Submitted by Internasyonalismo on
Takot ang kapitalistang Pilipino na magtagumpay ang manggagawa sa P125 dagdag sahod. Takot sila dahil ganid sila sa tubo, tulad ng mga kapitalista sa buong mundo. Takot sila dahil matatalo sila sa tumitinding internasyonal na kompetisyon sa pamurahan ng sahod at maksimisasyon ng libreng paggawa. Kaya solidong nagkakaisa ang mapagsamantalang uri at estado sa pananakot sa proletaryado hinggil sa P125.
Sa dekadenteng yugto ng kapitalismo, kung saan sagad na ang pamilihan; kung saan tumitindi ang gera at pagkasira ng mundo para makahanap ng superpisyal na “bagong” merkado sa pamamagitan ng pag-agaw nang teritoryo ng ibang kapitalista; tanging ang maksimisasyon na lamang sa pagsasamantala sa manggagawa ang nalalabing paraan para makahinga pa ang naghihingalong sistema.
Gamit ang nakakalasong nasyonalismo, tinatakot ng kapitalistang Pilipino ang proletaryado na makakasira sa pambansang ekonomiya ang P125 dagdag sahod. At dahil makakasira sa pambansang kapitalismo, makakasira din daw ito sa interes ng manggagawa.
Internasyonal ang interes ng proletaryado. Walang pambansang hangganan ang layunin nito. Kahit ang laban sa sahod ay isang internasyonal na pakikibaka. Lahat ng manggagawa sa mundo ay nakibaka para sa pagtaas ng sahod. Higit kailanman ay hindi magkakatugma ang interes ng manggagawa at kapitalista. Ang interes ng una ay wakasan ang pagsasamantala. Ang interes ng huli ay mas patindihin pa ito.
Kagyat na kailangang itaas ang sahod ng manggagawang Pilipino para mabuhay sa kapitalistang pang-aalipin. Katunayan, kulang na kulang pa nga ang P125 sa halos P800 na cost of living sa kasalukuyan. Subalit ang laban sa P125 ay ginawang instrumento ng mga kapitalistang pulitiko at maniobrahan ng nag-aaway na mga pulitiko sa bansa - maka-Gloria at kontra; kongreso at senado. Higit sa lahat, gustong ibalik ng mga pulitiko ang mabilis na naglalahong ilusyon ng manggagawa sa burges na parlamento at demokrasya at ilihis ang uri sa rebolusyonaryong solusyon sa pagbagsak ng kapitalistang estado at sistema para ganap na lumaya sa sahurang pang-aalipin.
Ang mga Kaliwang organisasyon sa Pilipinas ay nalulunod na sa repormismo at ilusyon. Sa pag-aakala na isang mabisang taktika, nakikipaglaro ng apoy ang mga ito sa burges na pulitiko. Sa ilusyon na may kapasidad pa ang dekadenteng kapitalismo na magbigay ng reporma, pinaasa ng Kaliwa ang masa na kayang magbigay ng parlamento. Kaya naman ang kanilang mga pahayag ay “apelasyon” sa kongreso at senado na gawing batas ang P125 at pakiusap sa kapitalista na bawasan ang tubo nila para sa manggagawa. Nanawagan sa manggagawa na lumabas sa kalsada upang “pilitin” ang mga senador na ipasa ang P125 bilang batas. “Nagbabanta” na hindi iboboto ang mga pulitiko na tutol sa dagdag sahod at nagsasabing ikakampanya na manalo sa halalan sa 2007 ang mga kapitalistang kandidato na “pabor” sa P125. Ikakampanya ng Kaliwa ang mga kapitalistang pulitiko na “maka-manggagawa”. Kailan pa nagbago ang mabangis na lobo sa pagiging maamong tupa?!
Kahibangang maniwala ang isang komunista na seryoso ang isang paksyon ng burgesya na isabatas ang P125 sa kasalukuyang yugto ng kapitalismo. At panloloko sa manggagawa kung sabihin sa kanila ang pahayag na ito. Kung sakaling maging batas man ang P125 na walang malakas na independyenteng kilusang proletaryo, marami itong butas na pabor sa kapitalista. O kaya, babawiin agad sa ibang paraan ang dagdag sahod.
Ang dagdag sahod ay hindi makukuha sa apelasyon at pakiusap sa mga walang pusong kapitalistang uri kundi sa pamamagitan lamang ng pagkakaisa ng malawak na manggagawa bilang isang uri sa pakikibaka para sa P125. Magkaisa lamang sila bilang uri kung iwaksi nito ang mga ilusyon ng pag-asa sa unyon at burges na parlamento at kapitalistang pulitiko.
Ang tunay na laban sa sahod ay pagpapaliwanag at paghahanda sa masang manggagawa na kung hindi ibibigay ng kapitalista ang dagdag sahod at sa halip ay magsasara at magtatanggal ng mga manggagawa, ang pakikibaka sa sahod ay kagyat na itransporma sa pagbagsak sa kapitalistang estado at itayo ang lipunan ng manggagawa. Ito ang tamang linya sa usapin ng sahod. Ito ang ekspresyon na sa kasalukuyan ay hindi na pwedeng paghiwalayin ang pang-ekonomiya at pampulitikang pakikibaka ng manggagawa.
Ang tanggalan ng manggagawa at sarahan ng mga pabrika ay nag-ugat mismo sa kawalan ng kapasidad ng dekadenteng kapitalismo na mabigyan ng trabaho ang mga sahurang-alipin nito at wala ng kalalagyan ang paparaming kapitalista sa arena ng kompetisyon ng sistema. Ang pakikibaka sa sahod ay hindi na pakikibaka para sa reporma kundi mitsa para ibagsak ang kapitalistang sistema.
Ito ang tama at rebolusyonaryong kahulugan sa pakikibaka sa sahod sa panahon ng naaagnas na kapitalismo. Tamang linya na tinalikuran ng Kaliwa sa Pilipinas na yumakap na sa oportunismo at repormismo. (Lloyd, 01/10/07)