Submitted by Internasyonalismo on
Pambungad na Sulat
International Communist Current para sa:
- Internationalist Communist Tendency
- PCI (Programma Comunista)
- PCI (Il Comunista)
- PCI (Il Partito Comunista)
- Istituto Onorato Damen
- Internationalist Voice
+ Internationalist Communist Perspective, Korea
30 Agosto 2024
Mga kasama,
Kalakip dito ang panukalang apela ng Kaliwang Komunista laban sa napakalaking internasyonal na kampanya ngayon bilang pagtatanggol sa demokrasya laban sa populismo at dulong kanan. Lahat ng grupo ng Kaliwang Komunista ngayon, sa kabila ng kanilang pagkakaiba sa isa't isa, ay nagmula sa isang natatanging pampulitikang tradisyon na nagtakwil sa maling mga pagpipiliang pamamahala na ginagamit ng burgesya upang itago ang permanenteng diktadura nito at upang idiskaril ang uring manggagawa mula sa sariling tereyn ng pakikibaka. Kaya mahalaga na ang mga grupong ito ay magbigay ng nagkakaisang pahayag ngayon bilang pinakamatibay na posibleng sanggunian para sa tunay na pampulitikang interes at pakikibaka ng proletaryado at malinaw na alternatibo sa ipokritong kasinungalingan ng kaaway sa uri.
Mangyaring tumugon nang mabilis sa sulat at panukala na ito. Pansinin na ang mga pormulasyon ng panukalang apela ay maaaring talakayin at baguhin sa loob ng balangkas ng pangunahing batayan nito.
Umaasa sa inyong tugon.
Komunistang pagbati
Ang ICC
Panukalang Apela
Apela ng Kaliwang Komunista sa uring manggagawa laban sa internasyunal na kampanyang mobilisasyon para sa burges na demokrasya
Para sa walang habas na pakikibaka ng uring manggagawa laban sa despotismo ng uring kapitalista
Laban sa makamandag na pagpili sa pandaraya ng burges na demokrasya
Sa loob ng nagdaang ilang buwan ang pandaigdigang mass media – na pag-aari, kontrolado at dinidiktahan ng uring kapitalista - ay abala sa karnabal ng eleksyon na nagaganap sa France, pagkatapos Britain, sa ibang bahagi ng mundo tulad ng sa Venezuela, Iran at India, at ngayon mas higit pa sa Estados Unidos.
Ang nangingibabaw na tema ng propaganda tungkol sa mga karnabal sa halalan ay ang pagtatanggol sa mapagkunwaring demokratikong pamamahala ng kapitalistang paghari. Isang pagkukunwari na dinisenyo upang itago ang katotohanan ng imperyalistang digmaan, ang paghihirap ng uring manggagawa, ang pagkasira ng kapaligiran, ang pag-usig sa mga refugee. Ito ang demokratikong dahon ng igos na nagtatakip sa diktadura ng kapital alinman sa iba't ibang partido nito - kanan, kaliwa, o sentro - ang uupo sa kapangyarihang pampulitika sa burges na estado.
Ang uring manggagawa ay hinihiling na gumawa ng maling pagpili sa pagitan ng isa o iba pang kapitalistang pamahalaan, ito o yaong partido o pinuno, at, mas higit pa ngayon, na pumili sa pagitan ng mga nagpapanggap na sumusunod sa itinatag na demokratikong mga protocol ng burges na estado at ang mga taong, tulad ng populistang kanan, na itinuturing ang mga pamamaraang ito nang may bukas, sa halip na mga nakatago, na paghamak sa mga liberal na demokratikong partido.
Gayunman, sa halip na isang araw sa bawat ilang taon ay piliin kung sino ang 'kakatawan' at susupil sa kanila, kailangang magpasiya ang uring manggagawa sa pagtatanggol sa sariling makauring interes sa sahod at kalagayan at may perspektiba sa pagkamit ng sariling kapangyarihang pampulitika – mga layunin na ang kulay at pagsigaw sa demokrasya ay dinisenyo upang idiskaril at magmukhang imposible ang mga ito.
Anuman ang resulta ng halalan, sa mga ito at sa ibang bansa, mananatili at lalala ang parehong kapitalistang diktadura ng militarismo at kahirapan. Sa Britanya, isang halimbawa, kung saan ang sentro-kaliwa na Labour Party ay kamakailan pinalitan ang isang impluwensyado ng populismo na pamahalaan ng Tory, ang bagong punong ministro ay hindi nag-aksaya ng oras sa pagpapatibay ng paglahok ng burgesyang British sa digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine at pagpapanatili at pagpapatalim ng umiiral na pagbawas sa panlipunang sahod ng uring manggagawa upang makatulong sa pagbabayad para sa naturang mga imperyalistang pakikipagsapalaran.
Sino ang mga pwersang pampulitika na aktwal na nagtatanggol sa tunay na interes ng uring manggagawa laban sa dumaraming pag-atake na nagmumula sa uring kapitalista? Hindi ang mga tagapagmana ng mga partidong Sosyal Demokratiko na nagbenta ng kanilang kaluluwa sa burgesya noong Unang Digmaang Pandaigdig, at kasama ang mga unyon na nagpapakilos sa uring manggagawa para sa multi-milyong patayan sa mga trensera. Ni ang natitirang mga tagapagtanggol ng Stalinistang 'Komunistang' rehimen na nagsakripisyo ng sampu-sampung milyong manggagawa para sa imperyalistang interes ng bansang Rusya sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ni Trotskyismo o ang opisyal na agos ng Anarkismo, na, sa kabila ng ilang eksepsiyon, ay nagbigay ng kritikal na suporta para sa isa o iba pang panig sa imperyalistang patayan na iyon. Ngayon ay nakapila ang mga supling ng mga pwersang pampulitika ng huli, sa 'kritikal' na paraan sa likod ng liberal at kaliwang burges na demokrasya laban sa populistang kanan upang makatulong sa pagdemobilisa sa uring manggagawa.
Tanging ang Kaliwang Komunista, na iilan lamang sa kasalukuyan, ang nanatiling tapat sa independyenteng pakikibaka ng uring manggagawa sa nakalipas na daang taon. Sa rebolusyonaryong alon ng mga manggagawa noong 1917-23 ang pampulitikang tendensya na pinamunuan ni Amadeo Bordiga, na nangibabaw sa Partido Komunistang Italyano noon, ay tumanggi sa maling pagpili sa pagitan ng mga pasista at anti-pasistang partido na magkasamang nagsikap upang marahas na durugin ang rebolusyonaryong pag-alsa ng uring manggagawa. Sa kanyang tekstong "Ang Demokratikong Prinsipyo" ng 1922 inilantad ni Bordiga ang kalikasan ng demokratikong mito sa paglilingkod sa kapitalistang pagsasamantala at pagpatay.
Noong dekada ng 1930 tinuligsa ng Kaliwang Komunista ang kaliwa't kanan, pasista at anti-pasistang paksyon ng burgesya habang inihahanda ng huli ang darating na madugong imperyalistang masaker. Nang dumating nga ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay ang tendensyang ito lamang ang nakahawak sa isang internasyunalistang posisyon, na nanawagan na gawing digmaang sibil ang imperyalistang digmaan laban sa buong uring kapitalista sa bawat bansa. Tinanggihan ng Kaliwang Komunista ang malupit na pagpili sa pagitan ng demokratiko o pasistang malawakang patayan, sa pagitan ng kalupitan ng Auschwitz o ng Hiroshima.
Kaya naman, ngayon, sa harap ng panibagong kampanya ng mga maling pagpili na ito ng mga kapitalistang rehimen na gawing linya ng uring manggagawa ang liberal na demokrasya o kanang populismo, sa pagitan ng pasismo at anti-pasismo, ang iba't ibang ekspresyon ng Kaliwang Komunista, anuman ang iba pa nilang pagkakaiba sa pulitika, ay nagpasyang gumawa ng nagkakaisang apela sa uring manggagawa:
- IBAGSAK ANG PANDARAYA NG BURGES NA DEMOKRASYA NA NAGTATAGO SA DIKTADURA NG KAPITAL AT SA IMPERYALISTANG MILITARISMO NITO!
- LABAN SA PAGHIHIGPIT-SINTURON NG KAPITALISTANG DEMOKRASYA AT PAMBANSANG INTERES, PARA SA PAKIKIBAKA NG INTERNASYUNAL NA URING MANGGAGAWA UPANG IPAGTANGGOL ANG INTERES NITO
- PARA SA REBOLUSYON NG URING MANGGAGAWA UPANG PAGKAITAN ANG BURGESYA NG KAPANGYARIHANG PAMPULITIKA, SAMSAMIN ANG URING KAPITALISTA AT WAKASAN ANG PRATISIDANG TUNGGALIAN NA IPINATAW SA PROLETARYADO NG MGA NAKIKIPAGKUMPITENSYAHANG BANSA-ESTADO