Submitted by Internasyonalismo on
Kahit anong paksyon ng burgesya "Kaliwa man o Kanan, nasa kapangyarihan man o wala" sa panahon ng permanenteng krisis ng pandaigdigang kapitalismo ay mandarambong at magnanakaw sa yaman ng lipunan na likha ng masang anakpawis.
Implikasyon ng hatol kay Erap
Ang hatol na reclusion perpetua ay isang propaganda ng buong uring burgesya na sa ilalim ng estadong kapitalista nangibabaw ang "rule of law", na "walang sinasantong" indibidwal o paksyon maging sa loob ng nagharing uri. Sa totoo lang, hindi naman ito bago. Noong Edsa I, sinamsam ng rehimeng Aquino ang nakaw na yaman ng pamilyang Marcos na hindi naman napunta sa taongbayan kundi sa estado lang na "kumakatawan" sa interes ng buong bayan.
Ang ginawa ng burgesya kay Marcos at kay Erap ay iisa lamang ang layunin: palakasin ang estado para lubusang makontrol nito ang buhay panlipunan sa ilalim ng patakarang "rule of law". Ang "rule of law" ay ang huling depensa ng isang naghihingalong sistema kahit saang dako ng mundo ngayon.
Narito ang katotohanan sa likod ng estado (anuman ang tipo nito) sa panahon ng dekadenteng kapitalismo: ipagtanggol ang kasalukuyang kaaysuan sa pamamagitan ng mga batas bilang latigo sa uring nais ng rebolusyonaryong pagbabago sa lipunan.
Hindi na epektibo sa hanay ng ordinaryong manggagawa at mamamayan ang propaganda ng estado na "walang sinasanto ang batas". Ganun pa man, ito talaga ang direksyon ng lahat ng mga estado sa buong mundo (Kanan man o Kaliwa): palalakasin ang sarili. Alam na ng masang anakpawis na kahit anong paksyon ng nagharing uri ang papalit sa pwesto ay patuloy ang pandarambong at pagnanakaw ng mga ito.
Pero may humahadlang sa uring manggagawa at maralita na lubusang maunawaan nito ang tunay na katangian ng estado at ang buong uring mapagsamantala at hawanin mismo ng masa ang landas ng rebolusyonaryong pakikiba: ang mistipiskasyon kakutsaba ang Kaliwa, ang mistipikasyon ng pakikipag-isang prente sa isang paksyon ng burgesya para daw maisulong ang tunay na panlipunang pagbabago sa hinaharap.
Pakikipag-alyansa sa burgesya: Isang kontra-rebolusyonaryong taktika
Nakaupo si Gloria sa pwesto matapos mapatalsik si Erap noon dahil nakikipagsabwatan ang Kaliwa sa isang paksyon ng burgesya laban kay Erap. Sa lantay na linyang anti-Erap, tinali ng Kaliwa ang kamay ng masa at manggagawa sa pagpasok ni Gloria sa eksena bilang bida. Ang taktikang pakikipag-isang prente ay napatunayang hadlang sa pagtaas ng kamulatan ng masang nakibaka para sa rebolusyonaryong pagbabago.
Sa totoo lang, matagal ng napatunayan ang kontra-rebolusyonaryong katangian ng "united front". Sa 1930s sa Spain, ang militansya ng uring manggagawa ay ikinulong sa taktikang "Popular Front". Ang resulta: libu-libong buhay ng manggagawang Espanyol ang sinakripisyo sa altar ng "anti-pasistang prente". Ang WW II ang pinakamarahas at pinakamaraming patay dahil sa pagsuporta ng mga partido komunista sa pangunguna ng imperyalistang Unyon Sobyet sa isang paksyon ng imperyalistang bloke laban sa isa pa sa linyang "anti-fascist popular front". Sa Pilipinas, maamong tupa na sinunod ng PKP ang "popular front" na panawagan ng imperyalistang Rusya, ang resulta: minasaker ng hukbong Amerikano (na kaalyado nito laban sa Hapon) ang libu-libong mandirigma at masa ng Hukbalahap.
Pero lubusan ng naging kontra-rebolusyonaryo ang Kaliwa sa Pilipinas dahil itinakwil nila ang mga aral sa kasaysayan sa usapin ng "united front". Katunayan, sa halip na halawin ang mga aral sa kasaysayan hinggil sa taktikang ito ayon sa marxistang balangkas, patuloy pa rin itong ginagamit laban kay GMA ngayon. Kaya, ang dating kaaway na paksyong Estrada ay naging taktikal na alyado naman nila ngayon. At ang dati taktikal na alyado na paksyong Arroyo ay naging mortal na nila na kaaway ngayon. Ito ang resulta ng oportunistang taktika na "the enemy of my enemy is my friend".
Ang taktikang "united front" ay isang burges na taktika hindi proletaryado. Ang taktikang ito ay matagal ng ginagamit ng burgesya sa Kaliwa sa Pilipinas: ang paksyong Aquino noon ay kinikilalang taktikal na alyado ang Kaliwa laban kay Marcos; ginamit ng paksyong Arroyo ang Kaliwa para mapatalsik si Erap; ang paksyong Estrada naman ngayon ay naging "kaibigan" ang Kaliwa laban sa rehimeng Arroyo.
Ang resulta ng taktikang "united front" ay halinhinan lamang ng mga paksyon ng nagharing uri sa kapangyarihan at patuloy na pagpapalakas ng estadong kapitalista sa gitna ng permanenteng krisis ng sistema. Ang isyu ng korupsyon, panunupil at pagsasamantala na sinisigaw ng Kaliwa noon laban kay Erap ay siya ring sinisgigaw nila ngayon laban kay GMA.
Hindi talaga natuto ang Kaliwa na sa panahon ng imperyalismo at dekadenteng kapitalismo, ang lahat ng paksyon ng nagharing uri ay ganap ng reaksyonaryo at mortal na kaaway ng mga pinagsamantalahan at inaapi. Ang tanging tunay na united front sa kasalukuyan ay ang pagkakaisa ng mga manggagawa sa daigdig laban sa buong uring kapitalista sa loob at labas ng mga bansa nila.
"Ang emansipasyon ng mga manggagawa ay nasa kamay mismo ng uring manggagawa." Ito ang marxistang prinsipyo na kailangang laging ipagtanggol ng lahat ng mga rebolusyonaryo sa mundo, na siya mismong tinalikuran ng Kaliwa sa ngalan ng "taktika".