Submitted by Internasyonalismo on
Iba’t-ibang gimik ang ginagawa ng uring kapitalista para muling suyuin ang masa na lumahok sa eleksyon ngayong Mayo. Sa mga gimik na ito, ginagamit nila ang TV, radyo at pahayagan. Gumastos ng milyun-milyong piso para sa propaganda.
Gusto ng naghaharing uri na ipakita sa malawak na masa na kailangang "magkaisa ang mga Pilipino" para umunlad ang bayan. Kaya naman, ang dominanteng paksyon ng mga kapitalista — ang rehimeng Arroyo — ay tinawag ang slate na "Team Unity". Sa Team Unity ay naghalu-halo ang mula sa administrasyon at oposisyon (maka-Erap) gaya ni Tessie Oreta at Tito Sotto.
Hindi rin nagpahuli ang kapitalistang oposisyon. Tinawag din nila ang kanilang slate na "Genuine Opposition" o GO. At sinunod din nito ang panawagan ng uring kapitalista – "pagkakaisa". Sa slate nila naroon din ang mga maka-Gloria — sila Kiko Pangilinan at Manny Villar.
Ang tanging layunin ng buong uring burgesya sa darating na halalan ay lokohin na naman ang manggagawa na kailangang ilagay sa unahan ang interes ng bayan kaysa interes ng uri. Wala itong ibig sabihin kundi magpailalim ang masang manggagawa sa interes ng pambansang kapitalismo, sa interes ng mga kapitalista — para sa bayan.
Administrasyon man o oposisyon, ito ang layunin nila — patuloy na ikadena ang masang manggagawa sa pambansang interes at sa demokratikong proseso ng kapitalismo.
Gayung nag-aastang progresibo at rebolusyonaryo, ang iba’t-ibang organisasyon at partido ng Kaliwa sa Pilipinas ay pumasok sa burges na eleksyon. Naniniwala ang mga ito na "hindi dapat ibigay sa burgesya ang arena ng parlamentaryong larangan". Kailangan diumano na labanan ang uring kapitalista kahit sa tereyn nito para "lubusang mahubaran ang kabulukan ng sistema at mailayo sa repormismo ang uring proletaryo". Kaygandang layunin. Layunin na sa loob ng mahigit 70 taong pakikibaka ng uring manggagawa sa buong mundo ay napatunayang hindi nakamit dahil HINDI NA LARANGAN NG PAKIKIBAKA NG MANGGAGAWA ANG BURGES NA PARLAMENTO.
Subalit dahil sa ginawang dogma ang mga sinasabi ni Lenin at iniangat sa "Leninismo", hindi na tuloy nakita ng mga sinsirong militante sa Kaliwa na ang paglahok ng mga rebolusyonaryo sa burges na parlamento ay angkop lamang sa pasulong na yugto ng kapitalismo at MALI na sa yugto ng dekadenteng kapitalismo.
Sa halip na malantad at "maliwanagan" ang malawak na masa ng manggagawa sa pangangailangang ibagsak ang kapitalismo at ang burges na estado, ang paglahok ng Kaliwa dito ay lalong nakapagbigay ng ilusyon sa masang manggagawa sa burges na demokrasya at parmalamento. Kabaliktaran ang nangyari : ANG KALIWA ANG NAHATAK SA REPORMISMO. Naging kakutsaba ang mga ito ng uring kapitalista sa panloloko sa uring proletaryo sa Pilipinas.
Wala sa burges na parliyamento ang daan para makuha ng masang manggagawa ang kanilang kahilingan. Makukuha nila ito sa mga konseho ng manggagawa at sa asembliya ng manggagawa. Makakamit nila ang kanilang mga demanda hindi sa bulwagan ng koral ng baboy at putahan — sa kongreso, kundi sa mass strike na pamumunuan ng mga konseho ng manggagawa hindi ng mga unyon.