Kaya bang ibagsak ang kapitalismo ngayon?

Printer-friendly version
AttachmentSize
PDF icon mayo_uno_statement.pdf50.72 KB

Ang sagot dito ng naghaharing uri ay: “HINDI. Ang kaya lamang natin ay repormahin ito. Eternal ang kapitalismo.”

Ang sagot naman ng Kaliwa at mga unyon: “KAYA PERO.....Sa mga atrasadong bansa tulad ng Pilipinas kailangan munang dumaan sa isang tunay na burges na demokrasya bago simulan ang sosyalistang rebolusyon. At ang sosyalismo ay walang iba kundi pag-aari ng estado (na kontrolado ng isang partido komunista) ang mga batayang industriya.”

Wala ng solusyon ang krisis ng sistema

Inamin mismo ng naghaharing uri na nasa malalim na krisis ang pandaigdigang kapitalismo ngayon. Pero sabi nila: “May solusyon pa ito. Kailangan lamang magsakripisyo tayong lahat.”. Ang “solusyon” ng uring kapitalista sa krisis ng kanilang sistema ay tanggalan, kontraktwalisasyon, pagtaas ng buwis, mababang sahod, at pagtanggal ng mga benepisyo.

Pero ang Kaliwa at mga unyon, sa kabila ng kanilang “radikal” at “sosyalistang” retorika ay paulit-ulit na nagsisigaw na “Hindi totoong may krisis ang sistema! Hindi totoong nalulugi ang mga kompanya! Gahaman lang sa malaking tubo ang mga kapitalista! Hindi totoong walang magawa ang gobyerno! Ayaw lang nitong gawin ang nararapat para sa kapakanan ng manggagawa!”. At ang sinabi ng Kaliwa na “ayaw lang nitong gawin ang nararapat para sa kapakanan ng manggagawa” ay sa esensya ay “dapat ariin ng gobyerno ang mga industriya!”; “dapat makipag-kompitensya ang gobyerno sa pribado at dayuhang kapitalista!”. Ito ang sinasabi nilang “demokrasyang bayan”, “gobyernong bayan”, at “bagong demokrasya”.

“Magkasalungat” man ang mga paliwanag nila, iisa lang ang kanilang mensahe: “Hindi kailangang ibagsak ang sistema ngayon dahil may kapasidad pa itong paunlarin ang produktibong pwersa. Ang kailangan natin ay ang mga nakaupo sa pwesto ay tapat na maglilingkod sa ordinaryong tao.”

Para sa malawak na masang manggagawa, “habang tatagal pa ang ganitong sistema mas lalong lalala pa ang aming hirap na kalagayan”. At karamihan sa kanila ay nagtatanong: “kaya pa bang mabago ang aming sitwasyon?”

Sa darating na mga buwan at taon walang duda na titindi pa ang krisis ng sistema. Titindi pa ang kawalan ng trabaho, kontraktwalisasyon, mababang sweldo at paglaho ng mga benepisyo; mga digmaan at pagkasira ng kalikasan. Ang hinaharap ng kalagayan ng mga kapatid na manggagawa sa “mayayamang” mga bansa ay ang kasalukuyang kalagayan ng mga manggagawa sa “mahihirap” na mga bansa. Ang kinabukasan ng mundo ay ang kasalukuyang kalagayan ng bansang Gresya.

Ang tanging “epektibong solusyon” ng burgesya sa kanyang krisis ay ang panibagong pandaigdigang digmaan. Subalit ang “epektibong solusyon” na ito ay malamang siya na ring kataposan ng mundo.

Ang materyal na batayan ng posibilidad at nesisidad na ibagsak ang kapitalismo ngayon ay dahil ganap na itong hadlang sa pag-unlad ng mga produktibong pwersa ng lipunan. Ang kinabukasan ng sangkatauhan sa dekadenteng sistema ay pagkawasak ng sanlibutan.

Ang uring manggagawa

Ang tanging pwersa na may kapasidad na tatapos sa krisis at pigilan ang digmaan ay ang kolektibong kapangyarihan ng internasyunal na uring manggagawa. Mula 2003 ay nakita natin ang unti-unting pagbangon ng militanteng kilusang manggagawa sa maraming panig ng mundo. At mula 2007 ay naging saksi tayo sa mas ibayong paglakas ng mga panlipunang kilusan laban sa kahirapan mula Tunisia hanggang Amerika.

Subalit sa kabila ng unti-unting panunumbalik ng militansya ay nangibabaw pa rin sa kaisipan ng karamihan na “hindi pa kayang ibagsak ang sistema ngayon”. Malakas pa rin ang kawalang tiwala ng uri sa kanyang sarili na “kaya ba namin na pandayin ang bagong lipunan?”.

Ang pagdadalawang-isip ay dahil sa epekto ng paghari ng stalinismo-maoismo sa loob ng mahigit 50 taon; sa mga pananabotahe ng burges na ideolohiya sa kanilang pakikibaka na nagdulot ng matinding demoralisasyon at kawalang tiwala sa sariling lakas at kapasidad na itayo ang isang lipunang walang pagsasamantala. Higit sa lahat, sinira ng maling kahulugan ng sosyalismo/komunismo na inihasik ng stalinismo, maoismo at trotskyismo ang tiwala at pag-asa ng maraming manggagawa para sa bagong bukas.

Ganun pa man, sa iba't-ibang panig ng mundo ay lumitaw ang minoryang nagsusuring mga elemento, karamihan sa kanila ay mga kabataang manggagawa at produkto mismo ng mga kilusan mula 2003. Sila ngayon, bagamat minoriya pa lang sa loob ng kilusang paggawa ang nanawagan at nagpapaliwanag na kayang-kayang ibagsak ang kapitalismo ngayon; na wala ng maasahan sa sistema dahil ganap na itong naging hadlang sa pag-unlad ng mga produktibong pwersa. Pinakita nila na ang mga pagbangon ng independyenteng kilusan mula 2003 ay patunay na nasa kamay ng uring manggagawa ang kinabukasan ng mundo.

Sa kabilang banda, dumarami sa hanay ng malawak na masa ng uri ang muling naghahanap ng pakikiisa. Muli nilang nakita ngayon na dapat magtulungan, dapat mag-usap at magdiskusyon kung bakit hanggang ngayon, sa kabila ng mga matatayog na pangako ng mga “organisador” at “lider” ng kani-kanilang organisasyong sinamahan ay hirap pa rin ang kanilang kalagayan. Marami silang katanungan at naghahanap ng kasagutan; mga tanong na hindi na kayang sagutin ng paglahok sa eleksyon, ng pag-uunyon o kaya pag-akyat sa kabundukan para lumahok sa armadong labanan.

Maghanda para sa susunod na yugto ng pakikibaka

1. Dapat tayong magkaisa anuman ang uri o kategoriya ng ating trabaho; ano man ang istatus natin sa pagawaan – regular, kontraktwal, unyonista o hindi. Dapat tayong magkaisa may trabaho man o wala. At ang organo para tunay tayong magkaisa ay ang mga asembliya o komite ng welga, hindi lang sa antas pabrika kundi sa teritoryal na antas. Lahat ng ating mga pagkilos ay dapat ang magpasya ay ang asembliya o pangkalahatang pulong, hindi ang iilan lamang. Kailangan na nating lagpasan ang mga istruktura ng unyonismo o ng anumang umiiral na partido na walang ibang interes kundi ang makipag-negosasyon sa gobyerno at uring kapitalista at naghahanap ng mga kompromiso na laging hindi pabor sa atin.

2. Dapat kilalanin natin na ang ating pakikibaka ngayon ay isang pampulitikang pakikibaka. Ang ating pakikibaka ay naglalayong palitan ang sistema at ibagsak ang gobyerno, hindi para pasukin ito at maglunsad ng “rebolusyon sa loob” o gawing “rebolusyonaryong tribuna” ang bulok na parliyamento. Ang layunin natin na ang mga asembliya bilang organo ng pakikibaka ay matransporma bilang organo ng kapangyarihang pampulitika.

Ang usapin ng regular na trabaho, sapat na sahod, makataong kalagayan sa loob ng pagawaan, at iba pang pang-ekonomiyang kahilingan ay hindi na kayang ibigay ng kapitalismong nasa kanyang permanenteng krisis na. Para makamit natin ito at mas mapaunlad pa ito tungo sa paglaya bilang sahurang alipin, kailangan na nating ibagsak ang kapitalismo.

3. Ang anti-kapitalismo ay hindi kontra-pagiging gahaman sa tubo ng mga malalaking kapitalista, korporasyon o mga bangko na para bang ang maliit na mga kapitalista ay “mababait” at “mabuti” ang pagsasamantala. Ang anti-kapitalismo ay hindi nasyunalisasyon o pag-aari ng estado ng industriya. Nalantad na ang tunay na katangian nito sa paghari ng Stalinismo sa Silangan at ng Keynesianismo sa Kanluran. Ito ay kapitalismo ng estado na mas matindi ang pagsasamantala sa uring manggagawa.

Higit sa lahat, ang anti-kapitalismo ay hindi pagmamahal sa inangbayan o pagtatanggol sa pambansang soberanya.

Ang anti-kapitalismo ay pagpawi sa sistemang sahuran, ng tubo, ng pagsasamantala. Ito ay pag-aari at paglikha ng mga produkto sa sosyalisadong paraan, hindi ng iilan (ito man ay pribado o gobyerno). Ito ay ang pangangalaga sa kalikasan hindi pagsira nito para sa tubo. Ang anti-kapitalismo ay ang pagpapasya ng kabuuan sa pamamagitan ng kanilang mga delegado na maaring tanggalin anumang oras ng asembliyang naghalal sa kanila.

Ang anti-kapitalismo ay walang mga bansa, walang mga estado at walang digmaan.

Ngayong Mayo Uno 2012, muli nating panghawakan ang tunay na linyang anti-kapitalismo na sa loob ng ilang dekada ay binastardo ng mga organisasyong umaangkin na sila daw ay “komunista” o “sosyalista”.

Ang paghahanda sa susunod na mga labanan ay ang pagpapalakas ng anti-kapitalistang kilusan hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. At para lalakas ang kilusang ito, kailangan ng uring manggagawa ang isang organisasyon na internasyunal ang saklaw at internasyunalista ang katangian.

Posible at kailangan ng ibagsak ang kapitalismo ngayon. Posible at kailangan ng itayo ang lipunang walang pagsasamantala at pang-aapi. Para ito ay maging realidad, kailangan nating lumaban. Lubhang napakahirap ang daan tungong sosyalismo. Pero ito lamang ang tanging daan para lumaya mula sa kahirapan.

Manggagawa ng daigdig, magkaisa!

-Internasyonalismo-

 

**Ang Internasyonalismo ang seksyon ng Internasyunal na Komunistang Tunguhin (IKT) sa Pilipinas

website: www.internationalism.org

email: [email protected]

Rubric: 

Pahayag para sa Mayo Uno 2012