Panawagan sa manggagawang Pilipino at manggagawang Tsino

Printer-friendly version

“Manggagawa ng mundo, magkaisa!”. Ito ang katotohanan at realidad sa ilalim ng kapitalistang kaayusan. Tayong mga manggagawa ay walang pambansang interes na kinakampihan dahil ang interes natin ay bilang isang internasyunal na uri. Saan man tayong panig ng mundo, tayo ay pinagsamantalahan at inaapi ng uring kapitalista at ng kanilang mga gobyerno.

Ang interes ng isang lahi o bansa ay nagsisilbi sa interes ng partikular na uri. Ang kabansaan at pambansang estado ay matagal ng nahubaran ng kasaysayan: ito ay interes ng uring burges para kontrolin at pagsamantalahan ang uring manggagawa at iba pang masang anakpawis.

Sa kasalukuyang girian ng burgesyang Pilipino at burgesyang Tsino sa Spratly Islands, kung saan ang magkabilang kampo ay inaangkin na kanila ang maliit na mga islang puno ng likas na yaman, muli na namang umalingawngaw ang mga salitang “pambansang soberanya” at “teritoryal na integridad”; ang “pagkakaisa bilang bansa” at “pagtatanggol sa teritoryo ng bansa”. Gamit ang burges na media, ang mga salitang ito ay muling isinalaksak sa utak ng mga hirap na mamamayan upang lasunin na bilang iisang lahi, bilang iisang bansa, ang burgesya at manggagawa ay “magkapatid at magkasama”.

Ito ang ipinako ng burgesyang Tsino sa isipan ng manggagawang Tsino at ganun din ng burgesyang Pilipino sa manggagawang Pilipino para tayo ay mahati, mag-away at magpatayan sa isa't-isa sa ngalan ng “pagmamahal sa inangbayan”.

Agawan ng teritoryo sa Spratly Islands: Agawan para magkamal ng tubo at inter-imperyalistang kompetisyon dito sa Asya

Hindi lang Pilipinas at Tsina ang nag-aagawan sa Spratly Islands. Nakikipag-agawan din ang bansang Vietnam, Taiwan at Malaysia1. Sumali din ang bansang Brunei2. Ang batayan ng bawat pambansang paksyon ng burgesya ay ang kani-kanilang kasaysayan na punung-puno ng pananakop at pangongolonya, hindi sa sinasabi nilang “pambansang soberanya”3.

Pagkamal ng tubo ang pangunahing dahilan ng agawan ng mga pambansang paksyon ng burgesya sa Spratly Islands. Sinuman ang magwagi sa agawan nila, hindi makinabang dito ang masang anakpawis ng Tsina at Pilipinas. Ang tanging makinabang ay ang mga burukrata ng mga gobyerno nila at ang malalaking kapitalista.

Isa pang pangunahing dahilan ay ang imperyalistang interes ng mga nagbangayang pambansang burgesya dahil mayor na daanan ang Spratly Islands at pwedeng maging baseng militar. Isa Ito sa mayor na dahilan ng Tsina, Vietnam, Taiwan at USA. Ilang dekada ng nagkaroon ng girian at armadong labanan ang Tsina at Vietnam (na alyado ng Amerika).

Sa madaling sabi, ang girian sa Spratly ay mahigpit na nakaangkla sa imperyalistang kompetisyon ng Tsina at Amerika sa Asya. Dahil sa matinding krisis ng pandaigdigang kapitalismo, kailangang magpalawak ng teritoryo ang mga ambisyosong imperyalistang bansa tulad ng Tsina. Alam ito ng numero unong imperyalistang kapangyarihan, ng Amerika. Kaya naman nagsisikap ang huli na patibayin ang kanyang sariling “bakod” dito sa Asya4.

Nagkakaisa ang iba’t-ibang pambansang kapital laban sa uring manggagawa

Sa kabila ng naturalesang kompetisyon ng bawat pambansang kapital ay nagkakaisa ang mga ito laban sa uring manggagawa.

Habang nilalason nila sa ideolohiyang nasyualismo/patriyotismo ang kani-kanilang manggagawa ay patuloy pa rin ang diplomatiko at ekonomikong kooperasyon ng mga bansang nag-aagawan sa SpratlyIslands5. Habang pinagtanggol ng isang seksyon ng mamamayang Tsino at Pilipino ang “soberanya” ng kani-kanilang mga bansa6, nagyayakapan, nag-iinuman o kaya naglalaro ng golf ang mga representante ng dalawang gobyerno at asosasyon ng mga kapitalista nila habang nag-uusap paano patibayin ang pang-ekonomiyang relasyon ng Tsina at Pilipinas at Tsina at Amerika. Sa madaling sabi, nagkakaisa sila sa pagsasamantala sa uring manggagawa.

Matinding pinagsamantalahan at inaapi ng mga bansang nag-aagawan ang kani-kanilang mga manggagawa. Halos araw-araw ay may mga “iligal” na pagkilos ang daan-daang libong manggagawa sa Tsina laban sa kanilang gobyerno. Maraming welga ang nagaganap sa Vietnam dahil sa mababang pasahod at halos kawalan ng benepisyo. Sa Pilipinas ay halos ganun ang mga isyung kinakaharap ng masang proletaryado. Ang pagdurusa ng “ikatlong daigdig” ay walang kaibahan sa mga pagdurusa ng manggagawang Amerikano at iba pang bansa sa “unang daigdig”.

Ang sentral na layunin ng bawat pambansang kapital sa patuloy na pagpapainit sa isyu ng Spratly ay para makabig nila ang suporta ng diskontentong mga mamamayan nila sa “pambansang pagkakaisa laban sa mga dayuhang yumuruyak sa ating soberanya”.

Makauring pagkakaisa at pakikibaka laban sa lason ng nasyunalismo at patriyotismo

Bilang mga manggagawa, ang ating pangunahing kaaway ay ang buong uring kapitalista, lokal at dayuhan.

Hindi natin dapat suportahan ang panawagan ng ating “sariling” pambansang burgesya ng “pambansang soberanya” at “pagtatanggol ng teritoryo” dahil ang katotohanan ito ay soberanya ng burgesya para pagsamantalahan at apihin ang manggagawa; ito ay teritoryo ng uring kapitalista upang magkamal ng tubo mula sa ating libreng lakas-paggawa.

Sa halip ay magkaisa tayong mga manggagawang Tsino at Pilipino sampu ng ating mga kapatid na manggagawa sa buong mundo upang ibagsak natin ang ating “sariling” mga pambansang burgesya. Dapat kondenahin natin ang “ating” mga gobyerno sa patuloy na pagtatambol ng banta ng digmaan; digmaan na ang tanging ibubunga ay ibayong kahirapan, kamatayan, pagkasira ng ari-arian at pagkahati-hati nating mga manggagawa.

Bagama’t alam natin na sa kasalukuyang sitwasyon ay walang interes at walang kapasidad ang mga bansang nagbangayan sa Spratly Islands na maglunsad ng todo-todong komprontasyong militar7, pero ang propaganda ng posibilidad ng digmaan ay malaking hatak sa hanay ng mamamayan na relatibong atrasado ang kamulatan na mabighani na suportahan ang kani-kanilang pambansang burgesya laban sa dayuhang burgesya. At ito ang sentral na layunin ng mga gobyerno ng Tsina at ng Pilipinas: lasunin ang kaisipan ng hirap na masa sa ideolohiyang nasyunalismo.

Mga kapatid na manggagawang Tsino at manggagawang Pilipino, huwag tayong padadala sa matamis pero nakakalasong propaganda ng nasyunalismo ng “ating” mga gobyerno! Ipagpatuloy natin ang ating mga pakikibaka laban sa mga atake ng kapital sa ating kabuhayan sa loob ng ating mga “bansa”. Ipagpatuloy natin ang paglantad sa mapang-api at mapagsamantalang katangian ng uring burges, ito man ay lokal o dayuhan. Kailangang patibayin natin ang ating pagkakaisa bilang isang uri!

Ang “pambansang soberanya” at “pambansang pagkakaisa” ay mga kadena na gumagapos sa atin para huwag lumaya sa bilangguan ng kapitalismo. Ang mga ito ay mapanghati sa atin bilang isang internasyunal na uri. Ang mga pagkilos sa linyang makabayan ay mga pagkilos upang pahinain ang ating makauring kilusan.

Manggagawang Tsino at manggagawang Pilipino, hindi natin interes at wala tayong pakinabang sinuman ang magmay-ari ng Spratly Islands. Ang interes natin ay lumaya mula sa kahirapan dulot ng pagiging sahurang alipin. Ang interes natin ay maglaho sa mundo ang kapitalismo at maitayo ang isang lipunan na walang pang-aapi at pagsasamantala. Kaaway natin pareho ang gobyernong Tsino at gobyernong Pilipino at lahat ng mga imperyalistang bansa8.

Kapitalismo ang puno’t dulo ng mga digmaan sa mundo. Ang pagwasak sa kapitalismo ang tanging garantiya para makamit ng sangkatuhan ang kapayapaan sa daigdig.

MANGGAGAWA NG DAIGDIG, MAGKAISA!

IBAGSAK ANG URING KAPITALISTA, LOKAL AT DAYUHAN!

IBAGSAK ANG ATING “SARILING” MGA GOBYERNO AT ANG IDEOLOHIYANG NASYUNALISMO!

IBAGSAK ANG IMPERYALISTANG TSINA AT AMERIKA!

IBAGSAK ANG IMPERYALISTANG SISTEMA NG MUNDO!

Internasyonalismo

Abril 28, 2012


3 Maliban sa internasyunal na batas, pinanindigan ng Pilipinas na pag-aari nila ang Scarborough Shoal noong panahon pa ng kolonyalismong Espanyol () habang ang Vietnam naman ay noong panahon pa ng kolonyalismong Pranses. At sa ganitong linya ng batayan din ang paninindigan ng imperyalistang Tsina.(https://en.wikipedia.org/wiki/Spratly_Islands#cite_note-encarta-23)

4 Sa balanse ng pwersa sa pagitan ng imperyalistang Tsina at Amerika dito sa Asya, tanging ang stalinistang Hilagang Korea lamang ang alyado ng una. Pero hindi ibig sabihin na ang Amerika ang pangunahing kaaway dito sa Asya at “taktikal na alyado” ang mga karibal nito. Parehong pangunahing kaaway ng internasyunal na proletaryado ang burgesya ng mundo.

5 Patuloy na lumalaki ang pang-ekonomiyang relasyon ng Tsina at Pilipinas (https://mb.com.ph/articles/346111/robust-philippineschina-trade-relations) at ganun din ng Tsina at Amerika (https://www.census.gov/foreign-trade/balance/c5700.html). Katunayan, ang Tsina ang pinakamalaking nagpapautang sa Amerika (https://money.cnn.com/2011/01/18/news/international/thebuzz/index.htm).

6Ang mga cyber hackers ng Tsina at Pilipinas ay nagpaligsahan sa pagsira ng mga websites ng “kaaway” nilang bansa.

7 Sa hidwaan sa Spratly Islands nagkaroon ng maliitang komprontasyong militar Tsina at Vietnam ng ilang beses. Pero ito ay calibrated at pinipigilan ng dalawang bansa na sasabog tungong full-scale war dahil ang layunin lang nila ay palakasin ang ideolohiyang nasyunalismo sa kani-kanilang mga bansa. Sa panig naman ng hidwaang Tsina-Pilipinas, may posibilidad na mangyari din ang maliitang komprontasyong militar na tinatambol kapwa ng armadong pwersa ng Pilipinas, imperyalistang Amerika at Tsina. Nitong huli ay naglabas ang media ng Tsina ng posibilidad ng maliitang komprontasyong militar sa pagitan nito at ng Pilipinas,

8 Ang maoistang kilusan sa Pilipinas ay naging katulong ng burgesyang Pilipino upang maghasik ng ideolohiyang nasyunalismo sa manggagawang Pilipino ay mahigpit na pinanghawakan ang kontra-rebolusyonaryong taktika na “choose the lesser evil”. Litaw ito sa pahayag ng mga legal na organisasyon nito sa giriang Tsina-USA sa Asya (https://anakbayannynj.wordpress.com/2012/04/19/us-intervention-not-china-is-the-greatest-threat-to-peace-security-in-the-philippines-bayan-usa/). Subalit hindi lang ang maoistang kilusan ang may ganitong kaisipan. Halos lahat ng mga organisasyon ng Kaliwa ay nagapos sa bangkarotang taktikang ito.

 

Rubric: 

Pahayag sa umiinit na isyu sa Spratly