Submitted by Internasyonalismo on
Noong Enero 25, 2015 sa Mamasapano, Maguindanao ay nagkaroon ng sagupaan sa pagitan ng Special Action Forces (SAF) ng gobyerno at mga gerilyang grupo ng MILF at BIFF. Apatnapu’t apat (44) ang napatay sa pwersa ng SAF na labis na ikinagalit ng mayoriya ng mamamayan na hindi Moro.
Ano ang dahilan ng ispontanyong galit ng maraming mamamayan? Walang kagyat na tulong mula sa iba pang armadong pwersa ng gobyerno na malapit sa Mamasapano, partikular ang Armed Forces of the Philippines (AFP). Galit din ang karamihan dahil sa karumal-dumal na pagpatay sa 44 na SAF.
Sino ang sinisisi? Ang presidente mismo ng Pilipinas na si BS Aquino, ang MILF at ang Bangsamoro Basic Law.
Naging maingay sa social media: patalsikin si BS Aquino bilang presidente at gantihan ang MILF sa pamamagitan ng digmaan. Ito ang “hustisya” para sa kanila.
Ang “mayoriya” na sinasabi namin ay halu-halo: mula sa Kanan, Kaliwa, mga pulitiko, simbahang Katoliko, mga petiburges laluna ang kabataan. At ang dahilan ay ang bugso ng galit dahil sa barbarikong pagpaslang sa kapullisan at kapabayaan ng paksyong Aquino sa kanya mismong armadong pwersa.
Imperyalistang digmaan: Hindi makatao at walang ilusyon na ito ay maging makatao!
Ang karumal-dumal na pagpatay sa 44 SAF ay higit sa lahat bunga ng isang digmaan sa pagitan ng mga paksyon ng naghaharing uri. Ang mga digmaan na nangyayari sa buong mundo ngayon ay sa pangkalahatan isang inter-imperyalistang digmaan. Ang mga ito ay hindi digmaan sa pagitan ng pinagsamantalahan at nagsasamantalang mga uri.[1]
Ang sinasabing “kapayapaan” o “negosasyon para sa kapayapaan” ay sa esensya bahagi ng paghahanda para sa digmaan. Hindi lang sa Pilipinas nangyari ang ilang beses ng mga “usapang pangkapayapaan”. Sa halos lahat ng mga bansang may digmaan ay may “usapang pangkapayapaan” na laging nauuwi sa panibagong digmaan. Hindi na bago sa atin ang ilang dekadang “usapang pangkapayapaan” sa pagitan ng Israel at Palestino, at iba pang bahagi ng Gitnang Silangan at maging sa Aprika.
Ganito ang nangyayari sa pagitan ng kapitalistang gobyerno ng Pilipinas at MILF, MNLF at ng maoistang CPP-NPA.
Tumpak ang suri ng mga komunista noong WW I na ang imperyalismo o dekadenteng kapitalismo ay yugto ng mga digmaan, kaguluhan at rebolusyon dahil dumating na sa yugto na ang mga panloob na mga kontradiksyon ng kapitalismo ay naging permanente na at wala ng solusyon maliban sa ibagsak ang umiiral na bulok na kaayusan.
Ang mga armadong pwersa ng gobyerno at mga gerilyang grupo ay mga instrumento para manatili ang bulok na kaayusan sa lipunan o kaya para maipatupad ang ibang bersyon ng kapitalistang pagsasamantala matapos maagaw ng isang paksyon ang kapangyarihan. Ito ang huwag nating makalimutan kung naintindihan natin ang marxistang pagsusuri sa estado at rebolusyon.
Kaya naman ang tindig ng mga rebolusyonaryong manggagawa mula pa noong pagpasok ng 20 siglo ay tutulan ang mga digmaan, isulong ang pandaigdigang rebolusyon ng manggagawa para ibagsak ang kapitalismo!
Bakbakan sa Mamasapano
Ang naging mitsa ng bakbakan sa Mamasapano ay ang sekretong operasyon ng SAF para hulihin ang 2 internasyunal na terorista na sila Zulkifli Abdhir (aka Marwan) at Basit Usman. Sa punto-de-bista militar[2], nangyari ang gyera dahil sa pumalpak na sekretong operasyon. Walang kaalam-alam ang AFP at MILF sa plano ng SAF.
Pero may mas malalim pang dahilan. Sa panahon ng naaagnas na dekadenteng kapitalismo matapos mabuwag ang 2 imperyalistang bloke ng USSR at USA, ang nangingibabaw sa lipunang kapitalista ay “bawat isa para sa kanyang sarili” at “isa laban sa lahat”.
Maliban na may mga panahon na kailangan ang sekretong operasyon sa usaping militar, ang pangunahing dahilan ng walang koordinasyon ng SAF sa AFP at MILF ay kawalan ng tiwala at ang pagnanais na masolo ang milyones na gantimpala[3].
Ang pagkanya-kanya ng mga makapangyarihang imperyalista sa pandaigdigang antas ay mas lalupang nakikita sa batayang antas.[4]
Ang maraming patay sa panig ng SAF (44) at MILF (18) hindi pa kasama ang mga sugatan sa kabila na may “tigil-putukan” ay sa huling pagsusuri dahil sa “bawat isa para sa kanyang sarili” at “isa laban sa lahat”.
Kampanya “laban” sa terorismo
Kampanya daw laban sa terorismo ang operasyon ng SAF. Alam ito ng Malakanyang at mas dumarami ang datos na may direktang pakikialam sa operasyon ang imperyalistang Amerika.[5]
Kailangang ilantad sino/ano ang dahilan ng paglitaw at paglawak ng mga teroristang organisasyon para hindi tayo malinlang sa mga “kampanya laban sa terorismo” ng malalaking imperyalsitang kapangyarihan at gobyerno.
Una sa lahat, ang terorismo ay nagmula mismo sa mga kapitalistang gobyerno. Sila ang lumikha ng ibat-ibang teroristang organisasyon para labanan ang kanilang mga karibal.[6] Kung hinabol man ng imperyalistang Amerika ang mga teroristang organisasyon tulad ng Jemaah Islamiyah ay dahil hindi na nila makontrol mismo ang mga halimaw na sila ang may likha.
Ikalawa, hindi rin lingid sa karamihan pero minamaliit ng Kaliwa na may kaugnayan ang MILF, MNLF at BIFF sa mga teroristang organisasyon at maraming mga MILF/BIFF local commanders ang alam at pinabayaan lamang ang mga lider ng mga teroristang grupo na malayang makakilos sa kanilang teritoryo.
Ang “kampanya laban sa terorismo” ay inutil at hindi solusyon dahil mismong ang mga pasimuno sa kampanya ang dahilan ng paglitaw at pagdami ng mga terorista.
Noong 2007 naglabas kami ng pahayag matapos paslangin ang 14 na sundalong marines ng tangkain nitong iligtas si Fr. Bossi mula sa nagkakaisang pwersa ng Abu Sayyaf at MILF[7]:
“Ang tamang panawagan ay: Kailangang ibagsak ng manggagawang Moro ang mga kapitalistang Moro (pro-Gloria,[6] anti-Gloria, Abu Sayyaf, MNLF,[7] o MILF[8]). Kailangang talunin ng manggagawang Pilipino ang mga kapitalistang Pilipino (pro-GMA[9] o anti-GMA). Ang mga manggagawa ng mundo ay kailangang ibagsak ang internasyunal na burgesya (Kaliwa man o Kanan).
Sa kasalukuyang permanenteng krisis ng kapitalismo, sa intensipikasyon ng mga digmaan at terorismo sa ibat-ibang bahagi ng mundo kung saan hindi lang ang sangkatauhan ang isinasakripisyo ang buhay at aria-arian kundi ang planeta mismo ay nasa peligrong mawasak, walang ibang solusyon kundi ibagsak ang kapitalismo at itayo ang sosyalismo sa pandaigdigang saklaw; hindi pakikibaka sa reporma kundi rebolusyonaryong pakikibaka. At ang tanging uri na may kapasidad na gawin ito ay ang nagkakaisa at mulat na uring manggagawa, hindi anumang porma ng alyansa sa pagitan ng proletaryado at paksyon ng burgesya. Ang tanging alyansa na kailangang pasukin ng manggagawang Moro at Pilipino ay ang alyansa ng mga manggagawa sa lahat ng mga bansa.”
BS Aquino Resign: Recycled na Panawagan ng mga Repormista at Burges na Oposisyon
Ang oportunistang taktika ng Kaliwa ay pakikipag-isang prente sa isang paksyon ng naghaharing uri. Ito ang tinatawag na “piliin ang hindi masyadong dimonyo” (“choose the lesser evil”). Ito ay nagmula pa noong huling bahagi ng 1920s sa nabubulok na 3rd International hanggang naging bahagi na ng batayang prinsipyo ng “marxismo-leninismo” (stalinismo) at maoismo.
Ang panawagang “Resign!” ay sumikat noong Edsa 2 sa pagpapatalsik kay Erap Estrada. Inulit na naman ito noong panahon ng rehimeng Arroyo at binuhay na naman ngayong panahon ng paksyong BS Aquino.
Ang panawagang “Resign!” ay hindi proletaryong panawagan kundi panawagan ng ibat-ibang paksyon ng naghaharing uri laban sa dominanteng paksyon. At dahil ang Kaliwa ay isa sa mga kamay ng naghaharing uri, tapat nila na sinusunod at pinatutupad ito. Kaya naman hindi dapat ipagtaka kung bakit maraming mga pagkilos na nagkakaisa ang Kanan at Kaliwa ng burgesya sa kabila ng kanilang mga propaganda na “mortal na magkaaway” sila.
Sa kabilang banda, dahil sa paksyunal na tunggalian at kapalpakan sa Mamasapano, muling ginawang alibi ng magkabilang panig ang isyu ng “kapayapaan laban sa digmaan.”
Si BS Aquino ay “para sa kapayapaan” at Bangsamoro Basic Law (BBL)[8] habang ang mga anti-Aquino ay “para sa digmaan” sa Mindanao at ayaw sa BBL. Ang Kanan ay maingay na nagtatambol sa digmaan habang ang Kaliwa naman ay parang bibingka: nanawagan ng pagpapatalsik kay PNoy (kaya nakipagkaisa sa Kanan) pero nais naman na ipagpatuloy ang BBL (o kaya mas radikal na bersyon ng BBL) na wala na si PNoy.
Anu’t anuman, magpatuloy man si PNoy o mapalitan ng ibang trapo, ito man ay TRC/TRG/DCG o eleksyon sa 2016, mananatiling ang naghaharing mapagsamantalang uri ang may kontrol sa ekonomiya at pulitika ng bansa.
Reaksyunaryong armadong pwersa: Mapagpasyang pwersa sa kampanyang BS Aquino Resign!
Hindi ang rebolusyonaryong kilusang manggagawa ang mapagpasyang pwersa sa kampanyang Resign! ng Kanan at Kaliwa ng burgesya kundi ang reaksyunaryong armadong pwersa.
Una sa lahat, ang kasalukuyang balanse ng pwersa ay malinaw na napakahina pa ng independyenteng kilusang manggagawa upang makapag-impluwensya sa pampulitikang direksyon ng inter-paksyunal na tunggalian ng naghaharing uri. At kailanman ay hindi makapagpalakas sa kilusang proletaryo ang pakikipag-alyansa sa isang paksyon ng mga trapo at maging sa paksyon ng reaksyunaryong hukbo (AFP man o NPA o anumang armadong hukbo).
Ikalawa, dahil sa sitwasyon na nakasaad sa una, ang Edsa 1 at Edsa 2 ay nangyari dahil sa sentral na papel ng reaksyunaryong armadong hukbo ng estado. At tiyak, ito pa rin ang mapagpasya sa “tagumpay” ng BS Aquino Resign!
Ang mabuway at napakahinang kilusang manggagawa na impluwensyado ng Kanan at Kaliwa at ng kanilang mga unyon ay tiyak gagamitin lamang ng uring kapitalista at mga burukratang lider-unyonista para maging populista ang anumang pagpapalit ng paksyon sa Malakanyang. At kung magkaroon ng polarisasyon sa pagitan ng pro-BS Aquino at anti-BS Aquino, ay tiyak na magkakasakitan o kaya magkamatayan lamang ang mga manggagawa at maralita sa isang tunggalian na hindi sila ang makinabanang alinman sa mga paksyon ang mananaig.
Huwag magtraydor sa proletaryong prinsipyo ng internasyunalismo at independyenteng kilusang manggagawa!
Una sa lahat kinikilala ng mga rebolusyonaryo sa Pilipinas na napakahina pa nito at napakaliit pa lamang na seksyon ng manggagawa ang seryosong nakikinig sa kanila. Kaya isang ilusyon na mangarap na makapag-impluwensya ito sa kagyat na pampulitikang usapin.
Subalit hindi ibig sabihin na titigil o manahimik na lamang ang minoriyang rebolusyonaryo dahil “walang nakikinig”.
Ito ang sinabi namin noong panahon ng adbenturismong militar ng Magdalo noong 2007[9]:
“Proletaryong layunin at pamamaraan
Ang tanging solusyon sa kasalukuyang krisis ng kapitalismo ay wasakin mismo ito. Rebolusyon ng mga manggagawa lamang ang tanging solusyon sa lumalalang krisis ng panlipunang sistema. Ang rebolusyong ito ay proletaryo kapwa ang layunin at pamamaraan na nakabatay sa mulat na pagkilos ng masang manggagawa bilang isang internasyunal na uri.
Proletaryong layunin: Pagdurog sa kapitalismo at sa burges na estado. Mga pang-ekonomiyang pakikibaka na direktang nakaugnay at nagsisilbi sa pag-agaw sa pampulitikang kapangyarihan.
Proletaryong pamamaraan: Independyente at malawak na kilusang manggagawa na organisado sa mga asembliya at konseho HINDI sa mga unyon.”
Ang tungkulin ng mga komunista sa panahon na mahina o hupa ang kilusang paggawa ay:
“Nasa minoryang mga komunista sa Pilipinas ang mabigat na tungkulin na ipaunawa sa masang manggagawang Pilipino kung ano ang tunay na mga aral na dapat halawin sa kanilang karanasan mula noong 1972 sa panahon ng pasistang diktadura hanggang ngayon at ganun din, sa karanasan ng kanilang mga kapatid sa uri sa internasyunal na saklaw sa loob ng mahigit 200 taon para maintindihan nila ng lubusan na ang Kanan at Kaliwa ng burgesyang Pilipino ay walang pinag-iba; na ang pasismo, militarismo at demokrasya ay walang kaibahan dahil ang mga ito ay sandata ng uring mapagsamantala para supilin ang uring pinagsamantalahan.
Hindi ito madaling gawin dahil napakalakas pa ng mistipikasyon ng demokrasya, nasyunalismo at unyonismo at ng mga organisasyon at partido ng Kaliwa sa Pilipinas. Subalit dapat nating panghawakan ang matibay na paninindigan ng Italian Communist Left sa 1930s kung saan halos nag-iisa ito sa pagtatanggol sa istorikal na interes ng uri at sa internasyunalismo; kung saan ang buong hanay ng Kaliwa — stalinista, trotskyista at anarkista — ay pumasok sa prente popular ng burgesya (united front) at itulak sa nagliliyab na apoy ang milyun-milyong manggagawa sa walang katulad na barbarikong masaker ng inter-imperyalistang digmaan sa kasaysayan; kung saan nag-iisa lamang sa pagtindig ang mga kaliwang komunista sa pagwagayway ng bandilang NO BETRAYAL!”
Proletaryong pagpapasya hindi “karapatan-ng-sariling pagpapasya” ng burgesyang Moro!
Rebolusyon ng manggagawa hindi kudeta gamit ang “kilusang masa”!
Diktadura ng proletaryado hindi koalisyon ng Kaliwa, Kanan, mga trapo, militar at mga Obispo ng simbahang Katoliko!
Alex, 2/15/2015
[1] Kung masaker lang ang pag-uusapan, napakaraming mga masaker sa daan-daan at libu-libong inosenteng sibilyan bunga ng mga digmaan sa buong mundo sa loob ng mahigit 100 taon. At wala ng mas karumal-dumal kaysa dalawang imperyalistang pandaigdigang digmaan. Nitong huli ay nagliliyab ang Gitnang Silangan at Aprika sa mga masaker na kagagawan pareho ng mga gobyerno at rebeldeng grupo. Ang Pilipinas ay hindi rin nagpahuli sa usapin ng mga masaker. Pero iniiwasan ito ng media at ng Kanan at Kaliwa para lamang palakihin ang “masaker” daw sa SAF doon sa Mamasapano.
[2] Mula ng nahati ang lipunan ng tao sa mga uri, naging bahagi na nito ang mga digmaan upang sakupin ang ibang lugar/komunidad at para isulong ang mas abanteng moda (pero mapagsamantala pa rin) ng produksyon. Pero sa sistemang kapitalismo lamang ginawang moderno at “syensya” ang larangang militar. Sa kapitalismo lamang ginawang “syensya” paano kumitil ng mas maraming buhay.
[3] Hindi na lihim na ginawa na ring negosyo at pagkakaperahan ang pagtugis sa mga kriminal at terorista. Ang mga armadong institusyon mismo ng estado ay nagiging mga ‘bounty hunters’ na kaya mahigpit ang kanilang kompetisyon.
[4] Lahat ng mga pangunahing paksyon ay nahati pa sa maraming mga sub-paksyon na may mahigpit na kompetisyon at tunggalian. Kaya naman maging ang pangunahing paksyong Aquino ay nahati sa magkatunggaling mga paksyon. Ganun din ang kanilang mga karibal. Ang “pagkakaisa” ng bawat paksyon ay pangunahin dahil sa kanya-kanyang pansariling interes.
[5] Ang direktang pakikialam ng imperyalistang Amerika sa operasyon sa Mamasapano ay makitid at ideyalistikong pinalaki ng Kaliwa laluna ng maoistang kilusan na ang tonada ay pumalpak ang Mamasapano dahil sa pakikialam ng Amerika. Habang ang imperyalsitang Amerika ang lumikha mismo sa mga pinakamabangis at pinakamasamang teroristang grupo sa mundo hindi lang ito ang nakialam sa mga operasyong militar ng ibang mga bansa. Lahat ng mga bansa, malaki man o maliit ay kundi man aktwal na nakialam kung ito ay may kapasidad ay nagnanais makialam para lamang protektahan ang kani-kanilang pambansang interes. Ilan sa mga halimbawa na lang ay ang Iran, Syria, China at Russia na pawang mga “anti-Amerika”.
[6] Noong panahon ng Cold War parehong ang mga bloke ng USSR at USA ay may sinusuportahang teroristang organisasyon tulad ng Al-Queda ni Bin Ladin na suportado ng Amerika laban sa USSR. Ganun din ang USSR laban sa USA, ang mga “Red Bridages” na naglipana sa Uropa.
[7] https://en.internationalism.org/icconline/2007/july-august/terrorism-phi...
[8] Hindi pa man napinalisa ang Bangsamoro Basic Law (BBL) alam na ng mga rebolusyonaryo na ang pundasyon nito ay para magkaroon ng hatian sa pagitan ng mga mapagsamantalang uri mula sa Luzon/Visayas at mga warlords sa rehiyong Moro sa Mindanao na namumuno rin sa MILF. Ibig sabihin, ang maghahati sa halos nauubos na na kayamanan sa Mindanao ay ang mga naghaharing uri pa rin kasama na ang mga imperyalistang kapangyarihan tulad ng Amerika, European Union, Malaysia at Saudi Arabia.
Pero minaliit ito ng Kaliwa dahil sa kanilang paninindigang “karapatan-sa-sariling pagpapasya” mula sa kaban ng “marxismo-leninismo”. Matagal ng napatunayan na ang “karapatan-sa-sariling pagpapasya” ay karapatan ng uring burges para magtayo ng sariling bansa o teritoryo laban sa uring manggagawa. Ang BBL ay pabor pareho sa mga pangunahing warlords na Moro sa Mindanao at sa malalaking imperyalistang mga bansa.
Kung may mga paksyon man na naghaharing uri na tutol sa BBL ito ay dahil ayaw nilang dadami pa ang makihati sa lumiliit na yaman na pwedeng paghatian o kaya dahil hindi sila kasama sa hatian (tulad ng MNLF at warlords na dating nasa MILF na bumuo na ngayon ng BIFF).
[9] https://fil.internationalism.org/internasyonalismo/201001/154/adbenturis...