Ano ang ipapalit sa rehimeng Arroyo? (Ang proletaryong pagtugon sa kasalukuyang pampulitikang krisis ng bansa)

Printer-friendly version

Maraming isyung kinaharap ang paksyong Arroyo sa kasalukuyan. Ang pinakamatingkad dito ay ang isyung katiwalaian at panunhol ng imperyalistang Tsina sa pamahalaan para makuha ng kompanyang Tsino ( ZTE) ang National Broad Band contract at ang panunuhol ng pangkating Arroyo sa mga mambabatas at gobernador sa loob mismo ng Malakanyang. Nadagdagan pa ito ng binigyan ng executive clemency o absolute pardon ni Gloria ang konbiktadong dating pangulo ng Republika ng Pilipinas na si Joseph Estrada.

Hindi lang ngayon pinag-usapan ang pagpapatalsik kay Gloria Arroyo sa Malakanyang. Sa kasagsagan ng ‘hello garci’ scandal noong nakaraang taon ay umalingawngaw din ang panawagang patalsikin at pababain si Arroyo sa pwesto. Kaso lang, hindi nakumbinsi ng burges na oposisyon at Kaliwa ang malawak na manggagawa at maralita na lumahok sa intra-paksyunal na labanan ng nagharing uri.

Maraming alternatiba ang burges na oposisyon at Kaliwa sa Pilipinas sa post-GMA. Nariyan ang kanyang Bise-Presidente na si Noli de Castro ang papalit matapos magbitiw si Gloria sa pwesto. Nariyan ang magbitiw sila lahat at papalit ang Chief Justice ng Korte Suprema na manawagan agad ng snap election . O kaya ay itayo ang isang Transitional Government na pamumunuan ng isang “popular” na lider na mag-aayos para sa isang “tunay na malinis at patas” na halalan para maitayo ang isang “maka-masang” regular na gobyerno.

Sa ganitong konteksto maaring mahati sa dalawa ang alternatiba na itinutulak ng burges na oposisyon at ng Kaliwa: Noli for President o Transitional Government. Ang kanilang komonalidad ay itayo ang isang “maka-masang” gobyerno sa ilalim man ni Noli o sa TG.

Gamit ang radikal na lenggwahe, dala-dala ng Kaliwa ang “Transitional Revolutionary Government” o “Coalition Government” kaysa simpleng Transitional Government.

Sa esensya, ang burges na oposisyon at Kaliwa ay naghahanap ng common unity sa lahat ng mga uri (kabilang na ang naghari at mapagsamantalang uri) laban sa paksyong Arroyo. Anuman ang “rebolusyonaryong” layunin ng Kaliwa hindi maipagkaila na tipong “block of four or five classes” (manggagawa, magsasaka, peti-burgesya, pambansang burgesya plus isang paksyon ng nagharing uri na anti-Gloria) ang kanilang taktika sa kasalukuyang pampulitikang krisis ng paksyong Arroyo.

Ang ugat ng pampulitikang krisis ng paksyong Arroyo

Saan ba nagmula ang pampulitikang krisis ng paksyong Arroyo? Sa kanya bang pangungurakot at panunuhol? Sa kanya bang pandaraya at pamimili ng boto noong 2004 presidential election? Sa kanya bang “pagtraydor sa diwa ng Edsa Dos”?

Kung mayroong krisis sa pulitika ibig sabihin mayroong krisis sa ekonomiya. Ang pulitika ay repleksyon o salamin lamang sa kalagayan ng ekonomiya. Ito ang istorikal-materyalistang pagtingin sa relasyon ng pulitika at ekonomiya. Ang diyalektikal na relasyon naman nila ay ang krisis sa pulitika ay lalong magpapalala sa krisis sa ekonomiya.

Ang ugat na ito ang nais itago ng buong nagharing uri. Habang dinudoktor ng administrasyon ang ekonomikong mga datos kasabay ng magastos na propaganda na “umuunlad” ang ekonomiya at “dama ko ang pag-asenso”, tinatali naman ng oposisyon ang isyu sa “good governance”, korupsyon at pandaraya. Kapwa nais ng administarsyon at oposisyon na baliktarin ang relasyon ng pulitika at ekonomiya: “May krisis sa ekonomiya dahil may krisis sa pulitika.

Anumang pag-aayos sa super-istruktura (kasama na dito ang pulitika) habang nanatiling bulok ang pundasyon nito – ang pang-ekonomiyang sistema – ay hindi na epektibo at wala ng saysay. Kaya ang usapin ng demokrasya, “malinis” na pamahalaan, patas na halalan at “maka-masang” representasyon sa estado ay mga mistipikasyon at ilusyon na lamang sa ilalim ng isang sistemang naghihingalo na.

Ang TRG ba ay hakbang pasulong tungo sa pagbagsak ng bulok na sistema o tungo sa sosyalistang rebolusyon?

Lubusan ang paniniwala ng Kaliwa na ang TRG ang siyang daan para sa tunay na pagbabago ng lipunan batay sa “balanse ng pwersa” sa tunggalian ng uri sa Pilipinas.

Ano ba ang TRG?

Ito ay isang transisyunal na gobyerno para maitayo ang isang makabayan (anti-imperyalista o anti-globalisasyon) na pamahalaan. Isang gobyerno na bubuo sa mga kondisyon para sa isang “demokratikong” lipunan. At mula dito ay “mabubuo ang lakas ng uri at ng masa” para sa sosyalistang rebolusyon sa hinaharap.

Hindi dudurugin ng TRG ang kapitalismo kundi pauunlarin ito sa Pilipinas para sa sosyalistang rebolusyon. Ito ang esensya ng linyang TRG.

May ilang mga “pragmatista” pa nga sa hanay ng Kaliwa na nagsasabing kung hindi kakayanin ang TRG kasama ang burges na oposisyon pero nasa “pamumuno” ng mga Kaliwa ay TG muna sa ilalim ng pamumuno ng burges na oposisyon. Ibig sabihin, TG taposTRG, hanggang sa sosyalistang rebolusyon. Ang mahalaga daw ay naoorganisa at nasasanay ang uri at ang masa sa pakikibaka kasama ang isang paksyon ng burgesya.

Ang ugat ng ganitong pananaw ay nagmula sa pagtingin na nahahati ang mundo sa dalawang kampo: Una, kampo ng nabubulok na kapitalismo at kailangan na agad ang sosyalistang rebolusyon. Ito ay ang abanteng kapitalistang mga bansa. Ang ikalawa ay ang kampo ng binansot o pinipigalang kapitalismo o “mala-pyudal, mala-kolonyal” dahil sa imperyalismo. Obhetibong uunlad pa daw ang kapitalismo kung maputol ang kontrol ng imperyalismo. Ito ay ang mga bansang atrasado sa third world countries gaya ng Pilipinas.

Bagamat kinikilala ng Kaliwa na burges ang TRG kabilang na ang demokrasya at anupamang pulitikal na institusyon nito, para sa kanila ito ay kailangan para sa pagbabago ng lipunang Pilipino dahil isang atrasadong bansa ang Pilipinas. Nilagyan lang nila ng “rebolusyonistang” lenggwahe ang kanilang burges na linya: “nasa pamumuno” ng uring manggagawa na para sa kanila ang ibig sabihin ay nasa pamumuno ng “partido komunista” o ng Kaliwa. Ibig sabihin, isang burges na pakikibaka na inako ng uring nais ibagsak ang burges na sistema at kaayusan! Ito ang rurok ng kahibangan ng Kaliwa sa Pilipinas: ang uri na may istorikal na misyon na ibagsak ang burges na sistema, ang uri na mortal na kaaway ang burgesya ang aako ngayon sa burges na pakikibaka at itayo ang isang tunay na burges na kaayusan sa bansa dahil sa katwirang may mga labi pa ng pyudalismo ang Pilipinas at hindi pa lubusang umunlad ang burgesy na demokrasya sa bansa.

Ang linya ng proletaryado sa 19 siglo, sa panahon ng pasulong na kapitalismo kung saan ay supporting actor lamang ang uring manggagawa sa burges na rebolusyon noon laban sa pyudalismo at sa mga labi nito ay kinaladkad ng Kaliwa sa panahon ng dekadenteng kapitalismo na nagsimula sa pagpasok sa 20 siglo, partikular sa pagputok ng unang imperyalistang pandaigdigang digmaan sa 1914 subalit sa panawagang matamis pakinggan pero walang katotohanan: “burges na rebolusyon o pakikibaka sa ilalim ng pamumuno ng uring manggagawa.”

Ang resulta: SUBSTITUTIONISM ng mga partido ng Kaliwa sa independyenteng kilusang manggagawa. Ang mga partido ng Kaliwa ang umaako na mismo sa “kilusang manggagawa”.

Ang TRG ay hindi hakbang pasulong kundi isang kadena na itatali ng Kaliwa sa leeg ng uring manggagawa para sa uring mapagsamantala.

Saan nagkamali ang Kaliwa sa ganitong pananaw?

Una, wala sa kasaysayan ng pakikibaka ng uring manggagawa sa buong mundo na pinamunuan nila ang hindi kanilang pakikibaka o rebolusyon. Sa antas man ng teorya at praktika ay imposibleng pamunuan ng isang uri ang pakikibaka o rebolusyon na hindi naman kanya. Ito ay tahasang panlilinlang sa uring manggagawa dahil ang katotohanan ay hindi kanya ang burges na rebolusyon “luma” o “bagong tipo” man ito. Sa kabila ng mga deklarasyong sa “ilalim ng pamumuno ng uring manggagawa” ang tunay na namuno nito ay ang burgesya at ginamit lamang ang uring manggagawa at maralita kasama na ang “talibang’ mga partido ng Kaliwa bilang pambala ng kanyon!

Pangalawa, walang katotohanan na progresibo pa ang kapitalismo sa atrasadong mga bansa at pinipigilan lamang ito ng imperyalismo o sa mas eksakto ng abanteng mga bansa. Walang katotohanan na ang nabubulok na kapitalismo ay nasa mga abanteng mga bansa lamang.

Ang kapitalismo ay isang pandaigdigang sistema. Kung ito ay nasa yugto ng pasulong at progresibo o nasa yugto ng nabubulok at permanenteng pagbulusok-pababa, ito ay pandaigdigan ang saklaw at walang anumang bansa ang nakaligtas sa ganitong obhetibong kalagayan. Ang WW I ay simula ng pandaigdigang pagbulusok-pababa ng kapitalismo at walang bansa na hindi nito kinaladkad pababa.

Kung hindi man umunlad ang mga bansa sa 3rd world countries kabilang na ang Pilipinas, ito ay dahil wala ng kapasidad pa ang pandaigdigang kapitalismo na paunlarin ang anumang bahagi nito sa panahon ng huling yugto nito. Anumang “kaunlaran” na mangyayari sa bawat bansa sa panahon ng imperyalismo, ito man ay isang “independyente” o “sosyalistang” bansa ay sa kapinsalaan ng uring manggagawa sa naturang bansa at buong mundo. Ang “kaunlaran” ng isang bansa sa panahon ng dekadenteng kapitalismo ay ibayong pagsasamantala at paghihirap ng internasyunal na uring proletaryo.

Kaugnay nito, walang katotohanan ang “malayang bansa” sa panahon ng imperyalistang kapitalismo. Lahat ng mga bansa ay may katangiang imperyalista. “Uunlad” lamang siya kung pagsasamantalahan niya ang ibang mga bansa o kung papasok siya sa orbit ng isang makapangyarihang bansa. Ito ang nangyari sa “malayang” Tsina, Byetnam, Cuba at North Korea. Ito ang nangyari sa “maunlad” na dating USSR. Ito ang resulta sa Stalinistang linya na “socialism in one country” na aminin man o hindi ng lahat ng paksyon ng Kaliwa sa Pilipinas ay ganito ang esensya ng kanilang mga programa.

At ito ang nasa likod ng linyang Resign All, TRG at iba pang katulad na panawagan.

Tiyak ang bunga nito ay ibayong pagsasamantala sa uring manggagawa sa ilalim ng linyang “pambansang kaunlaran” at “pambansang pagtatanggol laban sa globalisasyon o imperyalismo” na walang ibig sabihin kundi kailangang makahabol ang Pilipinas sa matinding kompetisyon para makakuha ng mas malaking puwang sa lalupang kumikitid na world market sa panahon ng wala ng solusyon na pandaigdigang krisis.

Ano ang alternatiba ng uring manggagawa sa paksyong Arroyo?

Unang-una na, hindi lamang ang paksyong Arroyo ang kailangang ibagsak ng uring manggagawa at maralita kundi ang BUONG nagharing uri. Isang mistipikasyon ang linyang “one enemy at a time” dahil nauuwi lamang ito sa pagpalit ng isang paksyon ng nagharing uri at nagbibigay ilusyon sa masang api na “uunlad” na ang kanilang buhay dahil napatalsik na si ganito sa Malakanyang. Kasabay nito ay kailangang ibagsak ng uring manggagawa ang burges na estado at ang lahat ng mga institusyon nito. Sapat na ang masaklap na karanasan sa Edsa 1 at 2 para sana maunawaan ng Kaliwa ang mapait na aral hinggil sa “pakikipag-isang prente”. Subalit sa halip na matuto, lalupang humigpit ang hawak nito sa patalim ng burges na taktika.

Sa panahon ng dekadenteng kapitalismo, nasa agenda na ang pag-agaw mismo ng uring manggagawa sa kapangyarihan. Nasa agenda na ang proletaryong rebolusyon, ang sosyalistang rebolusyon. Ito ang tanging layunin ng makauring pakikibaka ng proletaryado sa kasalukuyang panahon.

Kung nais pukawin ng mga rebolusyonaryo at ng talibang organisasyon nito ang militansya at pagkakaisa ng uring manggagawa ito ay walang ibang layunin kundi ilunsad nito ang mga pakikibaka para sa pag-agaw ng pampulitikang kapangyarihan, para itayo ang diktadura ng proletaryado at hindi ang “block of four classes or five classes”. Kung pupukawin ang militansya para magpailalim sa isang burges na paksyon o para sa isang burges na kaayusan, siguradong mauuwi lamang ito sa demoralisasyon at ibayong pag-atras ng makauring pakikibaka. Higit sa lahat, ito ay pagtraydor sa proletaryong rebolusyon.

Hindi katwiran na “hindi pa handa ang proletaryado na agawin ang kapangyarihan”, “napakahina pa ng kilusang manggagawa” o “hindi pa handa ang hukbong bayan sa kanayunan para agawin ang kalungsuran “ kaya “kailangan munang makipag-alyansa sa isang paksyon ng burgesya”. Ang huli ay hindi lang anti-proletaryo kundi kontra-rebolusyonaryo. Ang katwirang ito ay hindi nakabatay sa istorikal na misyon at karanasan ng uri. Ito ay hindi pagkilala na ang uring proletaryado ang tanging rebolusyonaryong uri sa lipunan at ang papel ng talibang partido ay pabilisin na tataas ang kamulatan at pagkakaisa ng uri. Mas titingkad ang pangangailangang hindi makipag-alyansa ang proletaryado sa burgesya kung hindi pa ito handa na agawin ang kapangyarihan o mahina pa ang kilusang manggagawa dahil tiyak na magpailalim ito sa huli bilang atomisadong mga indibidwal at makagawa ng maraming mistipikasyon at ilusyon na may pag-asa pa sa ilalim ng kapitalistang kaayusan.

Oportunista din ang katwiran na hindi pa hinog ang obhetibong kondisyon para sa sosyalistang rebolusyon. Hinog na hinog na ang obhetibong kondisyon dahil ang pandaigdigang kapitalismo ay nasa permanenteng krisis na. Subalit relatibong nahuhuli ang makauring kamulatan ng manggagawa.

Ang tamang panawagan sa uring manggagawa at maralita sa kasalukuyang pampulitikang krisis ng estado ay:

WALANG KAMPIHAN SA BURGESYA, ADMINISTRASYON MAN O OPOSISYON! SILANG LAHAT AY MAPAGSAMANTALA AT MAPANG-API!

ISULONG ANG SARILING PAKIKIBAKA NG MASANG ANAKPAWIS LABAN SA LAHAT NG MGA PAKSYON NG URING MAPAGSAMANTALA!

ITAYO ANG INDEPENDYENTENG MGA ORGANO NG PAKIKIBAKA NG MANGGAGAWA AT MARALITA! ILUNSAD ANG MGA ASEMBLIYA NG MANGGAGAWA! ITAYO ANG MGA KONSEHO NG MANGGAGAWA!

Sa ganitong laman ng pakikibaka, ang porma ng organisasyon nito sa pakikibaka ay hindi ang multi-sektoral na alyansa o ang mga unyon kundi ang independyenteng mga asembliya at konseho ng manggagawa na magdadala kapwa sa pang-ekonomiya at pampulitikang mga kahilingan ng uri.

Ilunsad sa mga pagawaan at komunidad ang mga mass meetings o asembliya ng mga manggagawa. Ang mga mass meetings na ito ay dadaluhan at pangasiwaan ng mga manggagawa mismo anuman ang kanilang pampulitikang ideya at paninindigan. Sa mga pulong na ito ay lubusang bigyang laya ang mga diskusyon, debate at talakayan sa kasalukuyang sitwasyon at ang mga kahilingan ng uri. Dito isagawa ng mga rebolusyonaryo ang pampulitikang pamumuno sa uri at ang pangunguna sa paglalantad sa mga di-proletaryong kaisipan at panawagan sa harap mismo ng masang manggagawa.

Ang mga asembliyang ito ang magdesisyon ng mga pagkilos at kahilingan. Ihalal nila ang kanilang mga lider na anumang oras ay maari nilang tanggalin sa posisyon kung pagpapasyahan ng asembliya. Ang mga asembliya at konseho ng manggagawa ang mangunguna sa pagbagsak sa burges na estado hindi lang sa paksyong Arroyo. Ang mga ito din ang magiging organo ng pampulitikang kapangyarihan matapos mawasak ang estado at lahat ng mga institusyon nito.

Ibig sabihin, hindi bunga ang mga asembliya sa mga manipulasyon ng mga partido at unyon kundi sa kamulatan at pagkakaisa mismo ng uring pinagsamantalahan. Ang tanging papel ng mga komunista ay linangin na uunlad ang makauring kamulatan at pagkakaisa sa hanay ng mga manggagawa. Ito ang kongkretisasyon sa “ang emansipasyon ng uring manggagawa ay nasa kamay mismo ng mga manggagawa”.

Kung sakaling hindi pa kakayanin ng uri na agawin ang kapangyarihan at mapalitan lamang ang paksyong Arroyo ng isa na namang burges na paksyon, dapat ituloy-tuloy ang pakikibaka laban sa uupo na bagong paksyon at hindi papasok sa gobyernong itatayo nito anuman ang “rebolusyonaryong” lenggwahe na gagamitin nito. Ang mahalaga sa lahat ay malinang ang malawak na makauring pagkakaisa sa hanay ng mga manggagawa. Pabilisin na hayagang lilitaw ang kanyang pagiging rebolusyonaryong uri at maihanda ang buong uri para sa susunod na mga rebolusyonaryong pakikibaka. Ito ang mga pangunahing layunin sa pakikibaka sa kasalukuyang pampulitikang krisis ng sistema.

Hindi maaring pilitin ng mga rebolusyonaryo ang uri kung ayaw pa nilang makibaka sa rebolusyonaryong paraan hanggang aabot sa punto na ang taliba na lang mismo ang makibaka para sa uri. Pero maling-mali din kung magpadala na lang sa agos ng repormismo ang taliba na laganap sa hanay ng mga manggagawa para lamang mapakilos sila at para magkaroon lamang ng “baseng masa”. Ang tamang gawin ng taliba ay ihanda ang uri para sa darating na pagputok ng rebolusyonaryong pakikibaka sa pamamagitan ng walang tigil, tuloy-tuloy na paghikayat sa mga manggagawa sa mga grupo ng diskusyon at sirkulo ng pag-aaral na ang tanging layunin ay maunawaan ng uri ang kanilang tunay na kalagayan sa ilalim ng naaagnas na panlipunang kaayusan at sa pangangailangan ng pagbagsak sa naturang sistema.

Bagamat nasa unahan lagi ang mga rebolusyonaryo sa pang-araw-araw at pang-ekonomiyang pakikibaka ng uri, dapat malinaw na ang tanging layunin ng una ay para ipakita sa huli ang kawalang pag-asa sa mga reporma sa loob ng kapitalismo at ang lubusang pangangailangan at posibilidad na ibagsak ito, hindi ang pagbibigay sa kanila ng ilusyon ng mga “taktikal na tagumpay” sa mga pakikibaka para sa reporma. Higit sa lahat, sa mga pakikibakang ito kailangang mabuo ang kanilang makauring pagkakaisa na walang ibig sabihin kundi ang mga asembliya at konseho ng manggagawa sa teritoryal na antas.

Sa madaling sabi, ang tanging bubuuin at lilinangin sa kasalukuyan ay isang rebolusyonaryong kilusan ng uring manggagawa at hindi repormista na bukambibig ang “rebolusyunistang” pananalita. At lalong hindi ang gerilyang kilusan sa kabundukan na walang anumang hibo ng proletaryong rebolusyunismo.

Kung ang kritisismo ng Kaliwa sa linyang ito ay “mahiwalay ang mangagawa” sa buong bayan (na ang ibig sabihin ay mahiwalay sa burgesya), mas mabuti pang malinaw na mahiwalay ang manggagawa at maralita sa isang paksyon ng nagharing uri kaysa patuloy na magpailalim sa huli. Dagdag pa, kailangan naman talagang paghiwalayin ang burges na linya sa proletaryong linya at dapat malinaw ito na maunawaan ng malawak na manggagawa at maralita.

Makabig lamang ng uring manggagawa ang ibang pinagsamantalahang mga uri (laluna ang magsasaka) sa kanyang panig kung matatag na titindig ang proletaryado bilang independyenteng uri sa alinmang paksyon ng burgesya. At ang ibig sabihin nito sa kongkreto ay ilantad sa harap ng malawak na masa ang pagiging reaksyonaryo ng lahat ng paksyon ng nagharing uri at paghikayat sa kanila na huwag sumama sa anumang pagkilos ng kahit anong paksyon ng burgesya.

Pangalawa, dapat maunawaan ng manggagawang Pilipino na ang kanilang pakikibaka ay hindi hiwalay kundi nagsisilbi para mapalawak ang makauring pakikibaka sa buong mundo dahil ang emansipasyon ng uring manggagawa ay mangyayari lamang kung madurog ang burges na paghari sa internasyunal na saklaw at mawasak ang lahat ng mga pambansang hangganan. Ang sosyalismo ay internasyunal at hindi pambansa. Kailangang maunawaan ng malawak na manggagawang Pilipino na hindi nila interes ang anumang pambansang interes dahil ito ay interes lamang ng uring mapagsamantala at mapang-api. Lalong hindi sa pamamagitan ng pambansang interes malilinang ang makauring interes. Higit sa lahat, nakasalalay ang paglakas ng proletaryong kilusan sa Pilipinas sa paglakas ng militanteng kilusan ng uring manggagawa sa buong mundo at hindi sa paglakas ng malawak na inter-classist na kilusan sa bansa.

MANGGAGAWA SA BUONG DAIGDIG, MAGKAISA!