Submitted by Internasyonalismo on
Ang rehimeng Arroyo, ang kasalukuyang representante ng estadong kapitalista sa Pilipinas ay nangangarap ng gising ng ipahayag nito na target diumano ng Pilipinas na mapabilang sa mga bansa sa Unang Daigdig dalawampung taon mula ngayon. Ibig sabihin, maging abanteng industriyalisadong bansa na ang Pilipinas.
Bangungot, Hindi Panaginip
Naging bangungot ang panlilinlang ni Gloria sa sambayanang Pilipino ng mismong ang chief economist ng Asian Devepolment Bank, si Ifzal Ali, ang nagsasabi na kahit pa kasingbilis ng Tsina ang paglago ng gross domestic product (GDP) ng Pilipinas kada taon ito ay suntok sa buwan.
Sinabi ng ADB na kung sakaling mamintina ng bansa ang average 3.7 porsyento na GDP kada taon ay aabutin ng 77 taon bago nito mapantayan ang ekonomiya ng Brunei. Nagmungkahi ang ADB na kung tuloy-tuloy na mamintina ng Pilipinas ang 9.5 porsyento na paglago sa loob ng 25 taon ay “baka mapabilang ito sa Unang Daigdig”.
Bilang institusyon ng kapitalismo, inaasahan natin na magbibigay ng optimismo ang ADB sa mga bansang atrasado gaya ng Pilipinas na may “pag-asa” pa na uunlad ang ekonomiya sa kabila ng lumalalang krisis. Subalit kahit ang ADB ay hindi na masikmura ang kabaliwan ng optimismo ni Arroyo.
Subalit hindi lamang ang burgesyang Pilipino ang may ganitong “magandang panaginip.” Ang mga grupo ng Kaliwa sa Pilipinas, na naniniwala na progresibo pa ang kapitalismo sa isang bahagi ng mundo, subalit pinipigilan lamang ng imperyalismo ay ganito din ang linya ng pag-iisip. Ang teorya ng ‘dalawang-yugtong rebolusyon’ ng mga Maoista at maging ang ‘Tuloy-tuloy na rebolusyon’ ng mga ‘Leninista’ ang nagdadala ng linya na “hindi maiwasang” paunlarin ng Pilipinas ang kapitalismo para sa sosyalismo.
Wala ng Uunlad na Kapitalismo Sa Panahon ng Lumalalang Pandaigdigang Krisis
Bilang mga komunista, hindi tayo tutol sa industriyalisasyon. Pero para sa atin, ang tunay na industriyalisasyon ay nakabatay sa sosyalisasyon ng pag-aari hindi sa pambansang antas kundi sa pandaigdigang antas. Ibig sabihin, sa isang komunistang lipunan sa pandaigdigang saklaw.
Ang kasalukuyang pandaigdigang kapitalistang sistema ay nasa panahon na ng kanyang pagbagsak. At walang bansa, saan mang dako ng mundo ang nakaiwas sa kadena ng kapitalistang krisis na ito. Kaya isang malaking kasinungalingan ang konsepto na sa isang bahagi ng mundo ay nabubulok na ang kapitalismo at sa kabilang bahagi naman ay umuunlad o maaring uunlad. Ito ang katotohanan sa panahon ng dekadenteng kapitalismo.
Walang naghaharing uri na aangkin na babagsak na ang sistemang pinagharian nito. Kaya ginamit ng burgesya ang lahat ng paraang ideolohikal at maging pandodoktor ng datos para mapaniwala hindi lamang ang kanilang pinagsamantalahan at inaaping mga uri na “umuunlad” ang kapitalismo ngayon kundi mismo ang kanilang mga sarili. ² The bourgeoisie has always tried, since the reappearance of the open crisis of its system, for forty years now, either to hide the gravity of it, or above all to hide its historic significance, that’s to say its bankruptcy. In order to do this, it tries at all costs to confuse the reflection of the working class on the future that capitalism reserves for it and tries to mask the historic perspective announced by the Manifesto of 1848.² (Proposed report on the evolution of the crisis of capitalism (XVII Congress of the ICC)
Lumalala ang krisis sa sobrang produksyon habang mabilis na nasasaid ang pandaigdigang pamilihan na kontrolado ng malalaking kapangyarihan. Tumitindi ang kompetisyon ng bawat bansa, kompetisyon na walang kahihinatnan kundi lalupang mas malalang krisis sa sobrang produksyon.
Binangungot ang rehimeng Arroyo kung iisipin nito na lalago ang ekonomiya ng bansa. Mismong ang pinakamakapangyarihang bansa sa buong mundo — ang Estados Unidos — ay dumanas ngayon ng pababa na tantos ng paglago, mula sa 4.4 % sa 2004 ay naging 1.6% sa 3rd quarter sa 2006. At hindi lang ang US ang bumaba, maging ang ibang mga malalaking bansa.
Subalit ang mga tagapagtanggol ng kapitalismo ay maring ipagmayabang ang “nakakalulang” paglago ng Tsina. Ito marahil ang pinagmulan ng panaginip ni Gloria at maging ng mga kapitalistang Pilipino na paroo‘t parito sa Tsina para mamuhunan.
Dalawang mayor na salik ang dahilan ng “paglago” ng Tsina: una, napakamurang lakas-paggawa at pangalawa, direct foreign investments. Mahigpit na magkaugnay ang dalawang salik na ito. Kasabay nito, pumasok ang pangatlong salik, ang mapangahas na pagpasok ng produktong Tsino, partikular ang armas sa ibang mga bansa laluna sa Aprika.
Dito, makikita natin ang sumusunod na katotohanan na hindi maaring pasubalian ng mga datos ng burgesya: Una, ang “paglago” ng ekonomiya ng isang bansa ay labis na kapinsalaan sa uring manggagawa ng naturang bansa at maging sa mga manggagawa sa ibang mga bansa; kapinsalaan na nagtulak sa kanila sa labis na kahirapan. Ikalawa, ang bagong industriya na itatayo sa naturang bansa ay nagkahulugan ng pagsasara naman sa ibang bansa; dahil hindi na maaring paunlarin ng sistema ang buong mundo; kaya sa suma-total ay walang kaunlaran sa pandaigdigang saklaw. Pangatlo, ang “paglago” ng ekonomiya ay dahil sa naipagbili ang mga produkto nito sa pandaigdigang pamilihan na ang ibig sabihin, ang magkatulad na produkto ng ibang bansa ay hindi naibenta; ito ang katotohanan sa wala ng bagong pamilihan kundi pag-aagawan sa said na pamilihan.
Kaugnay sa Pilipinas, ang unang salik lamang meron siya — murang paggawa. Sa salik na ito ay mahigpit pa ang kompetisyon sa ibang bansa laluna sa Asya kung saan mas malakas at mahigpit ang kontrol ng estado. Upang “uunlad” ang Pilipinas, kailangang mas mura ang kanyang lakas-paggawa kaysa Tsina o Byetnam para dadagsa ang direct foreign investments. Subalit, tulad sa ibang mga bansa, tinututulan ito ng mga manggagawang Pilipino.
Kaya, kailangang mas palakasin ang estadong Pilipino. Ang Human Security Act of 2007 at ang kampanyang “kontra-terorismo” laban sa mga kaaway ng estado ay ganito ang layunin. Ang political killings, ang digmaan ng AFP at NPA, at ang napipintong opensiba ng AFP sa MILF, ASG, at iba pang armadong “rebeldeng” grupo ay ito ang layunin — kontrolin ng estado ang buong buhay panlipunan.
Kahit ang pinagyabang ng Pilipinas na OFW remittances ay hindi naman productive labor kundi unproductive at sa esensya ay hindi nakapagpalago ng ekonomiya ng bansa. Higit sa lahat, ang milyun-milyong pera kada taon na hinuthot ng estado sa mga OFWs ay tinumbasan ng huli ng matinding hirap at maging dugo.
Intensipikasyon ng Pakikibaka Sa Susunod na Dalawampung Taon
Hindi industriyalisasyon ang naghihintay sa Pilipinas at maging sa ibang 3rd world countries sa panahon ng dekadenteng kapitalismo kundi barbarismo at digmaan. Kung sakali mang makamit ang “industriyalisasyon”, ito ay katumbas ng lalupang kahirapan at pagdurusa ng internasyunal na uring manggagawa. Ang mga kontra-rebolusyonaryong Kaliwa ng kapital lamang ang papayag sa ganitong sitwasyon.
Ang inaasahang industriyalisasyon ng burgesyang Pilipino o ang kabaliwan na maging 1st World country ang bansa ay walang katotohanan sa ilalim ng pabagsak na kapitalistang sistema. Kahit ang kasalukuyang abanteng kapitalistang mga bansa ay hindi na papayag na mayroon pang madagdag sa kanilang hanay dahil masyado ng masikip ang kanilang kinalalagyan habang wala na silang mahuthutan kundi panibagong pandaigdigang digmaan o tuluyan ng mawasak ang sistema.
Hindi industriyalisasyon ang magaganap sa susunod na dalawampung taon sa Pilipinas kundi intensipikasyon ng makauring pakikibaka laban sa kapitalismo. At hindi lang ito sa Pilipinas posibleng mangyari kundi sa buong mundo.
Ang labis na kahirapang dulot ng dekadenteng kapitalismo ang magtulak sa uri na buuin ang mulat na pagkakaisa laban sa mga atake ng kapital. Simula 2003, muling bumangon ang internasyunal na kilusang manggagawa matapos bumagsak ang USSR noong 1989. Ito ay indikasyon na hindi hinayaan ng proletaryado na patuloy itong pagsamantalahan at apihin ng mga kapitalista para subukang isalba ang sistema mula sa tuluyang pagkawasak nito.
Kailangan lang mabuo ang kamulatan ng uri na ibagsak ang kapitalismo at ang burges na estado at hindi lang simpleng salagin ang mga atake ng kapital sa kanilang kabuhayan. Kailangan lang maunawaan ng uring manggagawa na sila ay walang bansa at walang batayan na depensahan nila ang pambansang kapital ng kani-kanilang mga bansa.
Kailangang mabuo ang kamulatan ng internasyunal na manggagawa para sa komunistang rebolusyon para makalaya sa labis na kahirapang dulot ng nabubulok na sistema. Ito lamang ang tanging daan para sa tunay na industriyalisasyon at kaunlaran ng sangkatauhan.