Submitted by Internasyonalismo on
Nitong Disyembre 18, 2011 muling kumitil ng mahigit 2,000 buhay at sumira ng daang milyong pisong ari-arian ang isang bagyo, ang bagyong Sendong. Matinding tinamaan ang mga syudad ng Cagayan de Oro at Iligan sa isla ng Mindanao. Hindi masukat ang paghihinagpis ng mga namatayan at nawalan ng bahay at ari-arian lalupa’t malapit na ang Pasko at Bagong Taon. Para sa mga biktima at kaanak ng trahedya, napakalungkot ang Pasko at Bagong Taon nila.[1]
Nakikita at naramdaman din ang pagdalamhati at suporta ng mga mamamayan na hindi direktang naapektuhan ng bagyo sa sinapit ng mga biktima. Bumuhos ang mga materyal, pinansyal at moral na suporta mula mismo sa mga kapwa manggagawa at mahihirap.[2]
Luhang-buwaya naman ang pinakita ng mga nasa naghaharing uri laluna ang rehimeng Aquino at mga politiko. ‘Nakikidalamhati’ sila gayong sila mismo at ang sistemang pinaglilingkuran nila ang dahilan kung bakit nangyari ang kriminal na trahedya.[3]
Sinisisi ng naghaharing uri at estado ang mahihirap
Habang ‘nakikidalamhati’, indirektang sinisisi naman ng gobyerno ang mga biktima dahil ‘hindi nakinig sa mga babala’ at ‘patuloy na nanirahan sa delikadong mga lugar’. Ayon kay NDRRMC Executive Director Benito Ramos, “Maraming mga iligal na nanirahan. Sana hindi pinahintulutan ng pamahalaang-lungsod na magtayo sila ng mga bahay sa tabi ng sapa”. Sinabi pa ni Ramos na marami sa mga biktima ay hindi nakinig sa babala ng PAG-ASA hinggil sa bagyo. Subalit kay Ramos na rin galing ang pahayag ng pagiging inutil ng gobyerno: “Hindi ito inaasahan ng taumbayan at ng gobyerno mismo, na magkaroon tayo ng 181 millimeters na ulan. Hindi ito ang daanan ng mga bagyo”.[4] Nahuli sa bibig ang kainutilan ng estado.
Ganito palagi ang sinasabi ng gobyerno: “hindi namin kasalanan kundi kasalanan ninyo kaya nangyari ito” o kaya, “ito ay kasalanan ng nagdaang rehimen”.
Ang tunay na may kasalanan
Taun-taon ay humigit-kumulang 20 bagyo ang mananalasa sa Pilipinas kung saan maraming buhay ang nasawi at bilyun-bilyong ari-arian ang nasira. Ang nasa ibaba ay ang pinakamabangis na mga bagyong dumaan sa bansa ayon sa TYPHOON2000.COM; INQUIRER ARCHIVES; NDRRMC:
Sa bawat hagupit ng bagyo, palala ng palala ang mga epekto nito at mas lalong nalalantad ang kainutilan ng gobyerno para protektahan ang buhay at ari-arian ng ordinaryong mamamayan anong paksyon o partido man galing ang may kontrol sa Malakanyang at kongreso.Mula 1960s hanggang 1980s ay mabilis na kinalbo ng mga loggers (ligal at iligal) ang kagubatan ng Pilipinas para magkamal ng tubo[5]. Kakutsaba ang gobyerno at armadong pwersa nito, sinira nila ang kagubatan at itinaboy ang mga nanirahan doon – settlers at lumad – gamit ang mga batas, pananakot at digmaan. Dagdag pa dito ang pagbutas sa ilalim ng kabundukan ng lahat ng klase ng pagmimina. Sa madaling sabi, nagkutsabahan ang mga kapitalistang Pilipino at dayuhan para sirain ang kagubatan at kabundukan ng Pilipinas. Tapat naman na instrumento nila ang estado laluna ang kongreso, mga opisyales ng gobyerno at armadong hukbo nito para tiyakin na magkamal ng tubo ang naghaharing uri sa pagkasira ng kalikasan.
Matapos makalbo ang kagubatan at mabutas ang kabundukan, saka pa naging mga ‘environment advocates’ at ‘green activists’ ang mga buwayang politiko at gobyerno. At bilang mga ‘tagapgtanggol ng kalikasan’, ang tinutugis at ikinulong nila ay ang mga mahihirap na kaingero sa kabundukan.
Pandaigdigan ang kalamidad
Kung bagyo lang ang pag-uusapan, ito ay pandaigdigan.[6] Ilan sa mga pinakabangis na bagyo ay ang sumusunod:
1. Bagyong Marie noong Setyembre 1954 na kumitil ng 1,361 buhay sa Hokkaido, Japan.
2. Super-bagyong Vera noong Setyembre 1959 sa Nagoya City, Japan na pumatay ng 5,098 tao.
3. Bagyong Nina noong Agosto 1975 sa China na pumaslang ng 100,000 at milyun-milyon ang nawalan ng tirahan.
4. Bagyong Morakot noong Augusto 2009 sa Taiwan na kumitil ng 600 buhay.
Hindi pa kasama dito ang Hurricane Katrina sa USA noong 2005 na kumitil ng mahigit 2,000 buhay. Ito ang pinakamalaking pinsala sa Amerika – USD80 bilyon – at naglantad sa pagiging inutil ng pamaahalaan para iligtas ang taumbayan at bigyan ng suporta ang mga biktima at nakaligtas.
Sa dami ng mga patay at nasirang ari-arian, hindi nahuhuli ang Pilipinas. Dagdag pa, mahigpit ang kaugnayan ng mga kalamidad sa bansa sa mga pangyayari sa daigdig sa pagkasira ng kapaligiran.
Kaya naman bukambibig ng mga ‘environment activists’ at mga gobyerno ngayon sa buong mundo ang pagbabago ng klima. Ang pagbabagong ito ang siyang dahilan ng paglala at sunod-sunod na mga ‘natural’ na kalamidad. Lahat, laluna ang naghahari at mapagsamantang mga uri ay sabay-sabay ang korus na “kailangan nating iligtas ang mundo!”. Biglang naging maka-kalikasan ang mga nangunguna sa pagsira ng kapaligiran!
Pandaigdigan ang mga kalamidad dahil pandaigdigan ang sistemang sumisira sa kalikasan. At dahil ganap ng integrado ang mga bansa, ang mga sakuna ay may epekto sa iba. Isa sa manipestasyon na pandaigdigan ang epekto ay ang global warming o climate change na naranasan ng lahat ng mga bansa.
Kapabayaan ba ng tao o dahil sa sistemang umiiral?
Kung ang burgesya ang tatanungin ang sagot nila ay hindi ang sistema ang problema kundi ang kapabayaan ng ordinaryong mamamayan o kaya ng pagiging ganid ng ilang kapitalista. Bagamat tama na may antas ng responsibilidad ang mga indibidwal na kapitalista o empresa o ordinaryong mamamayan pero ang kapitalismo sa kanyang katangian na magkamal ng maksimum na ganansya ang tunay na responsable. Ang una ay lubhang pinalaki ng mga gobyerno ng mundo habang pilit na itinatago ang huli. Kahirapan ang puno’t dulo kung bakit napilitan ang ordinaryong mamamayan na ‘sirain’ ang kalikasan at manirahan sa delikadong mga lugar. Higit sa lahat, napaka-minimal lang nito kumpara sa paninirang ginagawa ng mga malalaking pabrika, kapitalista at estado mismo.
Bilang mga marxista at komunista, responsibilidad natin na ipaliwanag sa malawak na masang anakpawis na hindi ang ganitong paksyon ng naghaharing uri o partido nito at kawalan ng ‘pampulitikang kapasyahan’[7] na ipatupad ang mga batas o magbuo ng mga polisiya na ‘kumakalinga sa kalikasan’ ang dahilan ng pagkasira ng kapaligiran kundi ang mismong dinamismo ng kasalukuyang panlipunang sistema.
Hindi kayang baguhin ng partikular na empresa, kapitalista o gobyerno ang mga batas ng kapitalismo na siyang puno’t dulo ng paglala ng mga kalamidad sa mundo. Katunayan, para magpatuloy ang kanilang negosyo at pag-iral, kailangan nilang sumunod sa mga mapanirang batas ng sistema.
At lalunang hindi ang mahihirap ang sisihin sa pagkasira ng mundo!
Ano ang puno’t dulo ng pagkasira ng mundo, ng lumalakas ng banta na ito ay ‘magugunaw’?
● Ang dibisyon ng paggawa at, higit pa, ang pangingibabaw ng pera at kapital sa produksyon, upang mahati ang sangkatauhan dahil sa walang hanggang kompetisyon;
● Dahil ang layunin ng produksyon ay hindi para sa gamit kundi para sa palitan, sa mga kalakal na kailangang maibenta sa anumang paraan, anuman ang epekto nito sa sangkatauhan at mundo, para magkaroon ng tubo.
Mas bumilis ang pagkasira ng kalikasan ng ganap ng nasakop ng kapitalismo ang buong mundo at lubusan ng integrado ang mga pambansang ekonomiya sa kapitalistang pandaigdigang pamilihan, ang yugto ng imperyalismo. Sa dekadenteng kapitalismo araw-araw ay mas naging kongkreto ang sinabi ni Marx sa Capital Volume 1, chapter 15, section 10: "Modern Industry and Agriculture":
"In agriculture as in manufacture, the transformation of production under the sway of capital, means, at the same time, the martyrdom of the producer; the instrument of labour becomes the means of enslaving, exploiting, and impoverishing the labourer; the social combination and organisation of labour-processes is turned into an organised mode of crushing out the workman's individual vitality, freedom, and independence. The dispersion of the rural labourers over larger areas breaks their power of resistance while concentration increases that of the town operatives. In modern agriculture, as in the urban industries, the increased productiveness and quantity of the labour set in motion are bought at the cost of laying waste and consuming by disease labour-power itself. Moreover, all progress in capitalistic agriculture is a progress in the art, not only of robbing the labourer, but of robbing the soil; all progress in increasing the fertility of the soil for a given time, is a progress towards ruining the lasting sources of that fertility. The more a country starts its development on the foundation of modern industry, like the United States, for example, the more rapid is this process of destruction. Capitalist production, therefore, develops technology, and the combining together of various processes into a social whole, only by sapping the original sources of all wealth - the soil and the labourer." (amin ang pagdidiin)
Walang pakialam ang mga kapitalista kung saan at paano nila kukunin ang mga hilaw na materyales na kailangan sa kanilang produksyon, makalbo man ang kagubatan o magkabutas-butas man ang kabundukan. Hindi nila iniisip kung ano ang epekto ng polusyon mula sa kanilang malalaking pabrika, ang mahalaga sa lahat ay mas mabilis na makagawa ng mga produkto sa pinakamurang gastos para matalo nila ang kanilang mga karibal sa kompetisyon sa pamilihan at magkamal ng mas malaking tubo.
“Kailangan ang mahigpit na interbensyon ng estado”
Ito ang lagi nating naririnig mula sa mga ‘environmentalists’ at mga organisasyong nasa kaliwa ng burgesya. Para sa kanila ang mga pribadong kapitalista na ganid sa tubo – transnational at multi-national corporations – ang dahilan ng pagkasira ng ekolohiya.
Pero may kapasidad ba ang gobyerno na tapusin ang kahibangang ito sa pamamagitan ng mas aktibong interbensyon tulad ng iniisip ng ibang grupo na kapitalismo ng estado o kaya totalitaryan na gobyerno ang solusyon? Hindi, dahil ang papel ng estado ay “kontrolin” lamang ang anarkiya ng produksyon at kompetisyon. Dahil pinagtanggol ng estado ang pambansang interes, mas lalo lamamg nitong paiigtingin ang kompetisyon. Salungat sa kahilingan ng mga NGOs o ng kilusang "anti-kapitalista", ang interbensyon ng estado – na hindi naman talaga nawala sa kabila ng "neo-liberalismo", at mas lalupang nakita ngayon sa panahon ng matinding krisis ng ekonomiya – ay walang kapasidad na bigyang solusyon ang problema ng kapitalistang anarkiya.
“Atrasado ang teknolohiya kaya hindi agad mabantayan ang pagdating ng mga sakuna”
Ito ang sinasabi ng mga politiko, ‘scientists’ at ‘environmentalists’, kasabay ng paghingi ng dagdag badyet mula sa mga estado para sa ‘epektibong paghahanda’ laban sa mga kalamidad. Ayon naman sa mga nasa kaliwa ng burgesya, “kailangan ang re-alokasyon ng badyet”.
Walang masama sa mga kahilingang ito. Kailangan talaga ang abanteng teknolohiya para mas uunlad pa ang sangkatauhan at mapangalagaan ang mundo. Ang problema lang ay hinihiling nila ito sa mga estado na ang tanging papel ay tiyakin na magkamal ng tubo ang uring kapitalista. Para silang humihiling na “kailangang maging vegetarian ang tigre”.
Sa kapitalismo napakamahal ng teknolohiya at ginagamit ito kung may pang-ekonomiyang benepisyo. Sa pangkalahatan, ang teknolohiya ng kasalukuyang kaayusan ay para makagawa ng mas maraming produkto sa pinaka-minimum na gastos para sa pandaigdigang kompetisyon.
Sabi ni NDRRMC Executive Director Benito Ramos “Hindi ito inaasahan ng taumbayan at ng gobyerno mismo, na magkaroon tayo ng 181 millimeters na ulan. Hindi ito ang daanan ng mga bagyo”. Hindi lang ang gobyerno ng Pilipinas ang may ganitong klaseng palusot kundi maging ang abanteng mga bansa na di hamak na merong abanteng teknolohiya:
"The argument that this disaster was unanticipated is equally nonsense. For nearly 100 years, scientists, engineers and politicians have debated how to cope with New Orleans' vulnerability to hurricanes and flooding. In the mid-1990s, several rival plans were developed by different groups of scientists and engineers, which finally led to a 1998 proposal (during the Clinton administration) called Coast 2050. This plan called for strengthening and reengineering the existing levees, constructing a system of floodgates, and the digging of new channels that bring sediment-bearing water to restore the depleted wetland buffer zones in the delta, and had a price tag of $14 billion dollars to be invested over a ten year period. It failed to win approval in Washington, on Clinton's watch, not Bush's. Last year, the Army Corps requested $105 million for hurricane and flood programs in New Orleans, but the government approved only $42 million. Yet at the same time, Congress approved $231 million for the construction of a bridge to a small, uninhabited island in Alaska."[8] (amin ang pagdidiin)
Bago magsilbi sa interes ng tao at kapaligiran ang teknolohiya, kailangan munang wasakin ang kaalukuyang bulok na kaaysuan ng mundo.
Kailangan ng ibagsak ang kapitalismo
Inutil at walang kapasidad ang mga gobyerno na iligtas ang planeta at ang sangkatauhan mismo dahil unang-una sila ang dahilan ng pagkasira ng ekolohiya ng planeta natin. Marami pang mga mas matinding sakuna na darating sa mundo na tiyak kikitil ng mas marami pang buhay at sisira ng bilyung-bilyong ari-arian. Ang kinatatakutan ng lahat na global warming at climate change ay asahan natin na titindi pa sa hinaharap sa ilalim ng mapagsamantalang sistema.
Tulad ng sabi ni Amadeo Bordiga:[9]
"as capitalism develops then rots on its feet, it more and more prostitutes techniques which could have a liberating role to its need for exploitation, domination and imperialist plunder, to the point where it transmits its own rottenness into them and turns them against the species. In all areas of daily life, in the ‘peaceful' phases between two imperialist massacres or in between two operations of repression, capitalism, ceaselessly spurred on by the search for a better rate of profit, crowds together, poisons, asphyxiates, mutilates and massacres human individuals through such prostituted technology...Neither is capitalism innocent of the so-called ‘natural' catastrophes. Without ignoring the existence of natural forces beyond human control, marxism shows that many disasters have been indirectly provoked or aggravated by social causes.... Not only does bourgeois civilisation directly provoke these catastrophes through its thirst for profit and the domination of business interests over the administrative machine...it also shows itself incapable of organising effective protection to the extent that prevention is not a profitable activity".[10]
Ang tamang solusyon sa nakamamatay at mapanirang mga sakuna ay palakasin ang makauring pakikibaka ng proletaryado para ibagsak ang estado at kapitalismo. Kailangang tapusin na ang sistemang nakabatay sa kalakal, pamilihan, kompetisyon at sahurang pang-aalipin. Hindi ito makakamit sa paglahok sa burges na eleksyon, pagpasok sa estado bilang mga ‘representante’ at ‘boses’ ng masa o kaya sa panawagang mas palakasin pa ang interbensyon ng mga estado sa buhay ng lipunan. Makakamit ito sa nagkakaisa at sama-samang pagkilos ng mas maraming manggagawa at maralita sa mga pakikibaka sa lansangan bilang paghahanda sa tuluyang pagwasak sa bulok na sistema sa pamamagitan ng pandaigdigang komunistang rebolusyon.
Internasyonalismo, Enero 1, 2012
[1] Nitong huling linggo ng Disyembre ay tinamaan din ng matinding baha ang mga probinsya ng Davao del Note at Bukidnon dahil sa “low pressure”. Daan-daang pamilya ang apektado at daang libong piso ng ari-arian ang nasira.
[2] http://newsinfo.inquirer.net/115373/relief-drive-poor-show-again-they%E2%80%99re-quick-to-give-than-rich
[3] Ginamit pa ang bagyong Sendong ng mga politiko, laluna ng mga nag-aambisyong tatakbo sa susunod na halalan para magpasikat at maging popular sa masa. Sumakay din ang mga showbiz personalities at malaking media institutions bilang ‘maka-kawanggawa’ at magpasikat habang marami sa kanilang mga manggagawa ay kontraktwal at mababa ang sahod.
[5] Ayon mismo sa isang “environmentalist” NGO na nakabase sa Cagayan de Oro, nagpapatuloy ang ‘illegal’ logging sa mga probinsya ng Lanao del Sur at Bukidnon hanggang ngayon. Mas masaklap pa, patuloy na binigyan ng permiso ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga “legal” loggers para kalbuhin ang kagubatan.
[6] Sa pagkasira ng kalikasan hindi lang bagyo ang nanalasa at pumapatay kundi lindol, sunog sa kagubatan, sakit/epidemya at marami pang iba. Halos sabay-sabay ang mga ito na sumisira ng buhay at ari-arian. At habang tumitindi ang pananalasa ng mga ito, mas lalupang nalalapit sa ‘natural’ na pagkagunaw ang mundo.
[7] Mula noon hanggang ngayon lagi nating naririnig mula sa kasalukuyang rehimen na ang nagdaang mga rehimen ang dahilan ng pagkasira ng kalikasan, at ang kasalukuyang pamahalaan ay nagsisikap na maituwid ang mga pagkakamali ng nakaraan. O kaya labis ang diin sa responsibilidad ng mga dayuhang kapitalista, na bagamat totoo ay tinatago naman nito ang parehong kasalanan ng mga Pilipinong kapitalista (pambansang burgesya). Sinisisi naman ng iba’t-ibang ‘environmentalist’ groups ang mga partikular na batas, o kawalang kapasyahan na ipatupad ang mga ito. Samakatuwid, ang nasa likod ng kanilang ‘maka-kalikasan’ ay repormismo – repormahin lamang ang sistema at huwag itong ibagsak para palitan ng bago.
[8] "Hurricane Katrina: Capitalism is responsible for the social disaster", International Review n° 123.
[9] Bordiga: leader of the left wing of the Communist Party of Italy, who contributed a great deal to its foundation in 1921 and who was expelled in 1930 after the process of Stalinisation. Participated actively in the foundation of the Internationalist Communist Party in 1945.
[10] (Anonymous) Preface to Drammi gialli e sinistri dell moderna decadenza sociale by Amadeo Bordiga, Iskra editions, pp 6-9. In French in the preface to Espèce humaine et croûte terestre, Petite Bibliotehque Payot 1978, pp 7, 9 and 10. An English version of some of Bordiga's writings on disasters can be found in Murdering the Dead, Amadeo Bordiga on capitalism and other disasters, Antagonism Press 2001.