Submitted by Internasyonalismo on
Ang nangyari sa Cosmos Bottling ay matagal ng naranasan ng mga manggagawa sa maraming pabrika hindi lang sa Cebu, hindi lang sa Pilipinas kundi sa ibang mga bansa din gaya ng Amerika, France, Britanya at Germany. Milyun-milyong manggagawa sa buong mundo ang nawalan ng trabaho at daang milyon ang nagtatrabaho bilang mga kontraktwal/kaswal, mababa ang sweldo at walang katiyakan sa trabaho. WALANG HINTO ANG MGA ATAKE NG MGA KAPITALISTA SA BUONG MUNDO SA PAMUMUHAY NG MGA MANGGAGAWA!
Bakit uso ngayon ang tanggalan ng mga manggagawa?
Kahit saang kompanya sa lahat ng panig ng mundo uso na ang mga kontraktwal at paliit ng paliit ang mga regular na manggagawa. Pilipinas, China, Vietnam, USA, Britain, France, Germany at iba pang bansa.
Kabaliktaran sa paniniwala ng marami, HINDI ito union busting. May unyon man o wala ang kompanya, kontraktwalisasyon na ngayon ang patakaran ng lahat ng mga pabrika. Katunayan, INUTIL ang mga unyon (Kanan man o Kaliwa) sa pagpigil sa kontraktwalisasyon.
Ang KATOTOHANAN sa likod ng kontraktwalsiasyon ay WALA NG KAPASIDAD ang mga kapitalista sa buong mundo na bigyan ng trabaho ang paparaming mga tao at panatilihin sa loob ng mga pabrika ang kasalukuyang dami ng mga manggagawa. Wala ng kapasidad dahil nasa permanente na ang krisis ng kapitalismo ngayon. Kaya para manatili ang mga kapitalista sa kompetisyon sa loob ng lalupang kumikitid na world market, nagpaligsahan ang mga kapitalista sa pagbabawas ng production costs. At dahil hindi nila maaring bawasan ang ibang bahagi ng production costs – raw materials, tax, electricity, machines, transportation, etc – ang labor cost ang kanilang sinasakripisyo. Mas maliit ang sahod at benepisyo ng kanyang mga manggagawa kaysa kanyang mga karibal, mas makabubuti para sa kapitalista. Dahil paliitan ng labor cost, paliitan din ng bilang ng mga manggagawa pero paramihan ng magagawang produkto. Ibig sabihin, ang may trabaho (mababa ang sweldo at benepisyo), ay pipigain ng kapitalista para mas marami ang produktong magagawa nila. Kaya, hindi lang ang mga regular na manggagawa ang biktima ng tanggalan kundi pati rin ang mga kapatid nilang kontraktwal na mga manggagawa.
WALA NG KINABUKASAN ANG MGA MANGGAGAWA SA ILALIM NG SISTEMANG KAPITALISMO! NASA AGENDA NA NGAYON ANG PAGWASAK SA KAPITALISMO AT PAGTATAYO NG ISANG PANLIPUNANG SISTEMA NA WALA NG PAGSASAMANTALA AT PANG-AAPI – ANG KOMUNISMO.
Paano labanan ang tanggalan at kontraktwalisasyon?
Ang kapangyarihan ng mga magmanggagawa ay nasa kanilang PAGKAKAISA at MILITANTENG PAKIKIBAKA.
Subalit nahahadlangan ang pagkakaisa dahil sa pagkahat-hati ng mga unyon at sa pagkahati-hati sa pagitan ng regular at kontraktwal na manggagawa. Ang makapangyarihang pagkakaisa ay ang PAGKAKAISA ng lahat ng mga manggagawa – regular, kontraktwal, may unyon at walang unyon; ang PAGKAKAISA ng mga manggagawa hindi lang sa antas pabrika kundi sa maraming mga pabrika – pribado at publiko.
Ang organisasyon ng tunay na pagkakaisa ay hindi ang mga unyon kundi ang ASEMBLIYA ng mga manggagawa. Isang asembliya na kontrolado at pinatatakbo ng nakibakang mga manggagawa mismo. At ang kanilang mga lider na pipiliin ng asembliya ay kahit anong oras ay maaring tanggalin sa posisyon kung hindi na nila pinagtanggol ang mga manggagawa at nabili na sila ng management.
Hindi magtatagumpay ang pakikibaka ng mga manggagawa sa Cosmos kung nag-iisa lamang sila sa pakikibaka. Kailangang lalahok sa pakikibaka ang ibang mga pabrika laban sa tanggalan; kailangang makibaka kapwa ang mga regular at kontraktwal na mga manggagawa laban sa kontraktwalisasyon. Pero hindi makumbinsing lalahok ang mga manggagawa sa ibang pabrika kung ang dadalhin ay ang isyu lang ng mga manggagawa sa Cosmos. Kailangang dalhin ang KOMON na mga isyu ng lahat ng mga manggagawa sa iba’t-ibang pabrika.
Ang epektibong organisasyon ng pakikibaka ay ang ASEMBLIYA NG MGA MANGGAGAWA sa iba’t-ibang mga pabrika.
HINDI epektibo ang panawagang boykot sa mga produkto ng Coca-Cola at nakahiwalay na piket ng mga manggagawa sa Cosmos na itinutulak ng Associated Labor Union (ALU). Pagkapagod, demoralisasyon at sa huli pagkatalo lamang ang patutungohan nito. Ang mga unyon at unyonismo (hawak man ng Kanan o Kaliwa) ay inutil at hindi na nagtanggol sa makauring interes ng mga manggagawa sa kasalukuyang krisis ng pandaigdigang kapitalismo.
Mga welga at malalaking demontrasyon ng mga manggagawa sa iba’t-ibang pabrika sa ilalim ng kontrol ng mga asembliya ng manggagawa ang EPEKTIBONG porma ng pakikibaka. Ito ang ginagawa ngayon ng mga manggagawa sa iba’t-ibang panig ng mundo tulad sa Bangladesh, Egypt, France, Germany, USA at Britain: NAKIBAKA ANG MGA MANGGAGAWA LABAS SA KONTROL AT KAHIT WALANG MGA UNYON. Pansamantala lamang na aatras o hihinto sa pag-atake ang kapital kung malagay sa panganib ang paghawak nila sa kapangyarihan sa pamamagitan ng malawakan at radikal na pakikibaka ng mga manggagawa sa maraming mga pabrika; kung aabot sa antas na tutungo sa pagbagsak ng kapitalistang estado ang pakikibaka ng uri para sa pagtatanggol ng kanyang kabuhayan.
Ang pundamental na rekisito para mangyari ito ay mamulat ang mga manggagawa na ang kinabukasan ng kanilang pakikibaka ay nasa kanilang mga kamay mismo at wala sa mga unyon at sa mga batas ng kapitalistang estado.
Internasyonalismo, Septyembre 2007