Paano ka makatulong sa IKT

Printer-friendly version

Ang lumalalang kalagayang kinakaharap ng sangkatauhan ay patuloy na nalalantad. Ang pandaigdigang kapitalistang ekonomiya, matapos ang apat na dekadang pagtatangkang resolbahin ang hayagang krisis pang-ekonomiya, ay gumuguho sa ating harapan. Ang mga tunguhing iniharap ng pagkasira ng kapaligiran ay mas nakakabahala sa bawat lumalabas na bagong syentipikong pagsusuri. Digmaan, gutom, panunupil at katiwalian ay araw-araw na nararanasan ng nakakarami.  

Kasabay nito, ang uring manggagawa at ang ibang mga inaaping saray ng lipunan ay nag-umpisang labanan ang hinihingi ng kapitalismo na mga sakripisyo at paghihigpit. Mga panlipunang pag-aalsa, okupasyon, demonstrasyon at mga kilusang welga ay sumambulat sa mga magkasunod-sunod na bansa mula Hilagang Aprika hanggang Uropa at Hilaga at Timog Amerika.  

Ang pag-unlad ng lahat ng mga kontradiksyon at bangayang ito ay kumukumpirma lamang sa pangangailangan ng aktibong presensya ng isang organisasyon ng mga rebolusyonaryo na kayang magsuri sa mabilis na nagbabagong kalagayan, makapagpahayag na malinaw at may nagkaisang boses lagpas ng mga hangganan at sa lahat ng mga bansa, sumali ng direkta sa mga kilusan ng mga pinagsasamantalahan at tumulong sa paglilinaw ng kanilang mga pamamaraan at layunin.  

Hindi maipagkaila na ang pwersa ng IKT ay napakalimitado kung ihahambing sa napakalaking responsibilidad na aming kinakaharap. Nasaksihan natin ang pandaigdigang paglitaw ng isang bagong henerasyon na naghahanap ng mga rebolusyonaryong kasagutan sa krisis ng kasalukuyang sistema, nguni’t mas makabuluhan para sa mga sumisimpatiya sa mga pangkalahatang layunin ng aming organisasyon na makipag-ugnayan sa IKT at gumawa ng kanilang sariling ambag para sa kakayahan nitong kumilos at umunlad. 

Hindi lamang kami nagsasalita hinggil sa pagsali sa aming organisasyon, subali’t darating kami diyan. Pinapahalagahan namin ang anumang suporta at tulong na maialok ng sinumang may pangkalahatang pagsang-ayon sa aming politika.

Paano ka makatulong?

Una, sa pakipagtalakayan sa amin. Sumulat sa amin sa pamamagitan ng koreo, email, o sumali sa aming online discussion forum. Dumalo sa aming mga pampublikong pulong at mga pulong na inoorganisa para sa mga kontak. Maghapag ng mga katanungan hinggil sa aming mga paninindigan, pagsusuri, kung paano kami sumulat, kung paano gumagana ang aming website, at iba pa.

Sumulat para sa aming website at mga pahayagan, ito man ay mga ulat tungkol sa mga pulong na iyong dinaluhan, mga kaganapan sa iyong tinatrabahoan, sektor, o komunidad, o mas maunlad na mga artikulo, o mga teoritikal na ambag, at iba pa.

Tulungan kaming isalin mula/tungo sa iba’t ibang wika na aming sinusulat: ang IKT ay may mga web pages sa English, French, Spanish, German, Dutch, Italian, Portuguese, Hungarian, Swedish, Finnish, Russian, Turkish, Bengali, Korean, Japanese, Chinese, at Filipino. May palagian at napakaraming mga artikulong isalin sa iba’t ibang wika, kasama na ang ilang pinakabatayang teksto ng aming organisasyon. Kung may kakayahan kang isalin tungo sa mga ito o sa ibang mga wika, ipaalam sa amin.

Sumali sa aming mga pampublikong pagkilos: magbenta ng mga pahayagan sa lansangan, magsalita at mamahagi ng aming pahayagan sa mga piket, demonstrasyon, okupasyon. Tulungan kaming mag-intervene sa mga pampulitikang pulong, makisali ka sa mga ito at makipagtalastas para sa mga rebolusyonaryong ideya; mag-ambag sa mga internet discussion forum kung saan kami ay regular na sumasali, katulad ng libcom.org o revleft (sa partikular ang left communist forum nito: www.revleft.com/vb/group.php?groupid=9), www.red-marx.com, at iba pa.

Kung may mga kakilala kang interesado rin sa usapin ng rebolusyonaryong politika at makauring pakikibaka, magtayo ng mga sirkulo ng talakayan, forum sa makauring pakikibaka o kahalintulad na mga grupo. Bukas loob kaming tutulong na maisakatuparan mo ito at sa aming pagsali mismo rito.

Mag-ambag ng mga praktikal na kasanayan at kakayahan: mga litrato, likhang-sining, kasanayan sa computer…

Tumulong sa pagpapalago ng aming limitadong pananalapi sa pamamagitan ng pagbibigay ng regular na donasyong pinansyal, pagtangkilik sa aming pahayagan, kumuha ng dagdag na kopya ng mga ito upang ibenta sa iyong mga kakilala, o ilagay sa mga lokal na bookshop.

Pagsali sa IKT

Buong galak naming tinatanggap ang mga kahilingan ng mga kasamang nais iangat ang kanilang suporta sa organisasyon sa mas mataas na antas sa pamamagitan ng pagiging mga kasapi.

Habang hindi lahat ng simpatisador ay sasali sa organisasyon, para sa amin ang pagiging kasapi ay ang pagiging lubos na kabahagi ng kasaysayan ng makauring pakikibakang proletaryo. Ang proletaryo ay likas na isang uri na ang lakas ay nakabatay sa kanyang kakayahan para sa kolektibong organisasyon, at ito’y totoo rin sa kanyang mga rebolusyonaryong elemento, na palagiang hinahangad ang pagkakaisa sa mga organisasyon para ipagtanggol ang komunistang tunguhin laban sa bigat ng dominanteng ideolohiya. Ang pagiging kasapi ng IKT ay magbibigay daan sa mga kasama sa direktang pagsali sa mga talakayan na palagiang inilunsad sa loob ng organisasyon at ang pagkakaroon ng pinakaepektibong ambag sa aming interbensyon sa makauring pakikibaka. Sa paghubog ng mga pagsusuri at patakaran ng organisasyon, ang pinakamakabuluhang lugar ng bawat militante ay sa loob nito. Habang para sa organisasyon sa kabuuan, ang mga kasapi ay ang di-mapapalitang rekurso na kanyang maaasahan at sa pamamagitan nito’y makapaglunsad at makapagpaunlad ng mga pagkilos sa pandaigdigang antas.

Bago magiging kasapi ng IKT, esensyal sa sinumang kasama na magkaroon ng malalimang talakayan hinggil sa aming mga pundamental na pampulitikang posisyon na iniugnay ng isang pangkalahatang marxistang pagkakaugnay na nakapaloob sa aming Plataporma, upang sinumang magiging mga kasapi ay magpasya mula sa dalisay na kapasyahan at may kakayahang ipaglaban ang aming mga pampulitikang posisyon dahil mayroon silang sapat na kaalaman hinggil dito. Mahalaga rin na talakayin ang aming batas pang-organisasyon at sumang-ayon sa mga batayang prinsipyo at patakaran na gumagabay sa aming pagkilos: paano kami kolektibong nag-oorganisa sa lokal, pambansa, at pandaigdigang antas, ang papel ng mga kongreso at mga sentrong organo, paano namin sinasagawa ang aming panloob na mga debate, anong inaasahan sa mga kasapi hinggil sa kanilang partisipasyon sa buhay ng organisasyon, at iba pa. Ang batayang pamamaraan na nakapaloob sa aming batas ay makikita sa tekstong ito: (‘Report on the structure and functioning of the revolutionary organization’).     

Sa ganitong pakahulugan, kami ay nasa tradisyon ng partidong Bolshevik, kung saan ang isang kasapi ay ang sinuman na hindi lang sumasang-ayon sa programa ng partido kundi naglalayon ding aktibong ipagtanggol ito sa mga pagkilos ng organisasyon, at kung sa gayon ay handa siyang sumunod sa pamamaraan ng pagkilos batay sa nakapaloob sa batas nito.

Hindi ito madaling proseso at nangangailangan ng panahon at tiyaga. Di tulad ng mga grupong kaliwa, Trotskyista at iba pa, na puno sa kasinungalingang nangangalandakang sila’y angkan mula sa Bolshevismo, hindi kami naglalayong mangrekluta kahit sa anong presyo, at humantong sa mga kasaping walang pinag-iba sa mga tau-tauhan ng laro ng burukratikong liderato. Ang tunay na komunistang organisasyon ay yayabong lamang kung ang mga kasapi nito ay may malalim na pag-intindi sa mga paninindigan at pagsusuri nito at sumasali sa kolektibong pagpupursige na maisakatuparan at mapaunlad ang mga ito.

Ang rebolusyonaryong politika ay hindi isang libangan: Kinabibilangan ito ng parehong intelektwal at emosyunal na komitment sa pagharap sa mga hinihingi ng makauring pakikibaka. Pero hindi rin ito isang gawaing monghe, na hiwalay sa buhay at usapin ng uring manggagawa. Hindi kami kulto, na naghahangad na kontrolin ang bawat bahagi ng buhay ng aming kasapian, at gawin silang panatiko na walang kakayahan sa mapanuring pag-iisip. Hindi rin namin inaasahan na ang bawat kasapi ay maging mga ‘eksperto’ sa lahat ng aspeto ng marxistang teorya, o sumapi sa amin na may mataas na antas na kasanayan sa pagsusulat o sa pampublikong pagtatalumpati. Kinikilala namin na ang bawat kasama ay may magkaiba-ibang kakayahan sa iba’t ibang larangan. Kami ay kumikilos batay sa komunistang prinsipyo na ang bawat isa ay mag-aambag batay sa kani-kanilang kakayahan – na ito’y tungkulin ng kolektibo na imaksimisa ang mga indibidwal na enerhiyang ito sa pinakamabisang paraan.

Ang kapasyahang pumaloob sa isang rebolusyonaryong organisasyon ay hindi basta-bastang ginagawa. Subali’t ang pagsapi sa IKT ay nangangahulugan ng pagiging kabahagi ng isang pandaigdigang kapatiran na nakikibaka sa iisang layunin – ang tanging layunin na tunay na makapagbigay ng kinabukasan para sa sangkatauhan. 

IKT, Nobyembre 2011

Rubric: 

Internasyunal na Komunistang Tunguhin