Pagtaas ng presyo ng langis: kaya bang pigilan ng gobyerno?

Printer-friendly version
Ilang beses na bang tumaas ang presyo ng langis mula noong 1973? Hindi lang nakakapagod na bilangin kung ilan na kundi nakakainis at manggagalaiti tayo sa galit.

Ano ba ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis? Kahit batang nasa elementarya ay alam na kung tataas ang presyo ng langis ay magsi-taasan din ang mga presyo ng iba’t-ibang bilihin dahil ayon sa mga negosyante, “direkta at indirekta ay ginagamitan ito ng langis”.

Alam din ng mga konsumador na sa atin ipinapasa ng mga negosyante ang pagtaas ng presyo ng bilihin – tayong mga manggagawa at mala-manggagawa sa kanayunan at kalungsuran. Syempre manggalaiti din sa galit ang maliit na mga negosyante dahil hindi na sila makaungos sa mabagsik na kompetisyon ng kapitalismo. Maiinis din ang mga nasa panggitnang uri dahil dagdag gastos sa kanilang mga sasakyan. Sa madaling sabi, malaking mayoriya ng populasyon ang nahihirapan. Subalit, ang mas nahihirapan ay ang masang anakpawis ng lipunan.

Bakit tumaas ang presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan?

Una sa lahat, dapat maintindihan na ang mundo ngayon ay kontrolado ng uring kapitalista kung saan ang laging ninanais ay magkamal ng tubo. Pangalawa, lahat ng mga gobyerno sa daigdig ay kontrolado ng at nagsisilbi para sa mapagsamantalang mga uri.

Mula pa noong 1973 ay patuloy na ang pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan. Ang mga “pagbaba” ng presyo ay nilamon lamang ng ilang dekadang pagtaas ng presyo nito.

Mula pa noong huling bahagi ng 1960s ay nasa permanenteng krisis na ang pandaigdigang kapitalismo. Ang pagtaas ng presyo ng langis sa kasalukuyan ay epekto lamang ng tumitinding krisis ng sistema at hindi simpleng dahil sa pagiging ganid ng uring kapitalista sa tubo.

Dahil sa krisis ay mas lalong humina ang kapitalistang produksyon na siyang sentral na pinagkukunan ng tubo ng mga kapitalista. Sapagkat mahirapan ng makakuha ng tubo sa produksyon ay nagkasya na lamang ang mapagsamantalang uri sa ispekulasyon. Ito ang isa sa mga dahilan ng pagtaas ng presyo ng langis. Ang pangingibabaw ng ispekulatibong ekonomiya ay manipestasyon ng malubhang krisis ng sistema.

Ikalawang dahilan ay ang kaguluhan ngayon sa Gitnang Silangan. Kaguluhan na hindi kagagawan ng masang anakpawis kundi kagagawan ng inter-imperyalistang digmaan at intra-paksyunal na bangayan ng mga pambansang burgesya na may kanya-kanyang among imperyalistang kapangyarihan.

Ikatlong dahilan ay ang pandaigdigang krisis sa utang na sumabog noong 2006-07. Ang lumalaking utang ng kapitalistang mundo mula pa noong 1970s ang mayor na dahilan ng inplasyon o pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Samakatuwid, ang dahilan ng pagtaas ng presyo ng langis ay ang wala ng solusyon na krisis ng pandaigdigang kapitalismo na nagsimulang sumabog noong huling bahagi ng 1960s.

Totoo ba na ang Oil Deregulation Law ang dahilan ng walang humpay na pagtaas ng presyo ng langis sa Pilipinas?

Naniwala ang karamihan na ang Oil Deregulation Law ng 1998 ang dahilan kung bakit patuloy na tumataas ang presyo ng langis. Sabi nila, dahil daw binitawan ng gobyerno ang kontrol o regulasyon sa presyo ay tumaas ang presyo ng produktong petrolyo.

Pero bakit hindi nakaligtas ang Pilipinas sa krisis ng langis noong 1973 kung saan kontrolado o kaya regulado ng diktadurang Marcos ang presyo ng langis sa kabila na pag-aari ng estado ang Petron at dadaan sa kapasyahan ng gobyerno ang pagtakda ng presyo? Bakit hindi napigilan ng panghihimasok ng gobyerno sa pagtakda ng presyo ang pagtaas ng presyo ng langis noong 1979 at 1997 bago ang deregulasyon noong 1998?

Ang deregulasyon noong  1990s ay paraan ng mga gobyerno upang ipasa sa buong lipunan ang krisis na pinapasan ng una mula pa noong 1930s. Ang panghihimasok o kontrol ng pamahalaan sa ekonomiya ay tinatawag na keynesianismo sa Kanluran at stalinistang totalitaryanismo sa Silangan. Subalit kung nabigo ang keynesianismo at stalinismo na pigilan ang krisis noon, nabigo din ang deregulasyon na pigilan ang pagsabog ng krisis noong 2007 na mas lalong lumala ngayon.

Pag-aari man ng estado ang mga industriya – Keynesianismo o Stalinismo/Maoismo  – o “luwagan” man ng estado ang kontrol dito – deregulasyon – hindi nito mahadlangan ang pagtaas ng presyo ng langis at iba pang bilihin dahil hindi ang  pamamahala sa kapitalistang ekonomiya ang problema kundi ang mga panloob na kontradiksyon mismo ng kapitalismo na nagbunga ng laganap na ispekulasyon sa ekonomiya, mataas na inplasyon at mabangis na kompetisyon para sa tubo sa pagitan ng mga makapangyarihang kapitalistang gobyerno. Sa madaling sabi, ang KAPITALISMO mismo ang problema.

Ano ang dapat gawin?

Aasa ba tayo sa gobyerno at sa mga batas nito?

Maraming nagsasabi sa hanay ng Kaliwa na ang solusyon sa krisis ay bumalik sa Keynesianismo o Stalinismo/Maoismo. Pero ito ay malaking kasinungalingan! Hindi napigilan ng Keynesianismo at Stalinismo ang pagsabog ng krisis noong 1920s-1930s na siyang dahilan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Hindi rin nito napigilan ang pagsambulat ng panibagong krisis noong 1960s-1980s kahit pa sa anyo ng mga diktadurang pamamahala o kaya nasa pamumuno ng Kaliwa ang gobyerno.

Hindi na maaring gamitin ng burgesya ang mga paraang ginamit niya sa nakaraan – kontrol ng estado - na napatunayanng mas lalupang nagdiin sa sistema sa krisis. Katunayan, ng tangkaing isalba ng mga estado ang mga nabangkarotang bangko at korporasyon, ito na mismo ang nabangkarota ngayon – Greece, Spain, Portugal.

Kahit ano pang mga batas ang gawin ng gobyerno, hindi na nito mapigilan ang daluyong ng rumaragsang krisis ng sistema dahil ang unos ay ang mismong pundasyon ng ekonomiya.

Aasa ba tayo sa mga politiko ito man ay nasa administrasyon o oposisyon?

Ilang dekada ng nagpalit-palit sa pwesto ang iba’t-ibang paksyon ng mga politiko at nangakong isalba ang bansa sa krisis kung sila ang nasa pwesto? Ilang taon na mula ng pumasok ang mga “progresibo” sa kongreso at nagsabi sa hirap na mamamayan na “kami ang boses ninyo sa bulwagan ng mga buwaya”? Ano ang nangyari? Wala tayong maasahan sa mga politiko, ito man ay nasa adminsitrasyon, ‘oposisyon’ o nag-aastang ‘progresibo’ sa loob ng kongreso.

Sapat na ba ang isang araw na mga protesta?

Tama lamang na lumabas tayo sa lansangan at ipakita ang ating pagtutol sa mga atake ng kapitalismo sa ating kabuhayan. Tama lamang na sumama tayo sa mga rali, demonstrasyon at welga.

Pero ilang beses na ba tayong lumabas sa kalsada sa pamumuno ng mga unyon at partido ng Kaliwa mula ng tumaas ang presyo ng langis? Bakit walang nangyari?

Hindi sapat ang isang araw na malakihang rali at demonstrasyon. Hindi na uubra na “kurutin” lamang sa singit ang gobyerno. Kailangan na ang matinding dagok sa gobyerno hindi para mahimasmasan ito kundi para tuluyan na itong malugmok. Ilang beses ng ginawa ng mga unyon at “progresibong” organisasyon ang mga pagkilos upang “kurutin” lamang sa singit ang gobyerno pero walang epekto.

Ang kailangan ay ilang araw na sunod-sunod na mga malalaking rali at demonstrasyon sa pambansang saklaw. Ang kailangan ay mga malawakang welga ng manggagawa laban sa mga atake ng gobyerno at kapitalista. Ang kailangan ay suwayin ng masang anakpawis ang mga batas ng gobyerno na pumipigil upang maging epektibo ang ating pakikibaka. Ito ang pinakita sa atin ng ating mgakapatid na  manggagawa at maralita sa Tunisia, Egypt, Greece, at Spain.

Pero mangyari lamang ito kung tayo mismong mga manggagawa at maralita ang magpasya sa ating laban.

Tayong mga manggagawa at maralita mismo ang magpasya!

Kung nais nating may mangyari pabor sa ating mga anakpawis, tayo mismo ang magpasya sa ating laban. Tayo mismo ang magbuo ng mga organo ng pakikibaka at magplano paano dadalhin ang laban. Huwag nating ibigay ang pagpapasya  sa mga umaangking mga “lider” at “representante” natin na nakikipaglampungan sa mga politiko at kapitalista para lamang manalo sa eleksyon o para makaipon ng pera para palakihin ang gerilyang hukbo sa kanayunan.

Pinakita ng mga kapatid nating manggagawa sa Greece, Spain, France, Great Britain at USA kung paano hawakan sa ating sariling mga kamay ang pakikibaka. Ito ay ang pagbuo ng mga asembliya, gawing buhay ang mga talakayan at diskusyon at ihalal ang ating mga delegado sa mga  asembliyang ito. Totoong hindi ito sapat dahil kailangan pa natin ang mas malawak, mas marami at tuloy-tuloy na mga pakikibaka para labanan ang mga atake ng kapital; kailangan nating magkaisa sa pandaigdigang saklaw laluna sa mga kapatid nating manggagawa sa Uropa. Higit sa lahat kailangan nating buuin ang kumpyansa sa ating sariling lakas at pagkakaisa.

Wala ng maibigay kahit anumang makabuluhang reporma ang gobyerno para sa atin. Para mapigilan ang pagtaas ng presyo ng langis at iba pang bilihin kailangan nating ibagsak ang gobyerno at ang bulok na sistema at itayo ang isang lipunan para sa masang anakpawis…ang lipunang sosyalismo.

Ang emansipasyon ng uring manggagawa ay nasa kamay mismo ng masang manggagawa! 

Internasyonalismo

Marso 15, 2012

Contact us: [email protected]