Submitted by Internasyonalismo on
Nanawagan ang iba't-ibang organisasyon ng Kaliwa at burges na oposisyon ng full mobilizations at halos araw-araw na protesta sa kalsada laban sa Con-Ass ni Gloria. Hindi malayong "magmobilisa" din ang paksyong Arroyo ng kanilang mga "taga-suporta" para sa Cha-Cha at maglaan ng milyun-milyong pera para dito at sa propaganda. Ibig sabihin, makikita natin sa kalsada at maririnig sa balita ang "tunggalian" ng dalawang paksyon ng burgesya sa usapin kung babaguhin ba ang lumang kapitalistang Konstitusyon o palitan ng bago sa termino ni Arroyo dahil nagkakaisa naman silang lahat na kailangang baguhin ang lumang 1987 Konstitusyon. Hindi lang naman sila nagkaisa kung aling paksyon ang nasa kapangyarihan sa sandaling baguhin ito at sa paanong paaran -- Constituent Assembly ba o Constitutional Convention.
Ngayon pa lang ay nagtagumpay na ang buong naghaharing uri na ilihis ang atensyon ng taumbayan mula sa kanilang kahirapan tungo sa panonood sa kiskisan ng dalawang paksyon. At maging ganap ang tagumpay na ito kung mapakilos nila ang masang manggagawa at maralita sa usaping ito: maka-Chacha o anti-Chacha NGAYON NA.
Isa pang benepisyo para sa naghaharing uri sa usaping Chacha ngayon ay makumbinsi ang mas maraming tao na lalahok at boboto sa burges na eleksyon sa 2010. Kakambal ng usaping Chacha ay ang pangangailangang matuloy at kapani-paniwala ang eleksyon sa susunod na taon. Ang usaping may eleksyon o wala sa 2010 ay mahigpit na may kaugnayan sa Chacha. Kaya naman lahat ng mga nag-aambisyong tatakbo sa 2010 laluna ang mga "presidentiables" ay gustong matuloy ang eleksyon -- ito man ay mula sa administrasyon o oposisyon. Tanging si Gloria at ang kanyang pamilya na lang siguro ang "nanalangin" na hindi matuloy ang eleksyon.
Ipokrasya ng oposisyon at Kaliwa
Muli na namang naging "militante" ang mga pulitiko at Simbahan. Nanawagan sila na "lumabas sa kalsada" ang libu-libong mamamayan para tutulan ang ChaCha ni Gloria. Handa silang maglaan ng milyun-milyong pera para sa full mobilizations ng masa. Ganun din ang panawagan ng Kaliwa na lantaran ang pakikipag-alyansa sa Simbahan at burges na oposisyon.
Nanawagan ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino ng "work stoppage" laban sa Chacha. Naglunsad ng martsa ang Partido ng Manggagawa sa export processing zone sa Cavite laban sa Chacha. Ang mga maoista naman ay halos araw-araw bida sa kalsada sa pagtutol sa Chacha. Nakahandang "isantabi" ng mga magkaaway na paksyon ng Kaliwa ang kanilang bangayan para "magsama-sama" sa mga malalaking multi-sektoral na pagkilos kasama ang mga "presidentiables" ng oposisyon.
Pero hindi ganito ang kanilang kasigasigan ng full mobilization, "work stoppage", nation-wide mass actions at higit sa lahat, ng "joint mobilizations" ng mag-long march at hunger strike ang mga magsasaka noong 2007 at 2008 para sa "reporma sa lupa" (CARPER). Hindi nanawagan ang BMP ng work stoppage. Walang multi-sectoral nation-wide protests at joint mobilizations. Nagkanya-kanya ng pagkilos ang bawat paksyon ng Kaliwa. Ganun din ang mga maoista sa kanilang "pakikibaka" na isabatas ang kanilang bersyon ng "reporma" sa lupa (GARB). Naiwang "nag-iisa" sa pakikibaka ang masang magsasaka. Salamat na lang at "iniligtas" sila ng Simbahan -- ang isa sa pinakamalaking panginoong maylupa sa Pilipinas.
Nang magtanggalan ang mga kompanya ng libu-libong manggagawa noong 2007-2008, nang pinilit ng mga kapitalista na bawasan ang sahod ng manggagawa sa pamamagitan ng work rotation walang nanawagan ng work stoppage sa BMP, PM, APL, Makabayan at KMU; walang mga malakihang martsa sa mga export processing zones mula sa "organisadong base" ng Kaliwa. Walang nation-wide, coordinated protests actions; walang joint mobilizations. Iniwanan ng Kaliwa ang mga manggagawa. Ang mababasa lamang natin ay mga press releases at statements at nakikita lang ay ang panaka-nakang maliitan at hiwa-hiwalay na mobilisasyon ng kanilang "base" bilang "suporta" sa nakibakang manggagawa.
Mas masahol sa lahat, ang mga alyadong politiko ng Kaliwa mula sa oposisyon ay pipi at bingi sa naranasang atake ng uri mula sa kanilang mga kapitalistang amo at paksyong Arroyo.
Pero ngayon, heto silang lahat: nanawagan ng full mobilizations at araw-araw na protesta sa kalsada sa usapin at isyu na wala namang halaga sa masang anakpawis. Luma o bagong Konstitusyon, Con-Ass o Concon, ngayon o matapos ang eleksyon sa 2010, ang Konstitusyon ng kapitalistang estado ay para ipagtanggol ang mapagsamantalang sistema. Habang ang interes ng manggagawa ay wakasan ang pagsasamantala; wakasan ang paghari ng mga kapitalista.
Para sa mga rebolusyonaryo at komunista sa Pilipinas, hindi lang ang paksyong Arroyo ang mortal na kaaway ng aping mamamayan kundi ang buong naghaharing uri kasama na ang burges na oposisyon at ang Kaliwa ng kapital. Hindi ang usapin ng Konstitusyon ng kapitalistang estado ang mitsa para sa rebolusyonaryong pagkilos ng masang anakpawis kundi ang kanilang araw-araw na masaklap na karanasan sa pagawaan at sakahan. Ito ang mitsa para sa pampulitikang pakikibaka na ang layunin ay ibagsak ang estado hindi para palitan lamang si Arroyo sa Malakanyang. Ang kilusang maka-Chacha o anti-Chacha NGAYON NA ay kapwa kilusan ng burgesya hindi ng manggagawa.
Talyo, 09.06.2009