Kalagayan ng kababaihan sa ika-21 siglo

Printer-friendly version

Bakit ganito ang pamagat nito sa ngayon? Di ba ito’y parang wala sa panahon? Nandito na tayo sa ika 21 siglo. Di ba’t ang mga karapatan ng kababaihan, ang pagkapantay-pantay ng kababaihan, ay kinikilala na sa napakaraming mga kombensiyon at sa mga pormal na deklarasyon sa buong mundo?

Sa realidad, ang usapin ng pagdurusa ng babae sa lipunan na sa kasalukuyan ay nananatili at pangunahing patriyarkal, ay patuloy pa ring pinakamahalaga1. Sa buong mundo, ang karahasan sa loob ng tahanan, pagpilas ng ari bilang ritwal, at ang reaksyonaryo’t lipas sa panahong mga ideolihiya tulad ng pundamentalismong relihiyon, ay patuloy na naghahari at umuunlad pa.2

Ang tinatagurian ng mga sosyalista ng ika-19 na siglo na “ang usaping babae” ay nananatiling nakahapag sa kasalukuyan: paano lilikha ng lipunan kung saan ang kababaihan ay hindi na magdusa sa ganitong partikular na pang-aapi? At ano ang dapat na aktitud ng mga komunistang rebolusyonaryo hinggil sa mga “pakikibaka ng kababaihan”?

Isang bagay ang dapat nating sabihin sa panimula: ang kapitalistang lipunan ay naglatag ng pundasyon para sa pinaka-radikal na pagbabagong nasaksihan ng lipunan ng tao. Ang lahat ng mga nakaraang lipunan, na walang liban, ay nakabatay sa sekswal na hatian ng paggawa. Anuman ang kanilang makauring katangian, at kahit pa ang kalagayan ng kababaihan dito ay mas o hindi inaayunan, hindi maipagkaila na may mga gawaing tanging nakalaan lamang sa kalalakihan at ang iba’y sa kababaihan. Ang mga gawain ng kalalakihan at kababaihan ay maaaring nagbago-bago mula sa isang lipunan patungo sa iba, subali’t ang katotohanan ng ganitong hatian ay unibersal. Hindi natin maaaring pag-aralan ng malaliman dito kung bakit ito’y naging ganito: tama na ang sabihing ang hatian ay maaaring nag-umpisa sa pagsibol ng sangkatauhan at ito’y nagmula sa mga limitasyon ng pagsisilang ng kabataan. Sa unang pagkakataon sa kasaysayan, ang kapitalismo ay tila pinapawi ang ganitong hatian. Sa umpisa pa lamang ay tina-transporma na ng kapitalismo ang paggawa tungo sa abstraktong paggawa. Kung noo’y mayroong kongkretong paggawa ng magsasaka o ng artisano, na niregularisa ng mga guild o ng kinaugaliang batas, ngayo’y wala nang iba pa kundi lakas-paggawa na sinusukat kada oras o kada piraso at di na mahalaga kung sino ang aktwal na gumagampan ng trabaho. Dahil ang mga kababaihan ay binabayaran ng mababa, pinapalitan nila ang paggawa ng kalalakihan sa mga pabrika – ito ang nangyayari, halimbawa, sa mga manghahabi ng ika-18 siglo. Nang umunlad ang makinarya, ang trabaho ay nangangailangan na ng kaunti at papaunting pisikal na lakas dahil ang lakas-paggawa ng tao ay pinapalitan na ng mas malawak na lakas ng makina. Sa kasalukuyan, ang bilang ng mga trabaho na nangangailangan pa rin ng pisikal na lakas ng lalaki ay sukdulan nang napakalimitado at parami ng paraming kababaihan ang pumapasok na sa mga larangang dati’y nakalaan lamang sa kalalakihan. Ang mga makaluma at di matuwid na mga opinyon tungkol sa pagiging “irasyunal” ng kababaihan ay kusa nang naglalaho at parami ng paraming kababaihan ay matatagpuan na sa mga siyentipiko at medikal na propesyon na noo’y pinaniwalaang angkop lamang sa mga dapat sana’y mas “rasyunal” na kalalakihan.

Ang malawakang pagpasok ng kababaihan sa mundo ng pinagsama-samang paggawa3 ay may dalawang potensyal na rebolusyonaryong ibubunga:

– Ang una, ay sa pamamagitan ng pagpawi ng sekswal na hatian ng paggawa ay binuksan ng kapitalismo ang daan tungo sa isang mundo kung saan ang kalalakihan at kababaihan ay hindi na nalilimita sa mga itinakdang pangsekswal na gawain bagkus ay makakaya na nilang ipapatupad ang kanilang mga talento bilang ganap na mga tao. At bunga rin nito’y nabuksan ang posibilidad ng pagtatayo ng mga relasyon sa pagitan ng mga kasarian sa isang ganap na makabagong batayan.

– Ang pangalawa, na ang kababaihan ay nagkaroon ng pang-ekonomiyang kalayaan. Ang isang babae na sahurang manggagawa ay hindi na umaasa sa kanyang asawa upang mabuhay, at sa kauna-unahang pagkakataon ay nagbubukas ng posibilidad para sa maramihang manggagawang kababaihan na lumahok sa pampubliko’t pampulitikang buhay.

    Sa ilalim ng kapitalismo, sa pagpasok ng ika-19 at ika-20 siglo, ang kahilingang lumahok sa pampublikong buhay ay hindi lang nalilimita sa kababaihang manggagawa. Ang kababaihan ng mga pang-itaas at panggitnang uri ay naghapag din ng mga kahilingan para sa pantay na mga karapatan at karapatang bomoto sa partikular. Ito’y nagdulot ng problema sa kilusang manggagawa sa aktitud na dapat panghawakan hinggil sa mga kilusang peminista. Habang ang kilusang manggagawa ay laban sa lahat ng mga pang-aapi sa kababaihan, ang mga kilusang peminista – dahil inihapag nila ang usapin mula sa paninindigan ng kasarian at hindi ng uri – ay itinanggi ang pangangailangan ng rebolusyonaryong pagpapabagsak sa umiiral na kaayusan ng isang panlipunang uri na kinabibilangan ng kalalakihan at kababaihan: ang proletaryo. Bagama’t may ilan nang mga pagbabago, ito pa rin ang katanungang inihapag sa kasalukuyan: anong aktitud ang dapat panghawakan ng mga rebolusyonaryo hinggil sa kilusang mapagpalaya ng kababaihan?

    Sa isang artikulo hinggil sa pakikibaka para sa karapatang bumoto ng kababaihan na inilathala noong 1912, ang rebolusyonaryong si Rosa Luxemburg ay gumawa ng isang malinaw na kaibahan sa pagitan ng kababaihan ng naghaharing uri at ng kababaihang proletaryo: “Karamihan ng mga burgis na kababaihan na umaastang parang mga babaing leon sa pakikipagtunggali laban sa ‘tanging karapatan ng kalalakihan’ ay magpapaso na parang maamong tupa sa kampo ng konserbatibo’t klerikal na reaksyon kung magkakaroon na sila ng karapatang bumoto (…) Sa usaping pang-ekonomiya’t panlipunan, ang kababaihan ng mga mapagsamantalang uri ay hindi isang nagsasariling bahagi ng populasyon.. Ang kanilang tanging panlipunang tungkulin ay ang maging mga kasangkapan sa natural na pagpapalahi ng mga naghaharing uri. Kung ihahambing, ang kababaihan ng proletaryo ay malaya sa usaping pang-ekonomiya. Sila ay produktibo para sa lipunan tulad ng kalalakihan”.4 Si Luxemburg samakatuwid ay gumawa ng malinaw na kaibahan sa pagitan ng pakikibaka ng kababaihan ng uring manggagawa para sa boto at ng burgis na kababaihan hinggil dito. Dagdag pa niyang iginiit na ang pakikibaka para sa mga karapatan ng kababaihan ay isang mahalagang usapin para sa buong uring manggagawa: “Ang karapatang bumoto ng kababaihan ay ang tunguhin. Subali’t ang kilusang masa na magsasakatuparan nito ay hindi gawain ng kababaihan lamang, kundi isang panlahatan na makauring tungkulin ng kababaihan at kalalakihan ng proletaryo.”

    Ang pagtutol sa burgis na peminismo ay malinaw din para sa Bolshevik na si Alexandra Kollontai na noong 1908 ay naglathala ng Ang panlipunang batayan ng usaping babae: “ang likas na ugaling makauri – anuman ang sasabihin ng mga peminista – ay palagiang nagpapakita sa sarili nito na mas makapangyarihan kaysa mga dakilang pagkasigasig ng ‘higit sa uri’ na politika. Habang ang burgis na kababaihan at ang kanilang mga ‘nakakabatang kapatid’ ay pantay sa kanilang di pagkakapantay, ang una ay maaaring gumawa, ng may lubos na katapatan, ng mga dakilang pagpupunyagi upang ipagtanggol ang pangkalahatang interes ng kababaihan. Subali’t kapag ang balakid ay naibagsak na at ang burgis na kababaihan ay nakakatanggap na ng karapatan sa pampulitikang pagkilos, ang kasalukuyang mga tagapagtanggol ng mga ‘karapatan para sa kababaihan’ ay magiging masigasig na mga tagapagtanggol ng mga pribilehiyo ng kanilang uri (…) Kaya, kung ang mga peminista ay makipag-usap sa manggagawang kababaihan hinggil sa pangangailangan ng panlahatang pakikibaka para isakatuparan ang ilang ‘kabuuang prinsipyong pangkababaihan’, ang kababaihan ng uring manggagawa ay likas na di nagtitiwala.”5

    Pinapakita ng Unang Digmaang Pandaigdig na ang di pagtitiwalang ito na isinalarawan nina Luxemburg at Kollontai ay ganap na nabigyang katuwiran. Nang pumutok ang digmaan, ang kilusang “suffragette” (kilusan para sa karapatang bumoto ng kababaihan) sa Britanya ay nabiyak sa dalawa: sa isang banda ay ang mga peministang pinamunuan ni Emmeline Pankhurst at ng kanyang anak na babaing si Christabel na nagbigay ng kanilang buong pusong suporta sa digmaan at sa gobyerno; at sa kabilang banda ay sina Sylvia Pankhurst sa Britanya at kanyang kapatid na babaing si Adeline sa Australia, na kumalas mula sa kilusang peminista upang ipagtanggol ang internasyunalistang paninindigan. Sa kasagsagan ng digmaan, unti-unting inabandona ni Sylvia Pankhurst ang anumang pumapatungkol sa peminismo: ang kanyang “Women’s Suffrage Federation” ay nagiging “Workers’ Suffrage Federation” noong 1916 at noong 1917 ang kanyang pahayagang Women’s Dreadnought ay pinalitan ang pangalan at naging Workers’ Dreadnought.6

    Tanggap nina Luxemburg at Kollontai na ang mga pakikibaka ng mga peminista at ng mga kababaihang manggagawa ay maaaring pana-panahon ay magkaisa sa isang panlahatang batayan, subali’t hindi maaaring lusawin ng manggagawang kababaihan ang kanilang pakikibaka sa kilusang peminista sa ganap na batayan lamang ng “karapatan ng kababaihan”. Ang mga rebolusyonaryo kung gayon ay kailangang taglayin ang katulad na aktitud sa kasalukuyan, subali’t inaayon sa kalagayan mismo ng ating panahon.

    Nais naming magtapos sa ilang mga pagtingin hinggil sa “pagkakapantay” bilang kahilingan ng kababaihan. Dahil tinatrato ng kapitalismo ang lakas-paggawa na isang abstraktong pamamahala ng akawnts, ang pananaw nito ng pagkakapantay ay isa ring abstraktong pamamahala ng akawnts: “pantay na karapatan”. Subali’t dahil ang bawat tao ay iba, ang pagkakapantay sa batas ay dagliang naging di pagkakapantay sa realidad,7 at ito ang dahilan kung bakit simula pa noon si Marx at ang mga komunista ay di humihiling ng “panlipunang pagkakapantay”. Sa halip, ang islogan ng komunistang lipunan ay: “Mula sa bawat isa ayon sa kanyang kakayahan, para sa bawat isa ayon sa kanyang pangangailangan”. At ang kababaihan ay may isang pangangailangan na wala ang kalalakihan: ang magsilang ng kabataan.

    Ang bawat babae ay kailangang magkaroon ng pagkakataong isilang ang kanyang mga anak sa mundo at aalagaan sila sa unang mga taon ng kanilang buhay, na hindi nasasagkaan maging ang kanyang kalayaan o ang kanyang lubusang pagsali sa bawat aspeto ng panlipunang buhay. Ito ay isang pangangailangan, isang pisikal na pangangailangan na kailangang suportahan ng lipunan; ito ay isang kakayahan ng kababaihan na ang ekspresyon nito’y nangangailangan ng pagtataguyod dahil nakasalalay dito mismo ang kinabukasan ng lipunan.8 Madali kung gayon na makita na ang tunay na lipunan ng tao, ang lipunang komunista, ay hindi magtangkang ipataw ang abstraktong “pagkakapantay” sa kababaihan, na nagiging di pagkakapantay sa realidad. Sa halip ay pagsisikapan nitong isanib ang partikular na kapasidad na ito ng kababaihan sa panlipunang aktibidad sa kabuuan, at sabay nito ay habang kinukumpleto ang proseso na hindi na kailanman maiangat pa ng kapitalismo liban sa pagbubukas dito, at pawiin sa kauna-unahang pagkakataon ng kasaysayan ang sekswal na hatian ng paggawa.

    Jens

    1 Ayon sa isang pambansang pagsusuri sa Pransiya hinggil sa karahasan sa kababaihan na nailathala noong taong 2000, “noong 1999, mahigit 1.5 milyones na kababaihan ay nahaharap sa kalagayan ng berbal, pisikal, o sekswal na karahasan. Noong 1999 may isang babae sa bawat 20 ang nakaranas ng pisikal na agresyon, mula sa pananapak hanggang sa tangkang pagpatay, (habang) 1.2% ay biktima ng sekswal na agresyon, mula pangmomolestiya hanggang panghahalay. Ang datos na ito ay tumaas ng 2.2% sa grupo ng may edad na 20-24” (cf. http ://www.sosfemmes.com/violences/violences_chiffres.htm)

    2 Isang halimbawa lang, ayon sa isang artikulong inilathala noong 2008 ng human rights watch, ang USA ay nakikitaan ng nakakabahalang pagdami ng karahasan laban sa kababaihan sa nakaraang dalawang taon. Tingnan (cf. http ://www.hrw.org/news/2008/12/18/us-soaring-rates-rape-and-violence-against-w...)

    3 Di maipagkaila na ang kababaihan ay palagiang nagtatrabaho. Subali’t sa mga makauring lipunan bago ang kapitalismo, ang kanilang paggawa ay pangunahing nananatili sa pribado at pangbahay.

    5 https://www.marxists.org/archive/kollonta/1909/social-basis.htm [1]. Ang “nakakabatang kapatid” ay ang nagpakababang termino na ginagamit ng mga peminista na tumutukoy sa kababaihan ng uring manggagawa.

    6 Ang pangalang ito’y tumutukoy sa isang tipo ng barkong pandigma ng Britanya

    7 “Ang karapatan, ayon sa kanyang kalikasan, ay nabubuo lamang sa pagpapatupad ng pantay na panuntunan; subali’t ang mga di pantay na indibidwal (at di sila magiging mga makakaibang indibidwal kung hindi sila di-pantay) ay masusukat lamang sa pamamagitan ng pantay na panuntunan basta’t sila’y inilagay sa ilalim ng isang pantay na pananaw, at kinuha mula sa isang takdang panig lamang – halimbawa, sa kasalukuyang kaso, ay kinikilala lamang bilang mga manggagawa at wala nang iba pang nakita sa kanila, maliban dito, ang lahat ay binale-wala” (Marx, Critique of the Gotha programme).

    8 Malinaw na nagsasalita tayo dito ng pangkalahatan. Di lahat ng babae ay naramdaman ang ganitong pangangailangan sa magkaparehong antas, o kaya’y wala nito.

     

     

    Rubric: 

    Usapin ng Kababaihan