una sa kandidatura ni Aquino.

[3] Hindi lang ang mga atrasadong bansang kapitalista ang may pampulitikang dinastiya. Ang mga “sosyalistang” bansa na umiiral pa hanggang ngayon dahil sa kombinasyon ng stalinismo at kulto ng personalidad/angkan ay pinamunuan din ng mga angkan na tila ba banal n autos mula sa Diyos – Hilagang Korea at Cuba. Maging ang modelo ng “sosyalismo ng 21 siglo” ng Latin/Central Amerika ay sa ganitong daan din tumatahak.

[4] Sa panig naman ng mga maoistang mambabatas, lagi nilang ipinagmayabang na hindi daw yumaman ang kanilang mga kinatawan sa kongreso. Maaring totoo ito. Pero hindi maitanggi na ang malaking perang nakuha nila sa estado ay ginamit pambili ng armas at iba pang pangangailangan ng kanilang “hukbong bayan”, bagay na ginawa ding dahilan ng estado upang patuloy na palakihin ang badyet-militar nito. Dahil sa digmaan ay nagkaroon ng “unholy alliance” ang estado at maoistang kilusan para sa militarisasyon laluna sa kanayunan.

[5] Isa sa mga valid IDs na hinahanap ay ang voter's ID sa mga transaksyon sa bangko o kaya sa paghahanap ng trabaho. Patunay din ito na ikaw ay isang “mabuting” mamamayan.

[6] Sa ikalawang kongreso ng Comintern noong 1920 ay nagkaroon ng matinding debate sa pagitan ng mayoriya (sila Lenin, Trotsky at iba pa) at ng minoriya (praksyon ng mga komunista nila Bordiga, KAPD ng Alemanya, ang grupo nila Sylvia Pankhurts ng Britanya at iba pa).

Sinumite ng praksyon sa loob ng Comintern ang ‘Theses on Parliamentariam’ na panukala ng grupo ni Bordiga.

Sinuma ng IKT ang nangyaring debate sa loob ng Comintern:

[6]“The theses were submitted for discussion at the Second Congress of the Communist International in 1920. At this time there was a major debate within the CI about whether communists should take part in parliamentary elections, and work inside parliament if elected. The majority position, defended by Lenin, Trotsky and others, was that of “revolutionary parliamentarism” - the idea that revolutionaries could use the parliamentary forum as a “tribune” from which to denounce capitalism and advocate the communist revolution. The left communists - Bordiga’s fraction in Italy, the KAPD in Germany, Sylvia Pankhurst’s group in Britain among them - argued that the period of working in parliament was over. In the new period, when proletarian revolution was directly on the agenda, the ruling class was using parliamentary “democracy” as a means of opposing the workers’ struggle for the power of the soviets; if the Communist parties took part in the charade of elections and in the parliamentary “talking shop”, it would spread dangerous confusions within the ranks of the working class. In our view, history has amply confirmed this view, but we will look at this debate in more detail in a future article.”

Para sa karagdagang kaalaman, basahin ang link dito: https://en.internationalism.org/wr/243_theses.htm

[7] Ang pakikibaka sa reporma ang sentral na linya ng mga marxista noong 19 siglo hindi pa dahil sa simpleng usapin ng “estratehiya at taktika” kundi dahil may materyal na batayan pa: progresibo, sumusulong pa ang kapitalismo bilang panlipunang sistema at may kapasidad pa ito na magbigay ng mga makabuluhang reporma para sa ikabubuti ng kalagayan ng manggagawa bilang sahurang-alipin. Subalit ng pumasok na ang kapitalismo sa kanyang dekadenteng yugto noong 20 siglo, nawalan na rin ng batayan ang pakikibaka para sa reporma at nasa mesa na ang agenda para ibagsak ang bulok na sistema.

[8] Tandaan natin na ang “marxismo” na dumating sa Pilipinas noong 1920s (aka “marxismo-leninismo”) ay walang iba kundi ang kontra-rebolusyonaryong Stalinismo. At ang “kilusang pagwawasto” noong 1968 ay isang hibo ng stalinismo - maoismo. Ang baklasan naman noong 1992 sa loob ng maoistang kilusan ay hindi ganap na nagtakwil sa stalinismo. Bagkus ay binihisan lamang ito ng “leninismo” habang hanggang salita lamang ang “anti-stalinismo” ng mga bumaklas.

 

Rubric: 

Eleksyon