Submitted by Internasyonalismo on
Ito ay isang internasyunal na pahayag na naglalayong gumawa ng isang pansamantalang sumada sa mga kilusang panlipunan ng 2011 upang makapag-ambag sa isang malawak na debate hinggil sa kahalagahan ng mga ito.
2011: mula sa galit patungo sa pag-asa
Ang dalawang pinakamahalagang pangyayari sa 2011 ay ang pandaigdigang krisis ng kapitalismo at ang mga kilusang panlipunan sa Tunisia, Egypt, Spain, Greece, Israel, Chile, USA, Britain…
Ang galit ay tumungo sa internasyunal na antas
Ang mga epekto ng kapitalistang krisis ay naging matindi sa malaking mayorya ng pandaigdigang populasyon: pagbagsak ng kabuhayan, matagal na kawalan ng trabaho na tumagal ng mga taon, di-permanenteng trabaho na naging imposible ang pagkaroon ng kahit minimum na istabilidad, matinding kahirapan at gutom…
Milyun-milyong tao ay nababahala sa pagkawala ng posibilidad na magkaroon ng istable at normal na buhay at ng kawalan ng kinabukasan para sa kanilang mga anak. Ito ay tumungo sa isang malalimang galit, mga pagtatangkang makawala sa pagsawalang-kibo sa pamamagitan ng pagkilos sa mga lansangan at mahalagang pook, sa mga talakayan hinggil sa mga sanhi ng krisis na sa kasalukuyang yugto ay tumagal ng mahigit 5 taon.
Ang galit na ito ay mas pinatindi ng pagka-arogante, kasakiman at pagsawalang bahala na ipinakita ng mga bankero, mga politiko at ng ibang mga kinatawan ng uring kapitalista sa paghihikahos ng karamihan. Ito rin ang nangyari sa pagiging inutil na ipinapakita ng mga gobyerno na naharap sa ganito katinding problema: ang kanilang mga hakbangin ay lalo lamang nagpalala sa kahirapan at kawalang trabaho na walang ibinungang solusyon.
Ang kilusang ito ng pagkasuklam ay lumawak sa internasyunal na saklaw: sa Spain, kung saan ang noo’y Sosyalistang gobyerno ay nagpataw ng isa sa mga una at pinakamabagsik na planong paghihigpit; sa Greece, ang simbolo ng krisis ng pampublikong utang; sa United States, ang templo ng pandaigdigang kapitalismo; sa Egypt at Israel, sentro ng isa sa mga pinakamalala at pinakakonsentradong mga imperyalistang bangayan, ang Gitnang Silangan.
Ang pagkamulat na ito’y isang internasyunal na kilusan ay nagsimulang umusbong sa kabila ng mapanirang impluwensya ng nasyunalismo na nakikita sa presensya ng mga pambansang bandila sa mga demonstrasyon sa Greece, Egypt o sa USA. Sa Spain, ang pakikiisa sa mga manggagawa ng Greece ay naipahayag sa mga islogan tulad ng “Athens lumaban, Madrid mag-alsa”. Ang mga welgista sa Oakland (USA, Nobyembre, 2011) ay nagsabi ng “Pakikiisa sa kilusang okupasyon sa buong daigdig”. Sa Egypt ay napagkaisahan sa Cairo Declaration na suportahan ang kilusan sa United States. Sa Israel ay sumisigaw sila ng “Netanyahu, Mubarak, El Assad ay magkapareho” at nakipag-ugnayan sa mga manggagawang Palestino.
Naabot na ng mga kilusang ito ang kanilang rurok at sa kabila na may mga panibagong pakikibaka (Spain, Greece, Mexico) ay marami pa rin ang nagtatanong: ano ba ang naabot nitong alon ng galit? Meron ba tayong nakamit?
Tumungo sa mga lansangan! Ang iisang islogan ng mga kilusang ito
Mahigit 30 taon na mula ng masaksihan natin ang ganitong kamangha-manghang dami ng taong umo-okupa sa mga lansangan at sa mga mahalagang pook upang makibaka para sa sarili nilang interes sa kabila ng mga ilusyon at kalituhan na nakaapekto sa kanila.
Ang mga taong ito, mga manggagawa, mga pinagsamantalahan na inilarawan bilang mga walang kwenta, mga tamad, walang kakayahang gumawa ng inisyatiba o gumawa ng anuman na nagkaisa ay nagawang magkaisa, magbigay ng inisyatiba at kumawala mula sa nakakalugmok na pagsawalang kibo kung saan ang araw-araw na normalidad ng sistemang ito ang sumusumpa sa kanila na maging ganito.
Ang prinsipyo ng pagpapaunlad ng kumpyansa sa kapasidad ng bawat isa, ang pagtuklas sa lakas ng kolektibong aksyon ng masa ay naging pampataas moral. Ang panlipunang tanawin ay nagbago. Ang monopolyo sa buhay publiko ng mga politiko, eksperto at ‘bantog na mga tao’ ay nalagay sa mariing pagtutol ng di kilalang masa na nais mapakinggan.
Matapos masabi ang lahat ng ito, tayo’y nasa mahina pa lamang na pagsisimula. Ang mga ilusyon, mga kalituhan, di maiwasang pabago-bagong kalooban ng mga nag-aklas; ang panunupil na pinapataw ng estado at ang mga mapanganib na paglihis na pinapatupad ng mga mapanghadlang na pwersa nito (mga partido ng Kaliwa at mga unyon) ay tumungo sa mga pag-atras at mapapait na mga kabiguan at pagkatalo. Ito ay usapin ng isang mahaba at mahirap na daan na kinalatan ng mga balakid at kung saan walang garantiya ng tagumpay: dahil dito, ang mismong akto ng panimulang pagtahak sa daang ito ay maituturing na unang tagumpay.
Ang puso ng kilusan: ang mga asembliya
Ang masang sumapi sa mga kilusang ito ay di lamang nililimita ang kanilang mga sarili sa pasibong pagsisigaw sa kanilang mga hinanakit. Aktibo silang lumahok sa pag-organisa ng mga asembliya. Ang mga asembliyang masa ay nagsasakongkreto sa islogan ng Unang Internasyunal (1864) “Ang pagpapalaya sa uring manggagawa ay gawain ng mga manggagawa mismo o wala ito”. Ito ay pagpapatuloy sa tradisyon ng kilusang manggagawa mula Komyun ng Paris, at sa Rusya noong 1905 at 1917, kung saan ito’y tumungo sa isang mataas na anyo, ipinagpatuloy sa Alemanya 1918, Hungary 1919 at 1956, Poland 1980. Ang mga pangkalahatang asembliya at konseho ng mga manggagawa ay ang tunay na mga anyo ng organisasyon ng pakikibakang proletaryo at ang ubod ng bagong anyo ng lipunan.
Mga asembliya na naglalayon na malawakang pagkaisahin ang ating sarili at nagtuturo ng daan patungo sa pagwasak sa kadena ng sahurang pang-aalipin, ng atomisasyon, “bawat isa para sa kanyang sarili”, pagkakulong sa mga sektoral o panlipunang kategorya.
Mga asembliya upang mag-isip, sama-samang magtalakay at magpasya, gawing kolektibong may pananagutan ang ating sarili anuman ang napagpasyahan, sa pamamagitan ng sama-samang paglahok sa paggawa ng mga kapasyahan at sa pagpapatupad ng mga ito.
Mga asembliya upang magpaunlad ng kumpyansa sa isa’t-isa, pangkalahatang pakiki-isang damdamin, pagkakaisa, na di lamang kakailanganin sa pagpasulong ng pakikibaka kundi magsisilbi ring mga haligi ng isang lipunan sa hinaharap na walang uri at pagsasamantala.
Ang 2011 ay kinikitaan ng pagsambulat ng isang tunay ng pagkakaisa na walang kinalaman sa mapagkunwari at makasariling “pagkakaisa” na pinangalandakan ng naghaharing uri. Ang mga demonstrasyon sa Madrid ay nanawagan ng pagpapalaya sa mga inaresto o nagpahinto sa pulisya na ikulong ang mga imigrante. May mga malawakang pagkilos laban sa sapilitang pagpapaalis sa mga naninirahan sa Spain, Greece at sa United States. Sa Oakland “Ang Asembliya ng welga ay sumasang-ayon na magpadala ng mga piket o mag-okupa ng anumang kumpanya o paaralan na nagbigay parusa sa mga empleyado o mga estudyante sa anumang kaparaanan dahil sa pagsali sa Pangkalahatang Welga ng ika-2 ng Nobyembre”. Buhay na buhay nguni’t manaka-naka pa ring mga sandali ang nangyayari kung saan ang bawat isa’y nakaramdam ng pagkalinga at pagtatanggol ng mga nasa paligid nila. Na ang lahat ng ito’y ganap na kabaligtaran sa kung anong itinuring na “normal” sa lipunang ito sa kanyang puno sa dalamhating damdamin ng kawalang-pag-asa at kahinaan.
Ang tanglaw para sa hinaharap: ang kultura ng debate
Ang kamulatang kakailanganin ng milyong manggagawa para baguhin ang daigdig ay di makamit sa pamamagitan ng pagpamana nito ng naghaharing uri o sa pamamagitan ng mga matatalas na islogan ng mga matatalinong lider. Ito ay bunga ng isang karanasan sa pakikibaka na kasabay at tinatanglawan ng debate sa malawakang antas, ng mga talakayan na nagbabalik-tanaw sa nakaraan nguni’t palagiang nakatuon sa hinaharap, tulad ng nakasaad sa isang bandera sa Spain na “Walang kinabukasan kung walang rebolusyon”.
Ang kultura ng debate, na isang bukas na talakayang nakabase sa respeto sa isa’t-isa at aktibong pakikinig, ay nagsimulang umusbong hindi lamang sa loob ng mga asembliya kundi maging sa palibot nito: madaling ilipat na mga aklatan ay iniorganisa, maging mga di mabilang na mga pulong para sa talakayan at palitan ng mga ideya… Isang malawak na gawaing intelektwal na pinapatupad sa isang limitadong kaparaanan na agarang nilikha sa mga lansangan at mahalagang pook. At tulad ng mga asembliya ito’y muling nagsasabuhay ng nakaraang karanasan ng kilusang manggagawa
“Ang pagkauhaw sa edukasyon, na matagal nang nikimkim, ay pinukaw ng rebolusyon tungo sa totoong kaalaman. Sa unang anim na buwan, bulto-bultong literatura na lulan ng karomata o ng karo na ibinugsong palabas ng Smolny Institute bawat araw, ay walang patid na sinisipsip ng Rusya na tulad ng mainit na buhanging sumisipsip ng tubig. Hindi ito mababaw na mga nobela, pinalsipikang kasaysayan, baluktot na relihiyon at mumurahing katha na nakakabulok kundi mga pang-ekonomiya’t panlipunang teorya, pilosopiya, mga sulatin nila Tolstoy, Gogol, Gorky”.Habang binabayo ng kultura ng lipunang ito na nakabase sa pakikibaka para sa “mga modelo ng tagumpay”na naging bukal lamang ilang milyong kamalian - mga mapanghati at maling konseptong ibinabayo ng dominanteng ideolohiya at ng midya nito - libo-libong tao na ang nag-umpisang maghanap ng isang makatotohanang popular na kultura na inako na kanilang sarili at nagpagana ng kanilang sariling kritikal at independyenting pamantayan. Ang krisis at ang mga sanhi nito – ang papel ng mga bangko at iba pa – ay masusi’t lahatang-panig na tinalakay. May mga pagtalakay hinggil sa rebolusyon, bagama’t maraming kalituhan; may talakayan hinggil sa demokrasya at diktadurya na nasusuma sa dalawang magkaugnay na islogang ito “tinawag nila itong demokrasya at ito’y hindi” at “ito’y isang diktadurya nguni’t di nakikita”.
Ang proletaryo ang susi sa hinaharap
Kung ang lahat ng ito’y nagtatanghal sa 2011 bilang taon ng pagsisimula ng pag-asa, tinitingnan namin ang mga kilusang ito sa pamamagitan ng isang mapanuri’t kritikal na pananaw na nakikita ang kanilang mga limitasyon at kahinaan na di hamak na marami.
Kung may dumaraming bilang ng mga tao sa daigdig na kumbinsidong ang kapitalismo ay isa nang lipas na sistema - na “upang makaligtas ang sangkatauhan, ang kapitalismo ay kailangang patayin” – mayroon ding isang tendensya na naghahalintulad sa kapitalismo sa kulumpon ng mga “masasamang tao” (walang-konsyensang mga namumuhunan, malupit na mga diktador) na sa kabaliktaran ay isang masalimuot na ugnayan ng mga panlipunang relasyon na kailangang atakihin sa kanyang totalidad at hindi ang pagkakupot sa pagtuon sa panlabas na mga anyo nito (pinansya, ispekulasyon, korapsyon ng mga nasa pampulitika at pang-ekonomiyang kapangyarihan).
Kahit nasa kahustuhan ang pagtakwil sa karahasang ibinuga ng kapitalismo mula sa bawat butas ng balat nito (represyon, teror at terorismo, moral na barbaridad), ang sistemang ito ay hindi lamang basta-bastang maibagsak sa pamamagitang ng isang pasibong presyur ng mamamayan. Ang minoryang uri ay di boluntaryong bibitiw sa kapangyarihan at ito’y magtatago sa likod ng estado nito na tangan ang demokratikong legalidad sa pamamagitan ng eleksyon tuwing 4 o 5 taon. At ito’y sa pamamagitan ng mga partido na nangako ng di nila magawa at gumawa ng di nila pinangako at sa mga unyon na nagpakilos upang di makakilos at tumungo sa pagsang-ayon at paglagda sa lahat ng inihapag sa mesa ng naghaharing uri. Tanging isang malakihan, matatag at di natitinag na pakikibaka ang magbibigay sa mga pinagsamantalahan ng kakailanganing lakas sa pagwasak sa estado at sa mga kaparaanan ng represyon nito at gawing makatotohanan ang palagiang sinisigaw sa Spain na “Lahat kapangyarihan sa mga asembliya”.
Kahit ang islogang “tayo’y ang 99% laban sa 1%”, na naging popular sa kilusang okupasyon sa United States, ay nagpakita ng mga panimulang pag-intindi sa mga marahas na makauring dibisyon na nakaapekto sa atin, ang mayorya ng mga kalahok sa mga protestang ito ay kinokonsidera ang kanilang sarili bilang mga “aktibong mamamayan” na nagnanais kilalanin sa loob ng lipunan ng mga “malaya at pantay na mamamayan”.
Subali’t, ang lipunan ay nahati sa mga uri: uring kapitalistang nasa kanya na ang lahat at uring pinagsamantalahan – ang proletaryo – na lumikha ng lahat nguni’t ang inaari ay paunti ng paunti. Ang mapagpasyang pwersa ng panlipunang ebolusyon ay hindi ang demokratikong laro ng “ desisyon ng mayorya ng mamamayan” (ang larong ito ay walang iba kundi isang balatkayo na tumatago at nagbigay lehitimo sa diktadurya ng naghaharing uri) kundi ang makauring tunggalian.
Ang kilusang panlipunan ay kailangang nakaugnay sa pakikibaka ng pangunahing pinagsamantalahang uri – ang proletaryo – na kolektibong lumikha ng pangunahing yaman at nagpapanatili ng pagkilos ng buhay panlipunan: mga pabrika, pagamutan, paaralan, unibersidad, tanggapan, daungan, konstraksyon, koreo. Sa ilang mga pagkilos ng 2011 nasaksihan natin ang lakas, higit sa lahat ang alon ng mga welga na pumutok sa Egypt at sa kalauna’y pumuwersa kay Mubarak na magbitiw. Sa Oakland (California) ang mga “nang-okupa” ay nagpatawag ng pangkalahatang welga at tumungo sa daungan at nakakuha ng aktibong suporta ng mga manggagawa dito. Sa London ang mga nagwelgang elektrisyan at ang mga nag-okupa sa Saint Paul ay nagpatupad ng iisang pagkilos. Sa Spain ang ilang nagwelgang sektor ay nagtangkang makipagkaisa sa mga asembliya.
Walang oposisyon sa pagitan ng makauring pakikibaka ng makabagong proletaryo at ng mga batayang pangangailangan ng mga panlipunang saray na pinagsamantalahan ng kapitalistang panlulupig. Ang pakikibaka ng proletaryo ay hindi isang makasarili o ispesipikong kilusan kundi ang batayan ng “independyenteng kilusan ng malaking mayorya para sa kapakanan ng malaking mayorya” (Manipesto ng Komunista).
Ang mga kasalukuyang kilusan ay makakabenepisyo mula sa kritikal na pagbalik-tanaw sa karanasan ng dalawang siglo ng pakikibakang proletaryo at ng mga pagtatangka sa panlipunang pagpapalaya. Ang daan ay mahaba at puno ng mga naglalakihang balakid, na sumagi sa isipan ang pabalik-balik na islogan sa Spain na “hindi sa tayo’y humina, kundi tayo’y umabot na ng malayo”. Umpisahan ang hangga’t posibleng pinakamalawak na talakayan, na walang anumang balakid o panghihina ng loob, upang mulat na maihanda ang mga bagong kilusan na magbigay linaw na ang kapitalismo ay maari ngang palitan ng ibang lipunan.
Internasyunal na Komunistang Tunguhin, Marso 11, 2012