Submitted by Internasyonalismo on
Si Trump ay bumalik sa White House matapos ang landslide na panalo sa halalan ng pagkapangulo. Sa mata ng kanyang mga tagasuporta, siya ay isang hindi matatalo na bayani ng Amerika, nangibabaw sa bawat balakid: ang 'madayang eleksyon', ang 'panggigipit ng hudikatura', ang pagkapoot ng 'establisyemento' at kahit... mga bala! Ang imahe ng isang mahimalang Trump, ang kanyang tainga na dumudugo at ang kanyang kamao itinaas pagkatapos siyang barilin, ay nakatala na sa kasaysayan. Ngunit sa likod ng paghanga na pinukaw ng kanyang reaksyon, ang pag-atake na ito ay higit sa lahat ang pinaka kagila-gilalas na pagpapahayag ng isang kampanya sa eleksyon na umabot sa mga bagong rurok ng karahasan, poot at kawalang katwiran. Ang pambihirang kampanyang ito, nagbubuga ng pera at napuno ng mga kalaswaan, tulad ng konklusyon nito, ang tagumpay ng isang megalomaniac at istupidong bilyonaryo, ay sumasalamin sa kailaliman kung saan lumulubog ang burges na lipunan.
Bumoto laban sa populismo? Hindi! Kailangan nating ibagsak ang kapitalismo!
Lahat ng kasamaan ng tao ay nasa kay Trump: siya ay isang absolutong bastardo, sinungaling at pesimista, bilang racist at misogynist siya ay homophobic. Sa buong kampanya, pinakintab ng internasyonal na midya ang mga panganib ng kanyang pagbabalik sa pwesto laban sa 'demokratikong' institusyon, mga minorya, klima at internasyonal na relasyon: "Pinigil ng mundo ang kanyang paghinga" (Die Zeit), "Isang Amerikanong bangungot" (L'Humanité), "Paano maligtas ang mundo kay Trump?" (Público), "Isang moral na kalamidad" (El País)...
Kaya dapat ba nating pinili si Harris, pinili ang panig ng tinatawag na 'lesser evil' upang harangan ang daan patungo sa populismo? Iyan ang gusto ng burgesya na paniwalaan natin. Sa loob ng ilang buwan, ang bagong Pangulo ng Estados Unidos ay nasa sentro ng pandaigdigang kampanyang propaganda laban sa populismo[1]. Ang "nakangiti" na si Kamala Harris ay patuloy na nanawagan para sa pagtatanggol ng "demokrasya ng Amerika", na naglalarawan sa kanyang kalaban bilang isang 'pasista'. Kahit na ang dating chief of staff ni Trump ay mabilis na inilarawan siya bilang isang "magiging diktador". Ang tagumpay ng bilyonaryo ay ginatungan lamang ang nakakalitong kampanyang ito pabor sa burges na 'demokrasya'.
Maraming mga botante ang nagpunta sa istasyon ng botohan na nag-iisip: 'Ang mga Demokrata ay nagbigay sa amin ng kahirapan sa loob ng apat na taon, ngunit hindi pa rin ito magiging kasing sama tulad ni Trump sa White House'. Ito ang ideya na laging pinipilit ng burgesya na ilagay sa ulo ng mga manggagawa upang itulak sila na bomoto. Ngunit sa dekadenteng kapitalismo, ang eleksyon ay isang balatkayo, isang maling pagpili na walang ibang papel kundi ang hadlangan ang pagmuni-muni ng uring manggagawa sa mga makasaysayang layunin nito at sa paraan ng pagkamit nito.
Ang halalan sa Estados Unidos ay hindi abswelto sa katotohanang ito. Kung si Trump ay nanalo nang napakalaki, ito ay pangunahin dahil kinamumuhian ang mga Demokrata. Taliwas sa imahe ng isang 'Republican wave', hindi umakit si Trump ng napakalaking suporta. Nanatiling medyo matatag ang bilang ng kanyang mga botante kumpara sa nakaraang halalan noong 2020. Higit sa lahat si Bise- Presidente Harris na, bilang tanda ng pagkasira ng reputasyon ng mga Demokrata, ang nagdusa ng pagkatalo, na nawalan ng kulang-kulang 10 milyong botante sa loob ng apat na taon. At may magandang dahilan! Ang administrasyong Biden ay nagsagawa ng mabangis na pag-atake sa kalagayan ng pamumuhay at pagtatrabaho ng uring manggagawa, na nagsimula sa implasyon, na naging sanhi ng pagtaas ng presyo ng pagkain, gasolina at pabahay. Pagkatapos ay nagkaroon ng isang malaking alon ng mga redundancies at kawalan ng seguridad sa trabaho, na nauwi sa itulak ang mga manggagawa upang lumaban sa malawak na saklaw[2]. Sa imigrasyon, sila Biden at Harris, na inihalal sa pangako ng isang 'mas makataong' patakaran, ay patuloy na hinigpitan ang mga kondisyon para sa pagpasok sa Estados Unidos, na napunta pa sa pagsara sa hangganan ng Mexico at tahasang ipinagbawal ang mga migrante kahit sa paghingi ng asylum. Sa internasyonal na entablado, ang walang pigil na militarismo ni Biden, magarbong pagpondo ng mga masaker sa Ukraine at halos hindi kritikal na suporta sa mga pang-aabuso ng hukbong Israeli na ikinagalit din ng mga botante.
Ang kandidatura ni Harris ay hindi maaaring magbigay ng anumang ilusyon, tulad ng nakita natin sa nakaraan kay Obama at, sa mas mababang antas, kay Biden. Walang aasahan ang proletaryado sa eleksyon o sa mga burges na kapangyarihan na: hindi ito o yaong pangkatin na nasa kapangyarihan ang nagkaroon ng ‘maling pangangasiwa’, kundi ang kapitalistang sistema na nalulubog sa krisis at istorikal na pagkabangkarote. Demokrata man o Republikano, lahat sila ay patuloy na walang habas na magsasamantala sa uring manggagawa at magpalaganap ng kahirapan habang lumalalim ang krisis; Lahat sila ay patuloy na magpataw ng mabangis na diktadura ng burges na estado at mambomba sa mga inosenteng tao sa buong mundo!
Trumpismo, ekspresyon ng pagkabulok ng kapitalismo
Ang pinaka responsableng mga paksyon ng aparato ng estado ng Amerika (karamihan sa media at senior civil servants, ang komand ng militar, ang pinaka moderatong paksyon ng partidong Republikano, atbp) ay ginawa ang lahat upang pigilan ang pagbabalik ni Trump at ng kanyang pangkat sa White House. Hindi sapat ang pagbaha ng mga kaso, ang mga babala ng halos bawat eksperto sa bawat larangan at maging ang walang humpay na pagsisikap ng media na laitin ang kandidato upang matigil ang kanyang karera para sa kapangyarihan. Ang panalo ni Trump ay isang tunay na sampal sa mukha, isang palatandaan na ang burgesya ay lalong nawawalan ng kontrol sa kanyang elektoral na laro at hindi na kayang pigilan ang isang iresponsableng manggugulo mula sa pag-akyat sa pinakamataas na tanggapan ng estado.
Hindi na bago ang realidad ng paglakas ng populismo: ang boto para sa Brexit sa 2016, na sinundan ng parehong taon ng sorpresang tagumpay ni Trump, ay ang una at pinaka kagila-gilalas na mga palatandaan nito. Ngunit ang lumalalim na krisis ng kapitalismo at ang lumalaking kawalan ng kapangyarihan ng mga estado na kontrolin ang sitwasyon, maging geo-estratehiko, pang-ekonomiya, kapaligiran o panlipunan, ay nagsilbi lamang upang palakasin ang instabilidad ng pulitika sa buong mundo: nakabitin na mga parlyamento, populismo, tensyon sa pagitan ng mga pangkating burges, instabilidad ng pamamahala... Ang mga penomena na ito ay nagpatotoo sa isang proseso ng pagkawasak na ngayon ay nagpatakbo sa sentro ng pinakamalakas na mga estado ng mundo. Ang kalakaran na ito ay nagbigay daan sa isang baliw na tulad ni Milei na naging pinuno ng estado sa Argentina, at ang mga populista na umupo sa kapangyarihan sa maraming mga bansa sa Europa, kung saan ang burgesya ay ang pinaka may karanasan sa mundo.
Ang tagumpay ni Trump ay bahagi ng prosesong ito, ngunit nagmamarka rin ng isang makabuluhang karagdagang hakbang. Kung si Trump ay itinakwil ng malaking bahagi ng makinarya ng estado, ito ay higit sa lahat dahil ang kanyang programa at mga pamamaraan ay mapaganganib na hindi lamang makapinsala sa interes ng imperyalismong US sa mundo, kundi pati mas dagdag rin na kahirapan ng estado na tiyakin ang balatkayo na panlipunang pagkakaisa na kinakailangan para sa paggana ng pambansang kapital. Sa panahon ng kampanya, gumawa si Trump ng isang serye ng mga nagpapaalab na talumpati, na muling nagsindi higit kailanman sa mapaghiganti na diwa ng kanyang mga tagasuporta, maging pagbabanta sa mga 'demokratikong' institusyon na lubhang kailangan ng burgesya para ideolohikal na kontrolin ang uring manggagawa. Patuloy niyang pinalakas ang pinakaatrasado at puno-ng-galit na retorika, na nagbanta ng multo ng mga riot kung hindi siya mahalal. At hindi niya kailanman pinag-isipan ang mga epekto ng kanyang mga salita sa pundasyon ng lipunan. Ang matinding karahasan ng kampanyang ito, kung saan ang mga Demokrata ay responsable rin sa maraming aspeto, ay walang alinlangang magpapalalim sa mga dibisyon sa populasyon ng Amerika at makadagdag lamang sa dati ng mataas na karahasan sa isang lipunang malaki na ang pagkawatak-watak. Ngunit si Trump, sa mapangwasak na lohika nito na siyang lumalakas na katangian ng kapitalistang sistema, ay handang gawin ang lahat upang manalo.
Noong 2016, relatibong hindi inaasahan ang tagumpay ni Trump, kahit siya mismo, nagawa ng burgesyang Amerikano na makapaghanda sa pamamagitan ng paglagay sa gobyerno at sa administrasyon ng mga personalidad na may kakayahang magbigay ng preno sa mga pinaka baliw na desisyon ng bilyonaryo. Ang mga taong kalaunan ay inilarawan ni Trump bilang "mga traydor" ay, halimbawa, ay nagawang pigilan ang pagpawalang-bisa ng sistema ng proteksyon sa lipunan (Obamacare) o ang pambobomba sa Iran. Nang sumiklab ang Covid pandemic, nagawa rin ng kanyang bise presidente na si Mike Pence na pamahalaan ang krisis sa kabila ng paniniwala ni Trump na ang pag-injection ng disinfectant sa baga ay sapat na upang gamutin ang sakit... Ito rin ang Pence na tumutol kay Trump sa harap ng publiko sa pamamagitan ng pagtiyak ng paglipat ng kapangyarihan kay Biden habang nagmartsa ang mga rioters sa Capitol. Mula ngayon, kahit na ang General Staff ng hukbo ay nanatiling sobrang tutol kay Trump at gagawin pa rin ang lahat ng makakaya nito upang maantala ang kanyang pinakamasamang desisyon, inihanda ng pangkat ng bagong Pangulo ang sarili sa pamamagitan ng pag-alis ng mga "traydor" at naghahanda na mamahala ng mag-isa laban sa lahat, na nagbigay sa atin ng mas magulong hinaharap kaysa sa nauna.
Tungo sa mas magulong mundo
Sa panahon ng kampanya, ipinakita ni Trump ang kanyang sarili bilang isang tao ng 'kapayapaan', na nagsasabing tataposin niya ang digmaan sa Ukraine "sa loob ng 24 na oras". Ang kanyang gana para sa kapayapaan ay malinaw na tumitigil sa mga hangganan ng Ukraine, dahil kasabay nito ay nagbigay siya ng walang kundisyong suporta sa mga masaker na ginawa ng estado ng Israel at naging napaka mapamuksa sa Iran. Sa totoo lang, wala talagang nakakaalam kung ano ang gagawin (o kayang gawin) ni Trump sa Ukraine, sa Gitnang Silangan, Asya, Europa o sa NATO, kaya palagi siyang pleksible at pabagu-bago.
Sa kabilang banda, ang kanyang pagbabalik ay magmarka ng isang walang kapares na pagbilis ng instabilidad at kaguluhan sa mundo. Sa Gitnang Silangan, iniisip na ni Netanyahu na, sa tagumpay ni Trump, kumpara sa nakaraan ay mas malaya na siya magmula ng pumutok ang ang labanan sa Gaza. Ang Israel ay maaaring maghangad na makamit ang mga estratehikong layunin nito (pagdurog sa Hezbollah, Hamas, digmaan sa Iran, atbp) sa isang mas mas direktang komprontasyon na paraan, sa pagpalaganap ng mas maraming barbarismo sa buong rehiyon.
Sa Ukraine, pagkatapos ng patakaran ni Biden na humigit-kumulang kalkuladong suporta, nasa peligro na magkaroon ng dramatikong pagbabago sa digmaan. Hindi tulad sa Gitnang Silangan, ang patakaran ng US sa Ukraine ay bahagi ng isang maingat na planadong diskarte upang mapahina ang Rusya at ang alyansa nito sa Tsina, at upang palakasin ang mga ugnayan ng mga estado ng Europa sa paligid ng NATO. Maaaring kwestyunin ni Trump ang diskarteng ito at higit pang pahinain ang pamumuno ng Amerika. Magpasya man si Trump na talikuran ang Kiev o 'parusahan' si Putin, ang mga masaker ay hindi maiiwasan na lumaki at marahil ay kumalat lagpas sa Ukraine.
Ngunit ang Tsina ang pangunahing pinagtuunan ng pansin ng imperyalismong US. Ang hidwaan sa pagitan ng Estados Unidos at Tsina ay nasa sentro ng pandaigdigang sitwasyon, at maaaring paramihin ng bagong Pangulo ang kanyang mga probokasyon, itulak ang Tsina na maging matatag ang reaksyon, halimbawa sa pamamagitan ng pagpilit sa mga kaalyado ng Amerika na Hapon at Korea, na nagpahayag na ng kanilang mga pagkabalisa. At ang lahat ng ito ay sa kabila ng umiiral na digmaang pangkalakalan at proteksyonismo kung saan ang mapanirang epekto sa pandaigdigang ekonomiya ay tinuligsa na ng mga nangungunang institusyong pinansyal sa mundo.
Samakatuwid ang pabago-bago na si Trump ay maaari lamang mas palakasin ang bawat tao para sa kanyang sarili, na magtulak sa lahat ng mga kapangyarihan, malaki at maliit, upang samantalahin ang 'pag-atras' ng Amerikanong pulis upang gamitin ang kanilang sariling baraha ilalim sa klima ng napakalaking kalituhan at lumalaking kaguluhan. Maging ang mga 'kaalyado' ng Amerika ay mas lantaran nang naghahangad na lumayo sa Washington sa pamamagitan ng pagbibigay ng pabor sa mga pambansang solusyon, kapwa pang-ekonomiya at militar. Ang Pangulo ng Pransya, sa sandaling nakumpirma ang tagumpay ni Trump, ay nanawagan sa mga estado ng European Union na ipagtanggol ang kanilang interes sa harap ng Estados Unidos at Tsina...
Karagdagang balakid para sa uring manggagawa
Sa konteksto ng krisis pang-ekonomiya, sa panahong muling nakuha ng proletaryado ang mapanlabang diwa sa pandaigdigang saklaw at unti-unting muling natuklasan ang makauring identidad nito, malinaw na hindi ang pangkatin ni Trump, sa mata ng burgesyang Amerikano, ang pinakamainam na angkop para pamahalaan ang makauring pakikibaka at itulak ang mga atake na kailangan ng kapital. Sa pagitan ng kanyang lantarang pagbabanta ng panunupil laban sa mga welga at ang kanyang mala-bangungot na pakikipagtulungan sa isang tao na lantarang anti-manggagawa tulad ni Elon Musk, ang bilyonaryo na may pawalis na pahayag sa panahon ng kamakailan lang na welga sa Estados Unidos (Boeing, dockers, hotels, cars, atbp) ay banta ng paglala ng sitwasyon na ikinabahala ng burgesya. Ang pangako ni Trump na maghiganti sa mga empleyado ng estado, na itinuturing niyang kaaway, sa pamamagitan ng pagtanggal ng 400,000 sa kanila, ay banta din ng problema pagkatapos ng eleksyon.
Ngunit isang pagkakamali na isipin na ang pagbabalik ni Trump sa White House ay maghihikayat ng makauring pakikibaka. Kabaliktaran nito, ito ay tunay na pagkabigla. Ang patakaran ng dibisyon sa pagitan ng mga grupong etniko, sa pagitan ng mga naninirahan sa lungsod at kanayunan, sa pagitan ng mga nagtapos at hindi nagtapos ng kolehiyo, ang lahat ng karahasan at poot na nabuo ng kampanya sa halalan at kung saan si Trump ay patuloy na mag-surf, laban sa mga itim, laban sa mga imigrante, laban sa mga homosekswal o transgender na tao, ang lahat ng mga irasyunal na galit na pananalita ng mga ebanghelikal at iba pang mga conspiracy theorists, sa maikling salita ang buong gulo ng pagkabulok, ay mas mabigat ang epekto sa mga manggagawa, lilikha ng malalim na pagkahati-hati at maging marahas na mga pampulitikang komprontasyon sa mga grupong populista o anti-populista.
Walang dudang makakaasa ng tulong ang administrasyong Trump sa mga kaliwang paksyon ng burgesya, simula sa mga 'sosyalista', na mag-uudyok ng lason ng pagkahati-hati at tiyaking hadlangan ang pakikibaka ng mga manggagawa. Matapos mangampanya kapwa para kina Clinton, Obama, Biden at Harris, walang-kurap na inakusahan ni Bernie Sanders ang mga Demokratiko na "tinalikuran ang uring manggagawa", na para bang may kinalaman sa uring manggagawa ang partidong militarista, mamamatay-ng-proletaryado, na madalas na nasa kapangyarihan mula pa noong ika-19 siglo! Nang muling mahalal siya sa Kongreso, nangako ang kaliwang-Demokrata na si Ocasio-Cortez na gagawin niya ang lahat para hatiin ang uring manggagawa sa "mga komunidad": "Ang aming kampanya ay hindi lamang tungkol sa pagkuha ng mga boto, ito ay tungkol sa pagbibigay sa amin ng paraan upang bumuo ng mas malakas na mga komunidad".
Ngunit may lakas ang uring manggagawa na lumaban sa kabila ng mga bagong balakid na ito. Habang ang todo-bwelo ang kampanya, at sa kabila ng mga nakakasirang paratang na nilalaro ng mga populista, patuloy na lumaban ang mga manggagawa laban sa austerity at redundancy. Sa kabila ng pagbubukod na ipinataw ng mga unyon, sa kabila ng napakalaking propaganda ng Demokrata, sa kabila ng bigat ng mga pagkakahati, ipinakita nila na ang pakikibaka lamang ang sagot sa krisis ng kapitalismo.
Higit sa lahat, hindi nag-iisa ang mga manggagawa sa Estados Unidos! Ang mga welgang ito ay bahagi ng konteksto ng pandaigdigang paglaban at mas matinding repleksyon na nagaganap mula noong tag-init ng 2022, nang ang mga manggagawa sa Britanya, matapos ang ilang dekadang pagsuko, ay galit na sumisigaw, "Tama na!", na umalingawngaw at patuloy na umalingawngaw sa buong uring manggagawa!
EG, 9 Nobyembre 2024
[1] The future of humanity lies not in the ballot box, but in the class struggle!, World Revolution 401
[2] Strikes in the United States, Canada, Italy... For three years, the working class has been fighting against austerity, published on the ICC website (2024).