Corymania: Nagluwal ng Ramos, Estrada at Gloria

Printer-friendly version

Ngayong araw na ito inilibing ang tinagurian ng burges na media na "icon of democracy", "bayani ng mga Pilipino". Ang sinaluduhan ng Kaliwa na "anti-pasistang" personalidad. Ngayong araw na ito inilibing ang isang taong kabilang sa naghaharing uri, naging presidente ng mapagsamantalang kapitalistang estado mula 1986 hanggang 1992.

Hindi na natin iditalye dito kung sino si Corazon Cojuangco Aquino. Labis-labis na ang ditalyeng sinasabi ng buong mapagsamantalang uri sa kanya. Labis-labis na ang mga papuring binanggit ng media, administrasyon, oposisyon at Kaliwa sa kanya. Ang ating isulat dito ay kung ano ang kanyang ginawa bilang tagapagtanggol ng bulok na sistema.

Binalik ni Cory Aquino ang demokrasya

Ang pagbabalik ng demokrasya sa Pilipinas ang bag-as ng lahat ng papuri kay Aquino. Mula sa diktadura ni Marcos ay naging demokratiko muli ang Pilipinas.

Ano ba ang sinasabing demokrasya? Ayon sa mga libro na itinuro sa atin ng burgesya, ang demokrasya ay paghahari ng mayorya. Ang demokrasya ay ang pananaig ng boses ng nakararami. Sa kongkreto, ito ay paghalal ng taumbayan ng mga taong mamuno sa kanila, karapatan sa pag-organisa, pagtitipon, pamamahayag, at iba pang mga karapatang pantao.  

Subalit kahit sa depinasyon ng burgesya ng kanilang demokrasya, sablay na ang anim na taong pamumuno ni Cory.

Totoong binalik ni Aquino ang demokrasya sa Pilipinas. Ngunit ang demokrasyang ito ay hindi bago. Ang demokrasyang ito rin ang pinatupad mula ng "pinalaya" ng imperyalistang Amerika ang Pilipinas matapos ang WW II. Ang tawag dito ng Kaliwa ay "elitistang demokrasya", na isa ring mistipikasyon dahil nais nitong linlangin ang manggagawa at maralita na mayroong "demokrasyang bayan". Kaya naman bukambibig ng Kaliwa na ang umiiral na demokrasya sa Pilipinas kahit sa panahon ni Cory ay "elitistang demokrasya" at patuloy na nakibaka ang Kaliwa para sa "demokrasyang bayan".

Kung susundan lang natin ang hungkag na depinasyon ng Kaliwa, kinakain nila ang kanilang sinusuka. Ang kanilang sinasaluduhan ay ang "elitistang demokrasya" na binalik ni Aquino! At sa harap ng labi ni Aquino ay "nanumpa" ang ilan sa kanila na "ipagtatanggol" nila ang demokrasyang sinimulan ni Cory!

Kung sabagay, hindi naman totoo na may elitista at demokrasyang bayan. Kaya hindi nakapagtataka kung ipagtatanggol ng Kaliwa ang demokrasya ni Aquino.

Ang demokrasya ay isang anyo ng diktadura ng naghaharing uri

Kadalasan, kinukumpara ng burgesya ang diktadura ng isang tao, diktadurang militar sa demokrasya. Ang una ay kasuklam-suklam, habang ang huli ay ang layuning kailangang makamit sa pakikibaka ng masa. Pero dinagdagan pa ito ng Kaliwa: habang hindi sila ang nasa kapangyarihan, ang umiiral na demokrasya ay "elitista". Pero kung sila na ang nasa kapangyarihan, tinatawag na nila itong "demokrasyang bayan". Mas naging komplikado pa ito: dahil maraming paksyon ang Kaliwa na parang kabute na umuusbong at nagpapaligsahan, nagbabangayan, ang "demokrasyang bayan" ay nakasalalay kung aling paksyon ng Kaliwa ang nasa kapangyarihan. Ang wala sa kapangyarihan ay hindi tatanggapin na "demokrasyang bayan" ang ipatutupad ng kanilang karibal na paksyon. Sa madaling sabi, mauuwi lang sa panibagong labanan ng iba't-ibang paksyon sa loob ng nanghaharing uri ang usapin ng demokrasya.

Bilang mga marxista at rebolusyonaryo, alam natin kung ano ang tunay na kahulugan at kongkretong anyo ng demokrasya. Ang demokrasya ay isang anyo ng makauring diktadura ng burgesya para patuloy na maghari sa lipunan at patuloy na magsamantala sa masang anakpawis.

Ang pasismo, nazismo, diktadurang militar at mga kahalintulad nito ay ang kabilang anyo ng makauring diktadura ng mapagsamantalang uri. Sa madaling sabi, sa panahon ng imperyalismo mayroong dalawang anyo ng diktadura na pinaiiral ang kapitalismo, depende kung kalian nila ito angkop na gagamitin: diktadura ng isang tao o isang paksyon at demokrasya.

Sa dalawang tipo ng diktadura, ang huli ang matindi ang mistipikasyon at madaling makapanloko sa pinagsamantalahang masa.

Dahil iisang bagay lamang ang ating pinag-uusapan -- makauring diktadura ng burgesya - na may dalawang anyo, may diyalektikal na relasyon ang mga ito. Ang diktadura ng isang tao o isang paksyon ay nagpapatupad din ng mga demokratikong palamuti habang ang demokrasya ay nagpapatupad din ng pasismo, brutal na panunupil o ang sinasabi nating militarisasyon. Ibig sabihin, hindi nawawala sa dalawang anyo ng diktadura ang panunupil at brutalidad ng isang mapagsamantalang kaayusan dahil ito ang kalikasan ng estado laluna kung nasa panahon na ng pagkabulok ang sistema.

Ang diktadurang Marcos ay nagpatupad ng mga eleksyon at iba pang mapanlinlang na mga reporma. Ang demokrasya ni Aquino ay nagpatupad ng total war policy. Hindi ito kataka-taka. Kahit sa pandaigdigang saklaw at sa kasaysayan, ang demokratikong Kanluran ay magkatumbas lamang ang panunupil at pang-aapi sa Stalinistang Silangan laban sa manggagawa at mamamayan.

Hindi pa naglaho sa ating alaala kung paano minasaker ng demokratikong Amerika ang mga gerilyang Hukbalahap matapos ang WW II. Hindi pa natin nakalimutan ng binomba ng atomika ng Amerika ang Hiroshima at Nagasaki kung saan hanggang ngayon ay pinagdusahan pa ng ilang henerasyon.

"Salamat Cory"

Ito ang mga katagang pinu-popularisa ng media at burgesya. Sa mga katagang ito nais ng naghaharing uri na ikintal sa utak ng malawak na masa na napakalaki ng utang na loob ng huli kay Cory.

Ito ay malaking kasingungalingan!

Walang dapat ipagpasalamat ang mga pinagsamantalahan at inaapi kay Aquino. Katunayan, sa panahon ng kanyang panunungkulan ay naranasan ng taumbayan ang labis na demoralisasyon dahil ang kanilang ekspektasyon matapos ang "People Power 1" ay hindi na-realisa. Nanatiling mahirap, inaapi at pinagsamantalahan ang karamihan.

Si Aquino at ang kanyang Konstitusyon na siyang nagtayo ng demokratikong anyo ng diktadura ng naghaharing uri ang dahilan kung bakit nakabalik sa kapangyarihan ang mga alipures ni Marcos. At higit sa lahat, dumami ang mga apelyido mula sa mapagsamantalang uri na naghahari ngayon sa estado at kongreso.

Hindi ang masang anakpawis ang nagpasalamat kay Cory kundi ang buong naghaharing uri kasama na ang Kaliwa ng burgesya. Dahil kay Cory ay at sa kanyang demokrasya ay nakapasok sa kapitalistang estado ang Kaliwa upang maghasik ng kontra-rebolusyonaryong repormismo sa loob ng kilusang masa.

Si Corazon Aquino at ang kanyang Konstitusyon ang nagluklok kay Ramos, Estrada at Gloria sa Malakanyang.  Ang demokrasya ni Aquino ang dahilan ng salitan ng iba't-ibang paksyon ng naghaharing uri sa kapangyarihan. Ito ang makauring kahulugan ng demokrasya.

Sa isang makauring lipunan, ang naghaharing ideolohiya ay ang ideolohiya ng mga mapagsamantala. Pumapasok ito kahit sa loob ng pinagsamantalahang mga uri. Ito ang tagumpay ng Corymania. Ito ang nangyari kasabay ng pagpanaw ni Aquino.

Talyo, Agosto 5, 2009

 

Site information: