Submitted by Internasyonalismo on
Lahat ng matinong tao hindi lang sa bansa kundi sa buong mundo ay kinundena ang anumang uri ng terorismo hindi lang dahil pumapatay ito ng mga tao kundi higit sa lahat mga inosenteng sibilyan ang biktima nito.
Katunayan, ang Glorietta bombing ay hindi lang ang una at huling
teroristang aksyon na mangyayari sa Pilipinas sa panahon ng dekadenteng
kapitalismo.
Maliban sa kaaway ng proletaryado ang lahat ng klase ng terorista at uri ng terorismo, hindi rin ito kabilang sa kanyang mga sandata laban sa kapital. Walang puwang ang teroristang paraan sa pakikibaka laban sa kapitalismo. Ang tanging sandata ng manggagawa laban sa kapital ay makauring kamulatan at pagkakaisa sa balangkas ng kolektibo, sentralisado at malawakang pakikibaka sa internasyunal na saklaw.
Ang terorismo ay sandata ng burgesya. Ginagamit ito ng iba’t-ibang paksyon ng uring mapagsamantala hindi lamang laban sa isa’t-isa at kundi higit sa lahat laban sa uring pinagsamantalahan. Lumitaw at lumaganap ang terorismo sa panahon ng permanenteng krisis ng pandaigdigang kapitalismo na bunga ng lumalalang tunggalian sa hanay ng mga paksyon ng nagharing uri. At ang pinakamarahas na anyo ng terorismo ay ang terorismo ng estado.
Paglaganap ng takot sa lipunan : Buong uring burgesya ang makinabang
Dahil sa tumitinding tunggalian ng mga paksyon ng nagharing uri hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo, umabot na ito sa armadong labanan at isa sa mga porma nito ay ang terorismo. Ito ay makikita natin hindi lamang sa panahon ng rehimeng Arroyo kundi maging sa nagdaang mga rehimen. Isang halimbawa ang April 6 Liberation Movement sa panahon ng diktadurang Marcos kung saan nagsagawa ito ng pambobomba. Sa pandaigdigang saklaw, mga halimbawa din ang Red Army at Red Brigade sa Western Europe noong dekada 70.
Syempre, walang ibang makinabang nito kundi ang burges na estado mismo sa kabila ng katotohanan na makakasira ito sa isang paksyon ng burgesya at makapagpalakas sa kabilang paksyon. Komon ang interes ng lahat ng mga paksyon ng nagharing uri – palakasin ang estado. At isa sa kondisyon para mapalakas ang estado ay ang paglaganap ng terorismo. Nangyayari ito sa kalagayan na mahina ang independyenteng kilusan ng proletaryado at laganap ang kaisipang "tanging ang estado lamang ang makapagligtas sa mamamayan" (hawak man ito ng Kanan o Kaliwa).
Partikular sa pambobomba sa Glorieta, lumaganap ngayon ang pagtingin na ito ay kagagawan ng rehimeng Arroyo para ilihis ang opinyong publiko sa pampulitikang krisis na kinaharap ng nagharing paksyon – katiwalian, panunuhol, political killings at iba pa. Ito ang pinakamalapit sa katotohanan. Ang nagharing paksyon ng burgesya na lubusang nahiwalay sa mamamayan ay desperadong gagawin ang lahat para lamang manatili sa kapangyarihan. At isa sa desperadong hakbang nito ay ang paggamit ng terorismo para mapalakas ang estadong kontrolado niya at mabigyang katwiran ang panunupil nito hindi lamang laban sa kanyang mga karibal na paksyon sa loob ng nagharing uri kundi higit sa lahat laban sa nakibakang mamamayan. Dagdag pa, ang C-4 na sangkap sa paggawa ng bomba ay galing sa sandatahang lakas ng estado.
Subalit, dahil ang terorismo ay hindi sandata ng uring manggagawa kundi sandata ng burgesya, hindi rin maaring sabihin na walang kinalaman ang burges na oposisyon (direkta man o inderikta) sa usapin ng pagsagawa ng teroristang aktibidad para lamang sagarin ang pagkahiwalay ng rehimeng Arroyo at makuha ang simpatiya ng publiko kabilang na ang uring manggagawa sa anumang plano nito na agawin ang Malakanyang.
Administrasyon, oposisyon o teroristang grupo man ang may kagagawan sa pambobomba sa Glorieta, ang tiyak ay gagamitin ito ng rehimeng Arroyo at ng oposisyon upang tangkaing mapalakas muli ang kani-kanilang mga paksyon sa pamamagitan ng pagkuha sa opinyong publiko kabilang na ang uring manggagawa at maralita. Ang ultimong bunga nito ay palakasin ang estado bilang tagapagtanggol ng bulok na sistema.
Ang terorismo ay hindi simpleng kagustuhan ng isang tao, isang
grupo o isang paksyon ng burgesya. Ito ay hindi maiwasang paraan ng
alinmang paksyon ng nagharing uri para sa kanilang makauring interes na
walang iba kundi isalba ang dekadenteng kapitalismo mula sa tuluyang
pagbagsak at ikulong ang masang nakibaka sa burges na linyang
"pakikibaka para sa demokrasya", "laban sa katiwalian ng isang paksyon"
at iba pang isyu na lumalayo sa tunay na solusyon ng kahirapan at
kaguluhan – ang ibagsak ang burges na estado at kapitalismo.
Ang ugat ng terorismo ay ang dekadenteng kapitalismo na nagsimula sa Unang Imperyalistang Digmaang Pandaigdig noong 1914. Lumalala ang terorismo ng pumasok ang dekadenteng sistema sa yugto ng kanyang pagkaagnas noong 1980s. At pagkatapos ng pambobomba sa World Trade Center sa New York City noong Septyembre 11, 2001 naging pandaigdigang linya na ito ng pinakamakapangyarih ang imperyalistang bansa sa mundo – ang "digmaan laban sa terorismo".
Kaya hindi dapat ipagtaka kung ang buong estado kasama na ang "oposisyon" na nasa loob nito ay magkaisa upang lalupang palakasin ang estado. Hindi dapat magtaka kung magsagawa ito ng malawakang propaganda kakutsaba ang mass media na kailangang tanggapin ng publiko ang militarisasyon hindi lang sa kanayunan kundi maging sa kalungsuran sa ngalan ng "labanan ang terorismo" (isang panibagong anyo ng imperyalistang digmaan).
Hindi solusyon na kumampi ang uring manggagawa at maralita sa alinmang paksyon ng nagharing uri anuman ang kanilang "maka-mamamayan" na mga lenggwaheng gagamitin. Lahat ng paksyon ng uring mapagsamantala ay kaaway ng uring manggagawa at maralita.
Ang tamang solusyon laban sa terorismo ay ibagsak ang burges na estado at agawin ng uring manggagawa ang kapangyarihan. Sa ganitong linya, ang dapat gawin ng proletaryado ay ilunsad ang mga malawakang pakikibaka laban sa mga atake ng kapital sa kanilang kabuhayan – sahod, trabaho, kahirapan at digmaan – na ang tanging direksyon ay palakasin ang pampulitikang pakikibaka para ibagsak ang estado. Ang pakikibaka ng proletaryado ay kailangang nagkakaisa, sentralisado at malawakan. At ito ay hindi sa paraan ng mga unyon o kaya ay lobbying o presyur tactics sa burges na parlyamento kundi sa independyente at mga militanteng porma ng pagkilos sa lansangan na lalahukan ng malawak na manggagawa – regular, kontraktwal, unyonista, di-unyonista, publiko at pribado. Ang tanging organo ng pakikibaka para dito ay ang mga asembliya at konseho ng manggagawa sa antas lungsod/syudad pataas.
Hindi dapat pumasok sa patibong ng buong uring burgesya na ilihis ang pakikibaka at dalhin lamang sa lantay na linyang "GMA resign" o "Oust Gloria". Ang linyang "GMA resign" o "Oust Gloria" ay walang ibang ibig sabihin kundi palitan lamang ang paksyong Arroyo ng ibang paksyon ng nagharing uri. Nais ng buong nagharing uri na ipako lamang ang pakikibaka laban sa isang paksyon ng burgesya at itago ang katotohanan na ang tunay na kaaway ng pinagsamantalahang mga uri ay ang kasalukuyang bulok na kapitalistang sistema.
Ang linyang "Transitional Government" o "Coalition Government" ay mas radikal lamang sa lenggwahe kaysa "Resign" at "Oust" subalit pareho lamang ang laman – kasama ang isang paksyon ng nagharing uri, ang "makabayan" at "maka-mahirap" na burgesya sa gobyernong ipapalit sa rehimeng Arroyo.
Ang tanging organo ng proletaryado para sa pag-agaw ng kapangyarihan ay ang independyenteng mga asembliya at konseho ng manggagawa. Ito ang tunay na ekspresyon ng pampulitikang kapangyarihan ng proletaryado. Ito ang tunay na magbibigay wakas sa anumang tipo ng terorismo. Ito ang tanging landas tungo sa PANDAIGDIGANG KOMUNISTANG REBOLUSYON.
Hangga’t hindi mulat na magkaisa at makibaka ang uring manggagawa para sa kanyang makauring interes sa pamamagitan ng mga asembliya at konseho ng manggagawa, hangga’t hindi maagaw ng proletaryado ang kapangyarihan, mananatili ang terorismo sa lipunan alinmang paksyon ng burgesya ang nasa kapangyarihan.
Ang pinakamahalaga at pinakamabigat na tungkulin ng mga komunista sa kasalukuyang pampulitikang krisis sa bansa ay PABILISIN na mailatag ang mga kondisyon para sa sariling pagkamulat, pagkakaisa at pakikibaka ng uring manggagawa at ILANTAD sa harapan ng malawak na masa ang anumang patibong para hadlangan ito. Maaring simulan ito sa mga study circles at group discussions sa mga paaralan, komunidad at pagawaan.
"Ang emansipasyon ng uring manggagawa ay nasa mga kamay mismo ng mga manggagawa."