Submitted by Internasyonalismo on
The targets of scandals often complain that those who have launched the scandalous allegations are politically motivated, that what they are accused of doing was longstanding common practice, and has been done by others before them without public outcry, and in this they are generally accurate. Corruption, nepotism, cronyism, and illegal behavior are central characteristics of the capitalist class’s mode of functioning. Many of the revelations that become the focal point of media attention in various scandals have actually been known about for a long time and only become worthy of media attention because of political circumstances external to the subject matter of the scandal itself." (Jerry Grevin,‘Media Scandals Are Key Weapon in Intra-Ruling Class Clashes’)
Maraming tagamasid, kapwa lokal at dayuhan ang nakakita na ang katatapos lang na halalan ang isa o pinaka-malala mula ng maibalik ang diumano ‘demokratikong’ kaayusan noong 1986 matapos mapatalsik ang pumanaw na diktador na si Ferdinand Marcos. Ang katotohanang ito ay hindi maaring pasubalian (syempre, maliban sa nagharing paksyon ng uring kapitalista). Ni ang katotohanang ito ay masisi lamang sa kasalukuyang rehimen. Kapwa ang administarsyon at oposisyon, kasama na ang maraming organisasyon ng Kaliwa ay may putik ang mga kamay sa lahat ng klase ng elektoral na pandaraya.
Ang pandaraya at karahasan sa eleksyon, popular na kilala bilang ’guns, gold and goons’ ay katangian na ng mga eleksyon sa Pilipinas mula ng ginagawa ito. Habang umabot na ang krisis ng dekadenteng sistema sa kanyang naaagnas na yugto, lalong lumala ang katangiang ito bawat eleksyon, na maging ang burges na mga ‘political analysts’ ay nagsasabing bahagi na ang mga ito sa ‘kulturang Pilipino’.
Subalit, ito siguro ang unang pagkakataon na ang media kasama ang kanyang high-tech na mga kagamitan sa coverage ay nagbigay ng napakalaking atensyon at paglalantad sa alam na ng lahat na malawakang pandaraya sa eleksyon. Naging isa sa pinakamatibay na tagabantay ang media sa pagiging sagrado ng balota. Kahit "many of the revelations that become the focal point of media attention in various scandals have actually been known about for a long time", naging mahalaga lamang ito sa atensyon ng media "because of political circumstances external to the subject matter of the scandal itself."
Ang mga pampulitikang sirkumstansya na ito ay ang lumalaking diskontento ng nagharing uri sa paksyong Arroyo sa paraan ng kanyang pangangasiwa sa estado, ang huling tagapagtanggol ng bulok na kapitalistang kaayusan.
Nabigo si Gloria Arroyo na palakasin ang estado kahit pa sa kanyang mga pagsisikap para sa isang ‘strong republic’ at ‘war against terrorism.’ Mas dumami ang kanyang mga kaaway sa loob ng nagharing uri kaysa mga kaibigan. Para sa nagharing uri sa pangkalahatan, ang pinaka-importante ay ‘political stability.’
Ang ‘political stability’ para sa mga kapitalista ay: isang malakas na estado na kayang kontrolin ang walang katapusang away ng mga paksyon sa loob ng nagharing uri at kontrolin ang galit ng mga pinagsamantalahan sa ilalim ng ‘demokratikong proseso’, epektibong impresyon na bumaba ang malawakang korupsyon sa gobyerno, at isang ‘investor-friendly’ na peace and order. Tiyak na binigo sila ng paksyong Arroyo ni magtagumpay ang sinumang paksyon na maaring pumalit. Dahil sa bumubulusok-pababa na kapitalismo laluna sa mga bahagi ng mundo kung saan napakahina ang kapitalismo gaya ng Pilipinas, ang lumalalang pampulitikang sitwasyon ay pangunahing katangian nito na anumang pampulitikang mga reporma ay imposible na.
Dagdag pa, ang ‘political stability’ ay nagkahulugan din na mayorya ng masang anakpawis ay dapat maniwala (o matakot) sa estado at sa kanyang mga ‘demokratikong proseso.’ Pero sa lumalaking diskontento ng masa sa napakahirap nilang pamumuhay at sa lumalaking pagkadismaya sa ‘demokratikong’ proseso, natakot ang nagharing uri. Labis ang kanilang pagkatakot na di magtagal wawasakin ng pinagsamantalahang uri ang kanilang huling panangga at independyenteng agawain ang pampulitikang kapangyarihan sa pamamagitan ng mga konseho ng manggagawa.
Kaya, bago mahuli ang lahat, kailangang may gagawin ang mga mapagsamantala para muling makuha ang tiwala at paniniwala ng masa sa demokratikong mga mistipikasyon sa pamamagitan ng paglaban ng huli para dito. At ang media ang pinakamahusay na behikulo para ‘mabigyang sigla’ ang masang manggagawa.
Ang malawakang paglalantad ng media at ang kontra-pandarayang mobilisasyon ng oposisyon at ng Kaliwa ay inaasahang magbigay ng presyur sa paksyong Arroyo para magtuwid at sundin ang kagustuhan ng buong nagharing uri. Kung hindi ay maparusahan ito gaya ng ginawa nila kay Marcos at Estrada. Ang mga ito din ay pagtiyak na kontrolado pa rin ng oposisyon ang Senado para magkaroon pa rin ng simbolo ng ‘check and balance’ sa loob ng bulok na estado.
Para muling makuha ang tiwala ng masa, nais ng nagharing uri ng magkaroon ng mga repormang elektoral para mapalakas ang mga mistipikasyon sa eleksyon at demokrasya tulad ng ginawa ng burgesya sa Latin America at para mapalakas ang estado. Gaya ng inaasahan, buo pusong tutulong ang Kaliwa sa kaaway ng komunismo sa pagsisikap na ito sa ilalim ng bandila ng ‘pambansang demokrasya’ o ‘sosyalistang rebolusyon’. Nagkahulugan ito na bago ang 2010 presidential elections mayroon ng mga batas para sa repormang elektoral at ma-reorganisa na ang COMELEC. Maraming ulo ang malaglag sa lupa sa loob ng gobyernong Arroyo.
Laban sa ganitong mga maniobra ng nagharing uri at sa mga mistipikasyon ng Kaliwa na sumusuporta dito, mahalagang ipaalala sa mga mulat-sa-uring manggagawa ang Theses on Bourgeois Democracy and the Proletarian Dictatorship na inihapag ni Lenin noong ika-4 ng Marso 1919 sa Unang Kongreso ng Komunistang Internasyunal: "the more pure democracy is, the more clearly does the oppression of capital and the dictatorship of the bourgeoisie come to light". Ito ang nangyayari ngayon sa Venezuela sa ilalim ng ‘sosyalistang’ si Hugo Chavez.
Internasyonalismo
2 Hunyo 2007