Submitted by Internasyonalismo on
Sa paghahanda para sa pagbubukas ng 14th Congress ngayong Hulyo, ang mga unyon at mga organisasyon ng Kaliwa ay muling dinala ang isyu ng pagtataas ng sahod, hindi sa tereyn ng proletaryado kundi sa paraang repormista at parlyamentarista.
Pinangunahan ng konserbatibong Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), ang pinakamalaking sentro ng paggawa sa Pilipinas, nalagay sa pamabnsang mga pahayagan ang isyu ng sahod. Sumunod agad ang radikal-repormistang Alliance of Progressive Labor (APL) at ang party-list Partido ng Manggagawa (PM) pero iba sa TUCP sa usapin ng mga ‘taktika’ at sa halaga ng dagdag-sahod.
Habang ang TUCP ay humihingi ng Php75.00, ang APL ay Php 136.00 dagdag-sahod. Ang maoist Kilusang Mayo Uno (KMU) ay tiyak na kakapit pa rin sa kanilang higit ng isang dekada na Php125.00 legislated wage increase para sa mga manggagawa sa pribadong industriya at Php3,000.00 para sa mga manggagawa sa pampublikong sektor habang sumusuporta ang "leninistang" PM sa mga demandang ito.
Nais ng TUCP at APL ng dagdag-sahod sa pamamagitan ng Regional Wages and Productivity Boards (RTWPBs), ang ahensyang may mandato ng batas na mag-aral at magpatupad ng dagdag-sahod bawat rehiyon. Ang KMU at PM ay nagkakaisa na ilaban ang dagdag-sahod sa Kongreso.
Magkaibang mga taktika, magkatulad ang layunin: Hilingin sa burges na estado sa pamamagitan ng sarili nitong mga mekanismo para sa dagdag-sahod. Ang implikasyon ng mga taktikang ito sa pamamagitan man ng RTWPBs o ng Kongreso ay makipagnegosasyon at makipag-usap ng patago sa mga representante ng uring kapitalista para umapela sa kanila na maawa sa kalunos-lunos na sitwasyon ng kanilang mga sahurang alipin. Napatunayan ng inutil ang mga taktikang ito sa loob ng mahigit isang dekada pero patuloy pa rin ang mga Kaliwa sa pagkapit dito, sa paniniwalang ang estado at ang uring kapitalista ay may kapasidad pa na ibigay ito sa gitna ng pandaigdigang krisis ng sistema at ang lumalalang kompetisyon ng bawat bansa-estado sa said na pandaigdigang pamilihan.
At kung ang RTWBs o Kongress ay magbigay ng maliit na dagdag-sahod na napakalayo sa hinihingi ng mga unyon at Kaliwa gaya ng nangyari sa nakaraan, magsisigaw muli ang huli na ito ay "insulto para sa uring manggagawa!" at manawagan sa kanila na "maghanda para sa susunod na pakikibaka sa sahod" sa dating pa ring napatunayan ng inutil na mga taktika.
Ang pasibidad ng manggagawang Pilipino na suportahan ang pakikibaka sa dagdag-sahod ay maintindihan sa konteksto na ang uri ay nangunguna pa sa kanilang mga "abanteng lider" sa pagkilala sa kawalang saysay sa paghingi ng dagdag-sahod sa pamamagitan ng legal na mga mekanismo ng estado. Sa kabilang banda nagpakita din ito ng kawalang magagawa at pagkadismaya ng maraming manggagawa. Nangyari ito dahil mismo sa masamang karanasan ng uri sa kanilang mga welga noong nagdaang mga dekada sa pamumuno ng maoistang mga unyon.
Ang pakikibaka sa sahod ay depensibang pakikibaka ng uri. Pero magtagumpay lamang sila KUNG ganap nilang itakwil ang lahat ng ilusyon hinggil sa unyonismo at parlyamentarismo. Na ang tanging daan para sa tagumpay ay itransporma ang depensibang pakikibaka sa opensiba sa pamamagitan ng pagpapalawak ng pakikibaka sa pamumuno ng independyenteng mga asembliya at konseho ng manggagawa na direktang kinukompronta ang estado at ang buong uring burgesya.
Dapat tamang matuto ang mga manggagawang Pilipino sa kanilang sariling karanasan sa pakikibaka bago sila makasulong. Dapat din na matutunan nila ang mga karanasan ng kanilang mga kapatid sa uri sa ibang bahagi ng mundo na nag-oorganisa at nakibaka ng independyente gaya ng nangyari nitong huli sa Ehipto. At ang mga rebolusyonaryong minorya sa Pilipinas ay may malaking responsibilidad para tulungan ang kanilang uri na matuto sa marxistang paraan.
Sa panahon ng dekadenteng kapitalismo, hindi na hiwalay ang pang-ekonomiya at pampulitikang pakikibaka. Ang bawat pang-ekonomiyang pakikibaka ng manggagawa ay isang pampulitikang labanan para sa pag-agaw ng pampulitikang kapangyarihan. Ito ang marxistang paraan sa pakikibaka sa sahod sa buong daigdig.