8. Ang konsepto ng pandaigdigang kapital

Printer-friendly version

Komon na pinasubalian ang pagsusuring ito sa ideya na ang konsepto ng pandaigdigang kapital ay purong abstraksyon, na hindi umiiral, na hindi magagamit sa pangatwiran hinggil sa problema ng tubo sa anumang tipo ng produksyon. Ayon sa argumentong ito, ang bawat kapitalista o bawat bansa ay hindi masyado nabahala sa ‘pandaigdigang kapital'. Kaya kabalighuan na subukang suriin ang kabuuan ng ekonomiya sa batayan ng totalidad ng antagonistikong mga entidad.

Ang katotohanan na ang kapital, bilang isang pandaigdigang penomenon, ay nabubuhay lamang sa hati-hating porma ay hindi nagkahulugan na hindi ito umiiral sa pandaigdigang antas. Ang totalidad ng mga magnanakaw sa isang syudad ay nabuhay sa patuloy na kompetisyon sa bawat isa at ang batas ng kanilang kapaligiran ay walang iba kundi sa pinakamalakas na magnanakaw. Pero hindi nito nababago ang katotohanan na ang totalidad na ito ay umiiral mismo, at mayroon itong sariling interes (sa pagpalawig sa halimbawa, hinggil sa pulis). Ang katotohanan na hindi ito iiral para sa sarili, ibig sabihin na may kolektibo at unipikadong kamulatan sa kanyang mga interes at kumilos kaugnay sa naturang mga interes ay hindi makapagbago sa problema. Ang pandaigdigang kapital ay laging totalidad ng antagonistikong mga kapital. Pero ganun pa man ay umiiral ito na may pangkalahatang mga batas na ekslusibong gumagalaw sa kanyang sariling antas, sa kanyang sariling penomena (pandaigdigang digmaan, pandaigdigang mga krisis) na pinapataw sa bawat isa sa kanyang mga praksyon at walang anumang praksyon ang may tunay na kontrol.

Sa ilalim ng kapitalismo ang dominasyon mismo ng kapital ay matagal ng sumakop sa buong mundo. Ang bawat kalakal ngayon ay naglalaman ng paggawa at pangunahing materyales mula sa bawat sulok ng mundo. Sa naturang kalakaran, ito sa pangunahin ang realidad ng pandaigdigang kapital na nagdetermina sa realidad ng bawat bahagi, at hindi ang kabaliktaran.

Ang maramihang produksyong militar ay isang penomena, dahil sa kanyang pinagmulan, sa kanyang pag-unlad at sa kanyang mga epekto, ay pumapatungkol sa pandaigdigang kapitalistang ekonomiya. Ang pagtangkang husgahan ang katangian nito labas sa konsepto ng pandaigdigang kapital ay simpleng pagtakwil sa anumang pagsusuri.

Para masuri ang problema ng reproduksyon ng kapital, hindi nagdalawang-isip si Marx na ilagay ang kanyang sarili sa ganitong tereyn:

"Para masuri ang bagay na ating iniimbestigahan sa kanyang integridad, malaya sa lahat ng nanggugulong segundaryong mga sirkumstansya, kailangan nating tingnan ang buong mundo bilang isang bansa at ipagpalagay na ang kapitalistang produksyon ay maaring itinayo kahit saan at nasa bawat sangay mismo ng ekonomiya." (Marx, Capital, Book 1, p.581, London 1970)

Wala itong kaugnayan sa anumang teorya na tinatawag na ultra-imperyalismo. Ito ay obhetibong depinisyon lamang sa obhetibong tereyn kung saan maintindihan ang pundamental na penomena ng maunlad na kapitalismo.

Ilang mga indibidwal sa kabilang banda ay tinanggap ang konsepto ng pandaigdigang kapital (konsepto na mailapat kapwa sa pandaigdigang antas at sa antas ng pambansang kapital), na hindi tinatanggap ang posibilidad ng produksyon na sabay na may tubo sa isang kapitalista o praksyon ng pandaigdigang kapital pero walang tubo sa pandaigdigang kapital sa kabuuan. Ang pagtutol nito ay maaring masuma sa mapagbirong pangungusap sa Amerika: ‘Ang makabubuti sa General Motors ay makabubuti sa Estados Unidos'. Ito ay pag-iisip na kung ang produksyong militar ay produktibo para sa isang kapitalista, ito ay produktibo din sa pandaigdigang kapital.

Hinggil sa unang pagtutol, muli ang magkatunggaling realidad ng kapital ay hindi pinansin. Ang pundamental na kontradiksyon sa kapitalistang sistema, na naroon ang lahat ng kanyang mga kontradiksyon, ay ang tunggalian ng lumalaking unibersal, sosyalisadong katangian ng proseso ng produksyon, sa kanyang pribado, hiwa-hiwalay, na mga relasyon ng pag-aari, sa ganitong batayan nagaganap ang proseso . Sa unang halimbawa, tanging ang hiwa-hiwalay, hati-hati na aspeto ng kapital ang kinukonsidera, habang binalewala ang pandaigdigang katangian ng kapital. Sa kasong ito, naisantabi ang hindi mapigilang antagonismo sa pagitan ng mga kapital, na nagbibigay ng magkakasundong bisyon ng pandaigdigang kapital na walang mga kontradiksyon sa pagitan ng kanyang mga bahagi o sa pagitan ng kanyang mga bahagi at sa kabuuan. Ang mga kondisyon kung saan na-realisa ng isang partikular na kapitalista ang kanyang tubo ay malinaw na pangmatagalang natali sa kapital bilang kabuuan. Pero maaring uunlad ang mga bagay kung saan ang taling ito ay temporaryong huminahon, sa punto na ‘ang makasisira' para sa Estados Unidos ay ‘makabubuti sa General Motors'! ( Ang klasikong halimbawa ay ang kapitalistang gumagawa ng pangunsumong kalakal na kailangan para sa uring manggagawa: ang bawat pangkalahatang pagtaas ng sahod para sa kanya, isang suplementaryong kondisyon para sa realisasyon sa pamilihan, pero bumubuo ito ng banta sa tantos ng tubo ng kapital sa kabuuan.)

Ang hindi mapigilang kaguluhan na naghari sa sistema ng pribadong pag-aari ay lalaki lamang sa pagbulusok-pababa ng sistema. Kaya, lumitaw sa yugtong ito ang pag-unlad ng interbensyon ng estado na may layuning kontrolin, sa pamamagitan ng pwersahang sentralisasyon, ang lumalaking tendensya ng dis-integrasyon.

Walang nakapagtataka sa katotohanan na ang katulad na kriteryon ng pagkuha ng tubo sa kapitalistang sistema ay may magkaibang resulta nang ilapat sa partikular na kapitalista kaysa ng ilapat ito sa pandaigdigang kapital.

Kaya kailangan nating ipaliwanag bakit at paano ang estado, bilang representante ng pambansang kapital, ay minintina ang mga kapitalistang nagbebenta ng armas, habang ang produksyon ng armas ay ‘hindi produktibo' para sa pambansang kapital (ipagpaliban muna ang posibilidad na ilipat ang gastusin sa ibang estado). At, una sa lahat, kailangang ipaliwanag ng tama ang marxistang kriteryon ng ‘produktibo' at ‘hindi produktibong' paggawa.

Produktibong Paggawa at Hindi Produktibong Paggawa

Ang sagot ni Marx ay masuma sa bantog na pormula: "Ang paggawa na direktang gumagawa ng labis na halaga, ibig sabihin, nagpalaki ng kapital, ay produktibo."[1]

Ang pormulasyong ito ay ispisipiko sa kapitalistang moda ng produksyon. Kaiba ito mula sa ‘nang pag-aralan natinang usapin ng produktibong paggawa sa pangkalahatan' : "ang proseso ng paggawa sa kanyang pinakasimpleng aspeto, komon sa kanyang lahat na istorikal na mga porma, bilang proseso sa pagitan ng tao at kalikasan."[2]

Mula sa ganitong pangkalahatang pananaw, sa kasaysayan, lahat ng paggawa ay produktibo sa panahong magtatapos ito sa isang produkto at ang naturang produkto ay para sa anumang pangangailangan ng tao. "Kaya sa proseso ng paggawa, ang aktibidad ng tao, sa tulong ng mga kagamitan ng paggawa, ay bumabago, mula sa simula sa bagay na ginagawa. Ang prosesong ito ay naglaho sa produkto; ang huli ay halaga-sa-gamit, ang materyal ng kalikasan na binago para sa pangangailangan ng tao. Isinanib mismo ng paggawa ang kanyang sarili sa kanyang nasasakupan: ang una ay na-materyalisa, ang huli ay natransporma. Ang lumitaw sa paggawa bilang paggalaw, ngayon ay lumitaw sa produkto bilang permanenteng kalidad na hindi gumagalaw. Ang panday ay nagpanday at ang produkto ay pagpapanday.

Kung suriin natin ang buong proseso mula sa punto-de-bista ng kanyang resulta, ang produkto, kapwa ang mga kagamitan at ang sakop ng paggawa, ay mga kagamitan sa produksyon, at ang paggawa mismo ay produktibong paggawa."[3]

Dagdag na nagpaliwanag si Marx: "Ang paraanng ito ng pagdetermina, sa punto-de-bista lang ng proseso ng paggawa, ang produktibong paggawa, ay direktang aplikable sa kaso ng kapitalistang proseso ng produksyon". (Marx, Ibid)

Ang produktibong pwersa ay nagkaroon, sa ilalim ng kapitalismo, ng ispisipikong porma na hindi na kailangan pa nating magpakontento sa una, halos balik-balik na pormulasyon. Mayroong dalawang dahilan. Ang una ay lilitaw kung titingnan natin ang kapital mula sa punto-de-bista ng paggawa. Sa kapitalismo, ang lakas paggawa ay binili ng kapital, kung saan tila ito ay naging integral na bahagi. Mapatunayan lamang ng lakas-paggawa ang kanyang produktibong kapasidad sa pamamagitan ng pagbalik sa kapital ng halaga na mas mataas sa kanyang natanggap mula sa kapital (sahod). Para maging produktibo bilang buhay na paggawa at hindi bilang simpleng bahagi ng kapital, hindi na sapat para sa paggawa na gumawa ng ala-swerte na halaga sa ala-swerte na kantidad: kailangan nitong lumikha ng isang ‘super-halaga', isang labis na halaga. Maging malinaw ang pangalawang dahilan kung tingnan natin ang buhay na paggawa mula sa punto-de-bista ng kapital. Ang layunin ng kapital ay hindi para sa satispaksyon ng pangangailangan, kundi para lumikha ng tubo, labis na halaga. Hindi nito pinapawi ang unang determinasyon sa produktibong paggawa, sa punto na ang kapitalismo ay lumilikha ng kalakal at kaya, ng halaga-sa-gamit. Pero ang determinasyong ito ay ‘hindi na sapat'. Ang halaga-sa-gamit ay hindi na, gaya sa nagdaang mga sistema, ang batayan sa produksyon; ito ay isang bagay na lang na pinabayaan, isang kinakailangang suporta para sa halaga-sa-palitan, pero ang ispisipikong laman ay walang halaga sa kapitalista.

Kaya, ito ay hindi sapat, para sa indibidwal na kapitalista, para sa paggawa na binili niya na makongkreto sa anumang partikular na halaga-sa-gamit: na ang paggawa ay kailangang magpalaki ng kanyang kapital.

"Ang halaga-sa-gamit, ang ispisipikong produkto ng kapitalistang proseso ng produksyon, ay nilikha lamang bilang resulta ng palitan sa produktibong paggawa. Ang ispisipikong halaga-sa-gamit para sa kapital ay hindi ang kanyang partikular na gamit, ang anumang na-materyalisa na makabuluhang katangian ng produkto, kundi ang kanyang katangian bilang elemento na lumikha ng halaga-sa-palitan (labis na halaga)."[4]

"Na ang paggawa lamang ay produktibo kung ang kanyang proseso ay katulad ng produktibong proseso ng konsumsyon ng lakas-paggawa ng kapital o ng kapitalista."[5]

Sa madaling sabi, ang paraan ng pagdetermina ng produktibong paggawa sa ilalim ng kapitalismo ay kaiba mula sa pangkalahatang pagdetermina sa nagdaang mga sistema dahil sa kaibahang ipinasok ng kapitalismo sa antas ‘ng produktibong pwersa sa konsumsyon ng lakas-paggawa'.

Ang pagkakaibang ito ay wala sa aktwal na pagkuha ng labis na halaga: ang panginoong maylupa o may-aring alipin sa lumang panahon ay kumuha din ng labis na halaga sa kanilang magsasaka o alipin. Ang kaibahan ng labis na halaga mula sa ibang mga porma ng labis na paggawa ay ang katotohanan na natransporma ito tungo sa panibagong kapital at hindi nakonsumo sa hindi produktibong paraan gaya ng sa lumang panahon o pyudalismo. Sa kaganapan lamang ng transpormasyon ng labis na halaga nakakamit ang ekspansyon ng kapital (ang akumulasyon ng kapital). Ang problema ng posibilidad ng transpormasyong ito ay pundamental sa depinasyon ng produktibong paggawa ng kapitalistang sistema.

"Ang pagkakaiba sa pagitan ng produktibo at hindi produktibong paggawa ay mahalaga sa akumulasyon, dahil ang palitan kasama ng produktibong paggawa lamang ang isa sa mga kondisyon para sa transpormasyon ng labis na halaga sa kapital."[6]

Subalit sa antas na ito lumitaw ang karamihan sa mga kalituhan hinggil sa problema ng produktibong pwersa. Bilang resulta, ang mga kondisyon para sa transpormasyon ng labis na halaga ay iba-iba depende kung sila ay pumapatungkol sa indibidwal na kapitalista o pandaigdigang kapital.

Sa eksepsyonal na mga kaso lamang makonsumo ng kapitalista ang ginagawa ng kanyang sariling empresa. Ang bawat praksyon ng kapital ay katiting lamang sa loob ng isang sistema kung saan lumalaki ang pagkamasilimuot na magkatulad ang bilis sa sosyalisasyon ng produksyon. Pira-piraso ang kamulatan ng bawat kapitalista sa sistemang ito at walang kontrol dito. Nang magawa na ang kalakal, napunta ito sa merkado at nawala sa kontrol ng kapitalista na gumagawa nito. Ang mahalaga sa kapitalista ay matanggap ang katumbas na pera ng kalakal, para maibalik sa kanya mula sa produksyon ang mga kalakal na kailangan para sa rekonstitusyon at ekspansyon ng kanyang kapital.

Para sa indibidwal na kapitalista, o sa mas pangkalahatan, isang praksyon ng pandaigdigang kapital, "...ang katotohanan na ang paggawa ay produktibo ay absolutong walang kinalaman sa laman ng paggawa, ang kanyang partikular na gamit o partikular na halaga-sa-gamit kung saan ito ay na-materyalisa".[7]

Anuman ang halaga-sa-gamit ng kanyang produkto, sa panahon na magtagumpay na siya na ma-realisa ang kanilang halaga-sa-palitan, ang kanyang labis na halaga ay matransporma sa kapital, ang determinasyon ng produktibong paggawa ay independyente sa laman ng naturang paggawa.

Ang pandaigdigang kapital, sa kabilang banda, ay komukonsumo mismo sa esensyal na bahagi ng kanyang produkto dahil binubuo ito ng lahat ng mga kapitalista. Ang laman ng halaga-sa-gamit ng kanyang ginagawa ay direktang nagbibigay kondisyon sa posibilidad ng ekspansyon at realisasyon.

"Para makaipon, kailangang matransporma ang isang bahagi ng labis-na-produkto sa kapital. Pero liban sa milagro, hindi natin matransporma sa kapital ang anuman liban sa mga bagay na mailapat sa proseso-ng-paggawa (ie. kagamitan ng produksyon), at dagdag pa, ang naturang mga bagay ay angkop para sa ikabubuhay ng manggagawa (ie. kagamitan sa ikabubuhay). Bilang resulta, isang bahagi ng labis na halaga ay kailangang ilapat sa produksyon ng dagdag na mga kagamitan sa produksyon at ikabubuhay, na mas mataas sa kantidad ng mga bagay na kailangan para palitan ang nagamit na kapital. Sa isang salita, ang labis na halaga ay matransporma sa kapital sa tanging dahilan na ang labis na produkto, sa kanya mismong halaga, ay nariyan na ang materyal na mga elemento sa panibagong kapital."[8]

Mula sa pananaw ng pandaigdigang kapital, ang proseso ng pangkalahatang akumulasyon ng kapital - at ito lamang ang pananaw na makonsidera kung ang usapin ay paghuhusga sa kapitalistang sistema - ang produktibong paggawa ang lumilikha ng labis na halaga at na-kristalisa sa halaga-sa-gamit na produktibong ginagamit mismo sa proseso ng akumulasyon ng kapital.

Ito ang dahilan na giniit natin na ang paggawa (buhay at patay) na nasa produksyon ng kalakal gaya ng armas (kabilang na ang kalakal para sa luho,atbp) ay hindi produktibong paggawa.

"Ang mga serbisyo na boluntaryo o di-boluntaryong binibili ng kapitalista (sa pamamagitan ng estado, atbp) para sa kanyang konsumsyon dahil ang kanilang halaga-sa-gamit, ay hindi maging mga salik sa kapital, kundi kalakal para sa kanyang pribadong konsumsyon. Bilang resulta, ang mga ito ay hindi bumubuo ng produktibong paggawa at ang kanilang mga ahente ay hindi produktibong mga manggagawa."[9]

May dalawang pinagmulan ang karamihan sa mga kalituhan ng mga marxista sa usapin ng produktibong paggawa.

Ang una ay hinarap ni Marx ang problema mula sa punto-de-bista ng indibidwal na kapitalista, o mula sa pananaw na ang manggagawa ay pinagsamantalahan ng kapital. Dalawang dahilan ang paliwanag sa paggiit ni Marx sa ganitong nag-iisang aspeto ng problema: ang debate niya laban kay J.B. Say at Bastiat, na nilagay ang problema sa ganitong tereyn, at ang relatibong segundaryong kahalagahan ng problemang ito sa takbo ng pangkalahatang pag-unlad ng kapitalismo sa panahon na isunulat ito ni Marx. (Ang hindi produktibong gastusin ng kapital ay nagkroon lamang ng tunay na signipikanteng proporsyon sa panahon na inumpisahan ng Unang Digmaang Pandaigdig.)[10]

Ang pangalawang pinagmulan ng kalituhan ay malamang nasa kahulugan ng terminong ‘labis na halaga'. Ilarawan natin na ang isang kapitalistang bansa sa loob ng isang taon ay gumawa lamang ng mga kalakal at serbisyo na ang konsumsyon ay direktang produktibo, ibig sabihin, mga kalakal na direktang pumasok sa produktibong proseso. (Kung gayon ilarawan natin, halimbawa, na walang produksyon ng armas o kalakal para sa luho.) Sa kataposan ng isang taon, hawak ng mga kapitalista mismo ang maraming produkto na ibebenta nila sa lipunan: ito ang maraming labis na halaga, ang tunay na labis na halaga ng pandaigdigang kapital ng bansa.

Dagdag natin na ilarawan na sa kataposan ng unang taon, nagdesisyon sila na hindi na nila gamitin, gaya ng dating ginagawa nila, ang lahat na nakuhang labis na halaga sa produksyon para sa panibagong produktibong kalakal. Para manatili ang kanilang pribelihiyadong sitwasyon, nagkaisa sila na lumikha ng mga industriya para sa luho: para ipagtanggol ang kanilang mga sarili mula sa posibleng agresyon ng ibang mga bansa, nagdesisyon sila na lumikha ng industriyang militar. Itong mga bagong industriya ay malinaw na gagalaw ayon sa kapitalistang mga relasyon ng produksyon: sahurang paggawa, atbp..[11]

Ang problema ay ang sumusunod: ano ang kalikasan at pinagmulan ng tubo na kukunin ng mga kapitalista sa mga bagong sektor na ito? Lumilikha ba ng labis na halaga ang mga manggagawa sa mga industriyang ito? Ano ang relasyon sa pagitan ng tubo ng mga kapitalista sa sektor na ito at sa tunay na labis na halaga ng produktibong sektor?

Ang sagot ay malinaw na lilitaw nang ma-realisa na ang lahat ng produksyon ng mga sektor na ito ay binili ng mga kapitalista, ng uring kapitalista sa kabuuan (sa pamamagitan ng kanilang estado sa kaso ng kalakal-militar). Ang sahod ng mga manggagawa sa mga industriyang ito, kabilang na ang tubo ng mga kapitalista nito, ay binayaran ng dating nalikha na labis na halaga. Hindi lalaki ang pandaigdigang kapital mula sa paggawa ng mga hindi produktibong industriyang ito. Sa kabilang banda, ilaan nito ang isang bahagi ng labis na halaga, na dapat ilaan sa pagpalawak sa sarili, sa pagmintina kapwa sa mga manggagawa at mga kapitalista ng mga sangay na ito.

Mula sa punto-de-bista ng pandaigdigang kapital - o pambansa, sa kasong ito - ang mga manggagawang ito ay hindi lumilikha ng labis na halaga. Kabaliktaran, kinokunsumo nila ito. Pero mula sa pananaw ng kapitalista sa mga sektor na pinag-uusapan, binigyan sila ng mga manggagawang ito sa pamamagitan ng kanilang labis na paggawa, ng karapatan na ibenta (sa tantos na dinitermina ng kapital na pinuhunan nila, ayon sa batas ng ‘kapitalistang kapaligiran') ang depinidong bahagi ng napakalaking tunay na labis na halaga.

Ang Dassault o Chanel ay nagbigay sa ibang mga kapitalista ng mga kalakal na nilikha ayon sa kapitalistang moda ng pagsasamantala: sa halaga ng mga kalakal na ito ay kasama ang hindi bayad na paggawa mula sa mga manggagawa at ang katumbas na halaga  ay syempre, nagmula na naman sa mga batas ng kapitalismo, sa Dassault at Chanel. Ang ibang mga kapitalista ay binili ang mga kalakal na ito sa kanilang halaga at kaya na-realisa ang labis na halaga ng kanilang mga kasama.

Ang lakas-paggawa ng hindi produktibong mga sektor ay pinagtibay ang kanyang produktibong kapasidad kaugnay sa kagyat na kapital na bumili nito, sa pagbibigay ng kapital na may mataas na halaga kaysa tinanggap nito. Lumikha ang lakas-paggawa ng labis na halaga para sa kapital. Pero sa punto-de-bista ng pandaigdigang kapital, winasak nito ang labis na halaga.

Ang manggagawa na pinagsamantalahan ng hindi produktibong industriya ay proletaryado gaya ng manggagawa sa produktibong sektor. Subalit kung ang labis na halaga na nilikha ng huli ay bahagi ng TUNAY na labis na halaga na nagpalaki sa pandaigdigang kapital, ang labis na halaga ng mga manggagawa sa hindi produktibong sektor ay pinanggalingan ng tubo para lamang sa direktang kapitalista; ito ay hindi produktibong gastusin para sa pandaigdigang kapital.

Ang ating pinagmulan ay sagutin ang tanong: ang paggawa ba ng armas ay solusyon sa kapitalistang krisis? Mapigilan ba nito ang panibagong krisis? Ang mga tanong na ito ang nagdala sa atin na ihayag ang problema ng pagdetermina sa produktibong paggawa.

Ang sagot sa problema ay nagpahintulot sa atin na sagutin ng malinaw ang unang tanong; HINDI SOLUSYON SA KRISIS ANG PRODUKSYON NG ARMAS.

Ang pamilihan na binubuo ng gastusing militar ay kumakatawan din ng mabigat na pasanin para sa ekonomiya ng bawat bansa. Ang gastusing militar ay di kapani-paniwalang basura para sa kapital at para sa pag-unlad ng produktibong pwersa.[12] Tinataya na sa nagdaang ilang dekada tinatransporma ng Estados Unidos, sa average, ang isang-katlo ng kanyang taunang surplas sa kalakal-militar. Nagkahulugan ito na kung ang gastusin ay matransporma sa produktibong kalakal, ang paglaki ng ekonomiya ng Amerika (ipagpalagay na makakita ito ng kinakailangang pamilihan) ay mas mabilis ng mga 33 porsyento.

Ang produksyon ng kanyon ay nagpahiwatig para sa kapital hindi lang ng pagkawala ng paggawa na nasa kanyon mismo kundi mas pa sa isterilisasyon ng paggawang ito, isang harang sa patuloy na proseso ng pagpalawak mismo ng kapital. Pinasan ng kapital hindi lang ang pagkawala ng nagdaang paggawa kundi ang bigat din ng paralisis sa kanyang produktibong proseso.

Malinaw na ang ‘pampasiglang militar' ay hindi makatiyak sa walang hanggang paglawak ng kapitalismo. Bilang merkado isa lamang itong katulong na salik (sa panahon ng rekonstruksyon, halimbawa) at sa anumang kaso ang kanyang mga epekto, tulad ng sa rekonstruksyon, ay limitado ang itatgal: ang bansa na ginawang armas ang kanyang buong taunang surplas ay ganap na hihinto ang kanyang pang-ekonomiyang paglago sa katapusan ng taon. Muli lamang lalawak ang ekonomiya ng isang bansa kung mapagtubuan niya ang mga armas na ito, sa pamamagitan ng digmaan (at kung magtagumpay lamang ang bansa).[13] Mas malaki ang bahagi ng surplas na matransporma sa mga armas, mas maiksi ang itatagal ng pampasiglang epekto ng pamilihang ito, at mas maagang maipit ang usapin ng tubo. Mas matagal na hindi gagamitin ang solusyong ito, mas malaki ang bigat ng hindi produktibong pasanin sa pambansang ekonomiya: inplasyon, pagbagsak ng pagiging kompetibo ng mga produkto ng bansa sa pandaigdigang pamilihan (dahil ang gastusin ng mga produktong ito ay palaki ng palaki na binubuo ng gastusing militar), kung saan, sa kawalan ng pamilihan ay magresulta, sa paglala ng internal na problema ng kakulangan ng pamilihan. Walang ibang paliwanag sa lumalaking presyur na pinataw ng gobyernong Amerikano sa mga bansa sa Uropa upang sila na mismo ang aako sa gastusing militar.

Kailangang sagutin natin ngayon ang nakatagong tanong sa simula pa: kung ang produksyong militar ay nakakasira sa paglago ng kapital, bakit ang lahat ng mga bansa sa mundo, at laluna ang malalaking kapangyarihan, ay naglaan ng napakalaking bahagi ng kanilang produktibong kapasidad sa ganitong tipo ng produksyon?

Nakita natin na ang pangangailangang nilikha ng pangangailangang militar ay nagdadala ng partikular na bentahe bilang pamilihan: halimbawa, nakaapekto ito sa halos lahat ng mga sektor ng industriya, habang nagbibigay ng ispesyal na bentahe sa mga sektor na pinakamataas ang konsentrasyon ng kapital.

Ang kanyang papel bilang isang ekonomikong pampasigla ang nagtulak sa ilang manunuri sa pagsabi na ang pag-unlad ng industriya ng armas ay resulta ng mulat na desisyon sa bahagi ng mga kapitalista na gumawa ng artipisyal na merkado na inimbento para punan ang mga pangangailangan ng ekonomiyang laging naganganib na mainis dahil sa kakulangan ng pamilihan. Wala itong katotohanan. Ang kapitalismo ay gumagawa ng kalakal. Natural na ang kanyang pangunahing iniisip ay ang halaga sa palitan ng kalakal, ang kanyang katumbas sa pera. Pero hindi ito nagpahintulot na ibalewala ang halaga sa gamit ng kalakal. Ang produkto na walang halaga sa gamit, na walang halaga sa anumang panlipunang pangangailangan ay hindi kalakal. Wala itong puwang sa kapitalistang mundo. Ang kapitalistang estado na bumibili ng armas ay, tulad ng ibang kapitalista, bilanggo ng batas ng halaga: binibili lang nito ang umaayon sa tunay na pangangailangan. Ang merkado na sadyang inimbento ay iiral lamang sa panaginip ng bangkarotang mga kapitalista. Ang pag-unlad ng industriya ng armas ay nakaugnay sa paglala ng inter-imperyalistang antagonismo. Sa mundo na lubusang nahati sa magkaribal na mga kapangyarihan at kung saan napakaliit na ng pag-aagawan ng mga magkaribal, ang lakas militar ng bawat bansa ay naging napakahalaga, hindi maiwasang gamit para sa kanyang ekonomikong pananatili. Pinakita ng pandaigdigang mga digmaan ang kabayaran ng isang bansa na mahina sa larangang ito.

Hindi Produktibong Gastusin

Hindi lang ang paggawa ng armas ang hindi produktibong industriya para sa kapital. Ang dekadenteng kapitalismo magmula 1914 ay kinatangian ng nakakalulang paglago ng buong serye ng mga hindi produktibong pang-ekonomiyang aktibidad. Lahat ng mga gastusing ito ay pareho ang raison d'etre: kontrolin ang lumalaking kahirapang kinaharap ng pang-ekonomiyang sistema sa lahat ng mga erya para subukang tiyakin ang kanyang sariling reproduksyon. Ang paggawa ng armas ay isa lamang sa mga aktibidad na ito at kung hiwalay natin itong sinuri ito ay dahil sa kanilang napakahalagang papel bilang ‘ekonomikong pampasigla'.

Ilan sa mga gastusin na ganitong tipo na partikular na importante ay:

1. Gastusin para magminta ng 'panlipunang kapayapaan'. Lahat ng mga gastusin para magmintina ng mga empleyado mula sa polis hanggang sa makinarya ng unyon, mula sa mga manggagawa para sa kabutihan hanggang sa mga propesor sa sosyolohiya. Ganundin sa gastusin tulad ng kompensasyon sa mga walang trabaho, atbp. (ang Britanya, halimbawa, ay ‘nagmintina' ng mahigit isang milyong walang trabaho sa mahigit limang taon!)

2. Gastusin para kontrolin ang pang-ekonomiyang kahirapan sa loob ng isang bansa - o sa loob ng bawat kompanya. Ang kamangha-manghang paglobo ng pangkalahatang pang-ekonomiyang administrasyon ng estado: mga ahensya ng pagplano, mga ahensya ng pagkontrol, atbp. Kailangang idagdag dito ang lahat ng gastusin sa pagsubsidyo sa naluluging mga kompanya at ang lumalaking pagkasira ng agrikultura sa ilalim ng kapitalismo: bayad dahil hindi sinasaka ang lupain, pagkasira ng ani at surplas, ang gastusin para sa istabilisasyon ng pamilihang agrikultural, atbp. Mayroon ding gastusin sa pribadong mga kompanya na laging niligalig ng mga problema sa pagbebenta na pinalala ng kompetisyon: gastusin para makabenta, gastusing administratibo, at higit sa lahat ay advertising (ang mga gastusing ito ay sa pangkalahatan mas mababa sa estadong kapitalista na mga bansa pero anumang naipon ay tinumbasan ng napakalaking basura dahil sa iresponsableng burukrasya na nasa larangan ng distribusyon). Ang pag-unlad ng Ikatlong sektor ay sa malaking bahagi resulta ng ganitong tipo ng hindi produktibong gastusin.

3. Ang mga gastusin dahil sa pagkasira na resulta ng desperadong galaw ng mga kompanya sa ilang mga bansa (Estados Unidos at sa ilang mga kaso Uropa at Hapon) na naharap sa pangangailangan mabayaran dahil sa kakulangan ng pamilihan. Ang pinaka-namumukod na aspeto ng ganitong penomenon ay ang pagpababa ng halaga-sa-gamit ng mga pangunsumong kalakal (sasakyan, stockings, electric appliances, atbp) na mulat na ginagawa para planadong palausin. Ang teknikang ito ay pinalakas ng advertising sa layuning lumikha ng uso at hindi uso. Isa sa halimbawa ng mga anomalyang ito ay ang sasakyan: sa simula ay isang tunay na panlipunang pangangailangan na dahan-dahan naging panlipunang kapahamakan. Ang produktibong aspeto ng sasakyan (gamit para sa transportasyon ng lakas paggawa) ay palaki ng palaki na nagparaya sa hindi produktibong aspeto ng kalakal bilang nakamamatay na basura.

4. Ang gastusin na lumitaw mula sa internasyunal na ugnayan sa partikular, ang antas ng gastusing militar ay nakakahilo sa imahinasyon. Ang total na gastusing militar ng Estados Unidos at USSR ay mas malaki sa pinag-isang pambansang kita ng buong Latin America idagdag pa ang India at Pakistan. Ang mga estado sa Gitnang Silangan ay naglaan ng 25 porsyento ng kanilang GNP sa armas. Sa nagdaang sampung taon ang pandaigdigang kapital ay gumastos sa armas ng mas malaki kaysa unang limampung taon ng siglong ito - kasama na ang dalawang pandaigdigang digmaan.

Ang Di-Patas na Paglago ng Hindi Produktibong Sektor:

Ang Katangian ng Pagbulusok-Pababa

Umiiral din ang hindi produktibong gastusin sa pasulong na yugto ng kapitalismo. Ang luhong kalakal para sa nagharing uri, halimbawa, ay umiral na mula pa sa paglitaw ng kapitalismo. Ganun din sa polis, hukbo at gastusing administratibo sa estado. Pero ang antas ng mga gastusing ito sa nagdaang siglo ay hindi makumpara sa parehong tipo ng gastusin sa nagdaang animnapung taon.

Ang hindi produktibong laman ng mga ‘artipisyal' na gastusing ito sa produksyon sa pasulong na kapitalismo ay kumalma dahil ang mga relasyon sa produksyon sa panahong iyon ay batayan sa pag-unlad ng produktibong pwersa. Nang naghari ang kapitalismo sa mundo sa pamamagitan ng pagwasak sa hindi-pa-kapitalista na mga relasyon, nang pinataw nito ang kanyang mga teknika sa buong daigdig, ang kanyang mga relasyon sa produksyon ay mga produktibong pwersa din. Sa panahon na ang pangkalahatang gastusin na kailangan sa pagmintina sa mga relasyon ng produksyon ay natumbasan ng produktibong katangian ng mga relasyong ito. Kaya, nang ang imperyalistang hukbo halimbawa, ay nagpataw ng kapitalistang mga relasyon sa isang bahagi ng mundo, napayaman ang pandaigdigang kapitalismo. Ang mga hukbong ito sa ilang mga okasyon ay tunay na produktibong pwersa para sa pandaigdigang kapitalismo.

Ganap na nabago ang sitwasyon sa panahon na ang mundo ay nahati sa mga nagpaligsahang kapangyarihan. Ang digmaan ay nagdadala lamang ng redibisyon sa mga nakaw, anumang panibagong pananakop ay imposible na. Mula noon, ang isang kapitalistang kapangyarihan ay nakakuha ng impluwensya gamit ang militar nito ay sa kapinsalaan lamang ng iba pang kapangyarihan. Para sa pandaigdigang kapital ang digmaan ay kumakatawan lamang sa internal na pagkalansag, isang mapaminsalang basura. Nang hindi na instrumento ang kapitalistang mga relasyon sa produksyon para sa pag-unlad ng produktibong pwersa at naging hadlang na, lahat ng ‘artipisyal' na gastusin na kailangan nito ay naging simpleng basura. Mahalagang tandaan na ang inplasyon sa artipisyal na gastusin ay isang hindi maiwasang penomenon na pinataw ang sarili sa kapitalismo na kasing marahas sa kanyang mga kontradiksyon.

Sa loob ng kalahating siglo ang kasaysayan ng kapitalistang mga bansa ay napuno ng mga ‘programa sa paghihigpit', mga pagtatangka para pigilan ang orasan, mga pakikibaka laban sa hindi makontrol na paglawak ng gastusin ng gobyerno at sa hindi produktibong gastusin sa pangkalahatan. Sa bawat panahon na titindi ang kompetisyon sa kritikal na anyo, ang usapin ng mga gastusing ito ay mas matalas na lilitaw.[14] Lahat ng mga pagsisikap na ito, sa kabilang banda, ay sistematikong nagtapos sa kabiguan. Tandaan ang planong paghihigpit ni Nixon (August 15,1972) at ang anti-inplasyon na badyet na kasama nito: sa kabila ng lahat ng pananalita, ang gastusing militar - ang pangunahing pinanggalingan ng inplasyon sa Estados Unidos - ay muling lumaki. Ang hindi produktibong gastusin sa dekadenteng kapitalismo ay tulad ng droga, kung saan magkasabay na gamot at lason, para sa ilang mga sakit. Mas lumala ang sakit, mas palakihin mo ang dosis; mas pinalaki mo ang dosis, sa kabilang banda, mas naging malala ang sakit. Ang inplasyon ay kanser sa modernong kapitalismo at ang hindi produktibong gastusin ay ang kanyang pangunahing pinanggalingan ng sustansya. Mas tumindi ang kahirapan ng kapitalismo, mas kailangan niya na paunlarin ang artipisyal na mga gastusin. Ang mabangis na halinhinang ito, itong gangrena na binubulok ang kaibuturan ng sistema ng sahurang paggawa, ay isa lamang sa mga sintomas ng tunay na sakit: ang dekadenteng kapitalismo. Ang mga epekto ng lahat ng ito ay alam na sa mahigit kalahating siglo:pandaigdigang rebolusyon o proletaryong rebolusyon: sosyalismo o barbarismo.

 


 

[1] Marx, "Materiaux Pour L'Economie", in Oeuvres, Vol.2, La Pleiade, p.387

[2] Marx, Capital, Vol. 1, Pt. V, Chap. XVI, in Oeuvres, Vol. 2, La Pleiade, p.1001 (We cite this French edition because it renders the passage in question more accurately than the English translation)

[3] Marx, Capital, Vol. 1, Pt.3, Chap. VII, London 1970, p.180-181

[4] Marx "Materiaux Pour L'Economie", in Oeuvres, Vol. 2, La Pleiade, p.392

[5] Ibid, p.388

[6] Ibid, p.398

[7] Ibid, p.393

[8] Marx, Capital, Vol 1, Pt. VII, Chap. XXIV, Section 1, London 1970, p.580-581

[9] Marx, "Mareriaux Pour L'Economie", in Oeuvres, Vol. 2, La Pleiade, p.390. Makita lamang natin ang pagka-ignorante kapwa sa marxismo at kapitalistang realidad ng mga ‘marxista' gaya ni H. Weber na, nagtago sa "tuyo at tigang na teorya" na nakita lang ang "etikal na kriterya" sa ganitong depinisyon ng produktibong lakas.

[10] Ang kahulugan ng produktibong paggawa sa ilalim ng kapitalismo ay maiugnay lamang sa makabuluhang laman ng paggawang ito sa punto ng depinidong pag-unlad ng sistema. Ang unang mga kapitalistang tiga-manupaktura ay pangunahing lumikha ng ‘hindi produktibong' mga kalakal: armas, pulbura ng baril, luhong damit, atbp. Sa kabilang banda, hindi ito naging mayor na problema sa pag-unlad ng kapitalismo. Ang dahilan ay ang kapitalistang sektor ay nanatiling simpleng pagawaan sa loob ng isang proseso ng panlipunang produksyon na sa kalakhan ay dominado pa ng hindi-kapitalista na mga pormasyon (sa esensya pyudal). Ang agrikultural at artisanong produksyon ay maka-suplay pa sa kapitalistang tiga-manupaktura ng mga batayang materyales para sa kagamitan sa produksyon at para sa pangunsumong kalakal na kailangan para sa produksyon na gumagalaw na may napakababang teknikal na komposisyon ng kapital, ie, kung saan nangingibabaw ang buhay na paggawa sa patay na paggawa. (Ang unang mga pagawaan ay karamihan asosasyon ng mga artisano, na nagtrabaho sa makalumang paraan, pero napailalim sa rehimen ng sahurang paggawa ng isang kapitalista.)

Sa ganitong kondisyon, ang laman na halaga-sa-gamit ng kapitalistang kalakal ay hindi gaano importante para sa pag-unlad ng kapital. Sa panahon lamang na nakontrol na ng kapitalistang moda ng produksyon ang buong panlipunang produksyon ("ang tunay na dominasyon ng kapital") na ang kahulugan ng produktibong paggawa ay nagkaroon ng ispisipikong kabuluhan. Kaya naisulat ni Engels: "Sa simula ng ika-14 siglo, ang pulbura ng baril ay nagmula sa mga Arabo tungo sa Kanlurang Uropa, at gaya ng nalaman ng bawat bata, ay ganap na nag-rebolusyunisa sa mga paraan ng pakikidigma. Ang introduksyon ng pulbura ng baril at baril, sa kabilang banda, ay hindi lang galaw ng pwersa, kundi hakbang pasulong ng industriya, isang pang-ekonomiyang pagsulong. Ang industriya ay industriya, ilapat man ito sa produksyon o destruksyon ng mga bagay" (Engels, Anti-Duhring, Moscow 1969, p.200)

Si H. Weber, na malas na sumulat sa paksang ito na nasa itaas na sinaad sa pampleto, ay hindi nabigong huluin na ang industriya ngayon na inilaan sa konstruksyon ng armas, "itong modernong pangunsumong kalakal", ay isang industriya na kasing produktibo ng iba. Hindi talaga nakita ni Mr. Weber bakit dapat maisip ng sinuman na nagbabago ang lahat sa produktibo at hindi produktibong katangian ng paggawa sa mga paktorya ng Dassault gumagawa man sila ng eroplanong pamboba o civil aviation aeroplanes. Sa ika-15 siglo, lahat ng kapitalistang mga empresa ay maaring walang ibang gawin kundi armas at makapagpalawak pa rin. Kung isinilarawan ni Mr. Weber ang katulad na bagay ngayon at huluin na ito ay kumakatawan ng kapitalistang ekspansyon - lahat ng ito ay nasa lohika ng kanyang argumento.

[11] Ipinagpalagay natin na ang bansang ito ay walang eksternal na kalakal na maaring mapigilan nito ang hindi produktibong implikasyon ng mga industriyang ito sa ibang mga bansa gaya ng halimbawa na nasa itaas ( ang halimbawa ng Dassault at Peru).

[12] Ang buhay na paggawa at ang mga kagamitan sa produksyon para sa ganitong tipo ng produksyon ay hindi produktibo, hindi sila produktibong mga pwersa - o kung isalarawan ito mula sa pangkalahatang punto-de-bista, mula sa punto-de-bista ng proseso ng paggawa, isterilisado sila, winawasak ang produktibong pwersa. Ang syensya at mga teknika lamang ng produksyon ang umunlad sa mga sektor na ito, sa antas na manatili silang iiral matapos ang produksyon at tanging sa antas na mailapat sila sa paglikha ng produktibong kalakal, sila ay produktibong pwersa.

[13] Ang pagwasak ng Rusya sa buong mga paktorya ng Czechoslovakia at Mongolia para dalhin sila sa kanyang sariling teritoryo sa kataposan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay isang kamangha-managhang ilustrasyon na mapagtubuan ang produksyong militar.

[14] Ang tagumpay ng mga taong gaya ni Ralph Nader sa Estados Unidos, kaaway ng pumapatay na mga sasakyan at mga produkto na madaling masira, ay hindi lang nagmula sa galit ng mga ‘konsumador'.