Submitted by Internasyonalismo on
Ang kanan ng burgesya — ang mga sagad-saring maka-kapitalismo — karamihan sa kanila ay kontrolado ang mga estado ng maraming mga bansa, ay tulad ng dati, paulit-ulit na manawagan sa masang proletaryado na wala ng ibang sistemang maasahan kundi ang kapitalismo at “patay na ang komunismo”. Ang pundasyon ng panawagang ito ay ipagtanggol at paunlarin ang pambansang ekonomiya habang palakasin ang kapasidad ng bansa sa pandaigdigang kompetisyon. Nanawagan sila na magsakripisyo ang mga manggagawa nila alang-alang sa kapakanan ng inang-bayan.
Ang kaliwa ng burgesya — mga maoista, “leninista”, trotskyista, anarkista, “sosyalista”, “komunista”, radikal na demokrata at unyonista, “anti-imperyalista, at iba’t-ibang tipo ng kaliwa — na gumagamit ng iba’t-ibang radikal na lenggwahe at pagkilos “laban sa kapitalismo” at “para sa sosyalismo“, ay manawagan sa mga manggagawa na ibagsak ang mga paksyon ng burgesya o mga “tuta ng imperyalistang” mga bansa na may hawak ng pampulitikang kapangyarihan sa mga bansa nila. Magpaliwanag sa masang manggagawa na ang mga paksyong ito ang dahilan ng kahirapan at pagdurusa nila.
Sa panahon ng dekadenteng kapitalismo, ang imperyalismo ay isang sistemang sumukob sa lahat ng kapitalistang bansa — malaki o maliit, malakas o mahina, abante o atrasado. Ang bawat pambansang kapital ay may imperyalistang katangian. Ito ang tunay na kahulugan ng imperyalismo sa kasalukuyang panahon at dito kailangang ibatay ang proletaryong anti-imperyalistang pakikibaka.
Ang kaliwa ng burgesya ay nagkaisa sa pangkalahatan na ang “kawalan o kakulangan ng demokrasya” ang pangunahing dahilan kung bakit hindi nakamit ng masang proletaryado ang kanilang mga kahilingan para sa kanilang kapakanan. Kasabay nito, tinuligsa nila ang “imperyalismo” partikular ang imperyalismong Amerikano bilang pangunahing dahilan kung bakit maraming mga bansa ang nanatiling atrasado at naghihikahos. Sa madaling salita, sinisi nila ang paghadlang ng imperyalismo o ng globalisasyon sa pag-unlad ng kapitalismo ng mga bansa nila.
Walang pagkakaiba ang kanan at kaliwa ng burgesya sa balangkas ng kanilang mga pananaw — ipagtanggol ang bansa at ang demokrasya; ang pambansang kapitalismo. Konserbatibo man o radikal ang mga lenggwahe; hayagan man na tutol sa “sosyalismo” o sumisigaw ng komunismo, kapwa sila nagtutulungan para manatiling nakagapos ang masang masanggagawa sa buong mundo sa balangkas ng bansa, sa pagtatanggol sa inang-bayan at sa demokratikong mistipikasyon ng burgesya.
Ang Katangian ng Proletaryado at ng Kanilang Pakikibaka
Ang Mayo Uno ay internasyunal na araw ng paggawa. Sa araw na ito nararapat na muling bigyang diin ang tunay na katangian ng uring manggagawa, na sa loob ng ilang siglo ay nais itago ng burgesya kasabwat ang lahat ng tipo ng Kaliwa sa masang proletaryado at palitan ito ng mga mistipikasyon. At ang mga mistipikasyong ito ang nangibabaw sa kamulatan kundi man tanging pinaniwalaan ng manggagawang Pilipino sa mahigit isang daang taon.
Ang mga manggagawa ay walang bansa; walang inang-bayan. Ang proletaryado ay isang internasyunal na uri. Iisa lamang ang mga interes ng mga manggagawa saang bansa man sila nakatira o namuhay. Iisa lamang ang kaaway ng mga manggagawa — ang buong uring burgesya sa buong mundo. Ibig sabihin, ang kanilang mga interes ay hindi nakatali sa interes ng bansa o inang-bayan. Kabaliktaran ang katotohanan: makakamit lamang nila ang kanilang mga kahilingan sa labas ng balangkas ng pambansang kapital. Ang sosyalismo o komunismo ay magkatotoo lamang hindi sa bawat bansa kundi sa buong mundo.
Internasyunalismo ang isa sa dalawang pundasyon ng tunay na kilusang manggagawa. Pangalawa ang independyenteng kilusan nito; independyente sa ibang mga uri laluna sa uring kapitalista. Ito ang batayang kaibahan ng isang tunay na proletaryong kilusan sa kaliwa ng burgesya.
Dahil internasyunal na uri ang manggagawa, internasyunal din ang katangian ng pakikibaka nito. Nasa balangkas ng pagsusulong ng pandaigdigang proletaryong rebolusyon ang mga pakikibaka ng bawat bahagi ng uri sa buong mundo. Sa ganitong konteksto maintindihan na ang “pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya” sa kasalukuyang istorikal na yugto ng dekadenteng kapitalismo ay hindi para sa makauring interes ng proletaryado kundi makakasira sa pakikibaka nila. Sa dekadenteng kapitalismo ganap ng isang kontra-rebolusyonaryong taktika ang “pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya” katulad ng “pakikibaka para sa reporma”, “rebolusyonaryong unyonismo”, “rebolusyonaryong parlyamentarismo” at pakikipag-isang prente sa isang paksyon ng burgesya.
Ang Araw ng Paggawa sa 2007 sa Pilipinas
Sa pangkalahatan, walang pagkakaiba ang selebrasyon ng Araw ng Paggawa sa Pilipinas sa magaganap sa buong mundo — dominado at kontrolado ng kanan at kaliwa ng burgesya. Subalit sa Pilipinas, at maging sa ibang mga bansa na dahan-dahan ng nabubuo ang mga grupo na nanindigan sa internasyunalismo at indepenyenteng kilusan ng internasyunal na uring manggagawa, maaring sabihing dapat ipagdiwang ang Araw ng Paggawa ng mga internasyunalistang komunista.
Partikular sa Pilipinas, bagamat nagsimula pa lamang ang teoritikal na klaripikasyon ng ilang mga rebolusyonaryo, ito ay bahagi na ng muling pagbangon ng tunay na proletaryong kilusan sa internasyunal na saklaw simula ng huling dekada ng 1960s. Ang nangyaring Internasyunal na Kumperensya ng mga internasyunalistang komunista sa Korea noong 2006 ay kongkretong manipestasyon na kahit sa mga bansang hindi narinig o nabasa ang mga sulatin ng kaliwang komunismo sa mahigit isang daang taon ay may mga rebolusyonaryo at manggagawa ng nagsimulang mag-aral at suriin ang pagpapatuloy ng marxismo na pinutol ng 50 taong kontra-rebolusyon.
Bagamat hindi pa makikita ng mga manggagawa sa Pilipinas ang tamang landas ng pakikibaka sa pagdiriwang ng Araw ng Paggawa ngayong taon at posible sa susunod pang mga taon, malaki ang tiwala namin na may kapasidad ang mga manggagawa sa bahaging ito ng mundo bilang bahagi ng internasyunal na uri, ayon sa kanilang sariling karanasan, na mabubuo nila ang isang rebolusyonaryong kamulatan at ang rebolusyonaryong organisasyon bilang bahagi ng pagbubuo ng isang internasyunal na partido komunista sa hinaharap. Sa Internasyunal na Araw ng Paggawa sa 2007 muling mapatunayan na: una, ang uring manggagawa ang tanging rebolusyonaryong uri sa mundo ngayon at siyang tanging may istorikal na misyon para ibagsak ang kapitalismo at itayo ang komunismo sa pandaigdigang saklaw; ikalawa, kagyat na usapin ngayon ang pagdurog sa burges na estado at pag-agaw ng proletaryado sa pampulitikang kapangyarihan sa pandaigdigang saklaw; at ikatlo, dahan-dahan ng nabuo ang mga organisasyon ng mga internasyunalistang komunista sa paparaming bahagi ng mundo.
Internasyonalismo
1 Mayo 2007