Submitted by Internasyonalismo on
Bilang mga rebolusyonaryo at marxista, alam nating may kulang at may mali sa ating mga praktika sa kasalukuyan. Sinikap natin itong suriin kung ano ang mga ugat. Pero nahirapan tayong tukuyin at mas nahirapang itakwil ang mga pagkakamali dahil nakulong lamang ang ating pagsusuri sa ating makitid na praktika. Hindi natin nakita na ang ating mga praktika ay may kasaysayan 200 taon na ang nakaraan at mahigpit na nakaangkla sa pandaigdigang sitwasyon at karanasan ng proletaryong pakikibaka.
Ayaw tanggapin ng iba na may mali at kulang sa kanilang praktika dahil may mali at kulang sa teoryang gabay nila. Hindi dahil kulang o mali ang marxismo bilang buhay na rebolusyonaryong teorya ng internasyunal na proletaryado kundi dahil naniniwala sila na tama ang “marxismo” nila. Dahil dito, tinitingnan lamang nila ang mga kakulangan at pagkakamali sa makitid na pananaw ng “kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan”. Makitid dahil nakapokus lamang sa pambansang sitwasyon gayong sa marxismo ang ibig sabihin ng kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan ay ang pandaigdigang ebolusyon ng krisis ng kapitalismo at ang mga implikasyon nito sa makauring pakikibaka ng proletaryado at maging sa programa nito.
Dahil sa “pambansang” marxismo, hindi nila namalayan na kahit ang pag-unawa sa rebolusyong Ruso ng 1905/1917, rebolusyong Aleman ng 1919 at pag-aalsang proletaryo sa Tsina noong 1927 ay ikinulong nila sa “pambansang partikularidad” sa halip na sa pandaigdigang realidad. Karay-karay nila ang ganitong kakitiran kahit sa pagsusuri sa makauring pakikibaka sa Pilipinas.
Hindi isinantabi ng marxismo ang partikularidad. Ang mali kung maging prinsipal ang mga partikularidad na ito at ibangga sa pagiging internasyunal ng marxismo at ng proletaryong rebolusyon.
Lumitaw at kumalat ang oportunismo at pagtraydor ng Ikalawang Internasyunal dahil sa pagbitaw nito sa pinaka-batayang prinsipyo ng marxismo: internasyunalismo. Pagtraydor din sa internasyunalismo ang teoryang “sosyalismo ng isang bansa” ng stalinismo at ng teoryang “depormadong sosyalismo” ng Trotskyismo sa mga bansang nagtraydor sa proletaryong rebolusyon.
Sa bandang huli, ang pagtutuwid nila sa mga kakulangan at kamalian ay ang mahigpit na pagkapit sa mga kakulangan at kamaliang ito sa kongklusyon na “walang problema sa teoryang gabay, ang problema ay ang pagpapatupad nito”.
Sa Pilipinas may mga organisasyong nagdeklarang itinakwil nila ang stalinismo-maoismo at hinawakan ang “marxismo-leninismo”. Pero naunawaan kaya nila na ang stalinismo at “marxismo-leninismo” ay walang pinag-iba? Na ang “marxismo-leninismo” mismo ay imbensyon ng stalinismo?
Ano naman ang kaibahan sa praktika ng mga “nagtakwil” sa stalinismo-maoismo sa teoryang hawak nila? Kung sila ang tatanungin “pundamental” ang pagkakaiba. Pundamental ba talaga ang pagkakaiba?
Sa Pilipinas, ang stalinismo-maoismo ay nanindigan sa 2-yugtong rebolusyon habang ang mga “marxista-leninista” ay nanindigan sa “tuloy-tuloy” na rebolusyon. Ang komonalidad nila ay kapwa naniwalang dadaan muna sa burges-demokrasya bago ang sosyalistang rebolusyon. Ang “kaibahan” ay ang una ay ginawang pangunahing pwersa ang magsasaka habang ang huli ay ang manggagawa. Ang una ay demokratikong programa habang ang huli ay minimum-maksimum na programa. Ang minimum ay sa pangkalahatan burges na kahilingan at ang maksimum ay sosyalistang kahilingan. Saan galing ang programang minimum-maksimum? Ito ay galing sa Ikalawang Internasyunal na itinayo sa panahon na progresibo pa ang pandaigdigang kapitalismo at ang pangunahing porma ng pakikibaka ay parliyamentarismo.
Kahit sa usapin ng taktika ay walang pagkakaiba ang mga organisasyong stalinista-maoista at mga "tutol" dito: nasyunalismo, unyonismo, pakikipag-isang prente at parliyamentarismo. Masahol pa, sa Pilipinas, sa taktikang parliyamentarismo halos lahat ay nagkaisa na gamitin ang burges na paraan, kabilang na ang maruming paraan para lamang manalo sa eleksyon. At ito ay sa pananaw na "the end justifies the means". Kahit sa panahon na lumahok sa burges na eleksyon ang Ikalawang Internasyunal ay walang praktika ang mga rebolusyonaryo noon na namili ng boto o kaya nakipag-negosasyon sa tipong COMELEC o kaya pumasok sa malalaking burges na partido para manalo. Nanalo sa eleksyon ang mga rebolusyonaryo noon tanging sa lakas ng kilusang manggagawa at suporta nito.
Dahil sa kabulukan ng sistema at eleksyon, nahawa na rin sa kabulukan ang mga umaangking "rebolusyonaryo" sila.
Tunay ngang mahirap aralin at unawain ang mga aral sa nakaraan lalupa’t ang mga rebolusyonaryong personaldiad ang siya mismong nagkamali. Pero kailangan ito para maunawaan natin ang kasalukuyan at maisulong ang komunistang rebolusyon sa tagumpay sa hinaharap. At sa pag-aaral ay lubhang kailangan ang praternal na mga diskusyon at debate ng lahat ng mga nagsusuring elemento na lumilitaw ngayon sa buong mundo mula noong 2003, ang panahon ng muling pagbangon ng internasyunal na kilusang manggagawa matapos bumagsak ang imperyalistang (“sosyalista”) kampo sa Silangan.
Napakadaling sabihin na tayo ay para sa internasyunalismo. Kahit ang mga traydor sa internasyunalismo ay ito rin ang sinasabi at isinulat. Pero makikita kung totoo ba talaga silang internasyunalista sa kanilang programa, pagsusuri sa mga kaganapanan at kanilang praktika.
Sa kasalukuyang tunggalian ng uri sa mundo walang isang organisasyon ang maaring umangkin na siya lang ang internasyunalista. Pero dapat suriin din nating mabuti ang mga organisasyong nagsasabing sila ay para sa proletaryong internasyunalismo.
Habang tumitindi ang krisis ng pandaigdigang capital at hinahatak ang buong populasyon ng mundo sa barbarismo, lumalakas naman ang sigaw ng mga traydor sa proletaryong rebolusyon na ang burges na demokrasya at nasyunalismo at pagmamahal sa inangbayan ay bahagi ng proletaryong internasyunalismo.
Kailangang matatag na bakahin ng mga internasyunalistang elemento at organisasyon ang mga pambabalasubas ng mga traydor sa internasyunal na komunistang rebolusyon dahil ang internasyunalismo ang bag-as ng marxismo.
Talyo, Hulyo 15, 2012